192 Oras na Ligaya

Ni: G. Ongleo

Marami sa atin ang umaalis ng bahay kasama ang ating mga kaibigan para magpatanggal ng stress o kaya naman i-reward ang sarili pagkatapos ng isang linggong paulit-ulit na trabaho. Dahil sa dami ng gustong gawin o dapat tapusin, hindi sapat ang dalawa o tatlong araw na ‘day off’ sa trabaho para matapos ang mga pinagplanuhang bagay. Kaya’t ang ilan sa atin ay dumi-diskarte na lamang kung paano maisi-singit ang ating mga plano sa kakarampot na oras at kung paano ito gagawing makabuluhan.

Isa na dito ay si G na sinamalanta ang pagkakataong maglakbay nang makuha niya ang kaniyang leave sa trabaho. Dahil hindi naman kahabaan ang ni-request niyang leave, sinigurado niya na dapat maging makabuluhan ito at hindi masayang. Isang linggo bago ang Semana Santa 2014, nagdesisyon siyang pumunta sa Sagada kasama ang kaniyang kaibigan. Ang mga susunod ay ang kaniyang karanasan noong maglakbay sila sa Cordillera at Sierra Madre.

Handa at nasasabik na kami ng aking kaibigan na maglakbay papuntang Sagada! Ngayong araw na ito ay kakayanin namin makapunta sa ‘Highest Point’ sa Atok, Benguet. Umpisa pa lang ng aming paglalakbay ay bumungad na sa amin ang isang matarik na kalye papuntang Halsema Highway. Nag-trail kami sa Mount Sto. Tomas kahapon at nakitulog sa aming kaibigan sa Baguio, kaya medyo malakas pa at madali naming nalagpasan ang matarik na daan na ito. Ngunit pa-umpisa pa lamang ang aming kalbaryo dahil naghihintay pa ang 145 kilometrong distansiya paakyat ng Sagada. Napakaganda ng mga tanawin dito siguro dahil na rin sa klima at sa taas ng lugar. Makikita mo rin ang mga magsasakang nag-aani at nagtra-trabaho sa kanilang mga palayan ng gulay at bigas. Tunay nga ang sinasabi nila na kailangan mong pumunta sa Cordillera kung mahilig ka sa ‘epic view’.

Bago magsimula ang aming pagbiyahe, pinagpilian muna namin kung saan kami dadaan papuntang Sagada. May dalawa kasing daan papunta dito. Una, ay ang daan na papuntang Kabangan at ang isa naman ay ang Halsema Highway. Dahil nais kong mapuntahan at makita ang ‘Highest Point’, hindi na ako nagdalawang-isip na bagtasin ang Halsema Highway. Nalagpasan namin ang isang matarik na ahon papuntang ‘Halsema Half Tunnel” na lalong nagparamdam sa amin na nasa Cordillera na talaga kami. Lalong pang lumamig ang klima at ang mga abot-kamay na mga ulap na makikita mo lamang sa mga litrato ay nasa harap mo na rin.

Nakarating kami sa ‘Highest Point’ bandang alas-sinko y medya na ng hapon. Dali-dali kaming naglitrato at kumain ng balut habang pinagmamasdan ang mga ulap na humaharang sa ganda ng tanawin at daan. Pagkatapos magpahinga, binagtas na namin pababa ang natitirang 30 kilometro sa madilim at malamig na kalsada na patungo sa aming tutuluyan.

Alas-9 ng umaga noong kami’y nagsimula kinabukasan dahil meron lamang kaming 60 kilometrong lalakbayin papuntang Sagada. Sinulit din namin ang aming oras kumuha ng mga litrato at huminto saglit para pagmasdan ang Cordillera. Mga nagla-lakihang tipak ng bato sa bawat kanto ng bundok ang makikita mo habang naglalakbay ka sa daan na ito. Hindi rin mawawala ang mga masisiglang puno at hayop na nakatingin sa iyo habang ikaw ay tumatawid sa kanilang teritoryo.

Matapos ang apat na oras, nakarating kami sa boundary ng Ifugao at Benguet. Alam namin na malapit na kami sa aming destinasyon at sigurado kami na madali na lang ito dahil ilang kilometro na lamang ang layo nito mula sa Sagada. Ngunit nagkamali kami, nagsimula ang aming kalbaryo habang ina-ahon ang Staunton Road. Mainit at tanghaling tapat noong mga oras na iyon kaya ubos talaga ang aming lakas sa pag-padyak. Hindi ko rin tinitingnan ang paahon na daan na maaaring magpabagal sa akin habang ako’y naglalakbay. May nakita rin kaming mga mountain bikers na paahon at palusong sa nakakapagod na daan. Pagkatapos ng ilang oras na pag-ahon, nakarating din kami sa wakas sa Sagada.

Pangalawang araw pa lang namin sa daang ito at masasabi kong nasulit na ang aking ‘leave’ dahil na rin sa aking nakita at narating. Ngunit ano ang susunod pagkatapos nito? Gusto ko pang makita ang ganda ng lugar na ito! Nag-stay kami sa isang murang bahay at binisita din ang mga iba pang magagandang lugar na makikita dito.

Nagpatuloy ang aming paglalakbay papuntang Banaue. Sementado na ang ilan sa mga daan dito, ngunit ang iba ay kasalukuyang pang ginagawa. Bumungad na rin sa amin ang ganda ng rice terraces at ang mga maliliit na kabahayan na nakapalibot dito. Hindi rin nawala ang aberya sa aking bisikleta, swerte ko na lang at nadaan kami sa isang bike shop sa Bontoc.

Pagdating sa Talubin, nagpahinga kami at kumain ng halo-halo at uminom ng Sting (energy drink) dahil mainit na naman noong mga oras na iyon. Tinuloy pa namin ang aming pag-padyak hanggang makarating kami sa lugar kung saan naaksidente si kaibigang Tado. Dahil sa paliko-liko at mapanganib na mga kalsada, ang pagpaplano at pag-iisip nang maaga habang naglalakbay sa mga daang ito ay napakahalaga hindi lamang para sa iyo kundi pati na rin sa iba.

Pasado alas-singko na ng hapon nang marating namin ang Banaue, medyo matao na dito at sibilisado na. Nagtanong agad kami sa mga lokal kung saan pwedeng tumuloy para magpalipas ng gabi. Pagod at masaya, tinapos namin ang aming araw ng pagkain ng masarap na hapunan (sinigang at kanin) at tig-isang bote ng Red Horse.

Ika-apat na araw na namin sa Cordillera ngunit hindi pa rin kami nagsasawa sa mga tanawin dito. Bawat araw ay may kakaibang nangyayari at nakikita. Patungo na kami ngayon sa Mayoyao, Ifugao at wala kaming kaalam-alam tungkol sa lugar na ito maliban sa isang ilog (Snake River) na nakita namin sa internet. Maganda at tahimik sa lugar na ito at napansin din namin na iba ang istilo ng rice terraces dito kumpara sa mga nakita namin noong mga nakaraang araw.

Habang binabagtas namin ang daan papuntang Mayoyao, napansin namin na unti-unting nagkakaroon ng pulang kulay ang daan. Nagtataka kami kung san galing ang mga pulang kulay na parang dugo kung ito’y pagmamasdan. Ilang minuto pang pag-pedal, nakasalubong namin ang isang sasakyan na naghihintay ng pasahero pabalik ng Banaue. May mga mangilan-ngilan na rin itong sakay na mga lokal na napatingin sa amin at nagtataka kung saan kami tutungo. Maya-maya pa ay isa-isa silang dumura na may halong kulay pulang bagay na galing sa kanilang mga bibig.

Moma! (betel nut/nga nga), isa itong pinaghalo-halong dahon ng Tabacco, Nga Nga at iba pang mga lokal na sangkap na nagbibigay ng lakas kung sino man ang kukunsumo nito. Naubos ang lakas namin sa daan na ito dahil nanaman sa init ng panahon at lubak-lubak na daan. Huminto rin kami sa isang libreng ‘stop-over’ na may view ng rice terraces at mga bahay na nakapalibot dito. Maaga pa nang nakarating kami sa mismong bayan ng Mayoyao. Nag-ikot-ikot muna kami at nagpahinga. Dito na rin kami kumain ng aming tanghalian habang pinagmamasdan ang mga taong nakatitig sa amin na hindi namin alam ang kadahilanan.

Mag a-ala-sais na ng marating namin ang Aguinaldo, umuulan at malakas ang hangin noong hapon na iyon kaya nagmadali kaming maghahanap ng masisilungan. Dahil mahina ang signal ng telepono sa lugar, nahirapan din kaming makakita ng matutuluyan. Awa ng Diyos, napansin kami ng isang lalaki (kapitan ng barangay) at nagtanong kung saan kami magpapalipas ng gabi. Sinabi namin ang aming sitwasyon at tinulungan niya kaming makahanap ng matutuluyan.

Kinaumagahan, maaga kaming nagsimula sa kadahilanang malayo pa ang aming papadyakin ngayong araw na ito. Galing sa Aguinaldo, tutungo na kami ngayon pababa sa Ramon, Isabela. Mahaba-habang lusong ito na nangangahulugang lilisanin na namin ang bahaging ito ng Cordillera.

Nakarating kami sa Santiago, Isabela ,mga ala-una na ng hapon. Maingay, madaming sasakyan, balik sa sibilisasyon at higit sa lahat, patag na daan. Kumain lang kami ng tanghalian sa isang karinderya sa daan at nagpatuloy na sa aming paglalakbay. Nakasalubong din namin ang isang siklista na galing sa Maynila pauwi sa kaniyang probinsiya.

Tinahak namin ang pa-ahong daan papuntang Madella sa Quirino. Mahirap pero okay lang dahil malawak at hindi ganoong karami ang mga sasakyang dumadaan dito. Binisita rin namin ang Aglipay Caves kung saan makikita ang nagagandahang hugis ng bato at lugar panlibangan. Nagpatuloy pa kami sa aming pag-pedal hanggang Madella, Quirino, kung saan kami magpapalipas ng gabi.

Ngayong araw na ito, tatawirin namin ang Sierra Madre upang makarating sa aming susunod na destinasyon sa Baler, Aurora. May haba itong 123 kilometro at sinisigurado kong magiging ‘epic’ ang araw na ito. Dahil walang reception ang aming mga telepono, naghahangad na lang kami na may makita kaming puwedeng mapagtanungan ng daan papuntang Baler. Rough road ang daan dito, ngunit kami ay nag-e-enjoy dahil may mga nakikita pa kaming mga naka-motor at mga manggagawa sa daan. Tahimik naming binagtas ang daan hanggang sa tuluyan nang mawala ito sa gamit naming mapa. Iisa lamang ang daan, ngunit nagpapahirap dito ang sangay-sangay na maliliit na daanan na patawid ng Central Luzon.

Ilang oras na ang nakakaraan at wala pa rin kaming nakikita o nakakasalubong sa daan. Napaisip na lang kami kung ito ba ay tama o may hanganan lang ang kalsadang ito. Sinundan lang namin ang daan hanggang sa nakarating kami sa isang ‘river crossing’ (main road). Sakto naman at may patawid na mamang naka-4WD dito. Kaagad namin siyang tinanong kung tama ba ang aming dinadaanan. Diretsuhin lang daw namin ang daan hanggang sa makarating kami sa boundary. Pinayuhan din niya kami na may dadaanan ang aming batuhan na may mga ugat at sanga pa ng puno. Napaisip kami na hindi pa pala tinitibag ang bahagi ng daan na ito patungong Central Luzon. Kaunting tulak paahon at palusong, nakalagpas kami sa aming unang pagsubok. Nagpatuloy kami sa aming paglalakbay at nakarating sa Baler-Casiguran Road. Agad kaming nagpahinga at nagmerienda sa isang tindahan na magsasara na dahil padilim na noong araw na iyon. Tinanong namin ang may-ari ng tindahan kung malayo pa ba ang Baler. Isa lamang ang kanyang naging sagot, “Naku! Malayo pa kayo!

Tama! Malayo pa nga kami dahil 60 kilometro pa ang distansiya mula sa aming posisyon. Nagdali-dali kaming pumadyak at sinamantala na rin ang patag na daan habang tinitingnan ang linaw ng tubig sa Dagat Pasipiko na nag-uudyok sa amin na pumadyak pa dahil malapit na kami sa aming tutuluyan. Nakakakaba ngunit masaya ang aming naranasan habang binabagtas ang daan papuntang Baler. Walang ilaw sa daan at tanging mga bituin lamang at tunog ng tubig na humahampas sa dalampasigan ang gumagabay sa amin upang makarating kami sa aming destinasyon. Pagkatapos ng 12 oras ng pag-pedal, narating namin ang Baler. Agad kaming nagtanong-tanong kung may libre pa ba bang kwarto para sa aming dalawa. Ma-swerte kami dahil mayroong pang isang kwarto na bakante na pwede namin gamitin para sa gabing iyon.

Ika-pitong araw: Maaga kaming nagising upang kumuha ng mga litrato sa aming tinuluyan. Ang ganda dito at parang gusto ko na lang magpahinga buong araw. Ngunit ako’y nangangarap lamang dahil hindi pa kami tapos sa aming biyahe. Pumadyak pa kami hanggang Cabanatuan (via Pantabangan) at doon na nagdesisyon na sumakay na lamang ng bus (dahil madilim na) at huwag nang padyakan pa ang natitirang 82 kilometrong kalsada. Tinapos namin ang aming paglalakbay na may ngiti sa aming mga mukha habang inaabangan ang muling pagkakataon na gumala sa ating bansa.

Ang pagbibisikleta naming ito ay puno ng karanasan mula sa aberya sa daan, bagong lugar na natuklasan, pagkakakilanlan sa sarili, pagkakakita ng ibang kultura, at madami pang iba. Masasabi ko lang na naging masaya ang aking ‘leave’ at wala akong nasayang na oras sa epikong paglalakbay na ito.

Leave a Reply