Leave No Trace

Sa panahon ngayon, marami sa atin ang gustong maglibang upang makalayo sa stress at ingay ng lungsod. Sino ang hindi nanabik pumunta sa mga magagandang lugar na hatid ng ating bansa?

Sino ang hindi nanabik magpakuha ng litrato na may epic background? Ngunit sa paulit-ulit na pagbisita ng tao sa mga lugar na ito, hindi natin napapansin na may malaki pala itong epekto sa kapaligiran. 

Dahil dito, masuring inaral at inilapat ng mga eksperto ang mga prinsipyong magpapanatili sa kagandahan ng Inang Kalikasan. Ang mga dinesenyong prinsipyo ng ‘Leave No Trace’ ay gabay lamang upang mapreserba ang ating likas na yaman. Maaari pa rin itong madagdagan o mabago depende sa pag-aaral ng mga eksperto.

Para sa inyong kaalaman: Ang mga ‘Karagdagan’ ay base lamang sa karanasan ng iba, ang Padyak Tahak ay bukas sa anumang kumento at karagdagang ideya at kaalaman upang mapanatili ang mga prinsipyong ito.

A. Magplano at Maghanda.

Magplano at pag-aralan ang pupuntahang lugar, ang kapaligiran nito, ang panahon, at ang kakayahan bago simulan ang paglalakbay. Malaking tulong ito upang mabawasan ang epekto ng pagkasira ng lupa at iba pang likas na yaman.

Karagdagan: Tiyakin din na mayroon kang ibang plano kung sakaling hindi masunod ang unang ideya. Kung may nangyaring masama, hindi nakakahiyang umuwi at ipagpaliban na lang sa ibang araw ang biyahe.

B. Maglakbay at mag-camp lamang sa mga tamang lugar o daan.

– Alamin at intindihin ang lugar kung saan itatayo ang tent

Pumili ng tamang lugar kung saan itatayo ang tent. Mas maliit ang tiyansang masira ang lupa kung ikaw ay magtatayo ng tent sa semento, buhangin o sa mga lugar na walang masyadong halaman. Pumili rin ng lugar na malayo sa tubigan upang magbigay-daan sa mga hayop sa kagubatan. Siguraduhing sumunod sa mga tuntunin at regulasyon kung magpapalipas ng gabi sa isang campsite.

Karagdagan: Kung dumidilim na at malayo ka pa sa iyong campsite, piliin ang pinakamagandang lugar kung saan maaaring itayo ang tent. Alamin kung legal ang napiling lugar at siguraduhing malayo ito sa panganib. Tandaan, huwag mag-iwan ng bakas pagkatapos gamitin ang lugar.

– Gamitin ang tamang daan upang maiwasan ang pagkasira ng lupa at mga halaman na nagsisilbing pagkain ng ilang hayop sa kagubatan. 

Karagdagan: Kung hindi talaga maiwasang tahakin ang tamang ruta dahil nawala o limitado ang nabigasyon sa lugar, siguraduhin na lamang na bawasan ang iniwang bakas para hindi na muling daanan pa ng ibang naglalakbay.

C. Huwag mag-iwan ng basura at ugaliing itapon ito sa tamang lugar.

– Pack in and Pack out

Ang katagang ‘Pack in and Pack out’ ay isa sa mga dahilan upang mapreserba ang ganda ng lugar. Ugaliing itapon sa tamang lugar ang basura na mako-konsumo. Kung makakita naman ng ibang kalat, pulutin na din ito at itapon.

– Call of nature

Maghukay ng anim hanggang walong pulgada kung ikaw ay dudumi at siguraduhing malayo ito sa water source, daan at campsite (mga 200 hakbang). Takpan ang butas kapag natapos na. Sabuyan din ng kaunting tubig ang ihi para mabawasan ang negatibong epekto nito sa kapaligiran. 

Kung may palikuran sa tutuluyan, mas maiiging gamitin ito at siguraduhing maayos ito pagkatapos gamitin. Ugaliing hugasan ang mga panlutong ginamit malayo sa pinagmumulan ng tubig.

Karagdagan: Ang simpleng pagpulot ng basura ay malaki ang epekto sa kapaligiran at sa mga mata ng ibang tao.

D. Huwag mag-uwi ng bagay na galing sa kabundukan.

Huwag istorbohin ang natural na kapaligiran, maaaring ginagamit ito ng ibang mga hayop upang mabuhay. Iwasang mag-vandal at huwag mag-uwi ng kahit anumang bagay na galing sa kabundukan. 

Karagdagan: Sa mga pambansang parke at iba pang mga protektadong lugar, ilegal ang pagbago at pag-alis ng mga natural na yaman.

E. Bawasan ang epekto ng campfire.

Alamin ang sitwasyon ng lugar kung gagamit ng campfire, alamin din kung legal ang campfire sa campsite. Kung maaari, gumamit lamang ng camp stove para makaiwas sa anumang panganib.

Karagdagan: Kung mag-sisindi ng apoy, sindihan ito sa sa nakatakdang lugar at panatiling maliit ang apoy. Siguraduhing linisin ang naiwang bakas pagkatapos itong gamitin.

F. Igalang ang mga makikitang hayop o anumang may buhay sa kagubatan.

Huwag pakainin ang mga makikitang hayop sa kagubatan, maari silang magkasakit o maging agresibo sa tao kung masasanay silang pinapakain. Huwag din silang tawagin o lapitan kung sila ay kumakain.

Karagdagan: Kung makakasulubong sila sa daan o trail, hangga’t maaari ay huminto at hayaan silang makadaan o makatawid sa kanilang pupuntahan.

G. Magbigay ng respeto sa ibang mga tao.

Magbigay RESPETO sa mga lokal, sa mga kapwa manlalakbay at sa iba pang maka-kasalubong sa daan.