ni: B. Javier
Anim na taon na ang nakalilipas, naglakbay ako mula Sydney patungong Adelaide gamit ang aking bisikleta. Nakarating na ako sa silangang bahagi ng bansa at masasabi kong maganda ang mga tanawin doon. Ngayong may isang buwan akong pahinga, naisipan kong tuklasin naman ang gitnang bahagi ng bansa. Ito ang aking pangalawang malayuang biyahe dito sa Australia, kaya medyo kinakabahan pa rin ako. Tatlong bagay lamang ang nasa isip ko bago ko ipagpatuloy ang paglalakbay na ito.
Una, ang plano ay maglakbay mula Sydney, New South Wales hanggang Adelaide, South Australia.
Pangalawa ay ang makita ang “outback”. Nakakita at nakabasa na ako ng iba’t ibang dokumentaryo tungkol sa lugar na ito noong ako’y high school pa lamang, kaya talagang na-intriga ako sa bahaging ito ng bansa. Dahil hindi naman ito ganoon kalayo sa aking ruta, napagpasyahan kong tingnan na rin ang lugar na ito.
At ang panghuli ay bisitahin ang ilan sa mga lugar kung saan nakatira ang mga tradisyunal na may-ari ng lupaing ito.


Ahon, ahon at isa pang matarik na pag-ahon! Unang araw pa lang ng biyahe at mukhang susuko na ako. Bandang alas-7 ng gabi, nang tumawid ako sa Great Western Highway patungo sa rehiyon ng Central Tablelands. Walang masyadong sasakyan sa kalsada noong gabing iyon, kaya medyo komportable ang biyahe ko. Mayroon ding isa’t kalahating metrong espasyo sa gilid ng kalsada para sa mga masisiraang sasakyan at sa mga siklistang bumibiyahe patungo sa kanlurang bahagi ng rehiyon.
Mag aalas-sais na ng umaga nang marating ko ang simula (point A) ng plinano kong ruta. Nagsisimula na ring sumikat ang araw ngunit malamig pa rin at mahangin noong umagang iyon. Naghanap agad ako ng bukas na tindahan para makabili ng kape at almusal. Pagkatapos ng labinlimang minutong paghahanap, sa wakas ay nakakita ako ng bukas na panaderya. Habang kumakain ako sa loob ng tindahan, napatingin sa akin ang ilang matatanda at nagtanong kung saan ako galing. Inaantok at hindi pa nagto-toothbrush, sinabi ko sa kanila na nagsimula ako sa Sydney simula pa kagabi. Nagulat sila at hindi makapaniwala sa narinig. Tinanong ako ng isa pang matandang lalaki tungkol sa aking destinasyon. Nagulat na naman sila nung sinabi kong pupunta ako sa Adelaide dala ang bisikleta ko. Para akong isang sikat na artista na pinag-uusapan ng mga kabataan noong umagang iyon at hindi ko din talaga inaasahan na kakalat ang trip ko sa buong tindahan. Pagkatapos ng diskusyon ay agad akong nagpaalam sa kanila.
Nagpatuloy ako sa pag-pedal para makarating sa susunod kong destinasyon. Tahimik at hindi masyadong traffic sa lugar na ito, isa lang ang ibig sabihin noon, nasa probinsya na ako. Tama! Nasa kanayunan na ako, may magagandang tanawin, mga ektarya ng ubasan, at higit sa lahat, malayo sa realidad!
Alas-tres na ng hapon nang makarating ako sa aking campsite. Dinala ako ng antok, pagod, at gutom sa brutal na kalsadang ito, ngunit masaya ako na narating ko na ang rehiyon ng Central Tablelands. Hindi na ako makapaghintay kumain at magpahinga para sa mga susunod na araw.


Late akong nagising kinabukasan dahil sa sakit ng katawan. Wala akong choice kundi gumising dahil kailangan kong mag-pedal ng 100 kilometers ngayon para makarating sa next stop ko. Nag-inat ako, nag-almusal at uminom ng gamot para maibsan ang sakit ng katawan ko. Matapos ang ilang oras na pag-pedal narating ko na rin ang WiradJuri Country.
Ang Wiradjuri ay ang pinakamalaking grupo ng mga aborigine sa Central New South Wales. Mayroon din silang malalim na koneksyon sa Murrumbidgee River at sa paligid nito dahil nagbibigay ito ng pagkain, kagamitan, at tirahan para sa kanila. Sa aking paglalakbay sa rehiyong ito, binisita ko rin ang ilan sa mga lugar kung saan makikita ang mga modernong sining. Gawa ng mga lokal na aborigine, ang sining na ito ay nangangahulugan lamang na ang kanilang koneksyon sa kapaligiran ay napakahalaga.
Pagkatapos kong maglibot sa lugar ay agad akong pumunta sa aking tinuluyan. Kumuha ako ng murang motel kung saan may saksakan ng kuryente (para mag-charge ng power bank, kamera at phone) at may mainit na tubig sa banyo (dahil sa mababang temperatura tuwing umaga).


Maaga akong nagising kinaumagahan at ramdam ko na naka-recover na ang aking katawan. Simulan na ang ikatlong araw ng paglalakbay!
Pasado alas-dos na ng hapon nang makarating ako sa Shire of Bland. Maliwanag pa ang araw ng mga oras na iyon, kaya minabuti kong mag-pedal pa ng kaunti at samantalahin ang sikat ng araw. Habang naglalakbay ako papunta sa susunod kong destinasyon, bigla akong hinarang ng isang security vehicle na nakahinto sa gilid ng daan. Kinabahan ako kasi akala ko may nagawa akong violation sa kalsada. Tinanong nila ako kung saan ako pupunta at kung okay lang ako. Pagkatapos ng ilang minutong pagtatanong, sinabihan lang nila akong tumabi sa gilid ng kalsada dahil may trak na dadaan. Lumingon ako at nang makita ko ang trak (na may overload sign), laking gulat ko na may dala itong buong bahay sa trailer nito. Sakop nito ang buong lapad ng kalsada! Dahil sa sobrang tuwa at gulat ko sa nakita ko, hindi ko na ito nalitratuhan. Sayang!



Ipinagpatuloy ko ang aking paglalakbay palabas ng Central patungo sa rehiyon ng Outback New South Wales. Komportable din ako ngayon dahil ayon sa Google Maps, halos patag ang daan patungo sa susunod kong campsite.
Mga 80 kilometro pa ang layo ko mula sa aking susunod na destinasyon nang bigla kong napansin na umiimpis ang gulong ko sa harapan. Inayos ko agad ito at muling pumadyak. Wala pang 10 kilometro ang nakalilipas, napansin kong lumalambot na naman ang gulong ko. Tiningnan ko ulit ito at napansin kong may maliit na hiwa sa gilid at unti-unti na rin itong nauupod.
Kailangan ko na ng bagong gulong!
Nag-alala ako dahil walang mga tindahan ng bisikleta sa lugar at ang susunod na bayan ay malayo pa. Tinatamad din akong ayusin ito dahil na din sa init ng araw. Tuwing limang kilometro, naglalagay ako ng hangin sa aking gulong para lang makarating sa susunod na bayan. Pagdating ko sa isang sibilisadong bayan, naghanap agad ako ng tindahan ng bisikleta. Walang bike shop dito, pero may motorcycle shop. Tinanong ko kaagad ang may-ari kung may alam silang tindahan na nagbebenta ng mga gulong para sa aking bisikleta, sinabi nila na wala silang ideya tungkol sa mga tindahan na pwedeng mabilhan ng gulong. Sinabi rin sa akin ng may-ari na ang susunod na tindahan ng bisikleta ay halos isang oras sa pamamagitan ng kotse. Nanghina ako at biglang nawalan na ng pag-asa. Pagkatapos noon, lumapit sa akin ang isang matandang manggagawa sa tindahan at sinabihan akong subukang magtanong sa isang pagawaan ng motor malapit sa parke. Agad akong pumunta at pagdating ko doon ay may nakita agad akong isang pares ng 26×1.95 na gulong na nakatambak sa sulok. Alam kong gamit na ang mga ito, pero tiwala akong tatagal pa ito ng ilang araw sa kalsada. Tinanong ko ang may-ari kung ibinebenta niya ang mga gulong ng bisikleta. Sinabi ko rin ang sitwasyon ko na malayo pa ako sa susunod kong destinasyon at kailangan ko na talagang magpalit ng gulong sa harapan.
Pagkatapos ng paawa-effect, sinabihan ako ng may-ari na kunin na lang ang mga gulong at ituloy na ang aking paglalakbay. Kinuha ko ang pinakamagandang gulong at nagpaalam na ako sa may-ari ng tindahan.
Sa wakas, mapagpapatuloy ko na rin aking paglalakbay papuntang Outback, New South Wales.




Gabi na nang makarating ako sa susunod na campsite, ramdam ko ang pagod ngunit masaya dahil sa mga hirap na nalagpasan ko sa daan. Nadaan ko rin ang isang road sign na may nakasulat na “Welcome To Outback NSW” na lalong nag pa-excite sa akin.
Pagkatapos ng anim na araw sa Widradjuri Country, nasa bahagi na ako ng outback . Hindi na rin ako makapaghintay na silipin kung ano ang itsura nito.



Maaga akong nag-impake kinabukasan dahil gusto ko talagang makita ang daan papunta sa outback. Nagtimpla ako ng tsaa at kinain ang malamig na Spam na nasa lata pa noong umagang iyon. May halos 600 kilometro pa ang layo mula sa aking destinasyon, ngunit hindi ako nag-alala dahil nasa kalahati na ako ng buong ruta. Bago ako tumungo sa Outback, dumaan muna ako sa isang tindahan para bumili ng aking pagkain para sa susunod na mga araw ng paglalakbay. Dalawang tindahan at daan ang aking pinagpilian. Ang una ay ang apat na kilometrong gravel road habang ang pangalawa ay anim na kilometrong kalsada na tatawid sa kabilang state (Victoria) gamit ang tulay. Dahil hindi naman kalayuan at gusto ko rin makita ang ganda ng Victoria, hindi na ako nag dalawang-isip na tumawid ng tulay.
Nandito na ako sa Victoria! Medyo iba ang karanasan ko noong tumawid ako sa border. Maraming tao, sasakyan at tindahan kumpara sa pinanggalingan ko noong mga nakaraang araw. Nakabili na ako ng mga pagkain ko at nang magbabayad na ako, bigla akong napatingin sa isang trabahador sa tindahan. Kamukhang-kamukha niya si Derek Rose ng Chicago Bulls, iniisip ko pa rin kung siya nga ba ito o kamukha niya lamang. Muli akong tumingin sa paligid at napansin kong hindi nagkakalayo ang kanilang itsura sa isa’t isa. Bigla kong naalala na nasa isang bahagi pala ako ng estado kung saan medyo malaki ang populasyon ng mga aborigine. Natutuwa akong makita sila dahil wala akong masyadong nakikitang mga grupo ng aborigine sa Sydney. Pagkatapos kong bayaran ang aking pinamili, lumabas na ako sa tindahan at nagpatuloy na sa aking paglalakbay.
Umaga pa rin nang makarating ako sa isang bahagi ng Outback. Ang itsura nito ay hindi nalalayo sa mga napapanood ko sa telebisyon. Kakaiba talaga ang paligid, ang pulang lupa, at mga halamang naninirahan dito. Kinuha ko agad ang camera ko at naglitrato. Pagkatapos ay tiningnan ko ang aking mapa at nakita ko na ang daan kung saan ko kumuha ng litrato ay may lusot patungong South Australia. Sinubukan ko ang daan at tiningnan kung ito’y komportableng daanan. Mga ilang oras (30 kilometro) ay nagpasya akong bumalik sa aking orihinal na ruta dahil sa gravel road na nagpahirap sa aking pag-pedal. Kailangang mas malapad ang gulong ko para hindi lumubog ang gulong ko sa kalsadang ito. Bago ako tumungo sa sementadong kalsada, nagpahinga muna ako saglit at nangarap na makabalik sa lugar na ito balang araw.


Nalagpasan ko ang boundary ng New South Wales at South Australia mga bandang alas-dos na ng hapon. May quarantine location dito at kailangan mong iwan at itapon ang prutas at gulay na nagdudulot ng pagkalat ng fruit fly sa state (kung ikaw ay may dala). Nakasalubong din ako ng isang manlalakbay na taga-New Zealand at nasa daan na ng dalawang buwan.
Kumpara sa New South Wales, ang South Australia ay medyo mainit sa umaga ngunit malamig sa gabi. Makikita mo rin dito ang naglalakihang ubasan na nasa lambak ng Barossa at isa sa mga dinadayong lugar sa South Australian Outback, ang Flinders Range. Dahil sa malawak na pagkakaiba-iba ng heograpiya na matatagpuan dito, ang Australia ay talagang magandang lugar upang bisitahin. Mula sa mga tropikal na kagubatan hanggang sa mga bundok na nababalutan ng niyebe at walang katapusang disyerto, hindi maikakaila na ang bansang ito ay isang kanlungan ng mga adventurer na katulad ko. Nagpatuloy ako sa aking paglalakbay at tumuloy sa isang murang campsite malapit sa pampang ng Murray River habang pinapanood ang paglubog ng araw at nag-iisip ng panibagong pakikipagsapalaran sa hinaharap. Inabot din ako ng dalawa pang araw para marating ko ang aking huling destinasyon.
Naging masaya ako sa aking paglalakbay lalong-lalo na noong naranasan ko ang pakikisalamuha sa mga lokal ng bawat rehiyong aking napuntahan. Malayo sa ingay ng lungsod, masasabi ko na ang pagbisita sa mga tahimik na lugar ay tiyak na mapapawi ang iyong pagod habang tinatangkilik ang ganda ng tanawin nito. Nag-aalok din ito ng kalayaan upang makatakas sa depresyon at presyon ng buhay urban.


Leave a Reply