BAKAS 2
ni: BATJ
Taong 2014 noong una kong narinig ang PFC/PFAS (per- and polyfluoroalkyl substances) sa net, medyo naguguluhan at hindi ko pa naiintindihan kung ano ba talaga ito at ano ang impact nito sa akin. Ang alam ko lang na mga (negative) compound na may impact sa atin noon ay ang CFC (chlorofluorocarbon) na malamang naituro sa atin noong nag-aaral pa tayo. Nag-research pa akong mabuti (around 2015) at nalaman ko kung ano ba talaga itong ‘forever chemicals’ na kanilang tinatawag.Â
Sa aking pagre-research, nalaman ko na aksidente pa lang naimbento ang mga substances na ito at napakaraming klase pala nito. Most likely, lahat ata ng gamit natin sa bahay ay gawa o may halo nito. Andyan yung panluto nating Teflon, mga food packaging, plastic bottle at mga waterproof/water resistant na mga kagamitan. Kung ide-define ko ito nang mabilisan, ang PFAS ay mga synthetic compounds (na hindi basta-basta nabre-breakdown) na gawa ng tao upang mabuti at mapa-easy ang ating buhay. Ngunit sa kabilang pahina ng libro, ay ang isang malaking tanong, paano ba natin ito pwedeng makuha at ano nga ba ang epekto nito sa atin at sa kalusugan/kapaligaran.Â

Maari nating makuha ito kung aksidente tayong uminom ng kontaminadong tubig na may PFAS; pwede rin kapag nalanghap natin ito galing sa hangin; kung gamit mo sa panluto ay mga non-stick cookwares at syempre mga produkto na gawa sa PFAS. Kapag ang mga substances/kemikal na ito ay humalo sa ating katawan, maaari tayong magka-cancer at iba pang mga sakit. Bale, as an outdoor person, aaminin ko na nakapag-contribute na ako sa kapaligiran ng mga kemikal na ito. Ibabahagi ko lang kung ano pa ang additional na bakas na naidulot ko na sa kapaligiran (sorry naman!) Isinama ko rin dito kung ano ang mga hakbang o ginagawa ko para mabawasan o hindi na makapag-chip in ng mga negative substances sa environment.Â
a. Isang halimbawa ay ang pagsuot ko ng rain jacket kapag umuulan habang nasa outdoor. So bale ang nangyayari, yung tubig-ulan na ni-repel ng jacket kong may PFAS substance ay didiretso sa lupa at maaaring humalo ito sa mga freshwater na pinag-iinuman ng mga iba pang hayop sa area. At kung hindi naman doon mapupunta, aagos naman ito pababa sa mga ilog. Sa totoo lang, hanggang ngayon, may kapote pa ako na talagang not PFAS free (gamit ko ito sa pagbi-bike, makapal kasi ito at malaki ang naitutulong) pero meron din akong PFAS free na rain jacket.Â
-Kaya naman sa mga bike adventure ko, itinatapat ko ito ng summer o sa mga araw na walang ulan ang aking magiging biyahe. Sa aking tancha, simula 2016, mga 10 beses na siguro akong naabutan ng solid na ulan habang ako ay nasa wilderness (kasama na dito ang bush walking at pagbibisikleta). Sa sampung beses na iyon , 7 na beses kong suot ang PFAS free na jacket.
b. Isa pang halimbawa ay ang paggamit ko ng mga damit na hindi PFAS free, well, aaminin ko, mahirap, kasi hindi naman ako palabili ng mga damit (unless kailangan ko talaga ito). Yung mga damit ko dito halos ay hindi PFAS free (pero meron din naman akong iba na PFAS free).
-Bale kapag lalabas ako ng bahay para magbisikleta o maglalakad at alam kong forecast ay uulan, ang ginagawa ko na lang e pinipili at isinusuot ko na lang ang mga damit kong PFAS free. Medyo mahirap ito (pero carry naman) kasi minsan hindi naman uulan at minsan gusto mo wala kang dalang rain jacket.
c. Sa tent naman na gamit ko, hindi ko masasabing PFAS free ito. Dahil nga yung fly at iba pang parts nito ay waterproof. Pero sabi ng manufacturer ng tent ko ay may mga materials sila na walang forever chemicals.
-Sa sitwasyon namang ito, kung may bike ride ako. Tinitingnan ko na lang talaga ulit yung weather forecast para at least alam ko kung saan ako mag-stay kung mag-camp ako.

Sa mga nabanggit ko sa taas, ito ay nasa hanay lamang ng outdoor; wala pa dito yung contribution sa bahay (paglalaba, paghuhugas, pagligo, pagluto, etc.). Ang ibig sabihin lang nito ay ou, nasa dugo o dumadaloy na sa katawan ko ang mga kemikal na ito. Hindi kapansin-pansin externally o internally, pero malamang marami na rin sa atin ang nakakuha nito. Hindi pa naman huli ang lahat para sa mga next generation, may mga options pa din naman kahit papaano. Ang mga susunod ay pwede nating maging hakbang upang mabawasan ang pagkalat ng mga substance/s na ito.Â
a. Siguro ang the best way ay edukasyon tungkol dito, para aware ang mga kapatid natin sa isyung ito (maaring makita ang isang study ng DOST sa isyung ito, i-type lang a mga salitang ‘DOST forever chemicals’).
b. Kung bibili ng produkto, check muna kung saan gawa ito. Mahirap ito sa ating bansa gawa ng wala pa talaga tayong law or malalim na study tungkol dito. (sana makapaglabas o makaimbento ng alternatives para dito, pero nabasa ko na may nakapag-develop na ng method kung papaano i-breakdown ang mga kemikal na ito).
– Halimbawa rin nito ay sa mga pabrika na kadalasang gumagamit ng PFAS sa kanilang mga proseso ng produksyon nang walang wastong sistema ng pamamahala ng basura. Bilang resulta, ang mga kemikal na ito ay maaaring tumagas sa suplay ng tubig, na nakakaapekto sa parehong inuming tubig at mga lupang pang-agrikultura.
c. Pwede ring magkaroon ng local clean-up (or pagre-recycle) ang isang area para mabawan ang pagkalat ng forever chemical sa kapaligiran.Â
d. Maari rin makatulong ang mga ibang outdoor enthusiasts (or mga outdoor content creator) advocacy groups, at kahit tayong ordinaryong adventurer na ipalaganap sa lipunan kung ano ang naidudulot ng forever chemicals.

Sa pamamagitan ng kamalayan, responsableng pagbili, aktibong pakikilahok sa komunidad, at adbokasiya, nakakatulong ito hindi lamang sa ating pagmamahal sa kalikasan kundi pati na rin sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon. Sa pamamagitan din ng pagsanib-puwersa, maaari nating maitulak ang batas na naglilimita sa paggawa at pagpapalabas ng mga kemikal na ito.