BAKAS
ni: BATJ
May bago na naman akong nakitang ruta sa internet at mukhang exciting at challenging ang trail na ito. Nasa gitna ito ng kabundukan sa Silangan at tiyak na ilang araw ko rin itong tatawirin. Papahirapan ko na naman ang sarili ko at siguradong pagdating ng ikalawa o ikatlong araw ay sasabihin, “Gusto ko nang umuwi!” Pero sa totoo lang, masaya talaga ako sa tuwing nagbibisikleta ako papunta sa mga tahimik at hindi gaanong civilized na lugar. Isa rin sa aking assignment ay ang malaman kung papaano ko mababawasan ang aking bakas papunta sa aking minimithi na lokasyon.
Alam natin na sa bawat daan natin sa mga iba’t-ibang ruta, dirt man ito o hindi, ay nag-iiwan tayo ng bakas na nagmumula sa gulong ng ating bisikleta. Dahil sa sitwasyong ito, nagkakaroon ito ng pagbabago sa katangian ng lupa at kung minsan naman ay nakakaapekto ito sa iba pang mga bagay na naninirahan sa lupa. Naisip ko tuloy kung paano ko ito magagawa nang hindi masyadong naaapektuhan ang kapaligiran. Gumawa at gusto kong ibahagi sa inyo ang aking listahan (na may opinyon/karanasan) ng mga bagay kung papaano ko pwedeng mabawasan ang epekto ng aking pagbibisikleta sa rutang aking ginawa. Sana makatulong din ito (kahit kaunti) sa inyo na nagbabasa nito.

A. Iiwasan ko ang pagdaan sa hindi pa nagagawang ruta.
Aminin na natin ang iba sa atin ay mahilig mag-shortcut, mas bilis ito at mas madali kumpara sa aktwal na trail na iyong babagtasin. Ngunit ang paggawa ng hindi pa na-establish na trail ay napakalaki ng epekto sa lupa at sa mga hayop na nainirahan dito. Wala namang masama na mag-shortcut o kung ikaw ay naliligaw sa trail, kailangan mo lang alamin kung may masisira/mapeperwisyo ka na mga bagay (na may buhay) na maaaring magpabago sa kanila o sa sitwasyon ng lugar. Ugaliin din na i-check muna bago gumawa ng hakbang. Kung kaya, tanungin muna ang mga lokal kung okay lang bang dumaan sa nakitang ruta sa SM sites/maps.
B. Iiwanan ko at hindi iuwi/galawin kung ano ang nakita sa daan.
Sa aking opinyon, ang pag-uuwi ng souvenir ay isang mabisang paraan upang maalala mo kung ano ang mga hindi makakalimutang nangyari noong panahong iyon. Dalawang beses pa lang akong nag-uwi ng mga bagay simula noong nahulog ako sa kagandahan ng Sierra Madre. High school ako noong nag-uwi ako ng bato at ang pangalawa ay bahagi naman ng patay na puno sa DRT. Masaya ang feeling dahil nasa amin pa ang 2 bagay na ninakaw ko kay Inang Kalikasan. May pagkakataon din na ginalaw ko ang ilang mga bato (para palatandaan) dahil nawala ako sa trail. Ngunit pinagsisisihan ko na ito ngayon, dahil alam ko na ang nagiging epekto nito sa kalikasan. Isipin na lang natin na kahit anong galawin natin sa kagubatan (may buhay o wala) ay siguradong may mapeperwisyo tayong ibang mga bagay.
C. Kung kaya, mag-set ng maliit na grupo (additional lamang ito).
Noong una akong sumabak sa pagbibisikleta, masaya at mas maganda kapag marami kayo sa ride. Tawanan, lokohan, hintayan at kung anu-ano pa. Ngunit sa paglipas ng panahon, nalaman ko ang nagiging epekto nito sa kalikasan. Wala namang masama kung may kasama kayo sa ride, pero napakaraming negative factors ang maiisip mo dito at ilan sa mga ito ay ang ingay at kalat. Kung pribado o kayo-kayo lamang sa lugar, maaaring okay lang ang mag-ingay (huwag lang talagang masyadong malakas), pero kung may kasama kayo at nasa liblib kayong lugar, siguraduhing lamang na hinaan ang volume ng boses o musika para di makaabala sa ibang bagay na nakatira sa kagubatan.
D. Mananatili ako sa ruta/trail.
“Bagong linis at ayaw kong madumihan ang aking bisikleta.”Hindi na bago ang mga salita na yan sa ibang siklista. Minsan mahirap din intindihin kung sasabihin sa’yo na “kakalinis ko lang niyan, madumi na naman”, ngayong alam naman nila na mag-trail ride kayo.
Sa pang-apat at ikahuli kong gagawin ay ang pananatili ko sa ruta. Papaano? Kung nasa trail ako at makakita ng putik, daanan ko ito. At kung talagang malusak at delikado itong bisikletahin, maaaring dumaan na lamang ako sa gilid ng trail (basta nasa loob kayo ng daan/trail) at huwag nang gumawa ng ibang daan para iwasan ang putik. Maaari ko rin daanan o hakbangin na lamang ang mga bagay na nakaharang sa dadaanang trail. Ito ay ilan lamang sa aking gagawin para mabawasan ko ang epekto ng aking pagbibisikleta papunta sa aking destinasyon. At dahil hindi naman araw-araw o wala namang nagma-maintain ng mga trails dito sa Pinas, tayo na mismo ang dapat gumawa ng paraan upang ma-enjoy natin at mapanatiling maayos ito para sa mga susunod pang batch ng mga siklistang sa ating bansa.
Ang mga ibinahaging opinyon at karanasan ay ay lamang guide para ma-educate ang iba pang nagbibisikleta (weekend warriors/tourists/commuters/packers, etc.) sa bansa. Maaaring may maidagdag, mabawasan, mabago at mapag-aralan pa nang husto ang mga naibahagi sa listahan.
