Bambike

BAMBIKE REVOLUTION CYCLE

Hindi lang sa pagbuo o pagbenta ng kanilang mga gawang produkto, kundi para makatulong din sa mga kapatid nating nangangailangan. Mahigit isang dekada na ang nakalipas mula nang ilabas ng kumpanyang ito ang unang nilang bamboo bike. Una ko itong nakita noong taong 2011 sa Maynila, at masasabi ko na napakaganda at napakahusay ng ideyang ito. Ngunit marami akong katanungan tungkol sa paggawa at pagbuo ng bamboo bikes na ito. At pagkatapos ng labindalawang taon, natunton ko rin at nalaman ang istorya sa likod ng negosyong ito. Mula sa Pilipinas hanggang sa ibang bansa, halina at basahin natin ang kanilang istorya tungkol sa kanilang eco-business.

Ang Bambike ay isang maliit na kumpanya na dalubhasa sa paggawa ng mga frame ng bisikleta mula sa kawayan. Karaniwang kaalaman na ang kawayan ay isang angkop na materyal para sa pagtatayo ng mga bahay dahil ito ay lubos na matatag at halos tumutugma sa tibay ng konkreto. Nagsimula ang ideyang ito noong si Bryan ay naglakbay sa Africa taong 2007, nakita niya ang gamit na transportasyon ng mga lokal doon na gawa sa kawayan. Agad niyang napagtanto na ang makabagong konseptong ito ay maaaring gawin sa loob ng bansa, dahil sa kasaganahan ng kawayan dito sa Pilipinas. At makalipas ang lamang ng ilang taon ng pagbuo at pag-aaral, natatag na nga ang Bambike Revolution Cycles (2010). Ang mga bisikleta (frame/batalya) ay gawa gamit ang kawayan at may iba-iba rin itong sizes para sa lahat. Nagbibigay din ang Bambike ng eco-conscious bike tours sa makasaysayang lungsod ng Intramuros, na matatagpuan sa Maynila.

Ayon kay Bryan, ang mga manggagawang Pilipino ay magaling sa diskarte at bihasa sa paglutas ng problema. Sinabi niya na ang layon ng kumpanya na mabawasan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pare-parehong oportunidad sa trabaho sa mga nangangailangan. Sinabi rin niya na ang kanilang misyon ay gawing popular ang kanilang mga produkto at mag-alok ng mga trabaho sa mga higit na nangangailangan. Nais din nilang ipamahagi ang mga bamboo bike sa buong mundo (kung kakayanin) habang sinusunod nila ang kanilang pilosopiyang, People – Planet – Progress’.

Ibinahagi rin niya na ang ‘sustainable tourism’ ay nangangahulugan na maaari tayong maglakbay at makita ang mundo nang hindi nagdudulot ng malaking pinsala sa mga lugar na ating pinupuntahan. Sinusuportahan din ng kumpanya ang mga iba pang proyekto sa turismo na sumusunod sa tatlong pangunahing prinsipyo ng ‘sustainable tourism’. At ito ay ang pagtiyak na ang lahat ay tinatrato nang patas, ang paglago ng ekonomiya, at ang protektadong kapaligiran.

Para sa kanilang mga plano sa hinaharap, maglalabas sila ng iba pang disenyo ng bicycle frames at souvenir gamit ang kawayan. Layunin din nilang gumamit ng environment-friendly na packaging na hindi nag-aambag sa mga carbon emissions sa mundo. May mga plano rin silang i-expand ang kanilang eco-tours sa iba pang parte ng bansa. Kung may katanungan sa mga kanilang produkto/misyon, maaari silang makipag-ugnayan sa kanilang social media IG/FB accounts @bambike o bisitahin lamang kanilang website, bambike. com