Bawal Nga Ba?

BAWAL NGA BA?

ni: Kalipunan

Ano ba para sa iba ang ipinagbabawal na technique? Noong nag-uumpisa pa lamang ako magbisikleta, hindi pa uso ang mga salitang ito sa eksena. Kung maglalaro ka sa bundok, walang problema kung sasakay ka muna at tsaka pa lang magsisimulang pumadyak sa trailhead (para makapag-reserve ng energy). Kung malayo naman ang biyahe at medyo late na makakauwi (dahil may hinahabol na oras), okay lang din sumakay ng public transport. Maaari ka rin sumakay kung nasiraan ka sa daan at kung wasted ka na, hindi mo na kayang pumadyak.

Isa rin sa naalala ko noon ay kung ang siklista na makakasama mo sa trail o sa biyahe ay nag-padyak all the way, e maaari mo na silang tawaging isang alamat. Sa paksang ito, tinanong ko ang ilang mga not so old school rider kung ano ba ang pagkakaintindi nila sa ipinagbabawal na teknik. Ang mga susunod ay ang kanilang mga sagot para sa topic na ito.

Matagal ko nang nakakasama magbisikleta si Marc B. Most likely, malapitan ride lang kasi medyo strikto ang magulang niya kung pag-uusapan ang oras. Naalala ko noong una kong inintroduce sa kanya ang bike to school at mga short ride ko sa aming lugar. Di nagtagal ay medyo na-hook na din siya sa pagbibisikleta. Ilang beses din kaming nag-ride sa aming lugar at naisip ko na bakit kaya hindi ko siya ayain papuntang Camachin sa DRT Bulacan dahil kaya naman niya for sure. At dito nagsimula ang pananaw niya sa pagbibisikleta. Nagkaroon ako ng time na tanungin siya tungkol sa topic na ito at ito ang kanyang naging opinyon.

Para sa kanya, ang kahulugan ng ipinagbabawal na teknik ay para ipadali o mapadali ang mga gawain (parang gusto mong mag-bike pero sasabit ka sa jeep o sasakay ka sa bus, shortcut sa mga lugar na hindi naman nasa ruta mo). Sinabi rin niya na maaaring isa pang halimbawa ng ipinagbabawal na teknik ay yung gagamit ka ng e-bike lalo na sa mga long ride. Nagawa na rin niya ang pagsakay sa sasakyan, bitbit ang kanyang bisikleta dahil na rin sa kapaguran. Ngunit nagsisisi siya sa tuwing nangyayari ito dahil feel niya na hindi na niya natatapos ang buong ride. Ibinahagi rin niya na nagkaroon siya ng experience na kasama ang isang e-biker sa ride at naguguluhan siya kung exercise ba ang habol nito, explore or easy na padyakan lang.

At dahil sa karanasan niyang ito, mas prefer pa rin niya ang padyak all the way, dahil doon mo raw masasabi na nakita/napuntahan mo yung isang lugar (yung nahirapan ka) at mapagmamalaki mo ito sa iba. Para naman sa kanyang advise sa mga nasasabihan o naka-kantyawan sinabi niya na huwag magalit kapag sinita o sinabihan ka ng “BAWAL NA TEKNIK!” kung hindi, tawanan mo na lang, lahat naman kasi tayo ay naka-experience nun (lalo na kung beginner ka) at nagawa yung ipinagbabawal na techniques. Siguro ito na rin yung time na dapat makita mo kung ano yung rason mo kung bakit ka nagbibisikleta.

Dalawang kilometro na lang mula sa jump-off…. hindi ko na kaya.

Isa pa sa aking nakasama sa ride ay si M.A. Tejada. Kung hindi ako nagkakamali, sa mga fun ride ko siya ang unang nakilala at pagkatapos noon ay nagkaroon na rin kami ng time na mag-long ride. Siyempre sa DRT. Gamit ang kanyang 1 by Karakoram (2013) papuntang Madlum (DRT), masasabi ko na mindset niya ay ‘padyak all the way’. Nag-message ako sa kanya sa Messenger at tinanong ko kung okay ba makuha ang kanyang opinyon tungkol sa topic na ito at ito ang kanyang naging sagot.

Para sa kanya, ang pagkakaintindi ay ang kahulugan ng ipinagbabawal na teknik ay bike one way, commute pauwi. Katulad ng nakakarami, sinabi niya na ang paggamit pa rin ng e-bike (malayo man o malapit) ay maaari ring sabihing ipinagbabawal na teknik (dahil hindi 100% na padyak kung gamit ito). Dinagdag pa niya na noong una ay nagawa na rin niya ang ipinagbabawal na teknik at hindi niya ito masyadong na-enjoy dahil gusto pa rin niya ang solid na padyak papunta hanggang pauwi ng bahay.

Wala namang support vehicle ay kanyang isinagot kung sakaling matatapos na ang kanyang ride dahil para sa kanya, panalo pa rin ang padyak all dahil siguradong mas marami kang makikita, malilitratuhan, maaring maka-experience ng kakaiba sa daan at mahaba-habang recovery dahil sa sakit ng katawan. Para naman sa kanyang advise sa mga indibidwal na nasasabihan o nakakantyawan sa tuwing ginagawa ang forbidden techniques, sinabi niya na ‘try to practice the magic of padyak all the way, so satisfying.

Picture muna, sakit na tuhod namin, dito ulit sa DRT playground.

Sa akin pang paghahanap sa SM na maaaring mag-contri sa paksang ito, nagkaroon ako ng pagkakataon na makahingi ng opinyon kay Ninangs Adventures (na sobrang busy) na ang hilig ay ang long ride/s (event/tour o simpleng ayaan lang) kasama ang kanyang pamilya o minsan ay mga kaibigan. Iisa lamang ang kanyang goal at ito yung cycling with a purpose. Sinabi niya na wala naman talagang bawal or pinagbabawal na teknik kasi unang-una raw, wala namang batas o rules na nagsasabi na bawal. But for Laymans term, sabihin na natin bawal kasi sumakay ang isang siklista pagkatapos o sa gitna ng isang ride. Sinabi rin niya nangyayari ito dahil sa mga iba’t-ibang kadahilanan. Dinagdag din niya na kahit mga national team e sinasakay din naman ang mga bisikleta nila. Ang bawal lang dun ay yung usapan na ‘bike all the way’ pero sumakay ka sa kalagitnaan pa lang ng ride kasi pagod na at ayaw nang pumadyak. Tinamad na kumbaga, tapos ung ibang kasama nag bike pa din. 

Okay lang din sa kanya ang paggamit ng e-bike kung may makakasama siyang rider sa isang ride, basta huwag lang daw mangiiwan at magyayabang, lalo na sa mga ahon. Dagdag pa niya, kung mangyayari ang ganitong sitwasyon, e matatawag niya itong ipinagbabawal na teknik. Nakadepende rin para sa kanya kung gaano kalayo ang rutang pupuntahan, kung mag-padyak all the way ba siya (pabalik at papunta) o magsasasakyan. Para naman sa kanyang advice sa mga indibidwal na nasasabihan o nakakantyawan sa tuwing ginagawa ang forbidden techniques, sinabi niya na hayaan na lang silang mga bashers kasi hindi naman nila alam ang dahilan ng bawat isa kaya nagagawa ang pagsakay sa sasakyan sa tuwing may ride.

Possible support vehicle pauwi? Sana pwede naman in the future.

Isa pa sa aking unang nakasama si Pau A. Noong una ko siyang na-meet, naramdaman ko na nayaya lang siya ng aking kaibigan dahil mag-ride kami papuntang Macabebe noong araw na iyon. Tahimik at nahihiya pa siya dahil yung gamit niyang bisikleta (hybrid flat bar bike/road gearing) ay hiniram lang niya (ata). Naalala ko rin na tinanong niya ako kung okay ba yung klase ng bisikleta na dala niya kasi yun lang yung available (ngunit sa isip-isip ko at nararamdaman ko na hardcore siya kung papadyak base na rin sa kanyang kasuotan lol). Matagal nang hintayan (dahil sobrang busy), naisingit ako at napagbigyan ang aking intensyon na magtanong tungkol sa topic na ipinagbabawal na teknik. Ito ang kanyang tugon sa paksang ito.

Para sa kanya, ang kahulugan ng ipinagbabawal na teknik ay yung hindi mo madalas makita na ginagawa ng mga siklista para matapos ang isang course/track. Sinabi rin niya na personally, hindi siya gumagamit ng mga ipinagbabawal na teknik (haha!). Binanggit din niya (base sa kanyang nakikita) ay yung siklista na kumakapit sa truck/jeep para makapagpahinga. Tapos yung mga nagri-ride pero may convoy o service na van na puwede nilang gamitin para sumakay pag napagod na sila, then pag okay na ulit sila, tutuloy na sa pagri-ride. (kita namin to sa isang malaking event sa atin), dagdag pa niya.

Dinagdag din niya na hindi pa niya nasubukan ang ipinagbabawal na teknik dahil mindset kasi pinairal ko nung nagbi-bike pa siya. Iniisip daw niya kasi na kailangan niyang matapos yung course nang walang tulong ng iba bukod sa akin, lakas at sa aking bisikleta. Base sa kanya, masasabi niyang ipinagbabawal na teknik ang paggamit ng e-bike sa isang group ride, ngunit kung tropa mo ang mga kasama mo, e okay lang gamitin iyon dahil importante ay yung kasama mo sila at na-enjoy ninyo yung ride na iyon.

Sinabi rin niya na mas maganda talaga kung may support vehicle para sa immediate response anuman ang mangyari sa kalsada. Pero iba pa rin ang adventure pag padyak all the way, mas masaya yung di mo alam kung saan ka madadaan kesa nakaplano lahat ng routes mo. Yun ang matatawag ko na adventure. Para naman sa kanyang advice sa mga nakakantyawan, sinabi niya na huwag ninyong pansinin yung mga ’yon; ang importante ay yung sarili ninyo. Di naman siguro puro bawal na teknik ang gagawin ninyo kung gusto talaga makatapos ng course may paraan diyan. Training muna bago sumabak sa long ride para nakahanda ang katawan sa tindi ng pagod at init ng araw pag nasa ride ka na.

Isa pang tanong, uh, maibabalik pa kaya ang hugis ng nakaraan?

Para naman sa akin (BATJ), ang ipinagbabawal na teknik ay yung sumali ka sa isang race tapos may ginawa ka talagang kakaiba/ilegal na style upang manalo sa karera. Masasabi ko rin na ipinagbabawal na teknik kung sasama ka sa isang ride, ngunit hindi mo sasabihin sa kasama mo sa ride na may sasakyan ka pa lang dala at ipagdadamot mo ito (hindi mo sila isasabay pauwi) kung tapos na mag-trail sa bundok. Wala rin akong naaalala kung nagawa ko na ang ipinagbabawal na teknik (kung hindi pagbabasihan ang pagkakaintindi ng mga tao ngayon dito). Maaari kong sabihin sa aking opinyon na nagagawa ko naman ito (kung pagbabasihan ang pagkakaintindi ng mga tao ngayon dito) kung ang plano ko ay pumadyak all tapos hindi ko naman ito matatapos nang padyak all (dahil sa mga halo-halong mga factors) kaya magpapasundo na lang ako.

Wala pa naman akong na-experience na kasabay ko sa ride ang e-bike, pero kung meron man akong makasama sa ride na gamit ito, dapat hindi siya magsasabi na mahina ang kanyang ibang kasama o tanungin kung pagod ka na ba? Nakasanayan ko na talaga mag-padyak all the way (dahil minsan walang budget) pero kung may support vehicle tapos aayain ako (dahil gabi matatapos ang trail) e hindi ko sila tatanggihan. Para sa aking advice sa mga indibidwal na nasasabihan o nakakantyawan sa tuwing ginagawa ang forbidden techniques, e huwag na lang pansinin ang mga malalakas. Sumakay man o hindi, ang mahalaga ay nasulit ang iyong pagpadyak kahit sa maikli lamang na oras na iyong inilaan.

Forbidden ba itong technique na ito sa katubigan ng Macabebe?

Huwag ka ring mahihiyang magsalita (kung group ride) sa mga kasama mo kung hindi mo na talaga kaya o kailangan bagalan ang pace para makasabay. Pero kung Stravaganza (speed/beat the record/KOM) naman talaga ang habol mo, ensayo lang unti-unti para hindi ka makantiyawan ng iba kung makita nila na ginagawa mo ang ipinagbabawal na teknik.