Bisikleta kong Mahal

BISIKLETA KONG MAHAL

ni: Kalipunan

Alam naman natin lahat na malalim ang ating koneksyon at relasyon sa ating bisikleta. Maaaring ang pagka-adik natin sa bagay (o activity) na ito ay tungkol sa passion natin sa pagbibisikleta at sa kalayaang ibinibigay nito. Para sa atin, ang pagbibisikleta ay hindi lamang isang paraan upang makapunta mula sa point A hanggang B; ito ay isang buong pamumuhay, isang mahusay na ehersisyo, at isang pagkakataon upang tamasahin ang kalikasan at lahat ng bagay sa paligid natin. 

Higit pa rito, binibigyang-daan tayo ng ating bisikleta na tuklasin ang ating kapaligiran sa paraang hindi nagagawa ng kotse. Gamit ang bisikleta, maaari tayong dumaan sa mga landas na gusto nating puntahan, tuklasin ang mga magagandang trail, at siyempre, mabawasan (kahit kaunti) ang carbon footprint sa mundo. Ngunit ano ba talaga ang dahilan kung bakit tayo hinahatak ng mapanuksong aktibidad o bagay na ito? Pumili ulit ako ng mga random na tao (sa FB) na gustong ibahagi ang kanilang pananaw/opinyon para sa topic na ito.

Base kay Frias C., ang mga bagay na pinakagusto niya sa kanyang bisikleta/pagbibisikleta ay ang pagiging hassle-free nito lalo na kung may traffic. Kahit kasi parte siya ng traffic, maaari niyang bitbitin ang kanyang bisikleta o idaan ng super easy sa mga makikitid na daan para maka-iwas sa mga iba pang motorista. Binanggit din niya na hindi ka basta-basta bibigyan ng isipin (o yung duda na may masisira na piyesa) dahil kahit na mura ang kanyang rig, subok naman niya na tatagal ito nang malayuan. At dahil tinuturing na niya ang kaniyang bisikleta na bahagi ng kaniyang pamilya, limitado lamang ang listahan ng mga puwedeng gumamit nito.

Nagtanong din ako sa kanya tungkol sa mga simpleng rason kung bakit siya nagbibisikleta. At ito ang kanyang naging tugon.

‘Although nagmo-motor din ako, iba yung adventure na dala ng bike kesa sa motorbike, lalo na sa mga long ride. Sa bike kasi, ultimong maliliit na detalye ng isang magandang lugar, e maipapasok mo ito at makakapasyal ka kahit hindi ganoon ka bilis ang takbo. Malaki rin ang naitutulong ng pagbi-bike sa ating katawan, lalo na sa stamina at sa pag-iisip. Noong nag start ako mag bisikleta, grabe ang anxiety na dinadanas ko nun lalo na nung nag-pandemic, malaki talaga ang naitulong ng pagbibisikleta sa mental health ko. Sa pagbibisikleta ko rin nakilala ang mga pinaka-solid na kaibigan ko, mga taong laging nakasuporta at di ka iiwan kahit mabagal ang aking padyak. Dito ko rin natutunan na kahit budget meal lang ang bisikleta mo, huwag kang mahihiyang gamitin ito (lalo na kung kalayaan ang ultimate goal mo sa pagbibisikleta)’. Sinabi niya na kung may pagkakataon o mangyayari na dapat na iwanan ang pagbibisikleta, ang activity na isu-substitute niya ay fishing (kasama ang bike lol).

Para naman kay R.R. (Duday’s page FB), ang pinakagusto niya sa kanyang bisikleta ang pangalan nito at ang solid nitong GS, dahil para sa kanya, tawirin man niya ang kabundukan ng Sierra Madre (o ibang lugar), malalaman agad niya na hindi siya basta-basta iiwan sa ere ng kanyang bisikleta. Iyun nga lang, dahil sa temptation at pagiging unfit ng kanyang gamit na bisikleta ngayon, wish niyang mabago na ang kanyang bisikleta sa lalong madaling panahon lol. Pareho naman ang kaniyang dahilan (sa karamihan) tungkol sa kaniyang pagpapahalaga sa kaniyang bisikleta. Ito ay ang linis-linis at limitadong listahan ng pwedeng gumamit nito.

Health benefits ang kanyang rason kung bakit na patuloy ang kanyang pagbibisikleta. Nawawala kasi raw yung mga sakit niya sa katawan o yung nagiging active ang kanyang mga muscle kasi nung dati raw kahit exercise ay hindi niya nagagawa. Na-re-relax din ang kaniyang katawan at nawawala ang kaniyang stress sa tuwing pumapadyak siya. At kung may pagkakataon o mangyayari na dapat na iwanan ang pagbibisikleta, ang activity na kanyang isu-substitute niya ay running (dahil isa rin itong paraan upang ma-burn ang kanyang calories).

Sinabi naman sa isang public servant (Soy-soy bike enthusiast FB) na ang tatlong bagay na gusto/nagustuhan niya sa kaniyang bisikleta ay ang frame na kaniyang ginagamit (dahil sa pagiging main body ito ng kaniyang bisikleta). Pangalawa naman ay ang drivetrain (dahilan kung bakit umaandar ang biskleta). At pangatlo ay ang wheelset (kasi siya ang nagdadala ng bigat ng yong katawan at ng buong bike). Pero overall, sinabi niya na malaki ang tulong ng kanyang bisikleta/pagbibisikleta dahil ginagamit niya ito papuntang trabaho. Dahil menos gastos at pinapawisan siya upang ma-stretch/active in advance ang kanyang katawan bago mag-umpisa sa kanyang trabaho.

Ito naman ang kanyang naging pananaw/opinyon sa mga rason kung bakit siya ay nagbibisikleta.

Kalayaan/adventure pa rin para sa kanya ang una dahil sa kadahilang mas na-fe-feel mo ito kahit ikaw lang mag-isa. Pisikal at mental na benepisyaryo naman ang kanyang pangalawang rason dahil sinabi niya na may edad na rin siya (prone sa kahit anong sakit), kaya ang paraan lamang nito ay ang maging active siya araw-araw at isa sa mga nakikita niyang solusyon ay ang pagbibisikleta. Hindi rin mawawala sa rason niya ang pagkakilala/pag-meet sa mga iba pang siklista na ang layunin lamang ay “One team, one goal”. Nabanggit din niya noong nag-BBMX pa lamang siya, nagkayayaan silang tropa na maligo sa dagat ngunit halos 24 kms ang layo nito mula sa kanilang tambayan. Ngunit kahit malayo ito at dahil wala rin silang pamasahe, itinuloy pa rin nila ang kakaibang experience (masarap sa pakiramdam) na ito. Dagdag pa niya na hindi naman importante sa kanya kung gaano kamahal at kaganda ang bisikleta, ang mahalaga ay yung ihahatid ka ng iyong bisikleta sa iyong pupuntahan. Kung may pagkakataon o mangyayari na dapat na iwanan ang pagbibisikleta, ang activity na isu-substitute niya ay ang pagmo-Moto trail (dahil nagawa na niya ito noong pandemic).

Kung si JMC (Fatboyph ng FB) naman ang tatanungin, ito naman ang kanyang ibinahagi tungkol sa tatlong bagay na pinakanagustuhan niya sa kanyang bisikleta/pagbibisikleta. Ang mga susunod ay ang kanyang naging opinyon/pananaw sa paksang ito.

Una, bilang isang fat bike user, maraming tao dito sa bansa natin (most likely remote places) ang hindi pa gaanong ka-aware sa fat bike, kaya nakakatuwa at nakakataba ng puso yung mga reaksyon nila kapag nakakakita ng bisikletang malaki at mataba ang gulong.

Pangalawa, yung sense of fulfillment mapa-malapit o malayo ang biyahe. Masarap sa pakiramdam kapag narating mo yung lugar na hindi mo aakalain mapupuntahan mo na bisikleta lamang ang gamit.

Pangatlo, nabubuong samahan at pagkakaibigan. Ito yung pinakanagustuhan ko sa pagbibisikleta dahil bukod sa dumadami ang mga kaibigan mo, iisa at pare-parehas pa kayo ng hilig, kaya alam mong solido at malalim talaga yung mga nabubuong koneksyon.

Maihahambing niya ang kanyang pagpapahalaga sa kanyang bisikleta sa pagmamahal ng isang magulang sa kanilang anak. Gaya ng iba, hindi rin niya kayang ipagkatiwala sa ibang tao, lalo’t hindi ko kakilala, ang kanyang bisikleta. ‘Sabihan na ako ng maarte pero pinapahalagahan ko lamang kung anong meron ako at alam ko yung pakiramdam na masiraan o mawalan ng bagay na importante sayo’, dagdag pa niya.

Kung pagsusunod-sunurin naman niya ang pinaka “The Best” na reasons kung bakit siya nagbibisikleta, ito ay ang pakikipagkapwa/camaraderie (as no. 1). Sinabi niya na dito mo matututunan kung paano makisama nang tama sa mga taong kasama mo sa biyahe. Isa niyang ini-halimbawa ay kung malayo ang ride niyo at nakakapagod papunta at pabalik, mas mainam kung swabe lang ang biyahe (para di nakakapagod), di ba? Kung sasabayan mo ng yabang o kahit ano pang masamang pag-uugali yung biyahe ninyo, eh mas nakakapagod yun. Kaya kung may paparating kayong group ride, iwanan mo ‘yang “ego” mo sa bahay at enjoyin mo lang ang biyahe. Pangalawa syempre ay ang kalayaan at adventure dahil para sa nakakarami (kapwa siklista o maaring hindi) tao lang tayo at kailangan natin minsan mag “unwind” kaya tayo nagbi-bisikleta.

At ang panghuli para sa kanya ay yung tradisyon (siguro). Sinabi niya na bilang parte ng 3rd generation sa pamilya nila, nakuha lang din niya yung pagbibisikleta mula sa tito at tatay niya na 2nd generation naman sa pamilya. Dagdag din niya na masarap sa pakiramdam na makikita mong naipapasa kada henerasyon yung hilig sa pagbibisikleta. Ginawa niya itong panghuli sa tatlo dahil para sa kanya, ito yung “least important”. Hindi mo naman kasi raw pwedeng ipilit yung hilig mo sa ibang tao. Mas magandapa rin yung kusang loob nilang magugustuhan yun.

At kung darating yung panahon na kailangan kong niyang lisanin yung pagbibisikleta? Sinabi niya na babalik na lang siya sa music. Bukod kasi sa bike, isa ang music sa mga passion at naging first love ko. Mula sa pagbabanda dati hanggang sa maging “bedroom musician” na lang, hindi talaga nawawala sakin yung pagmamahal ko sa musika. Katulad din ng pagmamahal ko sa bisikleta, yung pagmamahal ko sa music. Kahit mahinto ng ilang taon, binabalik-balikan at hinahanap-hanap ko talaga, sabi niya.

Habang lalong kinikilala ng mundo ang kahalagahan ng mga bisikleta, nasasabik akong makita kung paano patuloy na lalago ang adiksyon na ito at magbibigay ng inspirasyon sa iba na makibahagi sa kagalakan ng pagbibisikleta. Anuman ang mga dahilan na nagtutulak sa mga tao na magbisikleta (para man ito sa fitness, commuting, o environmental consciousness), lahat sila ay siguradong patungo sa iisang makabuluhang layunin.