BRU.PH
O yung mga dadaan o nadaan na sa Hinulugang Taktak Road sa Antipolo, malamang hindi ninyo rin pinalagpas matikman ang masarap na kape na ini-offer ng Bru.PH. Mula brewed hanggang sa nagbabagang lamig ng kanilang mga kape (flavored), tiyak na mapapabili ka ng wala sa oras. Nagbebenta rin sila ng mga pagkain na tiyak hindi ninyo na naman papalagpasin na matikman ang mga ito, lalo na kung galing kayo sa isang mahabang ride. Maliban sa kanilang binibenta, naging curious din ako sa kanilang pangalan, kaya hindi na akong nagdalawang-isip na i-message sila, baka sakaling tugunan nila ang aking nais. At iyun agad-agad, sumang-ayon sila at ito ang kanilang mga sagot sa aking mga inilatag na mga tanong.
Sinabi nila na nagsimula ang kanilang small business noong taong 2020, noong pandemic. Sa una ay sa tabing-kalsada lamang sila nagtitinda. Isang 6 ft na lamesa at payong lamang ang kanilang gamit noong mga panahong iyon, ngunit di nagtagal ay nag-iba rin sila ng set-up para na rin sa kanilang mga customer. At dahil nga patay ang mga negosyo noong pandemya, nag-isip sila ng maaaring pagkakitaan at sakto naman noong time na yun, nakakita sila sa gilid ng kalsada ng mga nagtitinda. Dahil wala ring rentang binabayaran, sinubukan nilang magbenta ng kape sa naturang lugar. Binanggit din nila na kaya Bru.PH (Bruha) ang kanilang pangalan dahil mostly puro babae silang tumatao sa kanilang maliit na negosyo.


Ibinahagi rin nila na ang pangitain ng kanilang negosyo ay ‘To be the heart of the community, serving comfort and connection in every cup and meal.’ Dalawa sa kanilang pinaka-paboritong bagay sa negosyo ay yung pagtimpla ng mga inumin at syempre pakikisalamuha sa mga tao. At dahil doon, mas na mo-motivate sila at tumataba din ang kanilang mga puso sa tuwing dumidiretso sa kanila (na para bang sila lang ang sadya) ang kanilang mga customer. Hindi rin naman kakaiba sa iba ang pananaw nila sa recyclable/sustainable na produkto dahil ayon sa kanila, after nilang gamitin ang mga leftover (coffee), ay ginagawa nila itong pataba sa halaman.


Para naman sa kanilang future plans, sinabi nila na gusto nilang magkaroon ng sariling pwesto na para bang establishment at magkaroon pa ng ilang branches. Kung nais matikman ang kanilang mga produkto, maaari silang bisitahin sa Sitio Daang Bakal, Brgy. Dela Paz Hinulugang Taktak Rd. Antipolo City.

