Dan’s Miniature bicycles

DAN’S MINIATURE BICYCLES

Marami sa atin ang gustong mangolekta ng mga bagay tulad ng sapatos, damit, at higit sa lahat ang paborito nating mga laruan. Para sa iba, ang pagkakaroon ng koleksyon ay mabisang paraan upang mabawasan ang stress o di kaya’y gusto lang nilang maalala ang nakaraan. Mula nang mahilig ako sa pagbibisikleta, wala pa akong nakikitang mga modelo ng MTB o Road Bike na madali mong mabibili sa mga tindahan (maliban sa BMX na gawa ng Techdeck). Sa paglipas ng panahon, ang produksyon ng mga modelong ito ay tumaas at maaari mo na itong mabili sa mga online site katulad ng eBay o di kaya mag-order sa ibang bansa. Habang nangangalap ako ng impormasyon tungkol sa mga lokal na produkto, nakita ko ang mga modelong ito ng mga bisikleta at agad kong hinanap kung sino ang nasa likod ng paggawa ng mga miniature bikes na ito.

Nagsimula ang negosyo ni Dan dahil sa hilig niya sa bisikleta. Inumpisahan niya ang kanyang obra sa isang simpleng replika ng bisikleta na kagaya ng Road Bike (Specialized) ni Peter Sagan na paborito niyang siklista. Ito ang naging motibasyon niya upang magbuo uli ng iba pang mga modelo ng bisikleta. Ayon sa kanya, ang pinakamahirap na bahagi ng pagbuo ay yung pagkukumpuni ng maliliit na parte ng bisikleta. Masusi niyang pinag-aaralan at nagsasaliksik din siya ng iba pang bagay bago niya simulan ang kaniyang mga obra. Hindi rin mawawala ang “trial and error’ sa kanyang mga gawa na isa din sa mga pagsubok na kanyang naranasan. Gumagamit din siya ng mga ‘recyclable materials’ para makatulong sa pagbawas ng kalat at maiwasan kahit kaunti ang polusyon sa kapaligiran.

Sinabi rin niya na isa sa mga paborito niyang bahagi ng proyekto ay kung mabubuo ang modelo nang maayos. Madami pa siyang naiisip na plano sa kanyang munting negosyo, pero sa ngayon, gusto lang niyang ipakilala ang sining ng “miniature bikes’ sa bansa. Nag-uumpisa pa lamang din siya sa kanyang mga proyekto at nais lamang niya na tangkilikin at magdulot ito ng kasiyahan sa mga siklista ngayon at sa mga susunod pang mga henerasyon. Pwede mag-comment/magtanong sa kanyang Youtube account (Bike Mode) kung interisado kayo sa kanyang mga proyekto.