DJ Cycleworks

DJ CYCLEWORKS

Isa sa mga ebolusyon sa pagbibisikleta ay ang paggamit ng internal gear shifting. Alam natin na ang tradisyunal na 3×0, 2x set-up ay hindi pa rin mawawala dahil ito ang ating kinagisnan gamitin. Kahit may mga cons na bagay na mababasa tungkol dito, may iba pa ring mga siklista ang gustong ganitong set-up. Ngunit ano nga ba ang internal gear shifting? I-imagine mo na lang na ang RD, FD at cassette ng inyong bisikleta ay nasa iisang lalagyan/hub na protektado sa dumi. Ngunit hindi lahat ng batalya ay kayang kabitan ng internal gear. Kung hindi customized frame, limitado rin ang mga kumpanyang gumagawa nito lalo na sa 3rd world countries. Medyo mahirap din ang pagbuo ng frame na ito dahil mabusisi at kailangang sakto ang sukat ng paglalagyan ng internal gear. Habang ako ay nagbo-browse sa FB, nakita ko ang isang maliit na shop dito sa Pilipinas na gumawa ng batalya para sa Pinion gearbox (belt drive). Nagulat ako at hindi lang pala ito ang kanilang ginagawa. Squid forks, internal routing, old bike conversion at iba pang mga disenyo. Halina’t basahin natin ang kanilang maikling istorya tungkol sa kanilang negosyo.

Ayon sa may-ari, nagsimula ang kaniyang negosyo noong 2021 at simula noon wala nang hinto ang kaniyang pagku-customize ng bicycle frame/forks. Isa lamang ang vision ng negosyong ito, mapasiya, mabigyan ang mga kliyente ng magandang serbisyo at maibigay ang nais nilang mga disensyo para sa kanilang mga bisikleta. Dahil sa mga lumalabas na maraming modelo at style para sa mga bisikleta, ang mga salitang “Never stop learning” ang kanyang pinakagusto habang siya ay nagdidisenyo. Sinabi niya rin na ang isang pagsubok na kanyang nakikita sa kanyang negosyo ay ang pag-import ng mga naglalakihang bicycle brands sa ating bansa. Dahil sa dami ng imported na mga parts na lumalabas sa merkado, ang kompetisyon ng mga lokal na builders ay talaga namang napakahirap. Ngunit kahit na ganito ang sitwasyon, patuloy pa rin siyang gagawa ng customized parts dahil ito ang kanyang hilig.

Ang plano niya sa mga susunod na taon ay gumawa ng mga kakaibang design lagi at mag upgrade sa ibang materyales like titanium, and stainless, at syempre sa carbon. Kung gusto po ninyong magpa-customize, maaari ninyo silang puntahan sa kanilang shop sa Mahabang Parang, Binangonan, Rizal. Maaari ninyo rin silang bigyan ng mensahe sa kanilang FB page na DJ Cycleworks o email sa dejesuscycle@gmail .com.