Fix Exposed

FIXED EXPOSED

ni: Kalipunan

Fixed-gear bikes, late na noong naging trend at nalaman ko na may bisikleta pala na ang gamit mo lang sa pag-andar at pag-preno ay ang iyong mga binti/paa. Taong 2007, nang una kong binuo ang aking SS na may manipis na gulong, may preno at single free wheel sa likod na para bang fixie style wannabee. Binuo ko iyon para pamasok sa work at masubukan naman ang drop bars. Sa una ay nakakailang itong gamitin dahil na rin sa skinny tyres nito. Pero kapag nagamay mo na ito, talagang mangangati kang rumekta at kumarera sa highway. Ilang buwan ko ring ginamit iyon papuntang work, ngunit hindi rin nagtagal at binenta ko ang buong bike para naman mai-upgrade ang isa ko pang bisikleta.

Bumalik lamang ang pagka-interes ko sa fixed style bike (hindi totoong fixed gear) noong napanuod ko ito sa Premium Rush. Maliban sa pelikulang ito, may napanuod din akong isang film tungkol naman sa fixed gear bikes na base sa US (nakalimutan ko na title) na instead ‘buhay messenger’ e ‘buhay fixie’ ang tema ng pelikula. Pero dahil busy sa work at out of budget, nawala na ang isip ko na magbuo ng bagong bisikleta. At para matuloy ko na ang personal na interes sa topic na ito, nagsaliksik ako ng mga tao na active pa rin sa paggamit ng fixed-gear bike. Tara at basahin natin ang kanilang mga opinyon tungkol sa paksang ito.

Isa si Victor S. sa mga nag-ambag para sa kanyang opinyon at karanasan tungkol sa paggamit ng fixed-gear bike. Sinabi niya na ang paggamit ng fixie ay hindi ganoong kumplikado kumpara sa ibang bisikleta. Madali rin ang maintenance nito dahil kakaunti lamang ang kailangan mong i-check na parts. Sinabi rin niya na mas magiging alerto ka at defensive sa pag-ride nito lalo na sa mga matao o masasakyang mga lugar. Isa sa mga naiisip niyang cons sa paggamit ng fixie ay yung hindi ka kaagad makahinto na maaaring maging resulta ay ang pagkabunggo o pag-semplang. Dagdag pa niya na mas mabagal ang takbo ng geared bike lalo na kung ang daan ay palusong.

Dahil sa paglaki ng eksena ng fixie sa Bulacan, mas marami siyang nakilala. Mas maganda ito dahil nakakapagpalitan sila ng kwento at malaman kung may iba pang group o group rides na maaaring puntahan/samahan. Para sa kanya, walang wannabe fixie riders, ‘your bike, your rules, bahala ka kung anong porma or components ang isasalpak mo sa bike mo as long as rekta hubs mo’.

Ang kanyang advice sa mga bago o yung mag-uumpisa pa lamang magbuo o gumamit ng fixed-gear bikes ay ‘know basics’ (madaling paandarin at kayang-kaya pabilisin, pero ang tanong ay kaya mo bang pahintuin?) Sinabi rin niya na hindi lang tayo gumagamit ng kalsada, kaya dapat obserbahan natin ang road courtesy at huwag feeling entitled sa daan. Dinagdag din niya na kung ang build mo ay mumurahin, okay lang ito dahil halos lahat naman ay dumadaan sa mababa (except yung may mga pera talaga). Ipon-ipon lang saka bumili ng maganda at matibay na components (kadena at gulong pang-long skid) after. Magdala ng pera, tools, extra interior, or patches pag may long ride; huwag dumepende sa kasama, at ang pinaka-importante ay ang safety (magsuot ng helmet at maglagay ng ilaw sa gabi).

Isa rin si Mel sa mga gumagamit ng fixed-gear bike sa bansa. Ginagamit niya ito mapa-short o long ride man ang kanyang pupuntahan. Sinabi niya na iba ang uniqueness ng pag-ride ng fixed gear compared sa regular bikes. Less maintenance din at kakaibang adrenaline rush ang binibigay sa kanya sa tuwing gagamitin niya ang kanyang bisikleta. Binanggit din niya na para sa mga beginner, medyo delikado ito dahil walang preno at non-stop yung pag-pedal. Na-motivate din siya sa pelikulang Premium Rush in a way na very useful ang bike in “general,” lalo na sa transportasyon at pang-side hustle.

Para sa kanya, ang mga nagri-ride ng fixed gear bikes ay isang komunidad at eksenang tugma yung hilig ng bawat isa, regardless kung kaibigan mo na siya before or nagkakilala lang through fixed gear meet-up. Wala pa naman daw siyang nakikitang wannabe rider, kaya advice lang niya sa mga gustong magbuo ng fixie ay ang mga sumusunod: gumamit ng protective gear (huwag mahiyang magsuot, cause it’s for safety) and seek help or advice sa mga taong may fixed gear experience at sumali sa mga communities/groups na makakatulong for other fixed tips and tricks.

Nagsaliksik pa ako ng mga active sa paggamit ng fixed gear bike at isa sa aking nakita sa IG ay si Mon ng (Track.Slow.Cross). Sinabi niya na napili niya ang fixed-gear bike dahil simple ang mechanism nito. One speed, no gears, low maintenance at madali rin maisingit sa trapik. Ibinahagi niya na ang Tracklocross set-up ang style ng kanyang fixed gear. Prinefer niya ang ganitong set-up dahil na-inspire siya sa Squidbikes simula nang nakita niya ito online. ‘Tracklocross is basically a track bike with bigger tires, banggit niya. Isa rin sa mga dahilan kung bakit nagustuhan niya ang ganitong klase ng set-up ay maaari itong magamit sa kahit anong uri ng kalsada. ‘Uubra ito sa pavement at sa off-road na lalong sobrang sayang gamitin (thrilling at adrenaline sa pakiramdam) haha!’, dagdag pa niya.

Para sa kanya, ang mga pros ng fixed gear bike ay low maintenance, affordable (depende sa brand), at nakaka-improve ito ng alertness and awareness sa paligid, lalo na’t wala itong preno. At dahil wala nga itong preno, dapat laging mag-iingat at handa sa tuwing gagamit ng fixed-gear bikes.

Isa sa mga dokumentaryo/pelikula na kanyang nagustuhan na ang paksa ay tungkol sa fixie ay ang pelikulang Macaframa. Pinili niya ito dahil sa ganda ng concept nila tungkol sa fixed-gear bikes. Good din ang community ng flow ng pelikula at ang bawat rider dito ay may kanya-kanyang style. At dahil sa pelikulang ito, mas namo-motivate siyang pumunta sa iba’t-ibang lugar at lumikha ng kanyang sariling style. Sinabi rin niya na nakatulong ang pelikulang ito sa kanyang mental health dahil wala ditong discrimination sa bike scene, walang gatekeep, and it’s all about having fun/freedom sa pagbibike.

Ibinahagi rin niya na mayroon silang grupo na tinawag nilang Tracklo Sunday, nabuo ito dahil sa kagustuhan nilang mag-bike gamit ang kanilang fixed gear sa mga trails. Excited din ang kanilang grupo dahil sa kakaiba at nakaka-thrill na ibinibigay ng pagbibisikleta na walang preno, lalo na kapag dumadaan sila sa mga sketchy trails. Minsan naman kung may oras, nag-ca-camp sila sa mga malapit na campsite sa kanilang lugar. Gumawa rin siya ng kanyang page (for fun) para meron siyang mabalikan na mga memories balang araw. Dahil ayaw niya ng pangit na community, welcome sa kanya kahit anong siklista, wannabees man sila o hindi. Change is constant, ika nga.

Para sa kanyang advice ko sa mga magbubuo or gagamit ng fixed gear. ‘Kailangan mentally prepared ka dahil walang preno ang bisikletang ito. Practice lang ng practice, wag agad-agarang sasabak sa kalsada, and choose your brand wisely. Lastly, i-enjoy lang ang pagbibisikleta na may kasamang pag-iingat. Huwag din maging reckless rider/jempoy para hindi maging perwisyo sa kapwa siklista or sa mga motorista.’

Lumipat naman tayo sa mga BBC (Brakeless Boys Club), sinabi ng admin ng grupo na ‘with fixed gear kasi, you really feel one with your bike. Kung anong lakas ng padyak mo, ganun din ang bilis ng takbo’. Ika nga nila “rekta”. Binanggit din niya na isa sa mga pros ng fixie ay mas kaunting piyesa ang iyong bibilhin at madali rin itong i-maintain. At dahil nga lumalaki na ang eksena sa bansa, isa sa mga sinabi niyang con/s nito ay delikado ito, lalong-lalo na sa mga baguhan na gagamit ng naturang bisikleta. Naging impluwensya rin sa kaniya ang pelikulang Premium Rush dahil halos tugma ito sa istilo ng pagsakay niya sa kaniyang bisikleta, kaya mas nakaka-relate siya dito.

Dinagdag din niya na nasusubok ang pakikisama at pagkakaibigan ng grupo sa tuwing sabay-sabay silang nahihirapan sa mga ride nila. Ang mga masasayang karanasan na kanilang binabalik-balikan ay isa rin sa mga dahilan kung bakit ang kanilang grupo ay napaka-active sa eksena. Isa sa mga kanyang napuna ay ang mga ilang riders na sumasali sa mga totoong ‘fixed gear’ cyclist. Kaya para sa kanyang opinyon, ang mga wannabe riders ay yung mga taong sinasabi na fixed-gear rider sila, ngunit sa likod ng istorya ay gumagamit sila ng freewheel at preno.

Para naman sa kanyang huling mensahe, sinabi niya na ‘hindi kailangan mamahalin agad ang bike, mag-research nang maigi at i-enjoy ang pagbuo ng fixie. Lagi ring mag-ingat sa ride, maging alerto sa paligid at humanap ng mabubuting kaibigan para mas ma-enjoy mo ang pagbibisikleta gamit ang fixie.

‘Aluminum bukod sa matibay, magaan at abot kaya.’

Dalawa’t kalahating dekada na rin ang nakaraan noong nagsimulang mag-BMX si V. Joson (DXBFXG /dubaifixedgear) sa kapitolyo ng aming probinsya. Kakaunti pa lamang ang mga riders noong at tuwing weekend lamang o kung may free time sila, nagkikita-kita (kasama ang mga skaters). Hindi rin nagtagal at sinubukan din niya ang freeride MTB. At dahil kulang sa resources at malayo ang laruan sa kanilang lugar, itinigil niya ito at hindi na ipinagpatuloy. Sa pangatlong pagkakataon, sumabit naman siya sa mga fixed-gear riders. At simula noon, hindi na siya lumingon pa at nag-focus na lamang sa isang istilo ng pagbibisikleta.

Ayon sa kanya, gustung-gusto niya magbisikleta in general. At sa tuwing gagamitin niya ang kanyang fixed bike, ay may kakaiba siyang nararamdaman. Napapansin din niya na may naibibigay itong mas malalim na hamon para sa kanya. Sinabi niya na mahirap talagang matutunan ang ganitong uri ng bisikleta lalo na kung sanay kang gumamit ng freewheel cog. Pero kapag tumagal at nasanay ka na, mararamdaman mo na lang na parte lang ito ng iyong katawan. Ibinahagi rin niya na halos lahat ng mga fixie riders ay nag-i-“SKID” (para huminto) dahil naniniwala sila na nagbibigay ito ng magandang koneksyon sa kalsada at more ‘zen’ riding experience. Dagdag pa niya na ang pagkakaroon ng fixed-gear bike ay maaaring makatulong sa iyo na bumuo ng iyong kumpiyansa at self-control.

Nagsimula ang kanilang grupo sa Dubai taong 2010. Tatlo lang sila noong una silang nagsimula at gusto lamang nilang libutin ang buong Dubai gamit ang kanilang bisikleta. “Gusto lang naming makita ang paglaki ng eksena, tulad ng ibang mga grupo ng pagbibisikleta. Ngayon, mga 100 na kami sa grupo.”(taong 2015 noong na-interview siya ng What’son .ae). At dahil lumalaki na ang kanilang grupo/pamilya sa UAE, mas lalo silang nagka-interes na makilala ang iba pang riders sa buong bansa. Na-motivate din sila na magsaliksik, magkaroon ng rides, magsagawa ng karera at charity rides para na rin sa iba pang tao na gustong sumubok ng fixed-gear bikes.

At dahil busy at napalayo na siya sa kanyang original na tropa, ang maipapayo lang niya sa mga nais mag-umpisa/magbuo ng fixed gear bikes ay i-enjoy lamang nila ang proseso. Magsimula muna sa mumurahin at huwag madalas naka-focus sa mga piyesa. Unti-unti rin i-upgrade ang istilo ng pagsakay. Dapat ding isapuso ang paggamit ng anumang uri ng bisikleta at hindi basta-basta yung nakikiuso lang. At para sa kanyang huling mensahe, sinabi niya na dapat ingatan natin ang ating mga sarili sa tuwing aalis tayo ng ating comfort zone gamit ang ating bisikleta.

Dahil na rin sa nagdaanang mga henerasyon at paniniwala, ugaliin pa rin nating alamin o tanungin ang mga bagay-bagay lalo na kung hindi tayo sigurado sa ating gagawin. Ang paggamit ng kahit anong klaseng bisikleta, may preno man ito o wala, ay hindi nangangahulugan na ligtas ka na sa panganib sa daan.