HAMMOCK BASEKAMP
Isang lugar sa Laguna ang dinarayo ngayon ng mga ‘nature lovers’ at ‘campers’ dahil sa malamig na klima at sa magagandang tanawin na makikita rito. Ang campsite na ito ay matatagpuan sa timog-bahagi ng Sierra Madre sa Luzon. Isa itong pribadong atraksyon na para lamang sa pamilya ng may-ari, ngunit kalaunan, naging bukas ito sa publiko dahil na rin sa mga payo at kahilingan ng mga taong gustong makalayo pansamantala sa ingay at init ng lungsod. Dahil sa pagbubukas ng kanilang lugar sa publiko, naudyukan nilang mas pagandahin pa ang lugar at ibahagi ito sa mga gustong maranasan ang tahimik na pamumuhay.


Nagsimulang buksan ang campsite noong panahon ng pandemya. Ayon sa may-ari, nais lamang nilang gawing simpleng family farm ang lugar para sa kaligtasan ng mga bata at ng buong pamilya. Habang tumatagal, nakita nila ang potensiyal ng lugar. Naisip nilang gawin itong campsite at buksan ito para sa iba. Napag-desisyunan nilang gawin itong campsite dahil na rin sa taas ng lugar at sa mga puno na nakapaligid dito na pwedeng gamitin sa pagkabit ng hammock. Sinabi rin ng may-ari na ang isa sa mga anak niya ay mahilig mamundok at mag-hammock camping, kaya naisipang tawagin itong “Hammock Basekamp”. Naging daan din ito upang may pagkuhaan sila ng tulong pinansiyal para sa pang-araw-araw nilang gastusin.
Isa sa mga pangitain ng Hammock Basekamp ay ang mailapit sa kalikasan ang lahat ng bumibisita sa lugar at bigyang komportabilidad ang lahat, matanda man o bata. Dagdag pa dito ay ang mapanatili ang ganda ng tanawin, walang sinisira o tinatanggal bagkus ay dinadagdagan lang. ‘Close to nature with the same comfort like home.’


May tatlong pinakamahalagang tuntunin ang campsite kung sakaling kayo’y bibisita sa lugar.
Una ay ang pahalagahan at hindi pagsira sa kung anumang mga bagay na matatagpuan sa campsite, maging puno, halaman, at mga istruktura na makikita dito. Ang pangalawa naman ay ang pag-iwas sa pagkakalat o paglikha ng anumang uri ng basura para mapanatiling malinis at kaaya-aya sa lahat. At ang huli ay ang paggalang sa mga kapwa campers at sa mga tao ng campsite para sa kapakanan at kasiyahan ng lahat. Ang mga tuntunin ng Hammock Basekamp hindi nalalayo sa mga prinsipyo ng ‘Leave No Trace’. Binanggit din nila na isa sa pinakamahalagang bagay habang bumibisita sa mga ganitong klase ng lugar ay ang hindi pag-iwan ng anumang basura na makakaapekto sa kalikasan.
Tinanong ko din kung ano ang plano nila sa lugar para sa mga susunod pang mga taon at ito ang kanilang naging sagot: ‘Kung mababibigyan sana kami ng tulong mula sa LGU, nais naming ayusin ang batis sa katabing lugar upang ito’y mas higit na luminis at gumandang tignan para maakit ang mas maraming turistang makakakita nito.’
Kung may mga iba pang katanungan, maaari ninyo silang kontakin sa kanilang Facebook account Hammockbasekamp.
