Hobby-sikleta

HOBBY-SIKLETA

ni: Kalipunan

Sa pagbro-browse ko sa FB at IG tuwing free time ko, hindi maiwasan ang mag-pop-up sa aking screen ang mga post ng mga outdoor influencers. Ang isa sa mga pinakasikat na trend na lagi kong nakikita ay ang pagbibisikleta habang nag-i-stream nang live sa isang madla. Dito, ang mga siklista ay nagdadala ng camera o ginagamit ang kanilang mga smartphone para i-broadcast ang kanilang mga lakad o biyahe. Sa pamamagitan ng mga platform tulad ng Instagram Live o Twitch, etc., naibabahagi nila ang kanilang mga karanasan at tanawin sa kapaligiran sa mga manonood ng real time. Ang isa pang kapansin-pansin na libangan na lumilitaw sa akin sa SM account ay ang pagkuha ng litrato. Maraming siklista rin ang nagsasagawa ng malikhaing pagsulat habang bumibyahe. Gamit ang mga voice recorder o app sa kanilang mga smartphone, nagdidikta sila ng mga tula, pagkukuwento, o mga personal na pagmumuni-muni na inspirasyon ng kanilang mga paglalakbay.

Hindi rin magpapahuli sa listahan ang pagluluto, pagpipinta, pag-attend ng gig, pagbisita sa mga cafe o resto na nag-aalok ng pinakamasarap na pagkain/inumin at siyempre ang pag-camp (o iba pang outdoor activities) habang o pagkatapos magbisikleta. Halina’t basahin natin kung ano pa ang mga ibang hobby na ginagawa ng mga kapwa nating siklista (maaring plinaplano o isinisingit nila) sa tuwing sila ay nagbibisikleta.

BATJ (disseminate.our.strength ng IG)

Bakit ninyo napili ang bisikleta bilang pangunahing transportasyon para magawa ninyo ang inyong libangan? Napili ko ang bisikleta para magawa ko ang aking side hobby dahil mas madali kong mapuntahan ang mga walking track (na may halong docu ng uncommon/geo and sacred sites) na aking gustong bisitahin. At syempre pagkatapos maglakad sa trail/track, mabilis din akong makakabalik pauwi ng bahay o pabalik ng campsite.

Sa totoo lang sa libangan kong ito (maglakad), medyo nakakakaba lang talaga itong trip na ito, gawa ng, kailangan ko kasi iwan ang aking bisikleta sa isang safeplace tapos i-secure talaga ng todo bago pumnta sa isang walking track. Kung sa mga campsite naman, nakikiusap lang ako sa mga nagca-camp o sa mga rangers na tingnan o iwan ko muna yung bisikleta ko sa tabi ng spot nila. So far, wala naman akong negative na naranasan na kinulimbat ang gamit/bike ko habang ako ay nagbu-bush walk. Dinadala ko lang yung importanteng gamit ko sa tuwing ibira ako ng isang walking trail/track.

Ano ang mga pinakamagandang destinasyon para sa inyong partikular na libangan? Para sa akin, ang pinakamagandang destinasyon ay yung lugar kung saan hindi tatagal ng isang oras ang aking lalakarin. Nagka-phobia na kasi ako simula noong nanakaw ang bisikleta ko (sa mismong workplace pa). Kaya as much as possible, easy lang yung lalakarin at kung may duda naman ako sa paligid ko, e, di ko itinutuloy ang walk.

Mayroon po bang anumang lokal na kaugalian o tuntunin sa etiketa na dapat malaman tungkol sa inyong libangan (halimbawa ay yung pagpapaalam o consent ng isang grupo/company/tao kung mag-post sa Social Media)? Napakahalaga ng pagpapaalam o consent ng isang tao lalo na kung magpo-post sila sa SM. Naalala ko noong kinukuhaan ko lang yung isang steepest street (ng naka-bike) malapit sa amin e may lumapit sa akin isang matanda at tinanong niya kung ano daw yung kinukuhaan ko, sabi ko yung gradient ng daan kaya ako kumukuha ng angulo. 

Naintindihan naman niya siguro yung pinagagawa ko, iyon nga lang maiinit talaga ang ulo ni sir kasi hindi ako nakapagpaalam sa kanya (nakukuhaan kasi yung bahay niya sa pwesto ng cam). Kaya ngayon, sa tuwing kumukuha ako ng litrato o nagvi-video (lakad o bisikleta sa city), sinisigurado kong wala akong kasama o malayo ako sa mga tao sa paligid. 

Anong mga pag-iingat (kung meron man) ang dapat ninyong gawin upang matiyak ang inyong kaligtasan kapag nagsasanay kayo ng inyong libangan sa isang bagong lugar? Kung hindi isasama ang mga tao (sa pag-iingat) at ang tanging focus lang ay mga event, ito ang aking list: 

a. Alamin ang lugar, kung may bushfire/weather alert o ang layo at kundisyon ng walking track.

– wala pa naman akong walk na na-experience ang bushfire, ngunit kung sa bisikleta (habang pumapadyak, meron na). Most likely, summer talaga ako nagbibisikleta, mainit pero yung haba ng araw e mahaba. Pwede akong magsimula ng 5 am (maliwanag na) pumadyak at matapos ng 9 pm (medyo (maliwanag pa). At dahil nga summer, lahat halos ng wildlife ay maaari mong makita sa trail o track. Share ko lang na muntik na akong makatapak ng isang tiger snake habang ako ay nasa kalagitnaan ng walk. Buti na lang, nakita ko at nag-iba agad ako ng pace. Ayun, nagbigayan na lang kami at tinuloy ko na yung lakad ko haha (backtrack lang yung dadaanan ko).

b. Kung minsan, hindi ko na itinutuloy ang walk ko kung makikita ko na ang track ay maputik o overgrown na (unless malapit lang ito sa bahay). Ilang beses na din kasi ako nasugatan sa mga damong nakaharang sa trail at syempre siguradong sa mga damo na iyon ini-expect ko na na may ahas na namamahay o nasa spot na iyon.

Kung kasama naman ang mga tao, inaalam ko muna kung school holidays ba na mga bata o hindi sa tuwing may plinaplano akong lakad. Kapag school holidays kasi, expect na madami ka talagang makikitang tao lalo na sa kilalang track/campsite.

Ano ang maibibigay ninyong advice sa ating mga kababayan na may dalawa o higit pang mga hobbies na kanilang kinaaaliwan gawin ngunit hindi nila ito magawa o mabalanse ng tama? Para sa aking advice, balansehin muna ang dalawang bagay na gustong gawin para ma-prioritize ang oras. Maaaring ilista kung ano ba ang goal sa bawat hobby na gagawin para alam mo kung makakasagabal ba ito kung may commitment ka ng iba. Pwede rin ang style na pagsamahin ang dalawang hobby na ginagawa na ng iba (cycling plus photography/documentary, etc.) na siguradong hahantong sa bagong challenge at experience.

Achievable naman kung may dalawa kang hobby basta lang may maingat ka na pagpaplano, pag-prioritize, at flexibility. Sa pamamagitan din malamang ng paggawa ng iskedyul at pagtatakda ng mga layunin, sure, masisiyahan ka sa dalawang mundong ito.

Kung may pagkakataon o mangyayari na dapat na iwanan ang inyong hobby at ang bisikleta, anong activity ang isu-substitute ninyo dito at bakit? Trail building o shed building (sustainable) sa mga off-grid track/s. Para ma-promote ko ang responsableng paggamit ng lupa or paggamit ng sustainable materials, at makatulong sa tao na mai-raise ang kanilang awareness tungkol sa environmental issue/s.

Manong King ng FB

Bakit ninyo napili ang bisikleta bilang pangunahing transportasyon para magawa ninyo ang inyong libangan/side trip? Nag-start ako magbisikleta noong pandemic, kasi halos lahat ng activities noon ay bawal, eh. Dating basketbolista, basketball talaga ang libangan noon, pero mahirap noon kasi nga pandemic. Kaya bumili ako ng HT na bisikleta, yung pwede sa kalsada at sa gubat. 

Ano ang mga pinakamagandang destinasyon para sa inyong partikular na libangan/side trip? Makalabas lang ako ng bahay, makapadyak, makalanghap ng sariwang hangin, masaya na ako. Pero ang pinakamagandang destinasyon para sa akin at sa tropa ko ay kung mag-o-overnight kami sa isang lugar, usually malapit sa bundok at may lake, kung saan kami magka-camping or magpa-paddleboard, kunting kuwentuhan at inuman.

Mayroon po bang anumang lokal na kaugalian o tuntunin sa etiketa na dapat malaman tungkol sa inyong libangan (halimbawa ay yung pagpapaalam o consent ng isang grupo/company/tao kung mag-post sa Social Media)? Wala naman sa ngayon kasi lahat naman kami sa tropa ay mga ‘vlogger’ daw, mga mahilig pumitik sa kamera para sa magagandang alaala.

Anong mga pag-iingat (kung meron man) ang dapat ninyong gawin upang matiyak ang inyong kaligtasan kapag ginagawa/nagsasanay kayo ng inyong libangan sa isang bagong lugar? Safe naman dito sa amin kahit saan kami mag-camping dito. Tinitingnan lang namin sa Google kung anong trail ang maganda at nagbabasa rin ng mga reviews. Hindi kasi kami mahilig gumamit ng Strava at trail guide, sa kadahilanang parang nawawala yung excitement kung gumagamit ng mapa. Mas gusto namin kami yung naghahanap yung may halong budol ride ba.

Ano ang maibibigay ninyong advice sa ating mga kababayan na may dalawa o higit pang mga hobbies na kanilang kinaaaliwan gawin ngunit hindi nila ito magawa o mabalanse ng tama?

Work-life balance. 

Kung may pagkakataon o mangyayari na dapat na iwanan ang inyong hobby at ang bisikleta, anong activity ang isu-substitute ninyo dito at bakit? Hindi ko pa ito napag-iisipan, hangga’t kaya pumidal tuloy-tuloy lang ang pagbibisikleta.

brewcycleadventure ng IG

Bakit ninyo napili ang bisikleta bilang pangunahing transportasyon para magawa ninyo ang inyong libangan? Napili ko ang bisikleta bilang pangunahing transportasyon dahil nakakatipid ako sa pamasahe at nakakapag-ehersisyo pa ako. Mas malaya rin akong nakakagala sa iba’t ibang lugar, at hindi ako naiipit sa trapik dahil maaari akong dumaan sa mga kalsadang hindi nadaraanan ng mga sasakyan. Bukod pa rito, mas nararamdaman ko ang kapaligiran at kalikasan habang nagbibisikleta, kaya mas nagiging masaya ang aking pagbibisikleta

Ano ang mga pinakamagandang destinasyon para sa inyong partikular na libangan? Para sa akin, masarap mag-bike sa mga lugar na maraming puno, tabing-dagat, at kaunti ang mga sasakyan. Mas masaya at nakaka-relax kapag ang dinaraanan mo ay may mga scenic routes tulad ng tabing-dagat at mga probinsya na walang trapik at polusyon. Isa sa mga paborito kong ruta ay kapag umuuwi ako sa amin sa Magallanes, Cavite. Malapit lang ito sa Maynila at madaling puntahan, pero habang nagbibisikleta ako roon, makakadaan ka sa mga lugar na may maraming puno at magagandang tanawin ng bundok. Kaunti rin ang mga sasakyan, kaya mas ligtas at mas enjoy ang pagba-bike.

Mayroon po bang anumang lokal na kaugalian o tuntunin sa etiketa na dapat malaman tungkol sa inyong libangan (halimbawa ay yung pagpapaalam o consent ng isang grupo/company/tao kung mag-post sa Social Media)? Oo, mahalagang igalang ang ibang gumagamit ng kalsada, lalo na ang mga pedestrian at kapwa siklista. At kapag dadaan tayo sa mga pribadong lugar, mahalagang humingi ng pahintulot o magpaalam muna. Huwag din tayong magkalat sa mga pinupuntahan nating lugar bilang pagrespeto sa kalikasan. Pagdating naman sa social media, mahalaga ring humingi ng pahintulot o consent mula sa taong kasama o sa may-ari ng lugar bago mag-post ng litrato o video. Dapat palaging may respeto sa kapwa at sa kapaligiran .

Anong mga pag-iingat (kung meron man) ang dapat ninyong gawin upang matiyak ang inyong kaligtasan kapag nagsasanay kayo ng inyong libangan sa isang bagong lugar? Kapag nagbibisikleta ako sa bagong lugar, tinitingnan ko muna ang ruta para hindi ako maligaw. Sinisigurado ko rin na maayos ang aking bisikleta, lalo na ang preno at gulong. Nagsusuot ako ng helmet at nagdadala ng ilaw, lalo na kung sakaling gabihin ako sa daan. Lagi rin akong may dalang tubig, I.D., cellphone, at mga gamit sa bike sakaling masiraan o ma-flatan ng gulong. Mahalaga rin na may nakakaalam na kapamilya o kaibigan kung saan ako pupunta, para sa sariling kaligtasan.

Ano ang maibibigay ninyong advice sa ating mga kababayan na may dalawa o higit pang mga hobbies na kanilang kinaaaliwan gawin ngunit hindi nila ito magawa o mabalanse ng tama? Ang maipapayo ko lang siguro ay planuhin nang maayos ang oras at magkaroon ng tamang time management. Halimbawa sa akin, nagda-dragon boat ako tuwing weekend, pero nagagawa ko pa ring mag-bike dahil nagbibisikleta ako papunta sa training. Minsan naman, nagbibisikleta ako papuntang coffee shop para makipagkita sa mga kaibigan—kaya nakakapag-relax na ako, nakakakape pa, at nakakapag-bike pa rin. Sa tamang pagplano, posible pa ring magawa ang iba’t ibang gusto mong gawin nang sabay, basta ma-organize mo nang tama ang iyong oras.

Kung may pagkakataon o mangyayari na dapat na iwanan ang inyong hobby at ang bisikleta, anong activity ang isu-substitute ninyo dito at bakit? Kung sakaling kailangan kong iwanan ang pagbibisikleta, siguro maglalakad-lakad ako, maghi-hiking, at pupunta sa beach para manood ng sunset habang nagkakape. Nakaka-relax ang mga ito at nakakatulong para mawala ang stress. Mahilig talaga ako sa nature, kaya kahit wala akong bisikleta, gusto ko pa ring pumunta sa mga lugar na tahimik, presko, maraming puno, at malapit sa dagat.

Joel (turborat ng IG)

Bakit ninyo napili ang bisikleta bilang pangunahing transportasyon para magawa ninyo ang inyong libangan? Nagsimula akong mag-bike as transportation noong 2018. I work along Ortigas Avenue. Kung makikipagsiksikan ako sa bus, it takes me 1 hour to 1 hour 30 minutes. Kung magbo-book naman ako ng TNVS, about 45 minutes travel time pero 4x more expensive. May ka-office ako at that time na nagba-bike din, so I decided to give it a try. When it comes to content creation, the @_turborat account is already my third attempt. Nung pandemic, nagbubuo ako ng mga fixed gear bikes and we post the videos on YT. Once nag return-to-work na tigil. Last year, I also tried making ride videos. Kaya lang hindi ko na rin tinuloy kasi nawalan ako ng ideas (since hindi ako masyadong naglo-long ride) and na hassle ako sa pag-edit.

I started documenting my commutes using a CampSnap only a few months ago. Yung toy camera na gamit ko is actually an extra purchase—originally, regalo ko siya sa fiancé ko. Naisip kong gamitin na lang siya kaysa naka tambak. I also have to preface this by saying na wala akong kahit na anong training sa photography. Gusto ko lang talagang ma-document ang mga nakikita ko sa daan. At that time, I remembered; may one time na nag ride ako, may nakita akong bata na nag-crossover sa sidewalk ng walang dalang bola. Sabi ko sa sarili ko, sayang, hindi ko nakunan. With my toy camera, I hope to capture moments like that. The account is really my photo journal more than anything.

Ano ang mga pinakamagandang destinasyon para sa inyong partikular na libangan? I would consider myself more as a bike commuter than a recreational cyclist. Mas madalas akong nagba-bike papunta sa office than naggagala. That said, mas attentive ako sa mga nadadaanan ko than sa destination ko. Yung mga eksena sa kalsada talaga yung nakalilibang para sakin. Like I said, I wanted to capture that. Yes, my route is usually the same, pero every day is a new experience. Laging may kakaiba sa daan.

Kung talagang kailangan may specific na “destination,” it would be places my fiancé and I bike to—mostly cafes. Even then, I still have more pictures of my fiancé on the bike than of where we went or what we were eating.

Mayroon po bang anumang lokal na kaugalian o tuntunin sa etiketa na dapat malaman tungkol sa inyong libangan (halimbawa ay yung pagpapaalam o consent ng isang grupo/company/tao kung mag-post sa Social Media)? Since most of the photos I take are shot while I’m moving, kung may mga faces and plate numbers man akong nahuhuli sa photo, I make sure to blur them. I guess that’s the best I can do given the situation.

Kadalasan ngayon, establishments are fine with you taking photos of their space and tagging them on social media. Then again, madali lang naman ang humingi ng permiso, so it would not hurt. If there are people involved whom I don’t know, consent is always needed. Kahit naman ako, hindi rin ako comfortable na ma-picture-an without consent.

Anong mga pag-iingat (kung meron man) ang dapat ninyong gawin upang matiyak ang inyong kaligtasan kapag nagsasanay kayo ng inyong libangan sa isang bagong lugar? In my case, napaka-halaga na mag-ingat, since I’m taking photos while I’m moving. Nagbabaon ako ng dagdag na awareness sa surroundings ko palagi. From the get go, cautious ako as a bike commuter. Lalo pa ngayon na I also take pictures.

Mas importante sa akin yung safety ko than getting the photo. Okay lang sa akin if I miss a shot, if it means I get to my office or house safely. Hindi ko rin ifo-force yung photo—hindi ko ilalagay yung sarili ko sa alanganin or maghabol ng mga tao or mag-set ng eksena para lang makakuha ng photo. Whatever comes naturally, those are the scenes I take photos of.

During every ride, I also prepare my EDC. I make sure na meron akong helmet, water, pera, IDs, phone. Non-negotiables ko yang mga yan. Depending on where I report for work, nagdadala din ako ng at least two bike locks. I only have one bike (at the moment), it would be difficult kung mawala yun.

Ano ang maibibigay ninyong advice sa ating mga kababayan na may dalawa o higit pang mga hobbies na kanilang kinaaaliwan gawin ngunit hindi nila ito magawa o mabalanse ng tama? I can think of two: Una, if you think it’s worth doing, you’ll find time to do it. You’ll set aside space in your already busy schedule for that; pangalawa, don’t pressure yourself to do everything all at once. Kung hindi ako nagkakamali, it was Oprah who was quoted as saying, “You can have it all…just not all at once.” You’re free to enjoy your hobbies pero kailangan mo ring i-manage yung oras mo.

Kung may pagkakataon o mangyayari na dapat na iwanan ang inyong hobby at ang bisikleta, anong activity ang isu-substitute ninyo dito at bakit? Gaya ng nasabi ko kanina, I’m by no means a trained photographer. At the same time, pangatlong attempt ko na ito at content creation. Okay lang sa akin if one morning, magising ako na ayaw ko nang i-document yung mga commute ko. Although I don’t see that happening soon. When it comes to cycling naman, I don’t think I’ll ever stop. I’ve figured in a major road crash already, even that did not stop me. You can say, I’ve made it my identity—I’m the “tito who rides bikes” sabi nga pamangkin ko.

God-forbid na lang kung may mangyari sa akin that will result in me not being able to ride a bike, I would want to take up being a bike mechanic. I sometimes enjoy tinkering on my bike more than riding my bike. Na e-excite ako sa thought na magku-curate ako ng build, magco-collect ako ng piyesa, and bubuoin ko siya on my own. In the end, bike-related pa rin.

D. Beetoo (padyakain_tv ng IG)

Bakit ninyo napili ang bisikleta bilang pangunahing transportasyon para magawa ninyo ang inyong libangan? Pinili ko ang bisikleta kasi bukod sa tipid sa gasolina at eco-friendly, ang dami mong pwedeng gawin habang naka-bike. Nakatutulong siya sa kalusugan, nakakawala ng stress, at may sense of freedom. Naa-appreciate mo yung ganda ng gawa ng Diyos.

Ano ang mga pinakamagandang destinasyon para sa inyong partikular na libangan? Depende ‘yan sa nagbibisikleta. Ako kasi masaya na ko sa magandang tanawin at masarap na kape. So ang hinahanap ko ay mga ruta na simple lang pero may konting challenge at lugar kung saan mare-reward ko ang sarili ko ng masarap na kape at pagkain pagkatapos.

Mayroon po bang anumang lokal na kaugalian o tuntunin sa etiketa na dapat malaman tungkol sa inyong libangan (halimbawa ay yung pagpapaalam o consent ng isang grupo/company/tao kung mag-post sa Social Media)? Una, respeto sa kapwa biker, pedestrian, motorista, at kalikasan. Kung sasama sa group ride, sundin ang patakaran nila para hindi makaabala sa flow. Kung anong dinala mong basura, iuwi mo rin.

Anong mga pag-iingat (kung meron man) ang dapat ninyong gawin upang matiyak ang inyong kaligtasan kapag nagsasanay kayo ng inyong libangan sa isang bagong lugar? Una sa lahat, planado ang ruta. Safe ba ang daan? May matarik ba o traffic-heavy na bahagi? Dapat naka-helmet palagi, may ilaw kung gabi, at may dalang repair tools, tubig, at ID.

Ano ang maibibigay ninyong advice sa ating mga kababayan na may dalawa o higit pang mga hobbies na kanilang kinaaaliwan gawin ngunit hindi nila ito magawa o mabalanse ng tama? You can have as many hobbies as you want as long as masaya ka. Yung pag “balanse” para sa akin, hindi ‘yan ang mahalaga. Kung ano yung gusto mong gawin at makakapagpasaya sa iyo sa panahon na yun, yun ang gawin mo. Above all else, mas gusto kong bigyan ng halaga ang pahinga.

Kung may pagkakataon o mangyayari na dapat na iwanan ang inyong hobby at ang bisikleta, anong activity ang isu-substitute ninyo dito at bakit? Siguro running or photography

Padyak.Kain.Inom.Repeat (tootiredtwotiredattorney ng IG)

Bakit ninyo napili ang bisikleta bilang pangunahing transportasyon para magawa ninyo ang inyong libangan? Grade school pa lang, ang pagbi-bike na ang isa sa mga libangan naming magkakapatid. Mga 20yrs din siguro bago ako bumalik sa pagbibisikleta. Noong mag umpisa ang Point-to-Point (P2P) buses sa Edsa, gusto ko sanang makapag- “bi-modal” commute papasok ng opisina dahil mas matipid at mabilis. Bumili ako ng folding bike para pwede isakay sa bus. Kalaunan, sinubukan kong mag bike all the way at nalaman ko na hindi naman pala ganoon kahirap kaya nag bike-to-work na ako mas madalas. Praktikal din siya kasi naka- commute ka na nang libre, iwas traffic at makapag-exercise na din. Ang mga kaibigan ko rin nung college, e naging seryoso na sa pagbi-bike kaya naging regular ang grupo namin sa pagbibisikleta tuwing weekend at sa long rides naman kapag holiday.

Ano ang mga pinakamagandang destinasyon para sa inyong partikular na libangan? Sa ngayon, ang pinakamagandang napuntahan ko gamot ang bike ay ang Kinabuan Falls sa Tanay, Rizal, at ang ruta papunta dito, pati ang isla ng Marinduque, kung saan nilibot namin ang iba’t-ibang beach doon.

Mayroon po bang anumang lokal na kaugalian o tuntunin sa etiketa na dapat malaman tungkol sa inyong libangan (halimbawa ay yung pagpapaalam o consent ng isang grupo/company/tao kung mag-post sa Social Media)? Ang kagandahan sa pagbibisikleta ay halos walang pahintulot na kinakailangan upang magawa ito. Pag-iingat lang sa kalsada at kortesiya sa mga ibang siklista, pedestrians at kahit mga nasa sasakyan.

Anong mga pag-iingat (kung meron man) ang dapat ninyong gawin upang matiyak ang inyong kaligtasan kapag nagsasanay kayo ng inyong libangan sa isang bagong lugar? Ugaliing sumunod sa batas trapiko kahit naka-bisikleta. Maging aware sa iyong paligid, lalo na kung kasabay ang mga sasakyan sa mga major thoroughfares. Kung magbibisikleta sa gabi, siguraduhing may sapat na ilaw upang makita ang dinadaanan at makita ka rin ng mga motorista at ibang gumagamit ng lansangan.

Ano ang maibibigay ninyong advice sa ating mga kababayan na may dalawa o higit pang mga hobbies na kanilang kinaaaliwan gawin ngunit hindi nila ito magawa o mabalanse ng tama? Mainam kung maisayos natin ang ating mga schedule. Tukuyin ang inyong priorities para hindi masakripisyo ang mga mas importanteng bagay tulad ng hanapbuhay at pamilya. Kung masyadong nakakaubos ng oras ang isang libangan, subukan ang mga alternatibo na mas tugma sa inyong schedule.

Kung may pagkakataon o mangyayari na dapat na iwanan ang inyong hobby at ang bisikleta, anong activity ang isu-substitute ninyo dito at bakit? Kung matitigil ako sa pagbibisikleta, ang aking mga alternatibong libangan ay ang pagtakbo, strength training o kaya martial arts. Ang mga ito ay madali lang din pagsanayan, hindi gaanong magastos at makabubuti sa pangkalahatang kalusugan.

M. Santiago (mytach0ndria ng IG /mytachondria.blog)

Bakit ninyo napili ang bisikleta bilang pangunahing transportasyon para magawa ninyo ang inyong libangan? Isa lang kasi kotse namin ng nanay ko, at madalas kailangan niya iyan dahil sa mga medical appointments niya. Ang kotse ay ang kanyang personal mobility vehicle. Kaya pinili kong pumadyak at marami na akong napuntahang lugar dahil sa pagbibisikleta. Kahit sa paghahanap lang ng cafe o restaurant, mas nagagawa ko dahil sa pagbibisikleta. Pinagsama ko ang hilig ko sa photography at pagbibisikleta noong gusto kong i-dokumento ang pagbabago ng bike ko. Tapos nagsimula akong mag-cover ng bike-related events. Eventually, ginagamit ko ang photography and cycling para umikot sa Manila at mag-street photography.

Ano ang mga pinakamagandang destinasyon para sa inyong partikular na libangan? Nakapag-bike touring and bikepacking na ako, at para sa akin ang pinakamagandang destinasyon – sa ngayon – ay ang lalawigan ng Antique. Rolling hills, open roads, friendly locals. Parang bawat anggulo ng lalawigan ay sarap magletrato.

Mayroon po bang anumang lokal na kaugalian o tuntunin sa etiketa na dapat malaman tungkol sa inyong libangan? (halimbawa ay yung pagpapaalam o consent ng isang grupo/company/tao kung mag-post sa Social Media) Marami. Kung nasa grupo kayo at chill ride lang naman, kahit malayo pa ang destinasyon, walang naiiwan na rider. Sumusunod din kami sa “Leave No Trace” at “Clean As You Go” principles ng mga hiker kung kami’y mag hike-a-bike or mag-bike camping. Sa photography naman, kailangang malaman kung ano pwedeng i-shoot at ano ang bawal (lalo na kung menor de edad at katutubo, o kaya mga hayop na endangered).

Anong mga pag-iingat (kung meron man) ang dapat ninyong gawin upang matiyak ang inyong kaligtasan kapag nagsasanay kayo ng inyong libangan sa isang bagong lugar? Bago sa lahat, dapat alamin ang ruta at kultura ng lugar. Dapat maging friendly sa mga lokal dahil dumadayo lang tayo. Siyempre, dapat tamang exercise at nutrition bago pumadyak sa lugar, at dapat mag-double-check ng gamit (lights, extra inner tubes, multi-tool, etc.). Huwag humiwalay sa grupo at magpaalam kung lalayo ka nang saglit para makahintay sila sa’yo.

Ano ang maibibigay ninyong advice sa ating mga kababayan na may dalawa o higit pang mga hobbies na kanilang kinaaaliwan gawin ngunit hindi nila ito magawa o mabalanse ng tama? Life happens, at madalas kasi mas napri-prioritize natin ang isang hobby over the other, lalo na kung nagiging lifestyle na ito, hindi lang hobby. Hindi mo naman kailangang gawing lahat for the sake of doing everything. Kasi, these are supposed to give meaning to your life, as well as happiness… at kung hindi ka na masaya sa hobby na iyun, bakit mo pang pipiliting gawin? Pero kung gusto mo talagang alagaan ang mga hobbies mo, isipin mo na lang na i-cycle mo sila. Hobbies sila, hindi tao na kailangan ng attention. They can wait.

Kung may pagkakataon o mangyayari na dapat na iwanan ang inyong hobby at ang bisikleta, anong activity ang isu-substitute ninyo dito at bakit? Mahirap iyan kasi integrated ang cycling at photography sa buhay ko, lalo na ngayon, at sila ang pundasyon ng adbokasiya ko. Dahil sa cycling, nagkaroon ako ng magandang support system at tema para sa blog ko. Pero kung iiwanan ko ang cycling at photography, eto na lang hobbies ko: mag-gym at magbasa ng libro. Bakit? Kahit papaano gusto ko pa rin may exercise/movement ako sa buhay, at kung wala akong gagawin, magbabasa lang ako ng libro. Siguro maglalaro rin ng video games since may oras na ulit ako. Kaso… ang boring kapag walang bikes sa buhay, haha

E. Mallari (gamepencil ng IG)

Bakit ninyo napili ang bisikleta bilang pangunahing transportasyon para magawa ninyo ang inyong libangan? Mas madami akong natatanaw at nasasaksihan kapag bisikleta ang gamit ko, kagaya rin ng paglalakad anytime at anywhere pwede kang huminto at mag obserba sa paligid mas malayo nga lang ang nararating kapag bisikleta ang gamit ko.

Ano ang mga pinakamagandang destinasyon para sa inyong partikular na libangan? Madami, magkakaiba ang karakter ng bawat lugar na napupuntahan ko kaya ko ito ipinipinta dahil baka balang araw maglaho ang likas na ganda nito lalo na sa mga probinsya mga palayan sa gitnang Luzon mga batis sa Aurora at Quezon

Mayroon po bang anumang lokal na kaugalian o tuntunin sa etiketa na dapat malaman tungkol sa inyong libangan?  (halimbawa ay yung pagpapaalam o consent ng isang grupo/company/tao kung mag-post sa Social Media) Kung ang isang lugar ay pribado o park na may security, ipinagpapaalam ko kung maaaring ipinta ang bahagi ng lugar na nanaisin ko base sa aking nagustuhang perspektibo.

Anong mga pag-iingat (kung meron man) ang dapat ninyong gawin upang matiyak ang inyong kaligtasan kapag nagsasanay kayo ng inyong libangan sa isang bagong lugar? Sa pamimisikleta, may dala akong ilaw sakaling abutan ng gabi, helmet sa mga lugar na prone sa disgrasya, tools sakaling masiraan, panangga sa ulan gaya ng kapote at extra plastic para sa mga art materials. Iniiwasan ko rin maglabas ng gadget habang namimisikleta at nagpipinta maliban kung magkukuha ako ng photo.

Ano ang maibibigay ninyong advice sa ating mga kababayan na may dalawa o higit pang mga hobbies na kanilang kinaaaliwan gawin ngunit hindi nila ito magawa o mabalanse ng tama? Dapat subukan, kung iniisip nila na masaya itong gawin lalong mas masaya kung mararanasan ang mga bagay na ito, ang bilis ng pagbabago ng panahon baka sa mga susunod na dekada ay sa painting na lang natin masasariwa ang mga bagay o lugar na nasaksihan natin. Pag tanda natin at hindi na makasampa sa bisikleta, masarap na paraan ng ala-ala ay ang tignan ang mga naipinta nating lugar para manariwa ang lahat ng ala-ala ng ating pinagdaanan.

Kung may pagkakataon o mangyayari na dapat na iwanan ang inyong hobby at ang bisikleta, anong activity ang isu-substitute ninyo dito at bakit? Forest & Gardening, pangarap ko sa pagtanda ko na ang kakainin ko ay sarili kong mga tanim.

Ang ideya ng paggawa ng mga nakahiligang libangan habang nagbibisikleta (o kapag ginagamit ang bisikleta) ay nagpapakita lamang ng pagkamalikhain at adventurous na vibes ng ibang mga tao. Livestreaming man ito, pagkuha ng mga larawan, pagsusulat, o kahit pagluluto, binabago ng mga siklista ngayon (o yung mga beterano na) ang laro sa kung ano ang ibig sabihin ng pagiging masigasig sa pagbibisikleta. Ang mga nakakatuwang aktibidad na ito ay hindi lamang nagpapaganda ng biyahe kundi nakakatulong din na bumuo ng magagandang alaala at isang malakas na komunidad sa mga kapwa bikers.