i- KLUNK MO!
ni: Kalipunan
Klunker, cruiser, ano bang meron sa mga bisikletang ito? Base sa aking kaalaman (kasama na rin ang pagbabasa), ang klunker bikes ay mabigat (batalya na nagmula sa lumang modelong bisikleta) at may mga piyesang chop-chop na galing sa mga parte ng motor/bisikleta.
Taong 1993 o 1994 yata ako noong una akong nakagamit ng hybrid style klunker. 24 o 26 inch yata ito, may bmx na manibela, makapal/bakal na rim, rear drum brake at half inch na kadena. Ito rin ang panahon kung saan kong unang na-experience ang pagpasyal (sa tabi-tabi) at ang paglagpas (unang solid na semplang) sa DIY na rampa na ginawa ng aming kapitbahay. Ilang taon ang lumipas at naging trend naman ang pagbuo ng Manila bike (na aking pinangarap). Makulay, makapal na gulong, may naka-install na music player, dynamo at naka-banana seat ang pormahan nito. Nakakaaliw panoorin, lalo na kung grupo kayong papadyak at magkikita sa isang restaurant. Sa aking palagay, kung pag-uusapan ang kalupitan ng mga bisikletang ito, masasabi ko na pangalawa lang sa linya ang mga piyesang nakakabit dito. Una pa rin, malamang ang dekorasyon at mga palamuting nagpapalutang sa bisikletang ito.
Naglabasan din ang mga customized lowrider/dragster style na bike (sa susunod na topic) na animoy mga pilak na kumikinang sa tuwing makakasalubong mo sila sa daan. At para maipagpatuloy ko ang nabaon kong mga pangarap, nagtanong ako ng mga taong naging passion ang pagbuo o paggamit ng klunker/cruiser bikes.

Labing taon na noong nagsimulang nagbisikleta si J. Remo. Kahit anong bisikleta ang gamitin niya, tiyak sasama siya sa kahit anong ride. Sinabi niya na klunker ay kanyang napili dahil mixed ito ng piyesa ng old MTB at BMX na kung titingnan ay napakaangas ng dating. At kahit na kinakalawang (hininang na bakal) at mabigat na sikaran ang kanyang biskleta, para sa kanya, wala pa ring sinabi ang mga ibang mainstream bike kumpara sa kanyang rig. ‘Wala naman din kinalaman sa isang crew/gang sa pag-ride ko sa klunker ko. In short, gusto ko lang mag-ride on (for exercise purposes na rin kasi), dagdag pa niya.
At dahil chop-chop talaga ang bisikleta niya, hindi na siya mag-aatubiling sumali sa DH na compi kahit na katuwaan lamang ito. Sinabi niya na baka unang metro pa lang niya pababa ay baka kung saan na siya pulutin sa track (dahil hindi naman siya pro). Pero kung magre-restore o bubuo siya ng new school klunker style na bisikleta, e malamang baka magdalawang-isip siya sa pagsali sa DH compi. Ang kanyang simpleng advice sa mga baguhang gustong gumamit ng classic bikes ay ‘just enjoy the ride’. Sabi nga nila, it is not about the destination, it is about the journey and how you get there. So enjoy lang!


Ang pagsakay sa isang klunker/cruiser, sa tingin ni Sais, ay kapareho lang ng kung paano niya sinakyan ang kanyang BMX noong araw. Mas na e-enjoy niyang gamitin ang kanyang klunker kesa sa cruiser dahil may mga nagagawa siyang kakaiba dito na hindi niya kayang gawin sa cruiser. ‘Okay din naman po ako sa Cruiser dahil mas relax itong sakyan. Hindi tulad sa klunker e lagi ako nakatayo haha’, sabi rin niya.
Para sa kanya, halos pareho lang ang dalawang bisikleta, pero kung gusto raw ninyo na maglaro (like BMX), e mas mainam kung klunker ang gamit. Sa kabila ng ito, kung ang habol ninyo lang ay cruise/chill ride, mas okay gamitin ang cruiser dahil mas relax at komportable ito. Dinagdag din niya na ang cons (dahil gagastos na naman) ng paggamit ng dalawang bisikleta ay kung kailangan mong magpalit ng piyesa. Sa klunker kasi, magpapalit ka lang ng parts para tumibay at para magamit mo sa mga off-road/trail o sa kung anumang talon na gusto mong gawin. Sa cruiser naman, pinapalitan mo yung piyesa para maging kumportable ka sa bawat cruise mo at syempre para gumanda rin.
Sinabi rin niya na tropa-tropahan lang sa kanya ang pagsakay sa kluker bikes at hindi katulad ng ibang grupo ng motor na may pangalan na pinang-hahawakan. ‘At dahil nai-babahagi mo ang iyong hilig sa iba pang gumagamit ng biskletang ito, mas nagiging produktibo ang eksena at ang mga taong nabibilang dito,’ banggit pa niya. At dahil din mahilig siyang maglaro, mas preferred niya na gumamit ng bagong piyesa o yung talagang ginagamit na niya simula noong nag-B-BMX pa lamang siya. Sa ganitong paraan, alam niya kaagad ang kapasidad o kung ano ang performance ng piyesang kanyang ikakabit sa kanyang klunker. Sasali (siguro) rin siya sa isang DH event kung magkakaroon ito sa bansa. Hindi lang para sa kanyang skills, ito ay para na rin malaman niya ang tibay ng kanyang build na bisikleta. Sasali rin siya sa isang 12 hours race gamit ang cruiser bike, iyon ay kung may training siya at kung komportable (dahil chill ride) ang gagamitin niyang cruiser.
Binanggit din niya na mas okay sa kanya yung restoration with new parts, dahil kung gusto niyo talagang ipanglaro yung bike, kailangan talagang mag-invest ng makabagong parts. Maaaring malaman ninyo rin kung matibay ba talaga ang mga piyesang nabili ninyo. Pero pag gusto niyo magka-value yung binibuild niyo na klunker, dun po kayo sa restoration with original/old parts.
Para sa kanyang advice sa mga bago o yung mag-uumpisa pa lamang mag-restore o gumamit ng old school bikes. ‘Tuloy niyo lang kung ano talaga hilig niyo. Hindi naman sa pagandahan yan ng bike at pamahalan. Sinasabi ko sa inyo, pag naging purista ka sa piyesa e mauubos ka haha. Enjoyin mo lang ang bawat sikad. At syempre piliin mo kung ano talaga trip mo, kung cruiser o klunker. Mahal din kasi magbuo (depende kung may savings ka talaga), kaya isipin mo kung ano sa dalawa ang gusto mo.
Ako, gusto ko talaga ng cruiser dahil nare-relax ako pag nag-cru-cruise kasama ang mga tropa. Pero dahil nga sa nagB-BMX ako dati at biglang nauso ulet ang klunker, at may naitabi akong extra, sinubukan ko mag klunker. Masaya ako dahil nagagawa ko yung ibang mga nagagawa ko sa BMX gamit ang bisikletang ito. Bukod doon, pwede ko na rin itong pang-long ride, hindi tulad sa cruiser na pang-cruise lang talaga o pang-malapitan. Parehas silang enjoy gamitin sa totoo lang; depende na rin siguro sa mood ang paggamit. Pag gusto mo mag-chill, cruiser. Pag gusto mo namang magpagod, klunker lol.


Napili naman ni Uel ang paggamit ng klunker dahil para sa kanya iba at kakaiba (may arrive) ang datingan kung gamit niya ang ganitong uri ng bisikleta. Dahil sa paggamit ng bisikletang ito, mas nagiging fit at healthy siya sa tuwing siya’y papadyak kasama ang tropa. Sinabi rin niya na ang mga bisikletang ito ay tinitingnan bilang isang simbolo ng paghihimagsik (sa ibang lugar) at isang paraan ng pagpapahayag ng pagiging unique.
Ito ay isang samahan na nabuo na habang tumatagal ay nagiging pamilya at kapatid ang turing sa isa’t-isa, brotherhood ika-nga, ito ang kanyang opinyon tungkol sa samahan/grupo na gumagamit ng klunker bikes. Excited din siyang sumali sa isang DH race gamit ang kanyang klunker para makita niya ang performance ng kanyang chop-chop (new at old parts) na bisikleta. Sa kabila ng lahat, hindi naman niya sinang-ayunan ang pagsali sa isang 12-hour race gamit ang isang cruiser bike dahil baka hindi raw niya ito kayanin. Advice lang niya sa iba na, for keeps na ang mga old school bikes, sooner or later, mamahal ang presyo at maganda pa rin mag-ride ng kakaiba ang itsura ng bisikleta.


Para naman kay Rusty (ricebunny), kaya siya napunta sa mundo ng klunker dahil na rin sa paglalaro ng BMX noong araw at pagsali niya sa mga vintage bicycle shows. Binanggit din niya na sa paggamit ng klunker, sanayan lang talaga ang kailangan dahil nga SS lang ito at powered lang ito ng paa sa tuwing ika’y hihinto (lalo na sa paglusong). Sinabi rin niya na ang kaugnayan niya sa paggamit ng ganitong klaseng bisikleta sa kanyang samahan ay ang pagiging solid sa tropa at never na ma-involve sa away.
Originally klunker, pwedeng vintage bike frame na may halong modernong mga parts. Pwede rin isang buong unit na puro vintage parts. Kanya-kanyang reference pa rin at depende sa availability ng parts o tema (inspirasyon) na binubuo ng unit, ito ang kanyang sagot tungkol sa paggamit ng old at new parts para sa pagbuo ng isang klunker/cruiser. At sa pagbuo ng vintage bikes naman, mas preferred niya ang ‘period correct’ para mas malalim at maintindihan ng mga tao ang tunay na storya ng isang unit.


Pwede naman ang kanyang sagot basta’t may safety gear/s kung may grupong mag-o-organisa ng DH race. ‘Masaya at bagong experience iyon at para lalong mas makilala sa mundo ng bike ang klunker, ika nga, klunker ang pinagmulan ng modernong mountain bike,’ dagdag pa niya. Negative naman ang kanyang tugon tungkol sa paggamit ng cruiser sa karera, dahil, para sa kanya, never ginawa ang cruiser bike para sa karera.
Para naman sa kanyang abiso sa mga nagbabalak, sinabi niya na masaya magbuo ngunit kailangan ng malalim na bulsa, pinag-aaralan ang history ng kada unit at kailangan mong mahalin kung ano ang ginagawa mo. Ang pagbuo ng isang vintage bike ay isang moving art na kailangan mong ipakita sa ibang tao para ma-appreciate din nila ang iyong binubuong bisikleta.

Low rider, cruiser, clunker, hybrid, o kung anuman ang tawag sa bike na iyon, tandaan na ang diskarte sa pagbabago ay nasa kamay pa rin ng may-ari. Ang paggawa at paggamit ng mga lumang bisikleta o piyesa ay nasa pagpapasya pa rin ng taong gagamit nito. Igalang ang lahat ng mga build, magsaya, at magkaroon ng magandang oras kasama ang iyong mga tropa.