ISANG OBSERBASYON
ni: BATJ
Ilang taon na rin akong naglalakbay gamit ang aking bisikleta. Naging tulong ito upang lubos kong maunawaan ang mundo at ang mga taong naninirahan dito. Marami rin akong mga bagay na natutunan at naranasan habang ako ay bumibiyahe mag-isa. Ilan sa mga ito ay ang malagpasan, ang walang katapusang pag-ahon sa isang imposibleng ruta, pagkaligaw sa kagubatan ng maraming beses, pag-pedal sa nagbabagang init ng isang lugar, pagtawid sa rumaragasang ilog, at higit sa lahat ay ang makasalubong ang iba’t ibang klase ng biyahero sa daan.
Maraming klase ng biyahero ang maaari nating makita sa daan. Base sa aking obserbasyon, may mga siklistang biyaherong determinado at hindi, pala-tanong, positibo, pala-kaibigan at kung ano-ano pa. Kung tutuusin, anuman ang kanilang personalidad, iisa lamang ang layunin nila: ang maglakbay at tuklasin ang mundo.
Matagal ko nang gustong ibahagi ito sa mga siklistang mahilig maglakbay, ngunit dahil sa kakulangan sa oras, nabaon lamang ito ng matagal na panahon. Ngayong nagkaroon na ako ng extra na oras, maisisingit ko na aking maikling kontribusyon tungkol sa mga manlalakbay na nakakasalubong ko sa daan.
PTB # 1

Sila ang mga manlalakbay na napamahal na sa kanilang lumang bisikleta at mga kagamitan. Hihintayin muna nilang malaspag ng ilang taon ang kanilang mga pyesa bago nila palitan ang mga ito. Determinado silang tapusin ang sinimulang ekspedisyon ‘padyak all the way’ man o hindi. Wala rin silang pakialam sa bigat ng kanilang mga dala o kung gaano kabilis ang kanilang pag-andar, basta ang layunin nila ay makarating nang ligtas sa kanilang destinasyon.
Marami sa kanila ang pala-kaibigan at handang tumulong sa mga biyaherong nasisiraan sa daan. Sila rin ay positibo at bukas sa anumang bagay tungkol sa kondisyon ng daan, ‘epic spot’ at iba pa. Kaya kung makakasalubong mo sila sa daan, huminto muna saglit at magtanong kung saan ang pinaka-scenic na ruta na maaari mong puntahan.
PTB # 2

Ito ang klase ng manlalakbay na halos ata lahat ng pinakabagong piyesa at accessories ay makikita mong naka-mount sa kanilang bisikleta. Siyempre, hindi rin mawawala ang ‘color coordinated’ na mga bags at kasuotan kung sila ay maglalakbay. Dahil sa gaan ng kanilang gamit at bisikleta, hindi nakapag-tatakang kaya nilang bumiyahe ng 150 hanggang 200 kilometro kada araw.
Destinasyon, oras at bilis ang kanilang mga layunin sa daan. Madali mo silang lapitan at handang magbigay ng gabay kung nais mong bumili ng bagong piyesa o gamit para sa iyong susunod na eksplorasyon.
PTB # 3

Sila ang tipo ng manlalakbay na maraming komento tungkol sa pagbibisikleta. Tatanungin ka nila tungkol sa ‘performance’ ng bisikleta o ‘gear’ na ginagamit mo. Sasabihin din nila na ang kanilang mga kagamitan ay mas ‘efficient’ at mas ‘functional’ kaysa sa iba. Ipagmamalaki rin nila ang kanilang mga ‘epic shot’ sa lugar na kanilang napuntahan at kung gaano ito kalayo at kahirap.
Medyo maiirita ka sa kanila sa una, pero kalaunan ay mauunawaan mo na may ‘point’ ang mga sinasabi nila. Kung tutuusin, wala silang negatibong ibig sabihin sa kanilang mga komento o opinyon. Gusto lang nilang ibahagi at ikumpara sa iba ang kanilang mga karanasan para maging masaya at sulit ang kalalabasan ng paglalakbay ng iba. Siguraduhing makipag-usap o magtanong sa kanila bago umalis para sa isang multi-day trip.
PTB # 4

Sila ang mga manlalakbay na tinatawag ng iba na ‘Hardcore’. Sila ay may mahabang balbas (minsan wala), may mga tattoo, at damit na may natatanging disenyo tungkol sa pakikipagsapalaran. Marami sa kanila ang nais lamang tumakas sa realidad at nais lamang na maunawaan ang kanilang pag-iral sa mundong ito. Halos napuntahan at na-explore na nila ang mga pinakaliliblib na lugar ng isang rehiyon at kayang-kaya nila itong balikan nang walang halong pag-aalinlangan.
Pala-kaibigan at positibo rin sila kagaya ni PTB#1, kaya huwag mag-atubiling lapitan sila kung nais ninyong magplano ng isang hardcore na eksplorasyon.
PTB # 5

Manlalakbay na laging ‘present’ sa ‘group rides’. Gagawa sila ng paraan para lang makasama sa trip ng tropa. Hindi na rin mabilang ang mga litrato na kanilang naipon simula pa noong unang sabak nila sa mga ‘long rides’. Hilig nilang ikuwento ang tungkol sa ‘bicycle video’ na napanood nila at masaya nilang ibinabahagi ito sa ibang mga siklista. Updated din sila sa lahat ng mga bagong labas na bisikleta at mga bagong piyesa para dito.
Sila ay masarap kasama sa paglalakbay dahil na rin sa mga kuwentong iyong mapapakinggan at matututunan habang kayo ay pumapadyak. Tandaan, huwag palampasin ang kanilang mga malulupit na kuha na ibinabahagi nila sa mga social media sites.
Ang mga klase ng manlalakbay na nabasa ninyo ay base lamang sa aking sariling karanasan at opinyon. Mayroon ding iba’t ibang mga kadahilanan na hindi nabanggit at maaaring isaalang-alang tungkol sa komposisyong ito.