KALOOKS TOURING ESSENTIAL
Kung ang habol mo ay makulay at may malaking kapasidad na bag sa pagbiyahe, bakit hindi mo subukan ang Kalooks brand? Mula sa Cainta, ang maliit na negosyong ito ay malaki rin ang naiambag sa eksena ng pagbibisikleta sa bansa. Gumagawa sila ng mga bag pang-touring, bikepacking at kung ano-ano pang bag pang-outdoors. Pangunahing layunin ng negosyong ito ay makagawa ng mura, de-kalidad at abot-kayang mga bags para sa mga siklistang gustong bumiyahe saan man sa bansa.
Ayon sa may-ari, nagsimula ang paggawa niya ng bags noong panahong nasira ang grips sa kanyang bisikleta. Ikwinento niya na kumuha siya ng leather para i-pang-cover ito sa kanyang grip at tsaka niya ito tinahi. Ang resulta: isang komportable at gumaganang handlebar grip. Naisip niya na may rason yung nangyari na iyon sa kanya na naging hudyat sa kaniya para simulan ang pananahi ng mga bag. Binanggit din niya kung bakit napili niya ang pangalang ‘Kalooks’. Sinabi niya na sa dami na kasi na gumagawa ng bike bags; sa mga istilo; at mahal na presyo nito, naisip niya mag-reproduce ng bike bags na kapareho ang istilo at function ngunit ang pagkakaiba nito ay ibebenta niya ito sa mas mababang presyo.


Ibinahagi rin niya ang layunin ng negosyo na makagawa ng mga de-kalidad na bike bag para sa mga ‘adventure cyclists’ o sinumang ‘outdoor enthusiast’. Magkaroon ng kamalayan sa mga 4R’s at magkaroon ng kaunting epekto sa kapaligiran habang naglalakbay. Naging paborito rin nila ang lahat ng bagay na nangyayari sa ‘production house’. Ilan sa mga ito ay ang magdisenyo, mag-pattern, manahi, at higit sa lahat ay ang mag-isip ng panibagong produkto.
Naging malinaw din sa kanila na napakahalaga ng pagiging sustainable para sa mga negosyo at kailangan din itong mapalaganap hindi lang sa kanila kundi sa iba pang ordinaryong mamamayan.


Dahil na rin sa hirap ng buhay, kailangan mong sumunod sa agos ng buhay. Kaya para sa kanila, tuloy-tuloy lang ang trabaho para mabuhay. Hindi mo naman basta-basta makukuha ang gusto mo kung hindi mo ito paghihirapan. Ganito ang lagay kung ikaw ay magtatayo ng negosyo. Mag-commit ka lang at hintayin mo sa huli na makakamtan mo rin ang iyong hinahangad. (ilan sa mga pananaw/opinyon ng Kalooks). Sinabi rin nila na ang kanilang plano para sa hinaharap ay pabutihin at pagandahin pa ang kanilang mga produkto sa abot-kayang halaga. Nais din nilang ipaalam na gagamit sila ng mas mataas na kalidad ng materyales sa susunod na mga reproduksyon para sa kanilang mga kliyente. Kung may katanungan pa kayo tungkol sa Kalooks Bags, maaari silang kontakin sa kanilang FB account (Kalooks Touring Essentials).

