Kanlungan

KANLUNGAN

ni: Kalipunan

Malapit nanaman lumubog si haring araw, saan kaya magandang magpalipas ng gabi? Ito marahil ang isa sa mga tanong ng mga biyaherong lumagpas na sa quota ng araw (na-extend) o nabago ang time frame sa kanilang paglalakbay. Syempre, kasama rin sa tanong kung may madadaanan bang tindahan (o tindahang malapit sa tutuluyan) para mag-re-supply ng makakain. Sa dami ng campsites, retreat house, o yung warmshowers .org style accommodation na ngayon sa ating bansa, hindi pa rin natin maiiwasan ang magtanong kung ayos o worth it ba ang pupuntahan nating spot. 

Dalawa sa maaaring rason sa pagpili ng campsite (o tutuluyan) ay kung hanap mo talaga ay ang kagandahan ng outdoor (view) at ang isa naman ay yung kagustuhang ma-feel ang comfortability/katahimikan ng isang lugar dahil wasted ka na sa pag-padyak. Pero ito nga bang mga rason na ito ay halos pareho lang sa pag-camp abroad? Nagtanong-tanong ako sa mga kapatid nating nakaranas ng mag-camp o yung nag-i-stay sa mga inn/hotel abroad (at dito sa bansa) kung mayroon ba itong pinagkaiba sa Pilipinas. Ang mga susunod ay ang kanilang mga sagot tungkol sa paksang ito.

Kahit na nakapag-camp na si Ryan S. (Bisayang Bikepacker) at kanyang mga kaibigan sa ibang mga bansa sa Central Asia, sinabi niya na mas prefer niya pa rin mag-camp sa isang kilalang campsite sa ating bansa. Siguro sa kadahilanang mas kampante siya dahil nasa Pilipinas siya. Napansin din niya na may mga mangilan-ngilan din mga campsite ang sumusunod sa mga polisya ng environmental laws sa bansa ngunit minsan (at hindi talaga maiiwasan) ang mga ibang campers na talaga mismo ang hindi makasunod sa mga rules.

Ibinahagi rin niya na ang unexplainable feeling of calmness and contentment habang siya ay nagca-camp sa Pilipinas o sa abroad. At dahil pabor siya sa wild/stealth camping, isa sa mga bizarre niyang experiences ay ang atensyon ng mga lokal habang sila/siya ay malayo sa sibilisasyon. Ngunit napapawi naman ito dahil din sa magagandang tanawin na nakikita niya sa ibang bansa. Para naman sa kanyang advice sa mga ayaw mag-camp nang malayo, sinabi niya na i-try muna ito kahit isang beses at baka mag-iba ang kanilang pananaw sa experience na ito.

Isa sa mga nakilala kong active na multi-adventurer sa Japan si Roberto F. (Obet). Mula sa pag-akyat ng bundok, pagtakbo, bisikleta (BMX to GRAV GRAV) at van life (kasama ang kanyang partner), masasabi ko na solve na solve siya habang ginagawa niya o natatapos niya ang mga activities na ito. Para naman sa mga sagot niya tungkol sa artikulong ito, sinabi niya na mas prefer niyang mag-camp sa kakaunti lang ang tao para hindi masyadong crowded at may peace of mind siya. At kung may pagkakataon naman, gusto rin niyang mag-stay sa ilang remote area sa Japan para mas lalo niyang ma-feel ang kapayapaan. Nagtanung din ako kung ano ba ang kanyang pananaw/opinyon tungkol sa mga campsite sa Pilipinas kung sumusunod ba sila o hindi sa environmental laws ng bansa. Sinabi niya na hindi lahat ay sumusunod at mas marami ang ginagawang negosyo. Ito yung tipong kahit napakarami ng tao sa lugar (crowded na), papapasukin pa rin nila ang mga ito basta kumita lang sila.

Binanggit din niya na isa sa mga pinaka-‘the best’ time habang siya ay nagca-camp ay yung makasama ang sarili niya. Kabilang din ang malawakang peace of mind (no rules) na kanyang nararanasan dahil nagagawa niya lahat ang gusto niyang gawin. Ibinahagi rin niya ang ilan sa mga bizarre na bagay na kanyang naranasan habang siya ay nag-camp sa Japan. Una ay yung marinig niya ang mga kakaibang tunog ng hayop (minsan nakakatakot, minsan hindi) lalo na kung nasa remote area siya. Mas nararamdaman niya ito lalo na kung aalis siya nang solo. Pangalawa naman ang yung naka-encounter siya ng bear na tumawid sa daan.

Diinagdag din niya na sobrang laki ng pinagkaiba ng pag-camp abroad kumpara sa Pilipinas lalo na kung pag-uusapan ang disiplina (kalat at ang ingay). Sa kanya namang advice sa mga hindi pa nakakasubok mag-camp sa malalayong lugar, sinabi niya na kung hindi pa tayo lalayo, hindi natin masasaksihan ang ganda ng mundo. Kaya, habang malakas pa tayo, dapat malibot na ang mga magagandang lugar sa bansa natin. Pero mas mainam din kung lalabas ka rin ng Pilipinas para makita naman ang ibang tanawin ng ibang bansa.

Para naman sa akin (Disseminate Our Strength), mas gusto ko ang campsite na limitado lang ang tao dahil sa sumusunod na mga rason:

– tahimik at makakapag-focus/pahinga ako ng diretso after kong mawasak sa ride

– kung kaunti lamang ang tao sa site mas kaunti din ang papansin sayo (na mga wannabee purist sa isang kilalang campsite) habang nag se-set-up ka ng iyong tulugan o kung magluluto ka ng iyong pagkain

– komportable akong gumalaw at iwanan ang bisikleta/tent ko kung gusto kong magikot-ikot sa site at

– hindi ako makakaistorbo ng aking kapitbahay dahil sa aking paghilik.

Ito naman ang aking opinyon tungkol sa mga campsite na nag-o-operate na sa ating bansa. Maaaring ang ilan ay sumusunod o nakakaalam ng batas at ang ilan naman ay patuloy pa ring inaaral kung papaano magiging sustainable ang kanilang site. Hindi naman kasi ganon kahigpit (siguro) ang law natin tungkol sa bagay na ito, nagiging mahigpit lamang ito sa tuwing may nahuhuli at napapalabas sa telebisyon kung may isang campground/resort na lumabag sa polisiya. Para naman sa mga nagbabalak, mas mabuti siguro kung alamin muna kung anong style ng akomodasyon (tent only/car camping/glamping/ lodges etc.) ang iyong nais na ipatakbo. Maaari ring idagdag kung may kuryente ba o wala ang campground na itatayo at kung gaano karaming tao ang maaaring mag-stay dito. 

Hindi ko sure kung bizarre ito, ngunit dito sa Pinas at AU ang pinakahindi ko makakalimutang pangyayari ay yung tumuloy ako sa isang lodge (not camping) at nabulabog sa ingay ng dalawang nilalang sa katabing kwarto na animoy nagho-honeymoon. Sa pag-camp naman ay yung hindi naglagay ng fly tapos umulan, mag-pitch ng tent (mga 15-20 metro) malapit sa isang sawa. Ang pinaka-bizarre siguro na aking na-experience ay yung nag-stealth camp ako sa isang lumang historic homestead (tourist spot). At dahil nga bawal mag-camp doon, nag ikot-ikot muna ako sa lugar para kumuha ng litrato. Sa isang banda ng homestead, nakita ko ang mga litrato ng mga taong may kinalaman sa pagtatayo ng homestead noong early 19th century. Maayos ang pagkakapaliwanag ng info ng lugar, ngunit ang bumabahala sa akin ay ang mga lumang litrato (old English portrait pictures) na nakita ko dahil kakapanood ko lang ng 28 Days Haunted sa Netflix.

Ang akin namang pananaw tungkol sa stealth camping ay pabor ako dito kung sa nature at hindi sa urban areas ang pagtatayuan ng tent. Maraming beses na akong nag-stealth camp dahil sa mga rason na wala na talaga akong matutuluyan, delikado dahil malalim na ang gabi (wildlife encounter) at wasted na sa pagpadyak. Kung sakali man na mahuli ng kinauukulan, mag-isip na lang ako ng legit na dahilan (which is madami) para makalusot. 

Sa tingin ko, ang pinagkaiba ng pag-camp sa Pilipinas kumpara sa abroad ay yung samahan ng tropa. Yung para bang mag outing kayo ng pamilya/relatives/kaibigan tapos toka-toka sa sa gawain and after may inom at kwentuhan. Ito ang isa sa nakikita kong pinagkaiba ng pag-camp abroad. May pinagkaiba rin (siguro) ang paggamit ng palikuran sa abroad kumpara sa Pilipinas. Wala pa naman akong hindi makakalimutan na experience tungkol sa paggamit ng palikuran sa ibang bansa. Gusto ko lamang ibahagi ang cons sa mga iba’t-ibang klase ng palikuran na nagamit ko na abroad. Toilet flush (cons iiwanan mo ang bike mo sa labas ng establishment/bahay). Pit toilet (cons maaring makakuha ka ng sakit sa mga insektong naninirahan sa pit). Dig a hole (cons maaring hindi masunod ang prinsipyo ng Leave No Trace kahit sabihin mo pang biodegradable ang iyong gamit na tissue).

Ang aking advice sa mga ayaw ma-experience ang pag-camp ay subukan lamang ito kahit isang beses kasama ang mga kaibigan. Magkaroon ng side trip (hike/laro/bike, etc.) at hindi straight camp agad ang gagawin (unless galing sa strenuous activity). Sa mga gustong subukan ang bagay na ito, piliin ninyo muna ang campsite na may toilet (flush) in case magka-problema.

Si Bing P. (BIKE Bing / Bingx) ay isa sa mga kapatid nating siklista sa Middle East na kumakamada ngayon na mag-explore sa ilang spot sa disyerto ng Saudi Arabia. Masasabi ko na kahit ilang taon pa lamang siya sa eksena, e marami na siyang naambag at na-entertain sa tuwing gumagawa siya ng video abroad. Nagkaroon din ako ng pagkakataon na tanungin siya tungkol sa kanyang mga pananaw sa pagkakaiba ng pag-camp sa Pilipinas at sa bansang kanyang pinagtrabahuhan. Ayon sa kanya, mas prefer niya ang limitadong mga tao sa campsite para ma-feel pa rin niya ang lugar at ang ganda ng oras habang namamahinga. Sabi niya rin na mostly, sumusunod naman ang mga campsite sa Pilipinas dahil approved ito ng ECC. Yun nga lang, may mga ibang campers pa rin ang nakakalimot ng rules na no traces behind.

Isa sa mga hindi niyang makakalimutang experience lagi ay yung sa tuwing first time niya sa isang lokasyon. Base sa kanya, andun daw kasi ang thrill at excitement na naka-aabang (expect the unexpected). Isa na dito ay yung makakita siya ng fox habang papalubog na araw. Para sa kanya, may halo itong tuwa at kaba. 70-30 naman ang kanyang pananaw sa stealth camping. 70% hindi siya pabor dahil risky iyan sa mga campers. 30% naman kung talagang no choice ka (make sure that all will be on secured premises talaga).

Ito naman ang kanyang opinyon/pananaw sa tanong na “Ano ang pinagkaiba ng camping sa Pilipinas kumpara sa abroad?”

Sa aking pananaw, ang pinagkaiba ay ang lugar. Ang camping ay word itself ay isang pangkalahatan na yan, maliban na lang sa lugar na tulad dito sa gitnang silangan (Saudi Arabia) ay medyo hindi masyado ang bikepacking/biketouring dito makikita o mapapansin, iilan lang sa mga siklista (pinoy o dayuhan) ang nag bikepacking/biketouring dahilan sa panahon lalo na pag tag-init. 

Food Supply: Sa Pilipinas, madami ka madadaanan na tindahan, palengke, or mga bahayan para makapag-refill ka ng tubig at pagkain, lalo na pag malayuan o pupunta ka sa kabilang bayan (ex. galing Al-Jubayl papuntang Al-Khobar) wala ka ring madadaanan na mga kabahayan o sari-sari store. Kailangan na kumpleto ang iyong mga essentials lalo na ang tubig. Ang pinaka-stopover mo lang dito ay gas station. (mostly 50 km is the nearest from another gas station)

Destinasyon: Pagdating sa lugar na pupuntahan mo or location na kung saan kayo mag-pitch ng tent, hindi problema kasi nasa corniche ka or beach park kaya safe ang camping ground mo. Iyung pinaka-delikado lang talaga dito ay yung tatahakin mong daan papunta sa point A to point B dahil sa bilis ng mga sasakyan at maraming malalaking truck, pero nakakamangha o nakakabilib lang kasi nagbibigay talaga sila ng espasyo sa para sa mga siklista at hindi sila nanggigitgit. (mapapansin ninyo ‘yan sa mga biyahe ko sa YT channel ko).

Yung mga tao dito (locals /expat), kapag nakikita kami na nag bikepacking/biketouring ay namamanagha talaga sila lalo na kapag sinabi mo kung saan bayan ka nanggaling (yung bayan kasi dito ay malayo 50-100km). Nag o-offer din sila ng mga pagkain at tubig. Iyun ang nakakatuwa, katulad din naman sa Pilipinas, pag may nakakita sa iyo na mga lokal tiyak tatanungin ka at mag o-offer din ng pagkain. Isa sa mga pinaka-challenging na karanasan o nararanasan ng mga siklista dito sa Middle East ay ang klima. Mahirap, lalo na kung malakas ang hangin (headwind), ulan, init, humid, at lamig. Kaya naman ng lahat ng iyan, tamang diskarte lang talaga ang kanilangan.

Kaya sa aking opinyon, kahit saang lugar ka man, ma-Pilipinas o abroad, ang pagbibisikleta ay isang magandang uri ng pag-explore o paggala sa ibat-ibang lugar na hindi kailangan ng gasolina. Pinakabaon mo maliban sa mga essentials ay ang iyong lakas ng loob, determinasyon, at dapat physically and mentally fit ka sa ganitong klaseng aktibidad. Para naman sa kanyang advice sa mga nagdadalawang-isip, sinabi na i-try ang overnighter o mas maganda kung multi-day na pagbibisikleta para mas ma-experience ang kada araw na challenges/surpresa na maaaring maranasan sa daan.

Isa sa mga nakilala (via FB lang) kong long-distance traveller si Dean C. (IG:@pedallingslow). Kung hindi pa dahil sa kaniyang website at sa SM, malamang hindi ko siya makikilala. Una ko pa lang makita ang site niya ay wala na akong masabi. Ikaw ba naman magbisikleta mula North hanggang South America tapos diretso sa Central at Southeast Asia e talagang mapapasana all ka na lang. Ang mga susunod ay ang kanyang naging mga sagot para sa topic na ito.

Para sa unang tanong, sinabi niya na kung walang libreng site at medyo negative ang stealth camping, mas okay sa kanya ang magtayo na lamang ng tent sa campsite. Ngunit labis na pabor pa rin siya sa stealth camping habang mindful siya sa pagsasagawa ng mga prinsipyo ng leave-no-trace. At dahil stealth camping ang pag-uusapan, isa sa mga best na karanasan niya ay nag-pitch siya ng tent sa isang olive tree orchard sa Türkiye. 

Ibinahagi rin niya ang ilan sa mga the best na karanasan niya sa pagbibisikleta abroad at ito ay ang pagbisita mula sa isang vaquero (cowboy) sa Mexico, Bolivian Altiplano na may view ng Andes, makita ang mga Vicuña grazing (sa Andes pa rin) at paggising sa isang blanket of snow habang nag-camp sa hanay ng Apolobamba sa border ng Peru/Bolivia. At marami pang iba!

Sa kabila ng lahat ng ito, siyempre may mga na-experience rin siya na sobrang bizarre at ito ay yung nagising siya sa isang grupo ng mga narcotraficantes (drug traffickers) sa Mexico na nagtatanong kung bakit kami nagkakamping. Nagpumilit din daw ang mga taong ito na ipakita ang kaniyang pasaporte at kung ano-ano pang nakakabang mga tanong. Pero pagkatapos raw ng lahat ng iyon, na realized din ng mga traffikers na nakikidaan lamang siya sa kanilang lupain.

Nagtanong din ako kung ano sa tingin niya ang pinagkaiba ng pag-camp sa Pilipinas kumpara sa pag-camp abroad? At ito ang naging tugon niya, ‘Sa karamihan sa mga rural na lugar sa Pilipinas, pagdududahan ka ng mga lokal dahil isa kang estranghero sa kanilang lupain, pagkatapos ay dahan-dahang  pinalalawak ang kanilang hospitality. Sa mga banyagang lupain naman, nakikita ka ng mga lokal bilang isang bagong bagay. Nagtataka sila kung paano ka mapupunta sa kanilang lupain.’

At para naman sa kanyang  advice sa mga gustong masubukan ang pag-camp sa malalayong lugar, sinabi niya na naiintindihan niya ang hesi ngunit laging tandaan na kasama iyon sa masayang proseso.

Ang inyong mga nabasa ay base sa mga kapatid nating siklista na nakaranas ng mag-camp o mag-stay sa inn abroad/Pilipinas. Maaaring may mga iba tayong naiisip na opinyon o mga bagay na hindi nabanggit sa paksang ito. Tumuloy sa hotel araw-araw o mag-pitch ng tent sa buong biyahe, nasa siklista pa rin kung papaano niya ma-e-execute nang maayos ang kanyang pinag-planuhang trip. Wala naman din masama kung mag-stay ka sa hotel o inn (kahit masakit sa bulsa minsan ang bayad) basta ang mahalaga ay komportable ka, malayo sa peligro at masaya ka sa ginagawa mo.