Kape ni Pepe

KAPE NI PEPE

Dumako naman tayo, mga idol, sa kinahihiligan nating tambayan o hilig na puntahan sa tuwing kailangan natin ng enerhiya para makapag-concentrate o maging alerto sa daan (pampagising) habang tayo ay nagbibisikleta. Ang pag-usbong ng maliliit na negosyo (kagaya ng mga small coffee stall/truck/store, etc.) ay isang mabisang paraan upang makabili tayo nang mabilis at matulungan natin ang ating mga kababayan na gusto lamang ibahagi ang kanilang passion sa paggawa ng quality na inumin, most likely ang kape. Isa sa aking mga unang napagtanungan ay ang pop-up stall/bar sa Bulacan, Kape ni Pepe (kapenipepe.ph ng FB at IG). Halina’t basahin natin ang istorya tungkol sa kanilang maliit na negosyo.

Ang Kape ni Pepe ay isang pop-up bar na ang layunin ay i-promote ang lokal na kape sa masa (kape ay ang Tagalog ng coffee at Pepe naman ay ang palayaw ng pambansang bayani na si Rizal). Partikular nilang pino-promote ay ang lokal na kape mula sa Talbak na matatagpuan sa kabundukan ng DRT, Bulacan. Nagsimula sila noong pagkatapos ng pandemya sa kadahilanang kailangan nilang maghanap ng bagong pagkakakitaan dahil ang dati nilang negosyo ay nasira ng pandemya. Napili nila ang negosyong ito dahil ito ay isa sa kanilang passion at upang matulungan din ang mga lokal na magsasaka na i-promote ang produkto nila, partikular na ang kape.

Ang kanilang pangitain ay ang magkaroon ng magandang puwesto ang industriya ng kape sa Pilipinas, kung saan parehong may benepisyo sa mga magsasaka at kumukunsumo ng kape. Binanggit din nila na ang pinakapaborito nilang bagay sa kanilang negosyo ay sa tuwing sila ay nagbubukas at pinagtitimpla ng kape ang kanilang komunidad. Sinabi rin nila na hindi mawawala ang kanilang koneksyon sa kanilang mga kaibigan (customers) dahil sa pagbibigay nila ng suporta sa kanilang negosyo. Dinagdag pa nila na mayroon silang coffee community sa kanilang lugar tuwing umaga kung saan ang lahat ng klase ng tao ay magkakasama at magkakasundo. Kaya naman sobrang saya nila at sinabi rin nila na sila ay nagagalak sa tuwing dinadayo at sinusubukan ng mga tao na tikman ang kanilang mga lokal na produkto.

Para naman sa kanilang pananaw tungkol sa recycle/sustainable na produkto, sinabi nila na ang recyclable at sustainable products ay mga produktong sagana tayo na pwede nating gamitin sa ibang bagay upang mabawasan ang basura ng kapaligiran. Kaya imbis na gumamit sila ng plastic straw ay gumagamit din sila ng edible straw na gawa sa bigas. At panghuli, sinabi nila na ang kanilang plano sa mga susunod na taon ay makahanap ng permanenteng pwesto at lalo pang i-promote ang lokal na industriya ng kape sa bansa. Mas suportahan pa ang mga magsasaka at ipakilala muli ang mga produktong sariling atin.