LEON DENIM
Dahil sa pagmamahal sa mga damit, isang grupo ng propesyonal na walang background sa pananahi ang nagpasya na magtayo ng isang lokal na negosyo. Nagsimula lamang bilang isang eksperimento ang paggawa nila ng ‘denim’ para sa kanilang mga personal na nais, at habang ito ay tumatagal, napagtanto nila na maaari pang mapaganda at higitan pa ang kanilang mga unang gawa. Hindi nagtagal, nabuo ang Leon Denim. Mula ‘military-inspired’ na damit hanggang sa mga bike touring/commuter bags, tunay nga na ang negosyong ito ay dapat tangkilikin saan mang panig ng mundo.

Photography, sining at paglalakbay, ito ang mga hilig ng magkakaibigan sa likod ng munting negosyong ito. Hindi rin mawawala ang pagka-interesado nila sa ibang mga bagay, lalong-lalo na kung ito’y pinaghirapan gawin, pinag-isipan nang mabuti at binuo nang may pagmamahal. Dahil wala pa silang nakikita sa Pilipinas kagaya ng kanilang istilo sa pananahi ng damit, nagpasya agad silang ilagay ang kanilang interes dito at magsimula muna sa isang maliit na negosyo.
Nabuo ang Leon Denim noong 2014, gamit lamang ang isang lumang makinang panahi, nakagawa sila ng mga kakaibang disensyo ng damit para sa kanilang mga sarili at di kalaunan ibinahagi nila ito sa mas malawak na komunidad. Malakas at may paninindigan (kagaya ng leon) ito ang naging batayan nila sa pagpili ng kanilang pangalan. Para sa akin isa lamang ang ibig sabihin nito, mayroon silang lakas ng loob na ipakita kung ano ang kanilang mga nais/interes at handa silang maghintay upang makuha nila ang isang magandang resulta. Naging matagumpay ang kanilang mga layunin na magbigay ng mataas na kalidad ng mga produkto para sa kanilang mga customer at magkaroon ang mga ito ng katuturan kahit ilang taon na ang lumipas. At ito ang naging opinyon nila sa recyclable/sustainable na mga produkto.


Sinabi nila na bawat taon, ang industriya ng fashion ay nagdudulot ng milyun-milyong toneladang basura sa mundo, at may mga kadahilanang ito kung bakit ito nangyayari. Una, kung hindi matibay ang pagkakagawa ng produkto (nasisira kaagad), pangalawa naman ay kung maapektuhan ito ng kausuhan (laos na) at ang panghuli ay kung mura ang pagkakagawa nito (depekto dahil sa maramihang produksyon). Kaya ang mga produktong kanilang ginagawa ay hindi basta-basta naluluma at nasisira. “They are the type na even the next generation will enjoy, assuming of course na naalagaan ng mabuti.” -Leon Denim
Ang sustainable fashion ay isang malawak na salita, ngunit dahil sa kanilang mga paraan, nakakapag-ambag sila dito sa pamamagitan ng paggawa nila ng mga klasikong produkto na tatagal pa sa mga pagsubok ng panahon. Binanggit din nila na nais din nilang bumuo ng isang komunidad (FB group Selvedge Philippines) na may parehong interes kagaya nila kung saan maaari silang matuto mula sa isa’t isa.


Noong una ay hindi naging madali para sa kanila ang mag set-up ng negosyo. Maraming mga pagsubok ang dapat harapin ngunit dahil na din sa kanilang kuryusidad at kagustuhang matuto, ang lahat ng ito ay kanilang nalagpasan. Marami rin silang natutunan at natututunan pa sa pagpapatakbo ng negosyo. At sa mga oras na kailangan nilang mag desisyon, sini-sigurado nila na pag-uusapan nila ito at galangin ang iba’t-ibang pananaw para mapili ang pinakamahusay na interes para sa kanilang negosyo.
Masasabi ko lang na naging matagumpay sila sa kanilang mga plano kahit ‘self-taught’ lang sila sa pananahi, pagdi-disenyo at sa pagpapatakbo ng negosyo. Marami pa silang mga plano para sa hinaharap. Sa ngayon, nais lamang nilang higitan pa ang kanilang mga naunang gawa, maihambing
ang kalidad ng kanilang produkto sa buong mundo at para na din ipagmalaki ang ating bansa. Kung may mga katanungan maari ninyo silang kontakin sa kanilang Instagram/Facebook page (Leon Denim PH) o sa kanilang website (leondenimph.com)

