Mag-isa o May kasama

MAG-ISA O MAY KASAMA?

ni: Kalipunan

Solo o hindi, ito ay matagal nang pinagtatalunan ng mga siklista saan mang panig ng mundo. May kanya-kanyang dahilan kung bakit tayo nagbibisikleta na mag-isa o may kasama. Dito sa Pilipinas, halos mapapansin natin ang mga grupo ng siklista tuwing weekend na nagbi-bike papunta sa mga recreational site/park. Yung iba para mag-catch up sa isa’t isa, ang iba naman ay para kumain at tumambay sa mga cycling shop/s at para sa iba, ito ay ang tamang oras sa pag-recruit ng mga bagong miyembro tuwing may group ride. Minsan naman ay may makikita kang siklista na pumapadyak mag-isa. Determinado at focus ang kanilang mga itsura sa tuwing makakasalubong mo sila sa daan. At kahit mag-isa silang naglalakbay, hindi malayo ang ngiti sa kanilang mga mukha at maihahalintulad natin sila sa mga siklistang nagbibiyahe kasama ang kanilang barkada/tropa. Nagkaroon ako ng pagkakataon na makipag-usap sa ilang siklista upang magtanong tungkol sa kanilang mga kagustuhan pagdating sa pag-ride nang solo o sa isang grupo.

Para sa inyo, ano ang mas epektibong paraan ng pagbibiskleta? SOLO o GROUP ride? Mas epektibo sa akin ang GROUP RIDE, ideally, yan naman talaga ang hanap lalo na ng bagong biker, ang group ride kasi nariyan ang sarap at saya ng ride. Kantyawan, katuwaan habang papunta kung saan man ang destinasyon ng grupo na hindi mararanasan kung SOLO RIDE ka lang.

Ano sa tingin ninyo ang pros and cons (kung meron man) ng ‘safety’ sa tuwing magbibisikleta kayo palayo sa inyong comfort zone? Pros ng group ride, syempre mas enjoyable at mas-feel mo and safety habang nagri-ride. At kung sakali na may mangyari na di kaaya-aya, like nasiraan ng bike, madami ang puwedeng tumulong sa iyo. Madadagdagan din ang kaalaman mo kung paano ang mga general safety rules ng mga bikers. Ang cons naman ay kung mahina-hina kang pumadyak ay lagi kang naiiwan, nakakahiya rin sa grupo na lagi na lang ikaw ang hinihintay, kaya ang pinaka-worst case niyan, baka sa susunod na ride ay hindi ka na isama ng grupo. lol

Marami sa atin ang nag-uumpisa pa lang sa pagbibisikleta o sa pag-padyak ng malayo, sa tingin ninyo ba na dapat kaagad silang sumabak sa isang long ride? Ano ang mga kailangan nilang gawin? May alam ba kayong karanasan na pwedeng i-share? For me, hindi pwedeng sumabak agad sa long ride ang baguhan. Una, kailangan mo talaga ng matinding ensayo kung long ride ang pag-uusapan. Hindi rin puwede ang lakas lang ng loob; ika nga, lakas ng tuhod ang kailangan. Ikalawa dapat prepare ka talaga physically, mentally at financially hindi mo masasabi ang sitwasyon kapag nasa malayo na kayo.

Ano ang pananaw ninyo sa mga taong nagsasabi ng negative tungkol sa inyong ride? Ang pananaw ko sa taong pupunta ng negative kung SOLO RIDE. Mataas masyado ang tingin nila sa sarili nila as bikers. Feeling nila na hindi kayang pantayan ang kakayahan nila sa pagbibisikleta. O puwede rin na naiinggit sila dahil ayaw silang payagan ng asawa nila na mag-solo ride sila. Kaya nga, ang aking motivation kapag ako ay nagbibisikleta mag-isa ay palakasin ang aking katawan para sa next na group ride ay medyo makasabay sa mga SAKALAM. Kung sa grupo naman syempre para madagdagan ang kaibigan at marating ang mga lugar na hindi ko pa napupuntahan.

Para sa inyo, ano ang mas epektibong paraan ng pagbibiskleta? SOLO o GROUP ride? Para sa akin, mas epektibo ang pagbibisikleta nang solo.

Ano sa tingin ninyo ang pros and cons (kung meron man) ng ‘safety’ sa tuwing magbibisikleta kayo palayo sa inyong comfort zone? Sa aking pananaw, ang peligro ay isang elemento ng kalikasan na walang pinipiling estado, sitwasyon o panahon. Masasabi kong ang tanging maibibigay ng pagbibisikleta nang may kasama ay SUPORTA, kung saan, sakaling malagay ka sa sitwasyon o peligro, maaasahan mong may makukuha kang agarang tulong at pag-aagapay. Ngunit bilang isang solitary cyclists ang tanging suportang masasandalan mo sa tuwing ikaw malagay sa hindi komportableng sitwasyon ay ang iyong sariling determinasyon upang malampasan ang anumang sakuna at peligro na hatid ng kalikasan, anumang bagay ang malampasan ng mag-isa ay makakapag bibigay sa iyo ng transpormatibong karanasan upang mas mapa-tatag at makilala pa ang iyong sarili.

Marami sa atin ang nag-uumpisa pa lang sa pagbibisikleta o sa pag-padyak ng malayo, sa tingin ninyo ba na dapat kaagad silang sumabak sa isang long ride? Ano ang mga kailangan nilang gawin? May alam ba kayong karanasan na pwedeng i-share? Hindi, sapagkat kinakailangan na tukuyin at pagtibayin mo muna sa iyong sarili ang mga maaaring dahilan kung bakit mo nga ba ito gagawin? Para lang ba maging libangan? O pang palipas ng oras? Maaari ring may malalim o mas makahulugan pang rason? Sa aking karanasan, matagal ko nang tukoy sa aking sarili ang mga dahilan kung bakit ko nga ba ito piniling gawin? Ano nga ba ang nagtulak sa akin? Ang sagot at kalayaan at katiwasayan.. Kalayaan, sa kabila ng nakakapagod na sistema na likha ng tao. Tangi sa pagbibisikleta at pagbiyahe ng mag-isa ko naramdaman ang tunay na kalayaan. Katiwasayan, lahat ng bagay na hindi ko kailangan ay iniiwanan ko. Tanging mga bagay na kailangan ko sa biyahe ang dalhin ko, kaya pala ganoon na lang kagaya sa pakiramdam kasi bibitawan mo yung mga bagay na nakakapagpabigat sa iyo para ka makausad. Lahat ng mga bagay na may komplikasyon sa iyong puso at isipan ay nareresolba.

Ano ang pananaw ninyo sa mga taong nagsasabi ng negative tungkol sa inyong ride? Naalala pa ba ninyo nung mga bata pa tayo? Lahat ng bago sa paningin natin ay tunay ngang nakakamangha. Ngunit sa panahon ngayon, tuluyan na nating nakalimutan kung ano ang pakiramdam ng tunay na pagkamangha sa kadahilanang ang mundong ginagalawan natin ngayon ay ikinulong tayo sa sistemang nakatuon sa trabaho at paghangad sa mga eksternal na bagay. Piliin nating gawin yung mga bagay na tunay nating gusto at matagal na nating pinapangarap na may halong pantasya ng pagkabata dahil ito ang pinakatotoo at taos-pusong bersyon ng ating sarili. Ang motibasyon ko ay ang mga karanasan ko na hatid mismo ng aking bawat paglalakbay, ang natural na kagandahan na handog ng ating mundo na matatanaw mula sa pagkakauupo sa aking bisikleta, ang kabutihan ng mga taong hindi ko lubusang kilala na nagbabahagi rin ng ngiti at pagbati na nagpapawi ng pagod sa buong araw mong pag-usad. Mga hayop at iba pang buhay Lalang na kaisa natin sa pagpapanatili ng kahulugan ng buhay sa ating nag iisang mundo.

Para sa inyo, ano ang mas epektibong paraan ng pagbibiskleta? SOLO o GROUP ride? Para sa akin, okay yung group ride, pero sa ngayon mas nagiging interesado ako sa solo. Sa kasalukuyan, nag-iipon ako ng funds para magawa ko yung dream ride ko. Sa tingin ko kasi mas hawak ko yung oras ko sa pamamasyal kung mag-isa lang ako.

Ano sa tingin ninyo ang pros and cons (kung meron man) ng ‘safety’ sa tuwing magbibisikleta kayo palayo sa inyong comfort zone? Sa solo ride wala akong inaalala na maiiwan ako sa padyakan ng mga ka-grupo ko, pwede akong huminto kapag pagod na, pwedeng kumuha ng pictures pag may biglang nakita na magandang spot at pwede rin mag-food trip kapag may nakitang masarap na pagkain. Ang disadvantage nga lang eh yung safety, lalo na kung ang pupuntahan at dadaanang lugar eh yung mga hindi matao. Problema rin yung kung may emergency, kaya dapat talaga handa ka sa anuman mangyari.

Marami sa atin ang nag-uumpisa pa lang sa pagbibisikleta o sa pag-padyak ng malayo, sa tingin ninyo ba na dapat kaagad silang sumabak sa isang long ride? Ano ang mga kailangan nilang gawin? May alam ba kayong karanasan na pwedeng i-share? Para sa mga nag-uumpisa pa lang magbisikleta, ang mai-aadvice ko ay laging i-kondisyon ang katawan bukod sa bisikleta. Nung nagsisimula pa lang ako magbisikleta, lagi akong pinupulikat kasi sumasabak agad ako sa long ride kahit walang practice. Nagyoyosi din ako noon, pero dahil sa kagustuhan ko na marating yung lugar na magaganda gamit ang bike, eh tinigil ko ang bisyo ko. Inaral ko rin yung magagandang pagkain ng bikers at isinama ko yun sa preparation ko tuwing may long ride kami noon. Sabi nga ng iba, nasa bike ‘yan; yung iba, sabi, nasa tibay ng tuhod, pero para sa akin, nasa magandang preparasyon ‘yan.

Ano ang pananaw ninyo sa mga taong nagsasabi ng negative tungkol sa inyong ride? Meron ako experience na may nag-invite sa amin na grupo, lahat sila naka-high end bike, nung time na yun naka-bakal bike lang ako, nilait nung isa yung bike ko at sinabi na baka di tumagal kasi trail yung pupuntahan namin. Ang nakakatawa, di pa nakakarating hingal na sila ng mga kagrupo niya. Kami, partida kasi, pumadyak pa kami mula Malolos papunta sa bayan nila. Dapat humble lang sa pagba-bike, mapa-low-end o high-end, huwag natin i-discourage yung kasamahan natin. Motivation ko ngayon ay matupad ko yung pinaplano ko na long ride, balak ko mag-Bulacan loop, kung saan target ko makita yung ganda at yaman ng kultura ng probinsya (bale isang bayan kada isang araw). Gusto ko sana solo ride lang, pero kung di ko kakayanin, baka magsama ako kahit isa lang para may kasama sa pagkuha ng picture at video.

Para sa inyo, ano ang mas epektibong paraan ng pagbibiskleta? SOLO o GROUP ride? Epektibong pagbibisikleta? just be a responsible biker. Follow rules sa daan (pasensya hindi ako nakahiram ng helmet sa litrato haha) at i-enjoy mo lng yung pagbabike, ehh para sa akin epektibong pagpapadyak na yun.

Ano sa tingin ninyo ang pros and cons (kung meron man) ng ‘safety’ sa tuwing magbibisikleta kayo palayo sa inyong comfort zone? Either ang sagot ko. Kasi, both my pros and cons of solo ride at group ride. Sa ngayon, solo lang ako nagbibike. Pros: hawak mo ang oras mo at hindi ka naghahadali sa ride. Cons: Wala kana man maka-kwentuhan o maka-share ng experience mo while riding. Which as an individual, we are a very sociable animal.

Marami sa atin ang nag-uumpisa pa lang sa pagbibisikleta o sa pag-padyak ng malayo, sa tingin ninyo ba na dapat kaagad silang sumabak sa isang long ride? Ano ang mga kailangan nilang gawin? May alam ba kayong karanasan na pwedeng i-share? Long ride for starters? Para sa akin, hindi muna. Start small. Makakarating ka rin sa mga malalayong lugar. Puntahan mo muna yung mga malalapit na landmarks at sa ganun, eh ma-appreciate mo talaga yung ganda ng mga pinagmamalaki nating mga sites nang hindi ka masyadong natatagtag.

Ano ang pananaw ninyo sa mga taong nagsasabi ng negative tungkol sa inyong ride? Stigma about solo riders: well, hayaan mo na lamang sila. They have freedom for their own opinion, so ipagkibit balikat mo na lang. Just ride and enjoy and make the most out of it.

Motivation for riding? Kapag nakikita mo yung bike mo na unti-unting nabubuo, one small step at a time. Kasi ibig sabihin lang nun eh, motivated kang mag-work at pag-ipunan yung mga kailangan mo pang isalpak sa bike mo. At kapag nakikita mo nang naku-kompleto ito, eh sigurado, mas gaganahan ka pang magbisikleta.