OUTWILD
Alam natin na ang pagtuklas ng bago at hindi pamilyar na mga lugar ay talaga namang nakapapanabik. Bukod sa pagpapagaan ng stress, ang pakikipag-ugnayan sa iba na may interes sa pagbibisikleta o outdoors ay maaari ring makatulong sa ating mental na kagalingan. Isa ang Outwild Adventure Club sa mga grupo na tumutulong sa mga tao na gustong maranasan at ma-experience ang outdoor. Dahil lumalaki na ang kanilang samahan, naisipan nilang magbenta ng outdoor merch para sa iba pang gustong mangolekta at magbigay ng suporta sa kanilang grupo.


Ayon sa may-ari, hindi niya itinuturing na negosyo ang Outwild, at masasabi lang niya na ito ay isang munting outlet dahil na rin sa pagkahilig niya sa outdoor. Dahil sa pagkakaroon ng outlet na ito, nabuo ang isang community na iisa lamang ang hangad sa buhay.
Ibinahagi niya na bata pa lamang siya ay mahilig na siyang magbisikleta sa “outdoors” at dala-dala pa rin niya ito hanggang ngayong may edad na siya. Sinabi rin niya na sa bawat ride niya ay madalas siyang mag-picture ng mga lugar lalo na sa kanilang lugar kung saan madaming magagandang tanawin. Sinimulan niya ang Outwild bilang isang FB page lamang noon para lang mai-document at mai-share ang mga lugar na napupuntahan niya hanggang sa na-enganyo na ang kaniyang mga kaibigan na sumama sa akin. At doon na raw nagsimula ang lahat. Madalas na silang mag-ride at dahil doon, naisipan na niyang maglabas ng mga merch dahil sa patuloy na paglaki ng kanilang grupo at sa patuloy na pagtangkilik ng iba pang tao.
Outwild o pinaikling “out in the wild”, ito ang nasa likod ng kanilang pangalan. Ito rin ang basehan kung anong pagkatao ang meron siya. Sinabi niya rin na kung tatanggalin mo ang outdoors sa kanya, ay para na lamang siyang isang blank canvas. Banggit din niya na ang pangitain ng Outwild ay magsilbing “missing link’ sa mga taong may interes at passion dito.


“Para sa akin, hindi siya isang trabaho eh, outlet lamang siya nung creative side ko. Siguro isa sa paborito kong bagay ay yung makita yung mga tao na hindi naman magkakakilala dati pero ng dahil sa outwild ay mga naging magto-tropa na. Bonus na lang yun kung makabenta ako ng merch haha, ito ang kanyang naging tugon tungkol sa paboritong niyang mga bagay habang pinapatakbo ang Outwild. Dahil hindi naman ganun kalaki ang kanilang outlet (limited release), kaunti lamang ang nakikita nilang up and downs sa paglalabas/produksyon ng merch.
Sa Outwild, sinisigurado nila na simula sa packaging pa lang ay tiyak na recyclable at sustainable na ito. Sa bawat shirt na ilalabas, sinisigurado nila na nakabalot ito sa paper bag kasama ng multicord (multipurpose cord). Ito ang pananaw nila sa recyclable/sustainable na produkto.


Para sa mga susunod pa nilang mga plano ay susubukan nilang mag-release ng ibang mga bagay bukod sa dri-fit shirts. Abangan ninyo na lamang dahil limited/minsanan lamang ang labas ng kanilang merch. Kung may katanungan tungkol sa Outwild, maaari silang kontakin sa kanilang FB page (outwild) at IG page (outwildph).