Pagmumuni-muni

PAGMUMUNI-MUNI

ni: Kalipunan

Sa mabilis na takbo ng mundo ngayon, maraming tao ang nakadarama ng stress mula sa trabaho, paaralan, at pang-araw-araw na mga responsibilidad. Sigurado, ang isang paraan upang labanan ang stress na ito ay sa pamamagitan ng mga outdoor activities or lumabas sa ating comfy zone. Napaka-importante nito sa iba na minsan lang makaranas ng mga gawain na ito (dahil busy). Napakahalaga malamang din ito sa iba dahil ginagawa nito na magre-connect sila sa outdoor/nature at maisantabi muna ang nakakalitong kaganapan sa mundo.

Sa mga solid na outdoor people naman, kadalasan, sila ay naghahangad na tuklasin pa ang mga lugar na malayo sa sibilisasyon. Sa pagtuklas sa mga remote places na ito, dala nila hindi lang ang saya kundi ang pag-respeto sa kapaligiran na kanilang tatahakin. Marami rin tayong mga tanong tungkol sa kanila. Ilan sa mga ito ay: ano ba ang kanilang primary goal, anong common na katangian mayroon ang taong ito, at iba pa. Ang mga susunod ay ang mga ambag ng mga taong nagbigay ng kanilang oras para sagutan ang mga katanungan sa topic na ito.

Disseminate Our Strength ng IG

Sa pagiging outdoor enthusiasts ninyo, paano kayo nakakatulong na maging sustainable ang inyong magiging adventure or biyahe?

Noong mga panahong kakaumpisa ko pa lang magbisikleta, hindi ko pa talaga naiisip itong mga bagay na ito. Ang tanging mindset ko lang ay magbisikleta, kumuha ng litrato at makalayo. Late 2000s na noong sumagi sa akin ang pagiging sustainability traveler. Dalawa lamang noon ang naalala kong mga procedure o yung mga kailangang gawin para sa isang sustainability na ride. Una ay yung ibulsa ang kalat na manggagaling sa’yo (o kung may makita ka sa trail sa bundok) at yung isa naman ay respect sa mga local. Lahat ng ito ay nalaman ko dahil na rin sa pagsama ko sa mga group ride (mga taga-Baliuag/SJDM) at kinalaunan ay medyo nai-apply ko na rin kung ako ay bibiyahe nang solo.

Fast forward naman (ngayong solo na ako lagi sa pagbibikleta), ang lagi kong ginagawa bago ako mag-plot ng ruta ay tinitingnan ko muna kung may main road akong dadaanan o wala. Kasi kung may main road (papunta o along the way), maaari akong mag-re-supply na lang sa mga local store (own business/puwedeng franchise) sa lugar, nangyayari ito kung may extra akong budget. Kung wala naman extrang arep, inirea-ready ko na lamang ang aking babaunin bago sumabak. Pero sa totoo lang, kahit naman ano mangyari, may pagkakataon talaga na napapabili ako sa mga non-independently owned business lalo na kung wasted at gusto kong maka-try ng ibang lasa ng pagkain.

Hangga’t maaari, tinitiyak ko rin na hindi school holiday ang aking time frame sa biyahe (depende rin ito kung kailan ma-approve ang leave ko). Medyo alanganin nga lang ito lalo na kung ang campground kung saan ako magpapalipas ng gabi ko ay konektado sa mga existing trail sa area. Kung wala namang option at inabutan ka ako ng antok sa daan, nag-ca-camp na lang ako sa mga shelter o nag-stealth camp (sorry naman) malayo sa spot kung saan pansinin ng mga tao. Basta, sinisigurado ko lang na pag-alis ko sa area, e walang palatandaan na nag-stay ako sa area. 

Kung sa mga interesting na spot (well-known) naman na gusto kong puntahan, tinitingnan ko muna kung overcrowded (para sa akin mga 5-10 na tao e sobrang marami na para sa akin) ang lugar. Kung madami ang tao, picture at saglit lang ako sa lugar, tapos larga na uli. 

Marami na rin ang mga taong nagtanong sa akin kung saan ang best route (sa tuwing nag-u-upload ako ng video) o kung may .gpx/.kml ba ako ng aking rutang binagtas, ngunit halos lahat ng tanong/DM na ito ay hindi ko ni-replyan, sorry. Ah, mayroon pala akong nireplyan, naalala ko, pero major at secondary road lamang ang ibinigay kong detalye.

Sa tingin po ninyo, yung iba kayang nagbi-bike o bumibisita sa mga remote/tourist spot sa bansa, e nagpapakita pa rin ng awareness sa isyu ng kapaligiran?

Medyo mahirap itong sagutin kasi pwedeng ang isang traveller ay aware, pero hindi nila ito sinasabi or pwedeng naman na kabaligtaran. Sa aking nakikita, ang isang turista, bisikleta man ang gamit o hindi, e, sure, mararamdaman nila ang kahalagahan ng kalikasan (or kung may issue man sila napupuna) kung actual o pisikal nila itong makikita at ma-experience.

Sa karanasan na ito, maaari silang makapag-isip at mabuksan ang kanilang pananaw sa kahalagahan ng kapaligiran. Siguro iyon din yung oras na magsisimula ang kanilang pag-share o pag-open ng kanilang opinyon kung may isyu man sila na napapansin.  Kaya saludo ako sa mga vlogger/traveller influencer na nagbabahagi ng kanilang pananaw about sa mga binibisita nilang lugar. Sa mga salitang Wow; Ang ganda; Hanep at OMG! Alam ko na ang oras na iyon, mas nagiging broad ang kanilang awareness sa isyu ng kapaligiran. 

Sa tingin ninyo, dapat bang tutukan ng local government ang ibang remote places o community tungkol sa kahalagahan ng sustainability? Papaano ninyo po nasabi? At kung meron man, maaari ninyo po bang ibahagi ang inyong karanasan (ex. pagtatapon o may mga kalat na nakatambak lamang sa isang spot) tungkol sa tanong na ito? 

Sa panahon ngayon, ang sustainability ay isa sa mga bagay na pinag-aaralan ng ilang mga bansa. Alam natin na maraming lokal na pamahalaan ang nakatuon na sa mga lugar na malaki ang populasyon. Sa kabilang banda, medyo maliit naman ang porsyento ng pagtugon (o pag focus) sa mga ibang remote places sa bansa. Kung baga kulang ang ibinibigay ng local government when it comes sa education tungkol sa sustainability, siguro meron pero hindi ramdam ng iba. 

Imagine-nin na lang natin kung sa bawat remote place sa lugar (na ating binibisita) ay may magandang access sa mga pangunahing serbisyo (kagaya ng magandang sistema ng pamamahala ng basura, maayos na imprastraktura (pang-tourist man o hindi), mga programa sa pag-recycle at pag-compost, etc. Siguro kung mangyayari ang lahat ng ito, mas magiging productive at mas uunlad pa sigurado ang malalayong komunidad (basta huwag lang sosobra) habang pinoprotektahan din ang kapaligiran.

Para sa inyo, ano yung mismong problema ang nakikita ninyo sa tuwing bumibisita kayo sa isang  tourist spot o sa isang remote na komunidad?

Siguro ang nakikita ko ay ang lack ng focus ng government para ayusin ang area/infrastructure at ang over-tourism sa maliliit na tourist spot. Wala namang masamang pumunta sa mga paborito nating spot, ang siste nga lang e, ang mga iba sa mga lugar na ito ay hindi pa tuluyang na-develop or hindi pa napagaralan siguro ang full capacity ng isang area kung dadayuhin ito ng maraming tao, let’s say, uhm… tuwing weekend o long weekend. Sa aking din nakikita, mas maganda siguro kung limitado lang talaga ang  pwedeng pumunta sa isang spot para iwas damage sa ecosystems (na alam natin na ginagawa na ito ng ibang tourist operator).

Share ko lang about sa isang spot (not remote). Naalala ko dati noong nag-field trip ang aming school papunta sa area ng Laguna (di ko na malala) kung saan makikita ang 7 lakes na tinatawag. Bale apat na bus kami tapos okupado lahat ng upuan (60 ata yung capacity per bus), 4 na bus yun tapos pagdating namin kala namin kami lang pero may 7 na na bus ang nakaparada bago kami. Una kong naisip na sigurado ay magiging masikip o mabagal ang pag-usad sa mga lakes, ngunit mali ako, may sistema sila na bilang lang muna ang gagamit ng trail para hindi ganun ma-overcrowded yung spot. Magandang ideya ito, pero yun nga, still, over-tourism pa rin ang nangyayari. 

Kung meron man, ano ang nakikita ninyong hadlang kaya napipigilan ng iba na gumawa ng aksyon tungkol sa isyu ng kapaligiran o sustainability?

-kakulangan ng pag-unawa at edukasyon tungkol sa mga problema sa kapaligiran, tulad ng climate change at polusyon.

-hindi lahat ng lugar ay may access sa mga mahahalagang impormasyon, at baka sa ilang mga paaralan hindi rin na bukasan ang topic na sustainability.

-syempre papasok din diyan ang budget at  kung medyo mababa ang resources, maaaring mahirapan din sa pag-purchase ng eco-friendly options.

-siguro pwede ko rin isama ang social media (kung saan ang primary focus ng isang influncer ay luxury o convenience).

Sa inyong palagay, 25–40 years from now, ’yung kayang paboritong spot na binibisita ninyo ay same pa rin ang itsura o may pagbabago na? Paano po ninyo nasabi?

Siguro may pagbabago na, napapansin ko sa pag-browse sa SM.

Ano po ang naiisip o pangarap ninyo para sa Pilipinas o sa mga tourist spot na bibisitahin ninyo in the future upang mas mapalawak ang awareness sa kapaligiran (halimbawa, sana magkaroon ng ganito or ganyan…)?

Para sa akin, ang pinaka-importante ay ang comfort room. Sana magkaroon ng ayos at gumaganang comfort room (na gawa sa eco-friendly materials) sa remote o non-remote spot na hindi nakakaapekto nang malaki sa kapaligiran (sana pwede yun). 

Doblebente ng IG

Sa pagiging outdoor enthusiasts ninyo, paano kayo nakakatulong na maging sustainable ang inyong magiging adventure or biyahe?

Hangga’t kakayanin ay nagdadala na kami ng sariling inuman at kainan para hindi na kakailanganing gumamit ng mga disposable na plastic o papel. Siyempre, tinitiyak ding hindi kami mag-iiwan ng kalat sa mga pupuntahan at dadaanang lugar.

Sa tingin po ninyo, yung iba kayang nagbi-bike o bumibisita sa mga remote/tourist spot sa bansa, e nagpapakita pa rin ng awareness sa isyu ng kapaligiran?

Tingin ko, karamihan sa mga siklistang namamasyal ay mulat na kumikilos sa framework ng pangangalaga sa kalikasan. Yung desisyon sakyan kasi ang bisikleta, sa halip na siguro ay magdala ng sasakyan, ay maaaring indikasyon na ng disposisyong maka-kalikasan.

Sa tingin ninyo, dapat bang tutukan ng local government ang ibang remote places o community tungkol sa kahalagahan ng sustainability? Papaano ninyo po nasabi? At kung meron man, maaari ninyo po bang ibahagi ang inyong karanasan (ex. pagtatapon o may mga kalat na nakatambak lamang sa isang spot) tungkol sa tanong na ito?

Pinaka-epektibo sa tingin ko kung lokal na pamahalaan nga ang magiging tutok sa pagtitiyak ng sustainability at kalinisan pagdating sa mga pasyalan, lalo na yung mga remote o hindi madaling puntahan. Sila kasi ang may mas direkta at palaging access sa mga ito. Tingin ko, sa lokal na pamayanan, manggaling ang pinamalaking malasakit sa kanilang kapaligiran.

Pero nangyayari din siyempre na maraming lokal na residente ang sila mismong nagkukulang ng kilos pagdating sa pangagnalaga ng kalikasan. May ilang karanasan kami na nasaksihan, yung mga taga-doon pa mismo sa lugar ang nag-iiwan ng kalat. May mga kaso rin naman na nakita namin ang masigasig na kampanya ng isang barangay para tiyakin ang pangangalaga sa isang lugar pasyalan (lakeshore).

Para sa inyo, ano yung mismong problema ang nakikita ninyo sa tuwing bumibisita kayo sa isang tourist spot o sa isang remote na komunidad?

Personally, ang hindi ko gusto ay yung kuyog mentality at hype culture. Pag may isang magandang pasyalan ay asahan mong dadagsain ng mga tao to the point na tingin ko ay nakokompromiso na yung danas ng pagbisita dito dahil nagiging masikip at polluted in a way ng labis labis na energy ng mga tao ang mga lugar. Kaya hangga’t maaari, hindi namin pinupuntahan ang mga lugar na alam naming sikat na pasyalan, lalo na yung tinayuan na ng mga strukturang pangkomersyo. Mas masaya kaming puntahan ang mga lugar na maaaring hindi kasing-ganda o convenient na puntahan basta tahimik.

Kung meron man, ano ang nakikita ninyong hadlang kaya napipigilan ng iba na gumawa ng aksyon tungkol sa isyu ng kapaligiran o sustainability?

Awareness at education ang tingin kong kailangang tutukan para itaguyod ang isang kultura ng pagiging mapagmahal at maingat sa kalikasan.

Sa inyong palagay, 25–40 years from now, ’yung kayang paboritong spot na binibisita ninyo ay same pa rin ang itsura o may pagbabago na? Paano po ninyo nasabi?

Kung hindi magbabago yung kasalukuyang trend ng hyped-up tourism, maasahan talagang papasukin ng komersyo ang mga lugar at mababago ang mga itsura nito dulot ng mga itatayong struktura para sa consumption ng publiko. Baka hindi nga lang 25-40 years. Mas maaga pa. Pero optimistic din ako na mas lalakas at lalawak ang ibang kultura ng pamamasyal.

Ano po ang naiisip o pangarap ninyo para sa Pilipinas o sa mga tourist spot na bibisitahin ninyo in the future upang mas mapalawak ang awareness sa kapaligiran (halimbawa, sana magkaroon ng ganito or ganyan…)?

Maraming magagandang lugar na pwedeng pasyalan o puntahan nang nakabisikleta. Ang challenge/problema sa tingin ko sa Pilipinas ay ang limitado na public access sa mga ito. Ang kalakaran kasi ay nasa balangkas ng private ownership, commercialization, at exclusive access; umiiral ang pamamasyal. Sarado ang mga magagandang waterfronts dahil may mga private resort na nakatayo sa paligid nito. Ang best view sa mga highlands ay makikita lang din kung customer ka ng isang restaurant o member ka ng country club. Limitado rin ang public transportation options.

In most cases, you need to purchase a product or service to be able to fulfill the basic need and right to enjoy nature. Maganda nga sana ma-develop yung expansive na bike networks na magdudugtong o magbubukas sa mga magagandang pasyalan tulad ng beaches, riversides, mountainsides, lakeshores at lagyan ang mga ito ng mga pasilidad tulad ng mga palikuran, liguan, lamesa, upuan, silungan, inuman, at kahit pa nga tulugan. Gustong-gusto namin namimisikleta sa Japan kasi easily accessible yung magagandang mga dagat, ilog, bundok, parke nang hindi kakailanganing gumastos para sa hotel o entrance fee sa mga resorts. Madali lang din humanap ng kubeta pag natatae ka. May akses din sa malinis at masarap na tubig sa mga pampublikong gripo.

Rye Tipay

Sa pagiging outdoor enthusiasts ninyo, paano kayo nakakatulong na maging sustainable ang inyong magiging adventure or biyahe?

Sundin ang Leave No Trace policy. Kalat mo, dala mo.

Sa tingin po ninyo, yung iba kayang nagbi-bike o bumibisita sa mga remote/tourist spot sa bansa, e nagpapakita pa rin ng awareness sa isyu ng kapaligiran?

Mukhang halos lahat naman aware, lalo na kung ang naging udyok para mag-bike at gumala ay nag-uugat sa kagustuhan mapalapit sa kalikasan. Pero di maiiwasan merong mga “nakikiuso” lang at pang-tadtad lang sa socmed photos ang habol.

Sa tingin ninyo, dapat bang tutukan ng local government ang ibang remote places o community tungkol sa kahalagahan ng sustainability? Papaano ninyo po nasabi? At kung meron man, maaari ninyo po bang ibahagi ang inyong karanasan (ex. pagtatapon o may mga kalat na nakatambak lamang sa isang spot) tungkol sa tanong na ito?

Dapat tutukan. Pero sa ngayon tingin ko matinding disiplina pa ang kailangan mula sa baba pata.

Para sa inyo, ano yung mismong problema ang nakikita ninyo sa tuwing bumibisita kayo sa isang tourist spot o sa isang remote na komunidad?

Disiplina pa rin. Saka kanya-kanyang mentalidad kasi. Kesyo may mamumulot naman ng basura kaya oks lang magtapon, nagbayad naman eka ng environmental fee, aanurin naman sa malayo yung kalat etc.

Kung meron man, ano ang nakikita ninyong hadlang kaya napipigilan ng iba na gumawa ng aksyon tungkol sa isyu ng kapaligiran o sustainability?

Yung tawaging pa-bibo. Pag nagsimula kang gumawa ng initiative sa lugar na hindi normal ang mag-recycle, magsinop ng kalat o mangalaga sa kapaligiran, weirdo ang tingin sa iyo. Lalo kung walang incentive na nakikita nila na kapalit o lokal na batas na sinusunod. Saka sa totoo lang, struggle talaga magsimula ng mga ganitong actions lalo sa mga lugar na hindi pa masyadong bantad ang mga tao sa epekto ng matinding perwisyo ng sirang kalikasan, tulad ng mga lugar na nagsisimula pa lang dumugin ng turista. Ang mata ng karamihan ay nasa kita pa mula sa mga bisita, hindi pa sa epektong pangmatagalan.

Sa inyong palagay, 25–40 years from now, ’yung kayang paboritong spot na binibisita ninyo ay same pa rin ang itsura o may pagbabago na? Paano po ninyo nasabi?

Mag-iiba na sigurado. Sa ngayon, karamihan ng “trail” ay nilalatagan na ng semento, lalo na kung papunta sa mga liblib na community.

Ano po ang naiisip o pangarap ninyo para sa Pilipinas o sa mga tourist spot na bibisitahin ninyo in the future upang mas mapalawak ang awareness sa kapaligiran (halimbawa, sana magkaroon ng ganito or ganyan…)?

Sana magkaroon ng maayos na implementasyon sa pagsisinop ng basura, pag-iingat sa mga flora at fauna, saka maayos at tamang training sa mga humaharap sa mga turista. Saka ipagbawal yung mga nagdadala ng videoke sa mga lugar na liblib na akala mo gustong marinig  ng kagubatan boses nila.

Padyak Exploration

Sa pagiging outdoor enthusiasts ninyo, paano kayo nakakatulong na maging sustainable ang inyong magiging adventure or biyahe?

Bilang mga outdoor enthusiasts, gusto namin na bawat biyahe ay may kasamang malasakit sa nature. Simple lang, lagi kaming may dalang sariling bottles and reusable utensils, iwas sa single-use plastics, at syempre, walang iiwan na basura sa trail. Pinipili rin namin suportahan ang mga locals, kumakain kami sa karinderya or kung ano mang local restau sa lugar, bumibisita rin kami sa mga local na kapihan, para kahit papaano, may balik sa community.

Sa tingin po ninyo, yung iba kayang nagbi-bike o bumibisita sa mga remote/tourist spot sa bansa, e nagpapakita pa rin ng awareness sa isyu ng kapaligiran?

Sa totoo lang, mixed pa rin. Marami nang bikers at travelers ngayon na mas aware na, pero meron pa ring iba na hindi pa ganon ka-conscious. Kaya para sa amin, malaking bagay yung magbigay ng good example sa simpleng pagbitbit ng basura mo or pag-remind sa kasama mo, nagsisimula na ‘yon sa awareness.

Sa tingin ninyo, dapat bang tutukan ng local government ang ibang remote places o community tungkol sa kahalagahan ng sustainability? Papaano ninyo po nasabi? At kung meron man, maaari ninyo po bang ibahagi ang inyong karanasan (ex. pagtatapon o may mga kalat na nakatambak lamang sa isang spot) tungkol sa tanong na ito?

Oo, dapat talaga tutukan ng local government ang mga remote areas pagdating sa sustainability. Kasi madalas, doon mo makikita yung mga spot na sobrang ganda at rare mong makikita sa metro, pero kulang sa awareness o support para mapanatili nang malinis at maayos. May mga nadaanan na rin kami dati na sobrang scenic sana, pero may mga tambak ng basura sa mga ilog o sa mga rest area. Hindi naman dahil walang pakielam yung mga tao, minsan kulang lang sa tamang info o waste system.

Kaya malaking bagay kung may mga program o simpleng orientation mula sa LGU at local communities para mas maipakita kung gaano kahalaga alagaan yung lugar na nagbibigay din ng ganda at saya sa atin. Sa dulo, pareho lang naman tayong gustong mag-enjoy sa tour habang pinapangalagaan yung kalikasan.

Para sa inyo, ano yung mismong problema ang nakikita ninyo sa tuwing bumibisita kayo sa isang tourist spot o sa isang remote na komunidad?

Isa sa mga madalas naming mapansin ay ang kakulangan sa tamang waste management. Minsan may mga lugar na sobrang ganda, pero may kalat sa gilid ng daan o sa mga rest area may mga bote, plastic, etc. Hindi rin minsan aware yung ibang bumibisita na kahit maliit na basura ay may malaking epekto kapag pinagsama-sama. At dahil kulang din sa trash bins o collection system sa ibang lugar, naiipon lang siya hanggang maging madumi at masira na yung natural spot.

Para sa amin, need ng solusyon at yung awareness/disiplina, kung magsisimula sa bawat cyclist or traveler ang malasakit, mas madali para sa community na sundan. Dahil sa huli, lahat tayo ay may parte sa pagpapanatiling malinis at maganda ng mga spot na binibisita natin.

Kung meron man, ano ang nakikita ninyong hadlang kaya napipigilan ng iba na gumawa ng aksyon tungkol sa isyu ng kapaligiran o sustainability?

Sa tingin namin, isa sa mga hadlang ay yung mindset na “maliit lang naman ’to, wala namang effect.” Madalas kasi iniisip ng iba na kailangan laging malaki ang effort para makatulong, pero hindi nila nakikita na nagsisimula talaga sa maliliit na bagay. Isa pa, minsan kulang din sa information or access, halimbawa, walang tamang basurahan or hindi alam kung saan dapat magtapon. Kaya nagiging “bahala na” na lang. Pero naniniwala kami na once makita ng mga tao na posible pala magbago kahit sa simpleng paraan, magdala ng sariling tumbler, maglinis ng camping spot bago umalis, sumuporta sa local, doon nagsisimula ang pagbabago. Awareness muna, tapos disiplina, tapos collective effort.

Sa inyong palagay, 25–40 years from now, ’yung kayang paboritong spot na binibisita ninyo ay same pa rin ang itsura o may pagbabago na? Paano po ninyo nasabi?

Gusto naming maniwala na after 25 to 40 years, nandito pa rin yung mga fave namin na spot, pero to be honest, baka may mga pagbabago na rin. Dahil sa bilis ng development at effects ng climate change, natural lang na mag-iiba-iba lahat. Lalo ngayon may isa kaming fave spot sa Rizal, ngayon palang sementado na at merong subdivision na ginagawa at hindi lang to, may mga quarrying na lalong lumalala. Pero kung ngayon pa lang magiging aware at responsible tayong lahat, cyclists, travelers, lgu, national government, at local communities, may pag-asa pa rin na mapanatili ang ganda ng mga lugar, lalo na ang mga protected areas, kailangan talagang alagaan.

Ano po ang naiisip o pangarap ninyo para sa Pilipinas o sa mga tourist spot nabibisitahin ninyo in the future upang mas mapalawak ang awareness sa kapaligiran (halimbawa, sana magkaroon ng ganito or ganyan…)?

Kapag naiisip namin ang future, gusto naming balikan yung mga spot na pinuntahan namin ngayon at makita pa rin silang maganda, malinis, at tahimik. Sana mas maraming lugar na may eco-friendly systems, at mas maraming tao na aware na sa bawat biyahe, may kasamang responsibilidad. Kasi sa totoo lang, gusto lang naman nating lahat na ma-enjoy yung ganda ng Pilipinas.

Ang mga kilala nating outdoor enthusiasts ay may mahalagang papel sa pagdo-dokumento, paggalang, at pagtataguyod ng sustainability ng kalikasan. Ang kanilang commitment ay nag-e-enhance ng experience sa pag-e-enjoy outdoors. Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga responsableng aktibidad sa outdoor at pagtataguyod ng konserbasyon, malaki ang kontribusyon nila sa isang mas healthier na mundo.