PEDAL GLORY
Isa pang negosyong na nabuo noong may pandemic ay ang Pedal Glory. Taong 2017 pa ang ideya ng brand na ito at noong 2020 lamang naging aktibo sa produksyon. Salamat sa mga kaibigan at sa komunidad ng fixed gear sa Bulacan (Malolos) na pinuri ang simple at ang kakaibang disenyo ng brand na humantong sa paglalabas pa ng ibang produkto sa merkado.


Ayon sa may-ari, nanggaling ang brand name nila sa isang anime/manga series sa Japan na may pinamagatang Yowamushi Pedal: Glory Lane. Tungkol ito sa cycling culture ng Japan na pinapanood pa nila simula pa noong nagfi-fixed gear sila. Pinaliwanag din nila na ang maincore ng Pedal Glory ay hindi lang maglabas ng iba’t ibang apparel kundi para rin mawala yung division/boundary ng cycling culture at ego ng ibang siklista sa Pilipinas. Dahil sa trabahong ito, mas na-e-enjoy nila ang mag-ride sa mga malalayong lugar, makakilala ng ibang siklista, at ang pinakamahalaga ay ang pagbabahagi ng kanilang mga karanasan sa pagbibisikleta.


Para sa kanila, napakabuti ang mag-reuse ng mga lumang damit o jacket na puwede mong tabasin at tahiin upang makabuo ng cycling/bucket hat o kaya naman mixed and match ng mga fabric para maging damit uli. Sinabi rin niya na nakatutulong ang prosesong ito upang mabawasan ang dumadaming basura sa mundo. Binanggit din niya na isa sa mga common challenge ng negosyong ito ay ang pag-iisip ng disenyo at konsepto na aangkop sa produkto. Mahalaga rin na may koneksyon ka sa iyong mga kliyente upang malaman mo ang feedback nila. Para sa susunod pang mga plano, patuloy silang maglalabas ng apparel hindi lang dito sa Pilipinas kundi pati na rin sa ibang bansa. Nais din nilang ma-meet in person ang lahat ng sumusuporta sa Pedal Glory at makipag-collab sa iba pang local brands sa Pilipinas.

Para sa mga katanungan at gustong umorder ng kanilang produkto, maaari silang kontakin sa kanilang Instagram at FB page na Pedal Glory.