Philippine Loop Adventure

Ni: Byaheng bike ni Mike

Sa ating mga siklista, minsan, napakahirap magpaalam sa ating mga mahal sa buhay lalo na kung ang ride na ating gagawin ay tatagal ng higit sa isang linggo (o kahit minsan nga, e, isang araw lang, pahirapan pa). Sa iba naman, ang pangarap ng pagbibisikleta sa malalayong lugar upang simulan ang isang inaasam-asam na pakikipagsapalaran ay isang katotohanan. Isa rito ay si Mike na nangarap na makapagbisikleta nang malayuan para matupad ang kanyang matagal nang minimithing solid na adventure. Ngunit dahil ito ay malayo, kailangan muna niyang iwan ang kanyang mag-ina upang tapusin ang matagal nang pinapangarap na ride. Ang kuwentong ito ay ang pagpadyak ni Mike mula Pasay hanggang Leyte (partial story ng kanyang PH Loop) na tumagal ng anim na araw. Halina’t basahin natin ang kanyang solid na ride papuntang Leyte gamit ang kanyang bisikleta na si Black Horse.

Day 1

Nakakalungkot man, pero kailangan ko munang magpaalam ng panandalian sa aking asawa at sa dalawa kong anak. Shoutout sa asawa ko para sa isang daang suporta na binibigay niya. Oras na para makipagsapalaran sa daan para sa pagtupad sa matagal kong pinapangarap, ang maikot ang Pilipinas gamit ang bisikleta.

Mayo 10, 2024, 6:30 ng gabi, ako nag-ride out sa Malibay, Pasay. Maraming salamat sa Delta Appliances, kay Master Wilson Co, kay Master Efren Rico ng Efren Rico Cycling at sa SPN Cycle PH para sa iGPSPORT devices na aking ginagamit sa biyaheng ito. Papunta pa lang ako sa Alabang, ay grabe na agad ang pagod ko dahil sa sobrang trapiko. Kaya naman, nung makarating ako sa Muntinlupa, ay nagpahinga muna ako saglit, tapos rideout ulit. Mag-isa nga lang pala ako sa aking biyaheng ito, kaya naman masaya ako na nandiyan kayo para samahan ako sa aking paglalakbay, sa pamamagitan ng inyong pagsubaybay.

Pagdating ko sa Cabuyao, medyo naramdaman ko na ang hirap dahil sa bigat ng mga gamit na aking dala-dala. Eto nga pala ang set-up ng bike ko na si Black Horse, saddle bag na hiniram ko kay Master Padyak ni Rock, frame bag at drop bar bag na na-score ko kay Master Pusher. Alas-diyes pasado na nung marating ko ang Santo Tomas, Batangas. Pagdating ko naman sa San Pablo, Laguna ay dito na ako kumain ng hapunan, mga around 12am na rin ito. Kailangan magkarga dahil naubos na ang lakas sa kakaahon sa may Batangas, banayad lamang ito pero mahaba, kaya, nakakaubos din. Ala-una ng madaling araw nung makapasok ako sa Quezon Province. Meron itong mahabang banayad na ahunan hanggang Sariaya, Quezon. Nang makarating ako sa town proper, mabilis lang, water break muna at refill sa aking hydration bag na may 2-liter capacity. Sobrang laking tulong nito sa biyahe kong ito.

Alas-kwatro imedya na nung marating ko ang Pagbilao. Dito ay umidlip muna ako ng halos isang oras sa waiting shade, sobrang antok na kasi. 6am nung magsimula ulit akong umahon sa Atimonan, Old Zigzag Road o Bitukang Manok. Medyo ininda ko ang ahunan dito dahil nakaka-150 km na ako sa pagpadyak. May haba itong 4 km hanggang sa pinakatuktok (sa may Atimonan Zigzag Park) at ang average gradient nito ay 5.3% na may 247 m of elevation gain. Dagdag na pahirap pa sa pag-ahon ko ang mabigat na gamit na dala-dala ni Black Horse. Pero kahit na mahirap, patuloy pa rin akong nagsusumikap para matupad ko ang aking pangarap na maikot ang Pilipinas (teka, para na yata akong nag-rarap). Kahit sobrang malayo ang bitukang manok, e, hindi ito nakakasawang balikan. Pagbaba ko sa Bitukang Manok, karga muna nang agahan.

Alas-otso pa lang ng umaga, pero yung init dito ay para nang tanghaling tapat na. Kaya naman sinuot ko na ang mga pangontra sa init. Ang sunod na bayan ay ang Plaridel, Quezon. Pagpasok mo dito ay unti-unti nang nagiging makipot ang kalsada. Sumunod naman ay ang pagpasok ko sa Gumaca, Quezon. Mabilisang refill lang ulit ng tubig, napakalaking tulong talaga ng hydration bag na dala ko, dahil pwede itong lagyan hindi lang isa kundi dalawang yelo ang kasya dito. Pangontra na rin ito sa init at kahit papaano, eh malamigan man lang ang aking likuran. Kung ikaw na hindi pa nakakaranas na makadaan dito ay sobrang delikado ng kalsada dito dahil sa bukod na masikip at malalaking sasakyan ang iyong mga kasabayan puro rough road din ang kanilang shoulder lane. Mas mainam na paunahin mo na lang palagi ang mga malalaking sasakyan o di kaya padyakan mo ang rough road sa shoulder lane na may ibayong pag-iingat. Buti na lang talaga si Black Horse ay isang gravel bike.

Mag-aalas-onse na nung dumating ako sa Lopez, Quezon, dito na rin ako kumain ng tanghalian. Pagkatapos kong kumain, tuloy ang pakikipagsapalaran sa daan kasabay ng mga malalaking sasakyan. Alas-dos na ng hapon nung marating ko naman ang gateway ng Bicolandia. Sa wakas, Bicol na ako! Pero meron pang 94 km hanggang Daet, kaya konting tiis pa. Santa Elena going to Daet ay first time kong masusubukan daanan, kaya naman hindi ko alam kung marami bang ahon, lusong o puro ba patag ang daan dito sa lugar na ito. Santa Elena going to Labo, Camarines Norte ay rolling hills. Pero mas lamang ang ahon kung papunta ka sa Daet. Inabutan na nga ako ng gabi sa daan, panatag ako dahil sa iGPSPORT VS1200 na front light na gamit ko. Parang Meralco, dahil may liwanag ang buhay, napakaliwanag. 9pm na ng gabi nung makarating ako sa Daet. Maraming salamat po kay Master Jerry Mora ng Biyahe ni Kuya Jerry para sa pag-accommodate sa akin dito sa Daet, bali sa kanila ako nagpahinga o nagpalipas ng gabi. Napakasarap ng hapunan at siyempre may malamig na beer pang recovery (salamat ulit, Master Jerry. God bless you!).

Day 2

Pangalawang araw ng aking pakikipagsapalaran sa daan para ang aking pangarap na maikot ang Pilipinas ay maisakatuparan. Maraming salamat ulit sa aking kaibigan na si Master Jerry na pinatuloy ako sa kanilang tahanan, mag-iingat ka palagi kaibigan ang iyong kabutihan ay hindi ko malilimutan. Pinakilala niya rin nga pala sa akin ang kanyang dalawang alaga, si Biachi na RB at Giant na MTB (ride soon, sir).

Hindi pa ako nakakalayo sa Daet ay inulan naman ako ng napakalakas kaya naman napasilong na lang ako sa gedli (shoutout po kay Master Efren Rico Cycling, Master Wilson Co ng Delta Appliances at sa SPN Cycle PH maraming salamat sa suporta). Nung tumila na, nag rideout na rin ako, laking tuwa ko nung may nakita akong mga siklista sa aking harapan, hinabol ko sila upang aking matutukan, kaso nga lang, nung ako na ay nakalapit na bigla silang naghintuan saglit. Sayang naman, akala ko kasi makakalibre ako nang tutok sa kanila. Sa totoo lang, hindi talaga ako sanay mag-isa, kaya sa tuwing may nakakasabay akong kapwa siklista ay labis ang aking saya.

Basa pa rin ang kalsada, kaya dahan-dahan lang muna sa daan. Makalipas ang ilang oras ay nabilad na naman ako sa initan, kaya naman napa-stopover agad sa tindahan para mag-rehydrate at mag-refill na rin. Tatlong 500ml na tubig ang sinalpak ko sa hydration bag at isang buong yelo, solve talaga ang uhaw ko neto. Sa ride ko na to, mas magastos ako sa tubig, hindi ko tinitipid ang sarili ko, mahirap na matuyuan ng bibig. Bottled water palagi ang binibili ko para makasigurado na ligtas ang iniinom ko. Dito nga pala ako dumaan sa legit na bitukang manok, buti banayad lang ang ahunan papuntang tuktok. Maganda ang kalsada, parang Marilaque, at nakakatuwa itong mga bata sa daan na nakiki-apir sa tabi. Presko at maaliwalas dito sa Bicol Natural Park, tumambay din ako dito ng mga ilang minuto, ninamnam ang bawat sandali ng pag daan ko dito Ni isang siklista wala akong nakasabay at madalang lang din ang mga sasakyan bumabaybay dito.

Mag aalas-dose na ng tanghali nang dumating ako sa Sipocot, dito na rin ako kumain ng tanghalian para maka-recover sa pagod. Sinunod ko lang ang payo ni Master Jerry na dito sa shortcut dumaan, nagustuhan ko rin ito dahil hindi pa ako dito nakakadaan. Habang binabagtas ko ang shortcut na ito, biglang bumuhos na naman ang malakas na ulan, kaya napasilong agad ako. Parang pinaglalaruan yata ako ng panahon, buti na lang may dala akong tsinelas kaya hinubad ko na muna ang sapatos ko para hindi mabasa, mahirap na baka magkapaltos pa ako. Grabe shortcut na ito, malala yung mga ahon, nakatingala. Mas maikli nga siya kumpara sa main highway, kaso nga lang maraming ahunan. Nakameno ako ng sampung kilometro, kaso mahirap ang rutang ito. Buti nadaan ako sa sipa ng tiyaga at nasalba ako ng baon ko na itlog na nilaga.

Mag 6pm na nung makarating ako sa Polangui Albay, ang lulupit din netong aking mga nakasabay, tamang tutok nanaman ako dahil wala ng lakas, kaso nga lang unti-unti na silang kumakalas. Pasado 7pm naman na nung dumating ako sa Ligao, Albay. Kumain na rin muna ako ng hapunan bago maghanap ng matutulugan. Sa Sinambitan Inn ako nagpalipas ng gabi, malapit lang ito sa munisipyo ng Ligao at sa police station. 750 pesos ang binayaran ko overnight, mahal at magastos, pero ang mahalaga makakapagpahinga ako ng ligtas at yun, isang gabi nanaman ang aking nairaos.

Day 3

Pangatlong araw na pala ngayon ng aking byaheng bike para ikutin ang Pilipinas gamit ang aking bisikleta na si Black Horse. Mag-6am na nung umalis ako dito sa Ligao, Albay. Una kong ginagawa ay humanap ng makakain para makapag-agahan. Nakalagpas na ako sa Guinobatan, ay wala pa rin akong nakitang bukas na tindahan. Sa Camalig na ako nakakita ng makakainan, malapit lang ito sa bypass kung saan ako dadaan. Karga agad para may lakas, dahil mahabang biyaheng bike na naman ang aming gagawin ni Black Horse. Ngayong araw ay tatawid na kami ng dagat para makapunta sa Samar. Dito sa Camalig Bypass Road, pumadyak kasi magandang dumaan dito para sa scenic view ng Mt. Mayon.

Sa wakas! Sa pangatlong punta ko dito ay pinagbigyan na rin ako sa wakas ni Mt. Mayon na makita siya nang buo. Rumekta na rin pala ako sa Cagsawa Ruin na may entrance fee na 10 pesos. Sulit na sulit. Nakakatuwa lang isipin na dati pangarap ko lang makapunta dito, eh hindi ko napapansin na nakakarami na pala ako. Ang sarap kasi balik-balikan (shoutout kay Master Jocelyn from Batangas, paalis na ako nung narinig ko siyang sumisigaw). Hindi na rin ako nagtagal sa Cagsawa Ruins, rekta rideout na agad.

Alas-otso pa lang pero grabe na agad ang init. Pagdating ko sa Pilar, Sorsogon, nag-rehydrate na muna ako. Merienda ng pansit habang papasok sa Castila, Sorsogon. Namangha ako sa chopper na naka parada sa harap ng city hall ng Castila, siguro service yun ni Mayor. May nadaanan pala akong rest area dito sa Sorsogon City. Ang tawag nila ay Pepita Park. Nagpahinga ako dito ng halos dalawang oras pinalipas ko muna ang init at para makapag-recover na din. Share ko lang na noong unang daan ko dito, akala ko ito ay isang sabungan, yun pala ito ang Sorsogon Coliseum. Alas-kwatro na rin nung makarating ako sa Irosin town proper at mag-5pm naman nung makarating ako sa Bulan Lions Club monument. Dito na rin magsisimula ang mga matitinding ahunan papuntang Matnog. Medyo kabisado ko na ang daan dito dahil nakaikot ko na ito last year. Masakit din ang mga ahon lalo na’t nakaka-600 km+ na kami ni Black Horse.

Pag may ahon, sure, hindi mawawala ang lusong. Ayun, sa isang banda, napasarap ang lusong ko kaya nalagpasan ko ang bilihan ng ticket. Hindi ko kasi alam na doon pala ang bilihan. Nung pagdating ko sa arko ng ‘You are leaving the island of Luzon’ ay sobrang laspag na ako. Sa totoo lang, e, dito pa lang magsisimula ang totoong pagsubok, naala ko last year nung nandito ako, ang sabi ko sa sarili ko ay balang araw ay makakalagpas din ako dito. At ito na nga yung araw na yun! Magkahalong sabik, takot, kaba at saya ang aking nararamdaman. Sa Santa Clara Shipping Corporation pala kami sumakay ni Black Horse share ko lang ang binayaran ko patawid sa kabilang isla (passengers fee na 180 pesos; bicycle fee na 120 pesos; LGU Matnog Users fee passenger 10 pesos; bike 5 pesos at terminal fee na 30 pesos Total of 345 bucks.

Dalawa hanggang tatlong oras naman ang biyahe mula Matnog, Sorsogon, to Allen, Samar. Mag-aalas-onse na ng gabi nung makarating ako sa Allen. Medyo napamahal sa accommodation, 1,000 pesos overnight ang binayaran ko. Kinuha ko na agad dahil pagod na ako at gusto ko nang makapagpahinga.

Day 4

Day 4 na nga pala ng aking Philippine loop. First time kong mag-byaheng bike dito sa Samar, kaya naman magkahalong kaba, takot at sabik ang aking nararamdaman. Bungad pa lang, pinatikim na agad ako ng napakagandang coastal view at amoy na amoy ko ang halimuyak ng simoy ng dagat. Medyo nangangapa nga pala ako sa lugar na ito dahil hindi ko nga alam kung anong ruta ang naghihintay sa akin sa lugar na ito. Bale mula Allen papuntang Victoria, ay medyo banayad ang mga ahunan, may mga kunting lusong din. Nakakasabik talaga kapag first time mo sa isang lugar. Bale dito pa lang pala magsisimula para sa akin ang totoong pakikipagsapalaran, dahil ngayon pa lang ako nakatapak dito sa lugar na ito.

Nakaka-anim na kilometro na ako nung makapasok ako sa Victoria, Northern Samar. Isa na namang bagong bayan ang aking napuntahan o masasabi ko na Victoria ‘unlock’. Isang magandang tulay ang aking nadaan dito sa Brgy. Libertad, Victoria, Samar. Ito nga pala ang Mawo Bridge. Merong old bridge na sa tingin ko ay puwede pang madaanan ng mga light vehicle. Very scenic view mapa-kaliwa man o kanan. After 14 km ay nakarating na ako sa San Isidro, Northern Samar. Bale ang target ko nga pala sa araw na ito ay makarating sa Calbayog town proper o di kaya sa Catbalogan City, kung kakayanin pa ng oras at ng aking lakas dahil dito sa San Isidro, ay meron nang mga mahahabang ahunan na merong katarikan.

Masakit, pero kailangan tiisin para magpatuloy. Mabagal lang ako pagdating sa ahunan, pero para sa akin, ay okay lang ito, hindi na baling mabagal basta ang importante ay umuusad. Hindi ko na rin alintana ang init ng panahon. Nasasanay na kasi ang aking katawan sa init ng panahon. Bawat ahon ay merong lusong na kakambal. Medyo rolling hills pala ang ruta mula San Isidro papuntang Calbayog mga ka-byahe. Pagdating naman sa lusong ay hindi ko na pinapadyakan, hinahayaan ko nalang si Black Horse ang bumulusok sa lusong. Alalay na lang ako sa preno. Ginagawa ko ito para kahit papaano ay makapag-recover.

Along the way nga ay may nakilala ako na kapwa siklista. Siya si Master Jesus Enceso, 56-year-old cyclist na tubong Naga. Isa nga pala siyang bus driver, nasiraan kasi sila ng bus sa Calbayog/San Isidro boundary. Good thing lang dahil palagi niyang dala ang kanyang bisikleta, kaya naman nakakapag-bike siya kapag walang biyahe o kung nasisiraan sila sa daan. Grabe si Master Jesus, napakalakas sa padyakan, eto nga at pinakalad niya ako sa ahunan. Hindi ko na pinilit habulin si Master, dahil sa sobrang bigat ni BlackHorse (dahil sa mga gamit ko na kanyang dala-dala ay medyo iniinda ko na rin ang pagod dahil nakaka-690 km na ako). Matapos akong pagurin ni Master Jesus ay inalok niya akong kumain muna ng agahan sa kanilang bus. Kaya naman, maraming salamat, Master Jesus, sa masarap na agahan.

Pagkatapos naming kumain ay may magandang spot na tinuro sa akin si Master Jesus. Bali, sa baba lang ito ng main highway. Hindi ko na rin pinalagpas ang pagkakatao, kaya naman pinuntahan ko na ito. Mahirap nga lang bumaba dahil sa napakatarik na lusong. Pagdating ko sa baba ay napawi agad ang aking pagod dahil sa napakagandang view. Mga malalaki at nagagandahang rock formation, napaisip na lang ako kung paano nga ba napunta o nabuo ang ganitong kalaking bato dito. Habang hinihintay si Master Jesus ay nilasap ko ang ganda ng lugar. Nagulat ako nung makabalik na si Master Jesus dahil meron siyang binili na red horse. Hindi lang isa kundi dalawa. Aray ko po. Mukhang sleepwell, malala ako nito mga ka-byahe haha. Tamang kwentuhan lang kami ni Master Jesus tungkol sa buhay-buhay at marami rin akong natutunan sa kanya. Sa mga oras na ito ay pinagpaliban ko na lang muna ang aking biyaheng bike. Minsan kailangan mo ring huminto at magpahinga upang malasap ang sarap na ibinibigay ng paglalakbay. Mula Allen, Samar hanggang dito sa Calbayog ay naka-30 km lang ako, bale dalawang oras itong padyakan. Itong day 4 ko ay isang rest day para makapag-relax at makabawi ng lakas.

Day 5

Pray first before you rideout. Ulit, maraming salamat sa Delta Appliances kay Master Wilson Co, kay Master Efren Rico Cycling at sa SPN Cycle PH. Day 5 na nga pala ng aking Philippine Loop.

Bale, ihahatid nga pala ako ni Master Jesus hanggang sa Calbayog town proper. At least kahit papaano ay hindi ako mag-isa. Bungad pa lang ay may banayad na, na mga ahunan, napalaban agad sa padyakan. Naka-recover na rin naman nang maayos dahil mahaba-haba ang aking naitulog. Tamang tutok nga lang pala ako dito kay Master Jesus para makapag-reserba ng lakas, dahil sa araw na ito ang target kong lugar na marating ay ang capital ng Samar, ang Catbalogan City. Bale meron itong layo na 110 km mula dun sa bus nila Master Jesus na nasa Calbayog/San Isidro boundary. Pagdating namin sa Calbayog City town proper, ay dito na kami nag-agahan ni Master Jesus (shoutout at maraming salamat sa’yo, Master Jesus Enciso, kahit sa panandaliang sandali ay naranasan ko nang magkaroon ng kasama).

At this point, balik na ako sa pagiging solo ride. Buti naman at kahit papaano sa ruta na ito ay walang ahunan. Mostly flat ang daan hanggang makarating ako sa Santa Margarita. Sobrang ganda rin ng kanilang coastal road, so far so good simula nung nag-byaheng bike ako dito sa Samar. Mula Allen hanggang sa makapasok ako dito sa lugar ng mga magaganda, ang Gandara, Samar, ay sobrang smooth at sobrang ganda ng kalsada. So far, walang ahon mula Calbayog town proper hanggang Gandara. Sana magtuloy-tuloy na ito para ang dating ko sa Catbalogan ay mas mapaaga.

Pagpasok ko sa Catbalogan City ay dito na nagkaroon ng mga ahunan. Meron nga rin pala akong dito nadaanan na malaking sasakyan na may karga na mga motor na natumba sa daanan. Medyo kurbada at may katarikan kasi ang kalsada. Hindi mo rin talaga masasabi ang disgrasya sa kalsada, kaya palagi tayong magdasal bago mag-rideout. Mga alas-tres na ng hapon nung makarating ako sa Catbalogan City town proper. Gaya ng plano ay napaaga ang dating ko dito, nice! Bali, naka-110 kilometro sa araw na ito at ang total distance ko naman ay 812.5 km. Mula ito sa Pasay City hanggang dito sa Catbalogan City. Buti na lang meron tayong tropa na taga-rito, si Master Jenbert, na tinulungan ako na makahanap ng medyo mura-mura na matutulugan sa araw na ito. Salamat sayo, Master Jenbert!

Day 6

Day 6 na ng aking Philippine loop. Ihahatid nga pala ako nila Master Erne at Master Jenbert mula dito sa Catbalogan City hanggang sa Jiabong. Kakasimula pa lang ng aming rides ay pinatikim na agad kami ng matinding ahunan. Mukhang napapadalas na yata naahon ang aking agahan. Pero pagdating naman namin sa taas ay may magandang view. Kaya napawi agad ang aking pagod. Kapag may ahon, syempre may lusong, pero bago kami lumusong ay may tropa tayo na humabol na bumati, si Master Rino.

Medyo mahaba-haba rin ang nilusong namin kaya nakarecover din naman kaagad. Pagdating namin sa Jiabong town proper ay tumambad sa akin itong napakalaking tahong sa may plaza nila. Siguro sagana sa lugar na eto ang mga tahong. Dito na nga rin pala kami nagkape at kumain ng agahan. Tapos binati kami ni Master Kenneth, napaka-sipag at lakas niya mag bike. Hindi hadlang sa kanya ang kapansanan. Meron daw kasi siyang polio mga ka-byahe. Di na rin kami naghiwalay sa Jiabong. Maraming salamat sa paghatid sa akin dito sa Jiabong, Master Jenbert at Master Erne. Bale, naka-11 km din sila sa paghatid sa akin. Maraming salamat sa inyo. Kahit papaano ay may nakasama na naman ako sa daan kahit panandalian. Balik na naman ako sa pagiging solo, mga kabyahe.

Mula Jiabong papuntang Motiong naman, e, marami ring mga ahunan. Medyo gapang na ako sa ahon, pero kaya naman tiyagain. 7 am na nung makarating ako sa Motiong town proper at 7:12am naman nung makarating ako sa Paranas, Samar. Mostly flat naman ang ruta mula Motiong papunta dito. At napansin ko lang na karamihan sa kanilang sementeryo ay nasa gilid lang ng main highway. Mga 7:30 am nung makapasok ako sa Hinabangan, Samar. Bali mula Parañaque hanggang makapasok ako dito sa Hinabangan ay rolling hills ang ruta. Pagdating ko naman sa Calbiga, Samar, ay nadaanan ko itong Divine Mercy Center of Spirituality. As a roman catholic, I am thankful that I visited this place, a very quiet and very nice place where you can strongly pray to our creator.

Alas-nuebe pasado nung makapasok ako sa Pinabacdao, Samar. So far so good naman ang ruta, kaso nga lang ang tirik ng araw, masakit na mga kabyahe. Dahil alas-nuebe pa lamang ay 44.3 degrees Celsius na ang temperatura. Aray ko po! Habang pumapadyak, may nakita akong aso na tumatakbo sa harapan ko palayo sa akin para bang takot na takot siya. Tapos nung makakita siya ng kapwa niya, e, tila bang nagsumbong ito. Ayun ,harurot agad ako dahil hinabol nila ako, haha. Mag-aalas-dose na nung makarating ako sa dulo ng Santa Rita, Samar. Sa may San Juan Junction. Bale, 1 km na lang ay makakadaan na ako sa San Juanico Bridge. Kumain na rin pala ako dito ng tanghalian. Sa wakas narating ko na rin ang sikat na San Juanico Bridge, ang bridge na ito ang nag dudugtong sa dalawang probinsiya ng Samar at Leyte. Dati, sa picture ko lang ito nakikita, pero ngayon nandito na ako, dumadaan kasama si Black Horse sa kahabaan ng San Juanico Bridge na umabot sa 2.1 km ang distansiya.

Nilasap at sinulit ko ang pagkakataong ito, picture dito at picture doon. Hindi ko alintana ang init, dahil ang San Juanico Bridge ay sobrang ganda. Masaya ang naging karanasan ko sa probinsiya ng Samar nakakalungkot lang dahil kailangan ko na mag paalam sa kanya. Pagkatapos kong ma-enjoy ang pagdaan sa San Juanico Bridge ay dumiretso na rin ako hanggang sa marating ko ang arko ng Tacloban, Leyte. Isa nga pala itong Tacloban sa mga checkpoint ng Philippines Loop Adventure Tour. Habang papunta ako sa Palo, Leyte ay may nakasabay ako na kapwa siklista siya si Master Jiniri, siya na rin pala ang naging tour guide ko habang nag iikot dito sa Tacloban at Palo. Sinamahan niya ako papunta sa McArthur Landing Memorial National Park. Grabe ang laki pala ng mga statwa ni McArthur and friends nung makita ko eto sa personal! Sa picture kasi parang ang liit lang tingnan.

Pagkatapos naming mag-picture-picture at magpahinga, rideout na ulit. Pinagtranko ako ni Master Jiniri hanggang Tanauan, Leyte. Pagdating namin sa Tanauan ay nilibre ako ni Master Jiniri ng merienda bago kami maghiwalay (shoutout at maraming salamat sa’yo, Master Jiniri). Along the way going to Dulag, Leyte ay may nakasabay ako na dalawang siklista, dito banda sa Tolosa, Leyte mga ka-byahe. Mukhang galing pa yata sila nito sa karera. Tamang tutok lang ako sa kanila. Pero grabe yung dalahan nung dalawa, napakalas na lang ako sa kanila. Jusko, ang tulin ng dalahan! Hindi ko kaya na makipagsabayan. Almost 15 km din yung pagtutok ko sa kanila. Maraming salamat, mga Masters, sa pagtranko sa akin 4:56pm nung makarating ako sa McArthur, Leyte.

Bale dito na pala ako maghahanap ng matutulugan. Kaso nga mahal kaya napilitan akong pumadyak pa hanggang Abuyog, Leyte. Ang diskarte ko kasi sa paghahanap ng matutulugan ay iniisa-isa ko ang mga ito hanggang sa makahanap ako ng pinakamura. Alas-singko pasado na nga pala ako nakarating sa Abuyog, Leyte, dito na rin ako maghahanap ng murang matutulugan.

Ayun, at dito na rin pansamantala matatapos ang aking mahabang kuwento. Nakakapagod mag-compose lol. Napakaraming natutunan kong sa ride na ito at alam kong hindi pa ito matatapos. Salamat sa mga nakasabay at sa mga tumulong sa biyaheng ito, ito ng a pala ang video link ng aking ride na ito, kung may oras kayo maari din kayo mag-comment sa aking Youtube page youtube.com/@ByahengBikeNiMike , hanggang sa muli mga Ka-Byahe! Ingat, Bike bike!

Leave a Reply