Rack Shack

RACK SHACK

Isa sa mga umuusbong na negosyo sa Laguna ay ang Bikedelic/Rack Shack na nakatuon sa paggawa ng customized rack, bottle cages at handlebar bag support na naging best seller sa kanilang munting kabuhayan. Kahit dalawa lang sila sa negosyo, tuloy pa rin ang paglabas nila ng iba’t ibang disenyo ng bicycle racks para sa ating bisikleta. Dahil sa dami ng gustong umorder ng kanyang mga gawa, umaasa siya na balang araw ay makakuha pa siya ng ekstrang tao upang makatulong sa produksyon ng kanyang mga obra.

Nagsimula ang kanilang negosyo noong Disyembre 2021 na mayroon lamang iisang produkto na umiikot sa merkado. Naging matagumpay ito, at ito marahil ang naging dahilan upang magpasya silang gumawa pa ng iba’t ibang style ng racks para sa mga siklista sa bansa. Gamit ang lumang pangalan na Bikedelic (owner), na kanyang online shop dati, sinabi niya na wala pa talagang opisyal na pangalan ang fabrication shop na ito. Kaya’t nagpasiya muna siyang gamitin ang RACK SHACK upang magkaroon na ng pangalan ang kanyang maliit na negosyo.

Isa lamang ang pangitain ng maliit na negosyong ito: ang makilala internationally at maipagmalaki ang gawang Pinoy. Dahil sila ay isang Metfab shop, hindi mawawala ang kalat at mga excess na rods na hindi na magagamit. Kaya naman tinitiyak nilang itapon ito sa tamang lalagyan para ma-recycle. Binanggit din niya na para lang siyang naglilibang/naglalato habang nagdi-disenyo ng mga produkto. Isa sa mga pagsubok na naranasan nila ay ang mga kritiko at mungkahi ng ibang tao. Dahil dito, mas naging motivated silang gumawa at mapabuti pa ang kanilang ilalabas na mga produkto.

Kung may mga tanong tungkol sa kanilang mga produkto, maaari silang i-message sa kanilang FB page Bikedelic Santa Rosa o sa kanilang Shopee/Lazada Bikedelic online shop.