Rekta

REKTA!

ni: Kalipunan

Dati, nung hindi pa talaga solid ang eksena sa pagbibisikleta sa bansa, masaya na tayo kung mapupunta tayo sa mga lugar na hindi pa natin napuntahan. E kahit nga bahay-palengke lang ang ruta natin e masaya na tayo dahil nakapadyak na tayo sa labas, nakagala nang libre at siyempre na-overtake natin ang ibang mga sasakyan dahil sa traffic. Kung dati ay masaya na tayo sa isang simpleng ride (malayo o hindi), eh iba na ang panahon o siguro henerasyon ngayon. Marami ang mga bicycle terms ngayon na naglabasan na maaaring nakuha natin sa ibang bansa o sarili nating kontribusyon para sa eksenang ito. May Solstice camping, critical mass (old school) race to donate (charity rides) at ang trending (ongoing) na term na ‘One Shot’. 

Sa totoo lang, ngayon ko lang narinig ang ‘One Shot’ (sa pagbibisikleta), kaya nag-research ako sa internet kung ano ba ang ibig sabihin nito. Nalaman ko na may iba-iba pa lang ang meaning nito kung general itong pag-uusapan. Ngunit hindi ako sure kung same ba ito sa Pilipinas. Nagtanong-tanong ako sa FB/INSTA (random na siklista) kung ano ba para sa kanila ang ibig sabihin ng term na ito. Ang mga susunod ay ang naging sagot/opinyon ng kapwa nating seasonal cyclist.

Para kay C. Guevarra 0 Lody TV ng FB, kapag sinabing one shot, ito ay isang long-distance ride na walang tulugan. Para i-test ang kanyang endurance at mental toughness, 250 kilometers ang kanyang minimum distance sa tuwing ginagawa niya ang ‘One shot’. Main mindset niya ay ma-push ang kanyang sarili at limitasyon sa tuwing may ride siya. ‘Every long ride na ginagawa ko, ang main target ko ay mahigitan ko ang old version ko,’ banggit pa niya. Para sa iba, ang Gateway to Bikolandia ay isa sa mga lugar na nasa bucket-list ng mga siklista. Kaya naman ito ang napili niyang unang i-one-shot at dream route din niya ito.

Isa sa mga pinakamahirap na kanyang binaybay ay noong nag-reverse Batman loop siya. Sinabi niya na sobrang grabe ang rutang iyon, unli ahon mula sa 6 km climb sa Antipolo via Sumulong Highway tapos 8 km climb mula Pililla to Mabitac. Sumunod naman ang 15 km climb via Real Famy Road, 30 km naahon papuntang Infanta to Jariels Peak, then rolling hill mula Jariels to Boso-Boso sa Antipolo habang dinadama ang walang tigil na ulan.

Para naman sa kanyang abiso sa mga gustong sumubok sa activity na ito, sinabi niya na una, dapat prepared ka sa iyong ruta na gagawin. Dapat din daw na alam mo sa sarili mo kung kaya mo ba ito matapos o hindi (base ito sa iyong kundisyon at ang bisikleta mo). Pangalawa, nutrition and conditioning (dagdag niya na hindi sapat ang lakas ng loob lang dapat may sapat kang fuel/hydration during ride dahil ito raw ang magbibigay ng lakas sa’yo para matapos mo ang ride na plinano mo, in short, huwag kang magtipid sa pagkain). At pangatlo, tamang pacing lang, maintain speed lang din para di maubos ang lakas sa dulo.

Sinabi naman ni C. Emmanuel na ang ‘One shot’ para sa kanya ay isang long ride (above 100 km) at kailangan mong iyon matapos without proper sleep. Unli stopovers, unli kain, unli meryenda, puwede rin mag-power nap basta bawal matulog nang proper. Ibinahagi rin niya na ang ‘One shot’ na kanyang ginawa dati ay tumagal ng less than 48 hours. Hindi rin daw niya ma-recommend ito sa iba kasi sa 24-hour overall time lapse na, e medyo nag-iiba na ang awareness and decision-making ng isang susubok nito.

Challenging (pinakamahirap), achievement, excitement, discipline (kasi kailangan mong paghandaan lahat ng aspects, mapa mental, physical, food and diet, accessories). Ito naman ang kaniyang mindset sa tuwing may pinaplano siyang ruta na gusto niyang tapusin in one go. Napili niya ang Baguio para sa una niyang subok ng ‘One shot’. Sinabi niya na kadalasan kasi, ’yun yung lugar na inirerekomenda ng ibang siklista. Dinagdag din niya na marami kasing tao ang nakakaalam ng Baguio (malamig na climate at masarap na food), kaya minsan kung galing ka doon lalo na kung naka-bike ka lang, e tiyak masarap ang magiging kuwentuhan ninyo ng tropa. Ngunit kung Baguio ang kanyang napiling i-suggest sa mga bagong susubok, e medyo tagilid naman siya kung ang rutang susubukan sa activity na ito ay yung daan papuntang Bicol. Bukod kasi raw sa pangit na daan, marami rin na sasakyan na dumadaan dito lalo na yung mga bus at mga trak. Dinagdag din niya na dahil sa maliit na daan, may times daw na talagang napupunta ka sa labas ng line o kailangang huminto dahil sa laki ng kasabayang sasakyan.

Para naman sa kanyang tips sa mga susubok ng ‘One shot’, sinabi niya na huwag mong masyadong isipin yung hirap, mag-ensayo, mag-ipon ng extra at f*ck it na mentality na gawin mo na, solo o may kasama! haha.

Sinabi naman ni A. Cepres na ang ‘One shot’ sa kanya ay isang klase ng ride na limitado ang oras kasi one-way lang ang padyak tapos commute na pauwi. At kahit puyatan at malala minsan ang kakalabasan ng ride, worth it pa rin ito dahil sa experience na naranasan sa daan. Sa kanyang mindset, binanggit niya na bago niya gawin ang isang ride, kinokondisyon niya muna ang kanyang katawan (physical at mental) at ang kanyang bisikleta.

Ibinahagi rin niya na ang Dingalan ang una niyang pinadyak as ‘One shot’ dahil medyo malapit ito sa kanila at hindi masyado ang ahon. Pinakamahirap naman para sa kanya ang rutang papuntang Bicol dahil sa mga sumusunod na rason: ang klima at pwedeng mahirap makasakay ng bus pauwi. Ngunit kahit binanggit niya ang rutang papuntang Bicol, naniniwala pa rin siya na puwedeng maging malayo ang limitasyon ng katawan basta aalagaan lang daw natin ito at siyempre iwas din sa mga toxic foods. Dinagdag din niya na kung well-coordinated ang ating pag-iisip, e walang pakakapigil sa mga gusto nating gawin, lalo na kung sasabayan mo ito ng dasal. Ito naman ang kanyang sinabi tungkol sa mga tips sa pagplano ng ‘One shot’. ‘Aralin mo yung ruta, do the research, i-kundisyon ang sarili (mentally and physically) pati yung bike (mga tools tsaka bike essentials) para kung magkaaberya man, hindi ka masiraan ng loob. I-enjoy din ang ride dahil wala ka sa karera at do not rush. Namnamin mo rin lahat ng magagandang likha ng Diyos, sa mga taong makakasalamuha mo at yung pagkakataon na ipinakaloob sa iyo dahil hindi lahat may chance na magawa o maranasan iyan, so enjoy.

Ang ‘One shot’ para naman kay R. Bernal ay isang pasadang ride, pero dapat kayanin: walang tulog (pero may pahinga) at walang sakay sa planong pupuntahan. Sinabi niya na kung magpaplano ng ‘One shot’, kailangan may assessment sa gagawin, hindi yung gagawin lang for the sake na may gumawa na. Tignan mo din daw dapat yung mga dating rides mo, (hanggang saan ka na ba umabot tapos make assessment sa bago mong gagawin, kaya ba?) Puwede rin daw magtanong sa mga nakasubok na, pero dapat may adjustments kasi hindi naman kayo parehas ng lakas. Dinagdag din niya kapag ‘One shot’ daw, hindi mo kailangan pahirapan ang sarili mo, hanggang 24 hours lang dapat, with reservations. Kapag hindi na kaya, huwag pilitin. Yung mindset niya ay dapat kapag ginawa = dapat kaya, pero nga dapat nakabase ito sa kapasidad. Minsan daw kasi yung mindset minsan, e, nasisira (kapag may kasama ka na hindi parehas ang kapasidad niyo, kaya dapat isipin mo rin yung kasama). Yung mindset, maganda lang sa plano, pero kapag nasa daan na, nagbabago, dagdag pa niya.

Ayon din kay Sir Bernal, wala naman talagang definition ang ‘One shot’. Aniya, pwede kang mag-ride ng 50 kms na ‘One shot’ bike ride, Pwede rin 100, 200, or 400 kms, ikaw bahala, nakabase lang talaga ito kung ano ang pagkakaunawa mo dito. Ibinahagi rin niya na ang unang ‘One shot’ niya ay hindi siya lumagpas sa 300 km. (hindi sumakay at walang tulugan pero may pahinga). Ito ay yung pinadyak niya mula Laguna papuntang Pangasinan – 3 times 265 km (solo ride). Ang pinakamahirap naman niyang ride ay yung rektang padyak papuntang Baguio. Papadyak ka ng 265 kilometers na puro patag ang daan, tapos aahon ka ng 35 kilometers papuntang Lion’s Head na walang tulog, wendang na isip mo kung itutuloy mo pa ba o hindi. Kapag walang tulog tapos aahon, mahirap, lahat ng reflexes mo humihina, may time rin na ayaw mo nang mag-isip at gusto mo na lang magpahinga, sabi pa niya.

Ito naman ang kanyang naging sagot sa katanungang, ano sa palagay ninyo ang hadlang na umiiwas/iiwas sa inyo o pwede sa iba para hindi ninyo/nila ituloy ang planong One shot? “Always check your health condition. Huwag mong sabihin na kinaya mo noong una, kaya gagawin mo ito ulit. See to it na one week before the ride, nasa maayos ang iyong karamdaman. Huwag din mag-long ride kapag may storm warning sa pupuntahan. Always check the weather bulletin, it’s a must”.

Ang mga susunod naman ay ang kanyang mga tips/payo sa mga newbie na gustong mag One shot:

a. Maaring kaya pero walang parehas na ride, magkakaiba iyan kaya dapat may sapat kang adrenalin para matapos. Ito yung lagi kong ginagawa kapag may long ride ako. Hindi ako nag-iisip ng anumang negative tungkol sa gagawing ride. I reserved all my paghihirap during the ride, tapos saka lang ako magsasabi ng negative kapag tapos na.

b. Kapag may magtatanong na kasama ko kung malayo pa, lagi kong sinasabi na MALAPIT NA! In that case, pwedeng tumaas yung boost niya na tapusin yung ride at hindi mag-iisip na pagod na. Anumang negative na tumatakbo sa isip kapag may mahirap kang ginagawa, magtri-trigger yang panghihina sa iyo. Kaya dapat positive thinker ka.

Sa ating panghuling siklista na si J. Pascual / Leoj Laucsap ng FB, sinabi niya na para sa kanya ang ibig sabihin ng ‘One shot’ ay OO, walang tulugan, dapat hanggang makarating sa target na destinasyon, mga padyakang humigit-kumulang 24 oras na walang gamitan ng pinagbabawal na teknik (pagsakay sa bus o jeep). Dinagdag din niya na ang ‘One shot’ bike ride ay gusto niyang ginagawa sa bawat ride niya para subukan ang kanyang sarili kung hanggang saan ang kanyang limitasyon (dahil kung kaya raw ng iba, siyempre parang kaya rin niya yung ‘One shot’ na ‘yon).

At dahil sa ‘One shot’ na ito, naka-gala at naka-langhap pa siya ng sariwang hangin sa mga lugar na kanyang napupuntahan (yung mahirap puntahan pero pag narating mo ung overlooking tanggal ang hirap mo kapag nakita mo ung taas ng inahon mo at makita mo ang magandang view na wala sa Metro Manila), may bonus din daw na exercise para sa kanya at higit sa lahat, nalaman niya kung hanggang saan ang kaya niyang gawin na nakakabawas ng stress sa buhay. Kaya ang mindset niya lagi ay ‘kung kaya ng iba, kaya ko rin’, basta lang daw may praktis.

Napili niyang i-‘One shot’ ng una ay ung tinatawag nilang “Batman loop” na may layong higit kumulang 250 km, sinabi niya na unli ahon talaga siya pero magaganda naman ang mga tanawin at may sariwang hangin na wala sa siyudad.

Manila to Bicol naman para sa kanya ang pinakamihirap na i- ‘One shot’, dahil bukod daw sa layo nitong mahigit 400 km, unli ahon at lusong din ang daan, samahan mo pa raw ng may ilang lugar na lubak-lubak at sira-sirang daan (na gawa siguro ng malalaking sasakyan tulad ng mga trak at bus na laging dumadaan papuntang Bicol, at ang madalas ding pagdaan ng bagyo sa may parteng Bicol na dahilan ng paghina ng mga kalsada).

Ito naman ang kanyang mga tips sa mga gustong mag-one-shot bike ride. Una, dapat seryoso at praktisin nang mabuti ang matagal na padyakan lalo na sa matagalang pag-upo sa saddle. Pangalawa, magdala ng 2 extra interior para kapag na-flat, palit agad at kapag may nadadaang vulcanizing shop, ipa-vulcanize ang na-flat na interior. Pangatlo, magdala rin siyempre ng extra bike lights, power bank, charger, pambomba sa gulong at tools (madala rin ng ekstrang pera). At higit sa lahat, kahit saan tayo makarating, huwag nating kalilimutang magdasal kay God!

Habang patuloy na lumalaki ang eksena ng pagbibisikleta sa bansa, nagkakaroon na rin ng mabilis na ugnayan ang mga siklista (hindi magkakakilala) na subukan ang iba pang mga bicycle activities na ito. Mapa group ride or solo man ang magiging labanan e tandaan natin na kahit ano pa man ang ating layunin bilang mga siklista (manalo sa race, makatulong sa iba, mag-share ng kaalaman, mabawasan ang carbon footprint at ipaglaban ang ating karapatan) e iisa lang ang ating pinakamahalagang aspeto, ito ay ang pagmamahal sa pagbibisikleta.