SISON’S CAVANA
Hindi kalayuan sa buhay urban ay isang pribadong lugar sa nayon na ginawang campsite. Nag-aalok ito ng sulyap sa mga kabundukang ng Sierra Madre at ilang maliliit na bayan sa Rizal. Ang campsite na ito ay maraming aktibidad mula sa trekking hanggang sa boat riding, bonfire, star gazing, at talangka hunting. Para sa iba na ayaw magbiyahe nang malayo (dahil sa kakulangan ng oras), pero gustong maramdaman ang presensya ng kalikasan, maaari ninyong bisitahin ang lugar na ito malapit sa Metro Manila.

Ayon sa may-ari, sinimulan nilang gawing campsite ang pribadong lugar noong mga araw ng pandemya kung saan ang lahat ng mga tauhan ay may sapat na oras para maglinis at mag-ayos ng mga gamit. Dahil sa sipag at determinasyon ng mga nagtatrabaho sa lugar na ito, naitayo ang Sison’s Cavana Campsite. Ang pagpapahalaga sa kagandahan ng lugar ay isa sa mga bagay na nag-uudyok sa mga tauhan na magtrabaho araw-araw. Sa motibasyong ito, hindi imposibleng makamit nila ang kanilang mga plano sa hinaharap.
Nabanggit din nila na isa sa pinakamagandang bahagi ng araw ay ang paglilinis ng campsite sa tuwing aalis na ang mga bisita. Dahil dito, nagkakaroon ang bawat isa ng kanya-kanyang gawain upang maipakita sa susunod na bibisita ang linis at ganda ng lugar.



May tatlong importanteng bagay na dapat tandaan kung gustong bumisita sa campsite. Una, CLEAN AS YOU GO. Isang magandang paraan hindi lamang sa mata ng mga tao kundi para na rin sa kalikasan. Pangalawa, NO LOUD NOISES AFTER 10 PM. Para naman ito sa mga iba pang bisita na gustong maramdaman ang mapayapang gabi ng lugar. At ang panghuli ay RELAX AND ENJOY. Ang ilan sa mga tuntunin ng campsite na ito ay maaaring maikumpara sa mga prinsipyo ng Leave No Trace kung saan kailangan mong panatilihing maayos ang lugar para sa ibang mga gumagamit nito.
Marami pang mga plano ang nabanggit ng may-ari ng campsite; ilan sa mga ito ay ang pagtatayo ng wishing well at paglalagay ng mga basurahan. Ang Sison’s Cavana ay matatagpuan sa Sitio Inigan, San Rafael, Rodriguez, Rizal. Kung may mga katanungan, maaari ninyo silang kontakin sa kanilang Facebook account, Sison’s Cavana Campsite.
