Modipikasyon Aksyon

MODIPIKASYON AKSYON

ni: BATJ

Ang modernisasyon o pagbabago ng isang bagay ay isa lamang sa mga dahilan kung bakit mas madali ang ating gawain ngayon. Para sa akin, ang prosesong ito ay napakahalaga para sa mga negosyong naghahanap ng mas magandang resulta tungkol sa kanilang mga produkto. Ang layuning ito ay hindi basta-basta makakamit kung walang pag-aaral ng mga produkto sa merkado. Gugugul din ng oras upang malaman ang pinakamahusay at pinakamabisang paraan bago ito ilabas sa publiko.

Isa sa mga matagumpay na modernisasyon/pagbabago ay ang bisikleta at ang mga bahagi nito. Nasa ika-apat o ika-limang baitang ata ako noong nagkaroon ako ng sariling bisikleta na binigay ng kapitbahay namin. Mabigat at medyo kinakalawang, pero gumagana pa rin kahit papaano. Ito ay isang SS (walang roller at changer), may 24×2.0 tractor grip na gulong, naka-drum brakes, at may upuang kahoy sa toptube upang magkasya ang isang tao sa harap. Mayroon ding spooky dooky na nakakabit sa likod ng gulong at manipis na tela sa gitna ng boha na hindi ko alam kung para saan ito.

Naalala ko rin na ginamit ko ito sa pamimili ng gamit sa kalapit na barangay. Ginagamit ko rin ito sa pamamasyal at naging tulong din ito sa tuwing may gustong bilhin ang tatay ko sa aming bayan. Isa sa pinakagusto kong gawin sa tuwing ginagamit ko ang aking bisikleta ay ang pag-rampa sa tambak na lupa sa aming subdivision. Pinag-eexperimentuhan ko rin na dumaan sa kanal (gutter) sa aming kalye habang may tubig na dumadaloy dito.

Dahil sa paulit-ulit na pag-rampa, pag-akyat at pag-pedal sa tubig-baha, napansin kong unti-unti nang nasisira ang aking bisikleta. Lumipas ang nagdaang buwan at nagsimulang bumigay ang ibang bahagi nito. Tumutulong ang tatay kong ayusin ang aking bisikleta kung siya ay walang ginagawa. Masasabi kong mahirap gumawa o mag-repair ng bike lalo na kung wala kang matinong gamit sa bahay.

Ang sumusunod ay ang aking listahan ng mga bagay na kung hindi naimbento o binago ay tiyak na sasakit ang ulo ko habang inaayos ko ang aking bisikleta.

QR skewer

Sino naman ba ang hindi masisiyahan sa ‘quick release’? Konting pihit lang at maaari mo nang matanggal ang iyong gulong. 

Tandang-tanda ko pa noong ginagamitan ko pa ng dalawang liyabe ang aking wheelset sa tuwing kailangan kong magpalit ng interior. Hindi naman siya ganoon kahirap, ngunit kung ikaw ay naplatan malayo sa vulcanising shop/bahay at wala kang dalang gamit pangbaklas, siguradong maglalakad ka sa kanya ang iyong bisikleta.

Shifter

Isa sa mga inobasyon na paborito ko hanggang ngayon ay ang kambyo at spraket. Mula sa 1x  hanggang 3x, ang modipikasyong ito ay mabisa at naging komportable para sa mga siklista.

Walang kambyo ang una kong bisikleta, kaya ramdam na ramdam ko ang bigat nito habang pumapadyak paakyat ng tulay at sa tuwing ako ay may angkas. Hindi ko na rin maalala kung ilang ngipin ang nasa plato at nag-iisang gear nito. 

Naisip ko lang, paano kung hanggang ngayon hindi nauso ang kambyo? Ma-enjoy kaya ng iba ang pagbibisikleta? 

Sealed bearing (headset)

Gawa sa mumuharing materyales, hindi ko alam kung laspag na ang mga bulitas o kailangan lang lagyan ng pampadulas ang loob ng headset para maging swabeng muli ang paggalaw ng manibela.

Gamit ang martilyo, maliit na bareta, basahan, naglakas akong baklasin ang aking headset. Nahulog, nagkawatak-watak at talagang maiinis ka na lang dahil kailangan mong hanapin ang bawat pirasong bulitas na nagkalat sa lapag. 

Pagkatapos ng paghahanap, nakita ko rin lahat ng mga nagliparang bulitas at naibalik ko rin ito nang maayos. Naglagay lang ako ng pinaghalong grasa at cooking oil sa bahagi ng aking headset para gumana ulit ito nang maayos. (FYI: walang tulong na naganap noong oras na iyon)

Tire lever

Ang tyre lever/iron ay isa rin sa mga paborito kong gamit para mabilis na maalis o paltang ang aking exterior na gulong. Dahil sa imbensiyong ito, hindi ko na kailangang gumamit ng kutsara at pait para tanggalin ang goma sa aking gulong.

Ngayong may bago na akong exterior,  halina’t samahan ninyo akong upurin ang makapal na gulong na sinalpak ko sa aking bisikleta.

Chain breaker

Dahil nga ‘improvise’ lang ang aking bicycle tools, medyo nahirapan din ako mag-ayos ng kadena. Dalawang beses ko lang inayos ang aking kadena simula noong nagkaroon ako ng sariling bisikleta.

Tinuruan ako ng aking tatay kung paano magputol ng kadena. Madali lang namang magtanggal ng kadena. Kailangan mo lang ng tabla, pako, plais at martilyo at pasensiya upang muling pagdugtungin ito.

Dahil sa paglabas ng mga produktong ito, naging madali ang buhay ng mga mekaniko at siklistang katulad ko. Laking pasasalamat ko rin sa mga taong gumugol ng oras upang maibahagi ang kanilang mga obra.