WILD TUKTUK RIVER CAMP
Marami na akong nabasang artikulo tungkol sa ‘raw camping’ at karamihan sa mga ito ay tungkol sa mga bansang pinapayagan ang pagtatayo ng tent sa pribado at sa ilang pampublikong lugar. Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng ‘raw camping’?
Ang ‘raw camping’ ay isang istilo ng camping kung saan wala kang makikitang anumang pasilidad at istruktura na nakakasagabal sa natural na tanawin ng isang lokasyon. Wala ring kuryente sa loob ng lokasyon at tanging mga bituin o liwanag lamang ng buwan ang magsisilbing gabay kung ikaw ay mananatili ka sa lugar na ito. Kung gusto mong maranasan ang ganitong uri ng camping, may isang lugar sa Cavite na maaari mong bisitahin; Ang Wild Tuktuk River Camp.


Ayon sa may-ari ng lugar, nagsimula ang Wild Tuktuk River Camp sa pagbisita ng mga kaibigan niyang bikecampers sa lugar. Naging motibasyon sa may-ari ang pagbisita sa mga ‘campers’ lalo na kung nakita niyang masaya ang mga ito. Sinabi rin niya na ang pagpapatakbo ng site ay para lamang sa kaniyang libangan at ang entrance fee ay para sa kaayusan ng lugar. Hinango niya ang pangalan ng kaniyang munting campsite sa ‘Wild Tuktuk Adventure PH’ na kung saan ito ang nagsisilbing transportasyon niya kung gusto niyang maglakbay o mag-camp sa ibang lugar.


Binanggit din niya na ang campsite ay para sa bago o lumang campers na gustong tumambay at maranasan ang ‘raw’ camping. May tatlong mahahalagang layunin ang campsite na kailangang sundin, at ito ay: BASURA MO, UWI MO, dahil na rin sa pagiging ‘wild’ ng lugar, ang pag-uwi o ang pagpulot ng makikitang kalat sa lugar ay magsisilbing paraan upang ma-preserba ang ganda ng lugar. Pangalawa, SILENT TIME 9:30PM–7AM, para sa mga ibang gumagamit ng site. At panghuli ay RESPETUHIN ang WILDLIFE at mga LOKAL sa lugar. Ito ay isang mahalagang paraan upang maunawaan ng mga lokal na tayo ay bumibisita lamang sa lugar upang matuto at magsaya. Ang pagbibigay ng respeto sa kapwa (locals) ay isang magandang bagay para payagan nila tayong maglibang sa kanilang lupain ngayon at para sa susunod pang mga henerasyon.
Ngayon, kung handa at excited ka nang maranasan ang ‘basic and raw’ camping, bisitahin mo na ang Wild Tuktuk River Camp na matatagpuan sa Barangay Minatok West at Halang sa Amadeo, Cavite. Pwede mo rin silang kontakin muna sa kanilang FB account (Wild Tuktuk River Camp or Wild Tuktuk Adventure PH) kung may ibang katanungan.
