THE BIKE-IT LIST: MANILA-LEGASPI

Ni: M. Layno

For sure, dumaan din tayo sa mga panahon na negative tayong mag-bike o hindi tayo maka-plano ng maayos dahil may importante tayong gagawin/ginagawa o may mga responsibilidad tayo na dapat gawin. Kaya naman sa tuwing nakakuha tayo ng ‘go signal’ o kung nalibre tayo (para magbisikleta) e ang feeling e halos parang nanalo tayo sa isang pustahan. At dahil ito ay paminsanan lang, nagkakaroon tayo ng mindset na ‘e dapat solid ang magiging ride ko kasi matagal na akong hindi nakakalayo’. Ito ang nangyari kay Mon na hindi nakapag-long ride ng halos isang taon. Halina’t sundan natin ang kanyang kwento at karanasan papuntang Legazpi ng solo.

Hunyo 16, 2022, iyan ang araw ng pinaka-mahaba kong biniyahe gamit ang aking bisikleta (285 kms.). Sa biyaheng din iyan, ako ay napa-ibig at nahumaling sa “long ride”. Tanda ko pa na kasama ko yung kaibigan kong si Jen. Lumipas ang buwan na naging taon, hindi ko na nahigitan ang numerong yan. Hangang sa makita ko ung isang vlog ni Ian How na nag punta nang Legaspi sa Albay. Yun ang naging inspirasyon ko sa biyaheng ito.

Dec 2023, simula nang pagpaplano. Ang target, summer of 2024 kung saan bakasyon at walang pasko ang mga bata. Inalam ko lahat, gamit na bibitbitin, nag-mapa nang mga ruta, naghanap nang matitirhan online at nag tanong sa mga taong naka-biyahe na patungong Bicol. June 2024, matapos ang sapat na ensayo nag-set ako na sa a-syete umalis.

Unang araw

June 7 2024, Friday, 4:20 ng hapon ang alis ko, sa tingin ko kasi na mas magandang bumiyahe sa gabi dahil malamig at makakalayo ako. Ang target, Calauag, Quezon. Solo kong tinahak mula sa bahay sa ang Taguig patungong Muntinlupa, hindi pa ako nakakalayo ay bumuhos na ang malakas na ulan. Nagkapote kaagad ako at tumuloy sa pagpadyak hanggang makaramdam ng gutom sa may Sta. Rosa. Mga 8:30 pm na nun kaya huminto ako sa isang bulaluhan, kumain at pumadyak ulit. Patuloy ang aking pagpadyak hanggang makarating sa Sto. Tomas, doon nagpahinga ulit ako, nagtanggal ng kapote at nagkape.

July 8, 2024 (12:32 am) nang marating ko ang bayan ng San Pablo, Laguna. Distansya, 98.09 km galing sa aming bahay. Tuloy-tuloy pa rin ang aking padyak hanggang marating ko ang arko ng Quezon ng 1:23am. Simula dito, isang mahabang kalsada ng pinagsamang Tiaong, Candelaria at Sariaya ang aking binaybay. Sa puntong ito, tinamaan na ako ng antok kaya nakisuyo ako na mamahinga sa isang karinderia at lumipat ako sa isang barangay hall sa Sampaloc 2 sa Sariaya. Alas-kwatro na rin ng umaga nang ako ay nagsimulang pumadyak ulit. Nakarating ako sa simbahan ng St. Francis of Assisi sa Sariaya, pasikat na ang araw noon kaya nagpatuloy lang ulit ako sa pag-pedal.

Nakarating ako ng Lucena bandang alas-sain ng umaga. Kung hindi ako nagkakamali, dito ko sinimulan ang mag-share sa isang group sa Facebook ng aking biyahe. Malamig pa ang panahon dahil maaga pa. Kumain lang ako, tumuloy sa pagpadyak. Mga alas-siete na nung marating ko ang Pagbilao. Nagsisimula na ring uminit, di kalayuan narating ko ang biyak na kalsada na papasok sa bitukang manok. Nakakamangha ang mga puno na napakataas. Malamig ang klima sa daan na ito. 9:16am nang maahon ko ang bitukang manok. Grabe ang ganda sa itaas, malalagong puno at matataas na kabundukan ang matatanaw mo (kaya pala ang daming mga siklista ang dumadayo dito). Pagkatapos ng maikling pahinga ay diretso ulit ako sa aking ruta. Nakita ko ang ganda ng Atimonan, kasabay ng malakas ngunit sandaling ulan. Nadaanan ko rin ang sirena sa gilid nang dagat sa may Atimonan.

Kalmado ang dagat nung panahong iyon at ang sarap pagmasdan. Nagpatuloy ako sa aking pagpadyak hanggang sa makarating ako sa Gumaca. Ala-una ng hapon ng abutan ako nang gutom sa daan kaya nagpasiya na lang ako kumain na habang tanaw ang dagat. Nakitulog din ako saglit gawa ng wala pa akong tulog simula kahapon. Pumadyak pa ako ng ilang oras at nang makarating ako sa Calauag, naghanap agad ako ng matutuluyan. Sa Villa Linel ako tumuloy noong araw na iyon. Ligo, kain, tulog.

Pangalawang araw

June 9 202 (4:50 am), masakit na ang pwet ko sa kakaupo sa bike. Hindi pa bukas ang canteen ng Villa Linel, kaya nag-ayos muna ako ng aking gamit. Ride out time 7:15 am. Ang target ko ngayon ay Naga City. Binagtas ko ang kahabaan ng Calauag, rolling hills dito at napakadami (seryosong madami talaga). Buti na lang at may ilog at magagandang tanawin na pumapawi sa pagod. Nagpatuloy ako sa aking biyahe hanggang sa marating ko ang arko ng “Gateway to Bicolandia”. Doon na ako nagkape at nag-agahan. Pagtapos nun ay sunod ko naman dinaanan ang Tagkawayan. Sobrang haba at ang init ng lugar na yun at puros ahon at lusong din ang daang yun.

Sunod naman na binaybay ko ang Del Gallego at Ragay. Sa lugar na ito, dito na mababasag ang sumpa na ilang taon o buwan din hindi naalis, and 300 km mark. Akin lang sinaglit ang marker at nagpa-picture. Ibang saya ang naramdaman ko (pumasok bigla sa isip ko na kaya ko pala). Kaya ko pa lang lampasan ang lahat, sarili ko lang pala ang pumipilgil. Pagtapos kong i-post sa social media ay tuloy nagpatuloy ako sa pag-padyak at mapunta na sa Lupi. Akala ko tapos na ang boxing, hindi papala, may pahabol pang rolling hills bago marating ang Sipocot. Pasado alas-siete na ng gabi nang marating ko ang junction ng Sipocot. Halos limang bayan pa ang tinawid ko makarating lang sa Naga. Habang binabaybay ko ang limang bayan na yun, kausap ko ang aking asawa na siya naman ang nag-ga-guide sa akin kung saan ang daan at siya na rin ang nag-book sa aking tutuluyan sa Naga. 10:45pm nang makarating ako sa puso ng Naga (412.5kms galing sa aming bahay). Masakit na sa pwet at para akong napapaso kada upo ko sa saddle. Agad kong pinuntahan ang hotel na aking tutulugan. Pagdating ko sa hotel, naligo lang ako at nag-ayos ng gamit, sabay tulog na.

Pangatlong araw

June 10, 2024, seven na ng umaga nung ako ay nagising. Sinilip ko ang post ko sa social media. Dun ko nakita na may mangilan-ngilan ding tao ang sumusubaybay sa biyahe ko. Nakakatuwa at nakaka-inspire habang binabasa ko yung mensahe nila. Pero isa sa kanila ang talaga namang nakakuha ng aking pansin, si Sir Meloy Munda. Hindi kami magkakilala, pero nagpaabot siya ng mensahe na aantayin daw niya ako sa Polangui. Nung una, nagtaka ako kung bakit, pero nung nag-reply ako, may munting pasalubong pala siya para sa akin. Nakakataba ng puso na may isang taon na hindi mo kilala pero handang tumulong sa kapwa.

Sinimulan ko nang umalis nang Naga, umaga pa lang pero sobrang init na. Binaybay ko ang Pili, Baao, hangang makarating sa Polangui. Alas-onse pasado na nung magkita kami ni Sir Meloy, doon na kami nagkausap sa 7/11 sa Caltex. Nagkaroon din kami ng sandaling kwentuhan at nalaman kong isa rin pala siyang siklista. Yung panahong iyon, ang natatandaan ko ay kagagaling lang niya sa sakit. Nabasa raw niya ung mga post ko sa social media. Mabait siya. Sinalubong niya ako sa Polangui at nagdala ng makakain. Nadagdagan ang aking mga kaibigan dahil lang sa pagbibisikleta. Astig! Saglit pa ay nagpasalamat na ako at nagpaalam na dahil medyo malayo pa ang aking lalakbayin.

Napaka-init, pero sige lang sa padyak hanggang makarating ako sa bayan ng Ligao. Nagpahinga lang ako saglit at dun ko na rin inayos ang aking mga pupuntahang lugar bago dumating sa Legaspi. Ito’y ang Traversia, Sumlang Lake, Cagsawa Ruins, Daraga Church, at ang panghuli ay ang Embarcadeo de Legaspi.

Sa Ligao pa lang, sipat mo na ang kagandahan ng Mayon. Habang papalapit ako sa aking destinasyon, siya namang paganda nang paganda ang lugar. Nang makarating ako sa Guinobatan nang 2:00pm, kumain kaagad ako ng tanghalian. Pagtapos kumain, una kong nakita ang ilog ng Travesia. Maganda at malinaw ang tubig, kaunting pahinga at picture lang, tapos padyak na ulit. Hindi pa rin maalis ang mata ko sa bulkang Mayon habang pumapadyak ako. Napakaganda talaga niya na parang may humahawing ulap sa kanya. Ilang oras pa narating ko na ang bayan ng Camalig. Doon ko natagpuan ang Sumlang Lake, ibang klase rin, para kang nasa painting sa dami ng puno at halaman. Samahan mo pa nang lake na nakaharap sa bulkang Mayon. Saglit akong nagpahinga at pumadyak na rin agad. Sunod na aking pinuntahan ay ang Cagsawa Ruins. Saglit na pahinga at picture lang din dahil hapon na at baka abutan pa ng dilim sa daan.

Nang marating ko ang centro ng Daraga, agad kong hinanap ang simbahan nito. Nasa taas pala ito at pagdating mo dun, tanaw mo ang halos buong Daraga. Napakapayapa at malamig ang lugar at nag-alay ako ng dasal sa simbahang iyon. Nagpasalamat din ako sa Diyos sa lahat ng biyaya at sa matagumpay kong biyahe na walang naging sakuna. Pagkatapos sa simbahan ay hinanap ko naman ang Embarcadero. Mula sa arko ng Legaspi ay maikling padyak na lang patungo sa destinasyon.

Habang papalapit ako, amoy ko na ung dagat, kaunting lapit pa, eh, maririnig mo na yung hampas ng alon sa dalampasigan. Konti pa at ayan na, bumungad na ang napakagandang tanawin. Sakto, 5pm na noon. Palubog na ang araw. Ang sarap ng hangin na humahampas sa mukha ko kada-padyak. Napakasaya ng lugar dahil madaming kainan at mga taong pumapasyal sa lugar. Habang papalapit ako sa dulo ng Embarcadero nagbabalik-tanaw ako sa buong biyahe na ginawa ko. Yung ulan, lubak, init, putik, pagod at pananakit ng katawan, pero sa buong biyaheng iyon hindi ko naramdaman yung lungkot. Para akong tanga na iyak tawang pumapadyak papuntang dulo. Nagpasalamat ulit ako sa Panginoon sa lahat-lahat.

June 10, 2024 (5:41 pm), sa wakas, makalipas ang 530.4 kms, narating ko ang dulo ng Embarcadero. Sa biyaheng ito, ang dami kong napatunayan at napagtanto, ang ilan dito ay ang pagbibigay ng tiwala sa sarili, na kaya mong makamtan ang lahat basta buo ang loob mo at samahan mo ng tamang preparasyon at dasal. Isa pa ay ang tanging limitasyon mo ay ang iyong sarili. Isama mo rin ang mga taong mabubuti ang loob na handang tumulong nang walang kapalit. Maraming salamat sa pamilya ko na patuloy na sumusuporta sa aking bisyong pagbibike. Sa asawa kong si Solly at anak na sina Zooey at Kenzo na nagbibigay inspirasyon sa akin at maraming salamat sa Diyos sa lahat ng biyaya at pagmamahal.

Leave a Reply