Biyaheng Pelaway

ni: J. Tagoto

Madella, Cabarroguis, Diffun, at Jones, ito ang mga pangalan na tumatag sa aking isipan noong ako’y nag-aaral pa. Noong nagsimula akong lumuwas-luwas patungong Maynila, may mga panahon na nakikita ko ang mga pangalang ito sa mga signage/s ng isang bus company. Napaisip kaagad ako kung saan ba itong lugar na ito? At bakit kakaiba ang pangalan (na para bang mga pangalan ng kilalang tao)? As in, hindi ko talaga alam kung totoo ba ito o hindi. Ilang taon din ang lumipas nang tuluyan ko ng natanggap na may lugar pala talagang ganyan sa may gawing Nueva Viscaya. Lumipas ulit ang maraming taon at mayroon nanaman akong narinig na kakaibanag pangalan ng lugar sa FB na pinupuntahan daw ng ibang mga bikers. Nagsaliksik at bigla ulit akong nagka-interes sa mga lugar na may kakaibang pangalan. First time kong marinig ang lugar na Pelaway (a year ago) sa internet at talaga namang wala akong kamuwang-muwang na may ganito pa lang lugar sa N.V. Hindi ko rin alam kung papaano ba ito bigkasin (Pela-Way ba o Pela-Wey). Di nagtagal, nakakita ako ng isang kapatid nating siklista sa FB na bumisita sa lugar. Tinanong ko siya kung nais ba niyang ibahagi ang kanyang paglalakbay patungong Pelaway. Pumayag naman siya at ito ang kanyang naging istorya.

Sa wakas, matutuloy na rin ang aming pinapangarap na ride ang pumadyak sa ‘Pelaway’. Ang Barangay Pelaway ay matatagpuan sa dulong-bahagi ng Nueva Vizcaya. Sakop ito ng bayan ng Alfonso, Castañeda. Iilang bikers pa lang ang nakarating rito, marahil siguro dahil napaka-remote ng lugar at bihirang mapuntahan ng mga tao at mga sasakyan. Dagdag pa diyan ay ang mga kwento na doon naninirahan ang mga tribong Bugkalot o kilala bilang mga head hunters sa kanilang lugar.

Kasama ko ang aking apat na kaibigan/kapadyak sa adventure na ito. Nagsimula kaming pumadyak alas singko ng madaling araw sa Digdig, Carranglan, Nueva Ecija. Excited na ang lahat at dama ng bawat isa ang saya habang pumapadyak, maliwanag na noong kami ay dumating mismo sa bayan ng Carranglan. Pagdating namin doon ay kumain kami ng napakasarap na agahan. Pagkatapos kumain ay dumaan kami kina Sir Otsok na kilalang biker sa Carranglan. Nagtanong kami at humingi ng payo tungkol sa rutang aming pupuntahan sapagkat narating na rin niya nang ilang beses ang Pelaway. Mabilis lang ang aming pagkikita at pagkatapos noon ay pinagpatuloy na namin ang munting paglalakbay papuntang Pelaway.

Habang kami ay pumapadyak, tanaw na tanaw na namin ang bundok na aming tatawirin. Mga bundok na bahagi ng Sierra Madre na animo’y isang mataas na pader na nakaharang sa amin na daraanan. Nakakakaba, ngunit imbes na panghinaan loob ay lalo kaming ginanahan sa aming pag-pedal habang palapit na kami nang palapit sa kabundukan. Makalipas ang ilang oras ay nagsisimula nang maging challenging ang daan. Mabato, mabuhangin at matarik ang daan, kaya tuloy bumagal na ang aming pagsikad habang umaahon. Sa aming pagpadyak, may nadaan kaming maliit na talon (Bulac Falls) huminto muna kami saglit doon para makita, ma-appreciate ang nakatagong falls at para na din makapagpahinga dahil kanina pa kami umaahon.

Makalipas ang apat na oras na ahon, narating din namin ang Sitio BinBin. Malamig ang klima dito at puro pine tree ang makikita, kaya naman siguro ito tinawag nila na Little Baguio ng Nueva Ecija. Muli kaming pumadyak at akala namin ay tapos na ang ahunan, nagkamali kami, may naghihintay pa pala sa aming isang matarik na akyatan. Maaaring ang pinakadulo ng ahon na ito ay ang highest point ng buong ruta dahil sunod na nito ay ang pagpasok namin sa boundary ng Cagayan Valley (na medyo palusong na). Iyon nga, bago kami makapasok sa boundary ay pinarusahan muna kami ng isang matarik na ahon. Ramdam na ramdam namin ang bigat sa bawat sikad na aming ginagawa, hinihintay lang namin malagpasan ito at siguradong pagkatapos nito ay pababa naman na. Pagkatapos ng pagkayod, narating namin ang Barangay Abaca.

Mula dito palusong na ang daan, maingat namin itong binagtas sapagkat mabuhangin ang daan. Konting pagkakamali lang ay maaari kang sumemplang at maaksidente. Habang nilalasap namin ang mahabang lusong, unti-unti nang nagiging maganda ang tanawin sa kapaligiran. Halos puro kabundukan na lamang ang aming natatanaw at isa na rito ang bundok na tinatawag nilang suso ng dalaga. Talaga namang namangha ako sa kanyang ganda. Hindi ko rin maiwasang huminto at kumuha ng larawan ng napakagandang bundok.

Pagkatapos ng mahabang lusong, nagpasya kaming mananghalian na sa ilalim ng tulay. Nagpatuloy kaming pumadyak at halos hindi ko na maramdaman ang pagod dahil kaliwa’t kanan ang makikita mong magagandang tanawin. Talagang maaaliw ka sa iyong makikita, iba talaga ang saya kapag narating mo ang gusto mong lugar na puntahan gamit ang iyong bisikleta. Nadaanan din namin ang Brgy. Talbec at Lipuga kung saan rolling na ang kalsada. Makikita mo rin dito sa area na ito ang nakakamanghang rock formation sa paligid ng napakalinaw na Cagayan River.

Hapon na ng marating namin ang Casecnan Dam,ito ang nagsisilbing main entrance papasok sa Pelaway, mahigpit ang mga guwardiya dito marahil siguro dahil pino-protektahan nila ang dam. Hindi ka rin basta-basta makakadaan kung wala kang kakilala sa barangay. Pagkatapos naming makipag-usap sa bantay, pinadaan na kami dahil ang isa sa aming kasama ay may kamag-anak na nakatira doon. Iyon din ang aming tutuluyan pagkatapos ng ilang oras na pagpadyak galing sa baba. Isa lang ang masasabi ko noong dumating kami sa aming destinasyon at ito ay napakapayak ng lugar. Bukod sa malamig na klima dito, pinapaligiran din ito ng mga bundok at mababait na mga lokal. Talagang welcome kami lalo na sa bahay aming tinuluyan, inasikaso kami hanggang sa maalis kami sa lugar.

Sa aming pag-uwi, dumaan muna kami sa Tinaduan Falls na makikita malapit sa aming tinuluyang lugar. Pagkatapos noon ay pumadyak na ulit kami (ahon hanggang highest point) hanggang sa makauwi na sa aming mga tahanan. Tunay nga na napakaganda ng aming karanasan sa pagpadyak papuntang Pelaway at siguradong isa ito sa mga lugar na aking babalikan. Hindi man ito kalayuan katulad ng ibang lugar, isa pa rin ito sa mga spot na hindi ko makakalimutan.

Leave a Reply