Dumayo at Maglaro

ni: J. Cruz

May iba-iba tayong istilo ng paglalakbay at minsan ang istilong ito ay naba-base na rin sa ating mga hilig. May mahilig mag-explore sa mga kabundukan o dumayo para tumugtog sa isang espesyal na okasyon, may mga mahilig maligo at mag-relax sa beach, at ang iba naman ay ang pagkakahilig sa mga lokal. Mula sa Bulacan, si J at ang kanyang mga tropa ay sumubok na maglakbay gamit ang kani-kanilang mga bisikleta upang mapuntahan ang iba pang ‘skate spot’ sa labas ng kanilang probinsiya. Napagplanuhan nila ito dahil na rin sa paulit-ulit na ‘spot’ na kanilang nilalaruan sa kanilang lugar. Ang mga susunod ay ang kanilang karanasan sa paglalakbay at paglalaro nila sa Cavite at Laguna.

Unang buwan ng 2023, nag-bike kami ng tropa kong skater mula Malolos hanggang Laguna. Medyo kinabahan ako dahil ito ang unang ‘long-distance’ trip ko palabas ng probinsya namin. Disyembre 2022 nung plinano namin kaya hindi na ako makapaghintay na bumiyahe gamit ang bisikleta ko. Dahil hindi kami ‘avid cyclists’ tulad ng iba, chill ride lang kami. Gusto lang namin talagang dayuhin ang skatepark sa Tagaytay at Calamba.

Umalis kami ng Malolos bandang alas sais ng umaga para makipagkita sa isa pang tropa sa Caloocan. Walang masyadong traffic noong umagang iyon, pero habang papalalim na ang araw, ramdam na ramdam namin ang init at gusot na linya ng mga sasakyan sa kalsada.

May apat na bayan sa Cavite bago kami makarating sa Tagaytay. Swabe naman ang aking pag-pedal, medyo mabigat nga lang sa tuwing kami ay aahon sa mga tulay/daan. Ito ay dahil na rin sa ‘camp accessories’ at skateboard na aking dala.
Walang namang aberya sa daan, kaya maayos ang naging biyahe namin. Nakakatakot nga lang ang mga sasakyang nag-overtake sa amin, kaya talagang huminto kami sa gilid ng kalsada upang maiwasan ang anumang uri ng aksidente.

Madilim na nang makarating kami sa skatepark, ayos naman ang pwesto namin, may CR at shower din na pwedeng gamitin sa park. Nakausap din namin ang isang taga-roon at laking gulat nila nang sabihin namin na galing pa kami ng Bulacan. Napagod kami noong araw na iyon kaya nagpasya kaming maglaro na lamang sa park kinabukasan. Pagkatapos namin mag hapunan, inayos namin ang aming mga duyan, at mga pantulog at nagpahinga.

Kinaumagahan, inasikaso agad namin yung mga cooking camp set namin para makapag-almusal. Pagkatapos, nag-skate na kami buong araw. Bago ang lahat, naisip ko na baka hindi na kaya ng katawan ko maglaro kasi sa haba ng naging biyahe namin. Ngunit kabaligtaran ang lahat ng ito dahil naka-recover ang aking katawan at nakapaglaro ako nang maayos sa park. Wala rin akong naging ‘bail’ sa buong maghapon. Hindi ko rin ramdam ang init ng araw kasi malamig yung panahon, kaya talagang na-enjoy namin ang aming paglalaro.

Pagkatapos naming maglaro sa skatepark, ay naghanda na ulit kami ng aming hapunan. Toka-toka kami sa gawain para s hapunan. Bumili kami ng mga ‘fresh’ na gulay at isda sa kalapit na tindahan.

Pagkatapos ng hapunan, pumunta kami sa isang lugar kung saan pwedeng uminom at mag-relax. May nakilala ulit kaming mga lokal na skater at niyaya nila kami sa kanilang lugar. Ngunit dahil na rin sa kalayuan ng kanilang bahay, sinabi na lang namin na may ‘next time’ pa naman kaya nag-stay na lang kami sa lugar. Naging masaya ang bonding namin noong gabing iyon, kwentuhan tungkol sa skate, bisikleta at camping. Napakasarap ng pakiramdam kapag may mga bago kang taong na-me-meet. Noong medyo gumagabi na, bumalik na kami sa spot namin para matulog.

Ikatlong araw, naghanda na kami agad ng almusal at naligo dahil may isa pa kaming puntahan na skatepark sa Calamba sa Laguna. Alas-Nuwebe na noong umalis na kami sa Tagaytay ibang ruta ang aming dinaanan. Ayos naman ang naging biyahe, medyo naligaw lang kami kaunti, pero nakabalik din naman sa tamang ruta. Dumating kami sa destinasyon namin bandang ala-una ng hapon, pahinga lang ng konti tapos skate na kami hanggang 9 ng gabi. Pagkatapos ng ilang oras ng laro, pahinga na ulit dahil kinabukasan na kami uuwi ng Bulacan.

Naging masaya ang aking paglalakbay gamit ang aking bisikleta. Yung pakiramdam na kahit nakakakaba, pero gusto mong subukan. Para sa aking susunod na paglalakbay, plano kong mag-long ride at mag-camp ulit. Ngunit hindi pa ako sigurado kung sa kabundukan o malapit sa dagat. Plano ko rin mag-solo ride ng malayo, pero sa ngayon, maglalakbay muna ako nang may kasama. Basta ang importante, makaalis, makapag-skate at makabalik nang ligtas.

Leave a Reply