ni: K. Agcaoili
Likas na sa ating mga Pilipino ang gumala o pumunta kung saan-saan sa tuwing nakaka-ipon tayo o gumamit ng taunang bakasyon sa trabaho. May iba’t ibang ding dahilan kung bakit mahilig maglakbay tayong mga Pinoy. May ilan na gustong bumisita sa isang lugar kung saan nakatira ang mga kamag-anak o miyembro ng pamilya; para sa iba, pampaginhawa ito at pampawala ng pagod at syempre ang ‘adventure’ na minsan mo lang mararanasan sa buhay mo.
Para kay Kevin, ang paglalakbay ay hindi lamang para makarating sa destinasyon kundi para na rin makihalubilo at maranasan ang iba’t ibang kultura at tradisyon ng isang lugar. Sumunod ay ang kanyang kwento tungkol sa paglalakbay niya papunta sa probinsya ng Zambales.
Bata pa lang ako ay hilig ko na ang kalikasan, mapa-bundok man yan, palayan, gubat, dagat, o ilog ay masaya na akong makita at maamoy ang mga ito. Pati nga yung creek sa likod ng bahay namin na puno ng gabi, dalag, at hito ay tila paraiso na para sa akin. Sa kalikasan, nahahawakan ko yung kasiyahan ng mga nilalang na naninirahan dito; nakikita ko dito yung giliw sa pagsayaw ng mga puno’t halaman; at dito ko nalalasap yung kapayapaan sa simoy ng hangin. Diba, ang sarap gawing takbuhan ang kalikasan. Dahil dito, na engganyo akong subukan ang ‘bikepacking’ o ‘bike touring’. Pakikipagsapalaran gamit ang bisikleta. Basta paggagala sakay ng bisikleta.


‘Single-Speed Bike’, ito yung napili ko na getaway vehicle ko. Hindi ito mabilis dahil ayaw kong magmadali. Hindi rin ako malakas, kaya naman madaming hinto at pahinga sa tuwing gagala. Minsan nga ay tulak-tulak ko pa ito sa mga ahunan. Pero ayos lang, naisip ko kasi na mas sulit ang gala kung mas mabagal. Sa aking pagpadyak, ramdam ko kung paano inukit yung bawat lubak. Sa dami ng hinto, mas kita ko ang ganda ng mga tanawin. Sa bawat tulak ay mas naaamoy ko ang halimuyak ng mga kabundukan.
Ang Paghahanda:
Ika nga, “dapat laging handa”. Short-ride o multi-day ride man ay dapat pinaghahandaan. Sinigurado kong maayos at nasa tono yung getaway bike ko bago ako lumarga. Malayo man o malapit ay palagi akong may dalang tools at extra na gulong. Para sa gala na ito, nagdala ako ng sariling tent at lutuan. Inalam ko rin ang ruta na aking tatahakin, lalo na’t solo akong gagala. Pero ang pinakamahalagang paghahanda na kailangang gawin ay siguraduhin na handa at kondisyon ang katawan.
Hindi lamang yung pagtakas patungo sa destinasyon ang pakay ko. Gusto kong makakilala ng iba’t-ibang mukha sa aking daraanan, masulyapan ang mga ngiti ng aking makakasalubong, at onting chikahan habang nagpapahinga sa ilalim ng silong ng isang tindahan. Nais kong tikman ang samu’t saring lasa at masubukan yung mga hindi ko pa natitikman. Para lubusan mong maranasan ang isang lugar, dapat mong malasahan ang kanilang pagkain. Gusto ko din matutong mamangha sa mga detalye na masisilayan ng aking mga mata– mga luma at sinaunang gusali, mga humaharurot na mga kuliglig (farm equipment) sa palayan, at pati na yung pag nguya ng mga kalabaw. Gusto kong baunin ang bawat pangalan, lasa, alaala, at karanasan sa aking pag-uwi.


New Zealand ng Zambales – Lake Mapanuepe
Dito ako nagpasya na tumakas sa isang mahiwagang lugar sa gitna ng kawalan. Dating bayan na nilamon ng pagsabog ng Mt.Pinatubo at ngayon ay paraiso na. Hindi naging madali ang aking paglalakbay. Maalikabok ang kalsada, may pataas na daan, at may mga disyerto na lahar at batis na tatawid, ngunit sa kabila nito ay naghihintay ang isang berdeng paraiso.


Sulit ang gutom, pagod, at pawis na naghihintay na tanawin. Pagpasok ko, napapaligiran ng matatayog na puno ang isang payapang lawa. Sinalubong ako ng halimuyak ng sariwang hangin kasabay ng pag-awit ng mga ibon. Ang pagod na bumabalot sa katawan ay naibsan ng sariwa at malamig na simoy ng hangin. Ang ingay ng kaguluhan sa aking tainga ay napalitan ng tunog ng kapayapaan. Ang mga unos sa aking isipan ay napatahimik ng boses ng kalmadong lawa. Sa pagbagsak ng dilim, ang buong lugar ay nabalot ng kanta ng mga kumakanta na mga kuliglig, isang romantikong background music habang kumakain ako. Walang kuryente sa lugar kaya natatakpan ng liwanag ng mga bituin at buwan ang kalangitan, at natulog ako sa katahimikan at kapayapaan ng lugar. Paggising ko sa umaga, bagong pag-asa ang bumungad sa akin. Ang pagsikat ng araw ay nasa harap ko; ang bagong simula ay nasa harap ko.


Hiling ko lang sana sa mga manlalakbay na tatakas dito, ating panatiliing malinis at luntian ang paraisong ito. I-respeto at pangalagaan ang katahimikan at kagandahan nito.
Itong pagtakas ko dito sa kalikasan ay hindi pagtakas mula sa reyalidad. Nandiyan pa rin naman ang mga problema at pinagdadaanan ko. Nandiyan pa rin ang mga laban na dapat harapin. Nandiyan pa rin ang mga responsibilidad na kailangang gampanan. Hindi natin matatakasan ang mga ito. Kaya sa aking pag-uwi, binaon ko ang lahat ng aral sa aking mga karanasan; na napapalibutan man tayo ng mga problema’t pagsubok, sa gitna nito ay may makikitang kagandahan, kapayapaan, at bagong pag-asa.
Halika, Eskapo!

Leave a Reply