ni: L. Villareal
Si Lem ay isa sa mga siklista na naghahangad na makabisita sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas habang pinananatiling positibo ang kanyang pasensya at tiyaga habang binabagtas ang anumang uri ng kalsada. Walang matutuluyan sa gabi, naputol ang kadena habang nagpe-pedal, at ang pagbaba ng 16 na kilometro na may mga sirang brake pad sa Benguet (kung saan siya nahulog sa bangin) ang ilan sa mga hindi niya malilimutang karanasan habang nagbibisikleta.
Dahil sa kanyang paglalakbay, marami siyang natutunan na aral sa buhay. Palagi niyang hinihikayat ang kanyang sarili na gawin ang mga bagay nang tama habang naglalakbay. Binanggit din niya na hindi lamang sa kanyang lakas ang kanyang tinututukan kundi pati na rin sa kanyang determinasyon na malampasan ang mga paghihirap at balakid upang matapos ang kanyang layunin. Bago siya magsimula sa kanyang paglalakbay, ang tanging naiisip niya ay patunayan na makakamit niya ang kanyang layunin sa tulong at pagtitiwala sa Diyos, salamat sa kanyang limang taong karanasan sa Bike Touring. Halina at basahin natin ang kanyang kamakailang loop na kanyang ginawa sa Queen City of the South.
Mga bandang alas-sais ng gabi pumadyak ako mula Mandaue papuntang Catmon sa Cebu, maikli lamang ang distansya ngayon at umaasang makakakita agad ako ng matutuluyan ngayong gabi.


Habang binabagtas ko ang Central Nautical Highway, biglang nagkaroon ng aberya. Naputulan ako ng kable para sa shifter! Hindi ako nawalan ng pag-asa na maghanap ng bike shop. Ngunit dahil pasado alas nuebe na ng gabi, wala nang bukas na bike shop. Nag desisyon ako na ipa-bukas na lang ang paghahanap at humanap na lang ng ligtas na resort na pwedeng tuluyan. Dahil medyo mahal ang singil ng mga resort na aking pinagtanungan, dalawang oras ang aking ginugol para makahanap ng ayos at ligtas na resort. Nang makakita na ako ng resort, ipinaliwanag ko sa staff ang aking sitwasyon. Tinanggap naman nila ang aking rason at pumayag sila na mag-stay ako ng libre gamit ang aking duyan.


Alas-siete ng umaga, ride out, maaga pa lang at nagayos na ako ng aking gamit dahil sa aking pakay ngayong araw na ito; ang makakita ng bike shop. Halos 47 kilometrong tulak ang aking ginawa para makahanap lamang ng shop. Dahil putol ang shifter cable ko, hirap akong mag-change gear. Napilitan akong magtulak ng aking bisikleta. Iniwasan ko rin sakyan ang aking bisikleta dahil baka lalo pang lumala ang sira nito at baka hindi ko na mapagpatuloy ang aking plinanong loop dito sa Cebu.
Nang makarating ako sa Bogo City, nakakita agad ako ng bike shop. Mababait ang mga tao sa probinsya at nag-offer agad sila na ayusin ang aking bisikleta. Dahil sa walang compatible na cable sa shop, nag-pursiging maghanap ang may-ari gamit ang kanyang motor sa ibang lugar upang makahanap lamang ng saktong cable para sa aking shifter.


Pagkatapos ng ilang oras, gawa na ulit ang aking bisikleta. Papunta na ngayon ako ng Tabuelan upang maghanap ng matutuluyan. Habang ako ay naglalakbay, dumaan sa isip ko ang mga nangyari sa akin simula kahapon. Muntik na akong sumuko at naiisip na may mga dahilan ang lahat ng bagay kung bakit ito nangyayari. At kung mahirap man ang mga pagsubok, nandiyan si God para tumulong.
Pedal pa ng kaunti at nakarating din ako sa aking destinasyon ng ligtas. Naghanap ako ng bahay para matuluyan, napaka-bait ng may-ari at iba ang pakikitungo niya sa ibang tao. Dahil dito, imbes na nagbayad ako ng sakto para sa gabi, nagbigay ako ng ekstra para sa kanyang mga anak.


Nagpatuloy akong pumadyak hanggang matapos ko ang loop na aking ‘dream ride’ dati pa. Mula Ronda, pumadyak pa ako ng ilang kilometro papuntang Santander at pauwi sa Mandaue City. Ang huling araw ng aking 225 km na paglalakbay ay kasiya-siya habang nakikipag-usap ako tungkol sa Diyos Ama sa lahat ng mga indibidwal na aking nadatnan sa daan. Napuno rin ako ng kagalakan habang sinalaysay ko sa kanila ang aking mga personal na opinyon tungkol sa kabutihan ng Diyos. Maraming aral din ang aking natutunan sa paglalakbay ko na ito; ilan sa mga ito ay ang pag-intindi ng ibang tao sa iyong sitwasyon, ang pagiging hospitable ng mga kapatid nating Pilipino at ang pag respeto sa kanya-kanyang pananaw sa buhay. Dahil dito, lumakas ang loob kong bumiyahe ulit mag-isa at makita naman ang tinatagong ganda ng Bohol.


Leave a Reply