Hindi Inaasahang Paglalakbay

ni: J. Apurado

Sa mga lokal, malaki ang naging epekto ng giyera sa Mindanao noong mga nakaraang dekada. Dahil sa pangyayaring ito, naging masama ang naging itsura ng isla sa sambayanang Pilipino. Ngunit sa paglipas ng panahon ay unti-unti na rin naiaayos (hindi lahat) ng gobyerno ang relasyon nito sa buong relihiyon. Pero sa totoo lang, kahit humupa na ang bangayan ng iba’t ibang grupo sa lugar, tiyak magdadalawang-isip ka pa rin kung ligtas ba ang pagpunta dito o hindi. Sa kabila ng lahat, hindi ito naging balakid kay Justin nang biglaang nagdesisyon siyang pumunta sa sentro ng bakbakan noong nakaraan. May halong kaba at pagdududa, naglakas ng loob siyang pumunta sa Marawi pagkatapos niyang i-explore ang ganda ng Bukidnon.

Nagsimula ang aking pagkamangha sa Bukidnon noong nakita ko ang mga imahe ng mga magagandang tanawin at kabundukan sa rehiyong ito. Wala itong katumbas kumpara sa aming lugar sa Cebu. Ito rin ang naging dahilan kung bakit noon ko pa gustong bisitahin ang Bukidnon. Hindi ko inakala na magagawa ko ito nang dala-dala ang aking bisikleta.

Hindi ko pinaghandaan nang maayos ang paglalakbay papuntang Bukidnon. Ang una kong naging plano ay ang libutin ang Biliran. Habang pinaplano ko na ang aking dadaanan sa Biliran, napagtanto ko na sayang ang isang linggong nailaan kong oras dahil maliit lang din ang isla ng Biliran. Naghahanap ako ng iba pang lugar na puwede kong puntahan habang tinitingnan ang mapa ng Pilipinas. At ayun, sa Bukidnon! Ito na ang pagkakataon na mabibisita ko ang matagal ko nang gustong lakbayin na lugar. Ang daming pwedeng gawin at puntahan dito. Ang inakala kong mataas ay oras na ang isang linggo, ngunit kulang pa pala. Pero sa kabila ng konting oras na inilaan sa paghahanda, may panimula na akong ginagawang itinerarya.

Madaling-araw ang dating ng sinakyan kong barko papunta sa Cagayan de Oro. Pangalawang beses ko pa lang makapunta sa Mindanao. Isang linggo lang din ang lumipas noong galing ako sa Pagadian City para magturo ng Working at Heights. Sinimulan ko na ang aking pagpadyak mga 6AM ng umaga. Una kong destinasyon ay sa Lawis Grand Canyon. Mga dalawang araw bago ako bumiyahe ay nadiskubre ko ang panalong lugar na ito, kaya idinagdag ko ito kaagad sa aking itinerary. Galing CDO, walang katapusan ang pag-ahon, may mga parte na maalikabok at may mapula-pula rin na lupa papasok sa Lawis Grand Canyon. Dito ko mas mararamdaman ang saya ng pagsakay ng bisikleta dahil alam mong pupunta ka sa lugar na hindi gaanong pinupuntahan ng karamihan.

9AM na ng dumating ako sa Lawis Grand Canyon, abot langit ang pagkamangha ko sa lugar. Ang akala ko, nasa US lang ang Grand Canyon na nakikita ko sa telebisyon, namali ako, meron din pala sa Bukidnon. Gusto ko sanang magpalipas ng gabi dito at suriin ang paligid dahil napakaganda ng lugar at malalawak ang ilog. Gayunpaman, hindi ko alam kung pinapayagan ba ang mag-camp dito. Pinili ko na magpatuloy na sa orihinal kong itinerary na mag-camp sa Roty Peaks, Impasugong. 

Wala pa ring katapusan ang ahon papuntang Impasugong. Humahabol na rin ang aking pagod dahil sa dala ng init ng El Niño. Napakadaling maubos ang tubig na dala ko, buti na lang at hindi naman pahirapan ang pagbili ng tubig at pagkain sa lugar na ito. Habang tinatahak ko ang daan, kinokonsidera ko na ang posibilidad na hindi na ako aabot sa Roty Peaks nang maaga. Nung malapit nang mag-alas-dos ng hapon, tumulong ang panahon sa aking paglalakbay. Bumuhos ang ulan at naibalik nang konti ang aking lakas mula sa init ng araw kanina. Tumaas agad ang aking morale, sinuot ko ang kapote at ipinagpatuloy ang aking biyahe. Hindi ko na hinintay pang kumalma ang ulan sapagkat malayo pa ang aking pupuntahan. 3:30 PM na nang dumating ako sa Impasugong Tourism Center. Pagkatapos kong mag-log in, ay tiningnan ko muna kung kaya ko pa bang ipagpatuloy ang aking pagpe-pedal hanggang sa Rotty Peaks. May oras pa ako, pero pahirapan dahil napakatarik ng ahon. Hahanap na lang sana ako ng ibang lugar na puwedeng mapaglipasan ng gabi, subalit nagdesisyon na lang ako na ipagpatuloy ko ang aking pagpadyak. 

Wala na ako sa kongkretong daan, sinimulan ko na ang pagtahak sa baku-bakong daan. Dito na ang simula ng kalbaryo papuntang Roty Peaks. Pero sa kalbaryong ito, kapalit din ang kagandahang pupunas sa pagod at pawis na nararamdaman. Madadaanan mo ang malalawak na taniman ng pinya at ang mga ilog na paliko-likong umaagos sa paanan ng bundok. Ang matatarik na tagaytay at malawig na lupaing tahaw ng mga kabundukan. Dagdagan mo pa ng tamang sikat ng araw, o, ika nga, ang tinatawag na golden hour. Tumawid ako sa bakal na tulay na ang daanan naman ay mga pinaghalayhay na tabla ng kahoy. Dapat mong imaneho nang maayos ang bisikleta upang hindi mapasok sa mga bitak o agwat ng tabla ang gulong. Dito na rin ang simula ng walang-hintong ahon papuntang Roty Peaks.

Maraming bahagi ang humihigit sa 20% na gradient at napakalubak pa ng daan. Lagpas 90 KM na ang aking napadyak, pero wala yun sa hirap na parte ng biyahe na ito. Mabagal lang ang takbo ko, ang kagandahan nito ay mas marami kang makikita sa paligid. Ilang beses akong nakakita ng Brahminy Kite o Banog, kung tawagin namin sa Cebu. May mga magkasabay ding umiikot sa himpapawid. Mararamdaman mo ang kapayapaan sa bundok dahil walang katao-tao at malayo ka sa ingay ng lungsod.

Pinagpatuloy ko lang ang aking pagpadyak. Nang dumating ako sa isang kanto, nabigla ako dahil may dalawang kabayong nakatitig sa akin sa gitna ng daan. Dinig siguro nila ang bawat galaw ng biskleta at huminto para alamin muna ang makakasalubong nila. Dahan-dahan akong dumaan at nagbigay ako ng distansya sa kanila. Inabutan na ako ng dilim sa daan, mabuti na lang at kabilugan ng buwan at maliwanag din ang kapaligiran. Isang kilometro na lang ang kulang, pero ito na yata ang pinakamalayo at pinakamahirap na isang kilometro ko. Hindi na ako pumadyak dahil mapupulikatan ang mga paa ko. Hindi ko rin diretsong maitulak ang aking bisikleta kasi dumudulas ang aking mga paa dahil sa matarik na ahong ito. Inabot ako ng mahigit isang oras sa isang kilometrong biyahe na iyon. Napakatahimik ang campsite pagkarating ko. Hinanda ko kaagad ang aking matutulugan para makapaghanda na rin ako sa aking hapunan at makatulog na rin para sa susunod na biyahe sa kinabukasan.

Yung almusal ko ay overnight oats. Ito ay napakadaling gawin at nakakatulong kung masikip sa oras ang biyahe dahil hindi mo na kailangang magluto sa umaga. Hinanda ko ito bago ako matulog. Sampung kutsara ng rolled oats na nilagyan ko ng 250 mL na gatas at isang kutsara ng honey. Puwede rin itong lagyan ng saging o kung ano pang gusto mong prutas para pampadagdag sa makain at lasa. Hinayaan ko lang siya habang natutulog ako para malambot na ang oats pagkagising ko sa umaga.

Nung maliwanag na, mas nakita ko ang kagandahan ng paligid. Kitang-kita rin ang Mt. Dulang-Dulang, na ikalawang pinakamataas na tuktok sa Pilipinas, sa kabilang bundok. Makikita rin ang dinadayong Mt. Kulago na nasa harap lang ng Rota Peaks. Plano ko sanang umalis nang maaga, pero napatagal ako dahil sa kagandahan ng tanawin. Lagpas 8 AM na, sinimulan ko na ang paglusong sa dinaanan kong ahon papunta sa kasunod kong destinasyon, ang Communal Ranch. Pagkarating ko sa ilog, hindi ko na pinalipas ang malamig at malinaw na tubig. Isinantabi ko ang aking bisikleta sa gilid ng ilog para maligo. Isang oras din ang inabot bago ako makaalis at pumadyak ulit. Napakainit pa rin ng araw. Maingay na rin ang bawat padyak ng biskleta. Huhugasan ko na sana para matanggal ang alikabok sa kadena at cassette sprockets nang namalayan kong hindi pala ako nakadala ng chain lube. Magiging mahirap ito sa drivetrain ko, malamang.

Nung malapit na ako sa Communal Ranch, may mga nakausap ako at ibinahagi ko ang paglalakbay. Ang plano kong kasunod na tutulugan sana ay sa Panimahawa Ridge o sa Ginawahaan Ridge. Dito natin makikita ang kahalagahan ng pakikipaghalubilo sa mga lokal. Sa pag-uusap namin, hindi nila nirekomendang mag-camp doon. Madalas daw kasi ang grass fire sa iba’t ibang bahagi ng kabundukan ng Impasugong sa panahong iyon. Isa sa mga lubhang naapektuhan ang Panimahawa at Ginawahaan Ridge. Mauling pa ang lugar at hindi magandang ibisita doon sa panahong iyon. Pinagpatuloy ko lang ang pagpunta sa Communal Ranch.

Naging sikat ang Communal Ranch dahil tumampok din ito sa pelikulang Pinoy. Bago makapasok, may tolda para mag-log in at may mga tauhan din ng tourism. Nagtatanong-tanong ako kung puwede bang mag-camp doon. Sa kasamaang-palad, hindi pinapayagan ang camping. Lumusong na ako para makakain, makapagpahinga, at makahanap na rin ng ibang matutuluyan. New Zealand feels ang Communal Ranch, may mga kabayo, kambing, at maraming baka dito. Isang oras din ang ginugol ko sa lugar. Bumalik na ako sa pasukan at nakipag-usap ulit sa mga nakabantay doon. Inirekomenda nila ang CEDAR at doon na ako nagpalipas ng gabi. Alas-kwatro na nung nakarating ako sa CEDAR. May tatlong waterfalls at meron din silang natural pool. Hindi na ako nakapagpasyal sa falls dahil dapit hapon na at pinagbabawal na nila. 

Kinabukasan, namataan kong flat ang gulong sa likuran. Nakita ko naman yung butas at pinalitan ko kaagad ng extra na interior na dala ko. Pagkatapos ay pumasyal ako sa mga waterfalls na matatagpuan sa loob ng CEDAR. Humigit-isang oras din bago ako pumadyak ulit papunta sa Valencia City. Balik na tayo sa kongkretong daan. Simula dito hanggang Valencia City, madali lang ang biyahe dahil karamihan ay palusong na ang daan. Nasa Malaybalay City na ako mga 11 AM. Sinubukan kong maghanap ng chain lube dahil kawawa na yung drive train ng bisikleta ko. Sa kasamaang-palad, walang chain lube sa mga bike shop na nadaanan ko. Sa Valencia City na ako nakabili ng chain lube at naging mas maayos na ang takbo ng bisikleta.

Ang plano ko ay mag-camp sa Lake Apo, pero bago ako pumunta sa Lake Apo, dumiretso muna ako sa lungsod. Kailangan ko kasing magtanong kung ligtas lang bang magbisikleta papuntang Marawi City, o kung meron bang pwedeng masakyan papunta doon. Ang Valencia City na ang alam kong huling lungsod na madadaanan bago tatahakin ang daan papuntang Marawi City. Laganap pa ang mga rebelde sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. Galing Valencia City papuntang Marawi City, aabot sa 142 KM na may mahigit 3,200 meters din na uphill gain ang kailangang lakbayin. Ito ang naging pinaka-problema ko noong nagpaplano pa ako. Wala akong makuhang detalye sa mga lugar na madadaanan at kung ano ang sitwasyon ng peace and order doon. Kaya’t mahalaga na may mga mapagtanungan ako dito ngayon para masiguro ko rin ang kaligtasan ko sa mga plano kong dadaanan.

Una kong mga nakausap ay mga pulis na nasa daan. Sinabi nila na pwede naman daw bisikletahin yung plano kong dadaanan sapagkat konti lang talaga daw ang dumadaan doon at napakakunat din daw ng ahon. Ang tanging payo lang nila ay huwag magpagabi sa daan. Ito ang laging naririnig kong payo ng mga nakausap ko sa daan. Ang tanging problema ko lang talaga ay kung saan ako makakapagtayo ng aking matutulugan. Ito ang humahadlang sa akin papuntang Marawi City. Kailangan kong tawirin ang isang bundok na konti lang din ang dumadaan.

Pumunta ako sa terminal ng Valencia City. Dito ay nagtanong-tanong ako kung may paraan bang sumakay papunta sa Marawi City. May isang Muslim akong nakausap na may kakilalang bumabiyahe pa sa Marawi City galing sa Wao. 7 AM ang biyahe niya, pero ito ay hindi pampublikong sasakyan kundi pribadong biyahe lamang. May van naman dun sa terminal papuntang Wao, kaya kung gusto ko talagang sumakay papuntang Marawi City, ito ang magiging paraan. Nag-isip-isip muna ako kung ano ang susunod kong gagawin. Martes na ngayon at malayo rin ang Wao, mahigit 80 KM din. Hindi rin sigurado kung bibiyahe ba yung papuntang Marawi City. Kung babalik pa ako sa Apo Lake, sa Huwebes pa ako makakasakay papuntang Marawi dahil hindi na aabot ng 7 AM ang biyahe papuntang Wao. Napagdesisyunan ko kaagad na sumakay na lang sa van sa oras na iyon papuntang Wao at doon ako nagpababa kung saan merong matutulugan. Hiningi ko na rin ang contact nung bibiyahe sa Marawi City. 

Pagkarating ko na sa Marawi City, doon ako nagpababa sa ground zero ng bakbakan noong 2017. Makikita mo pa ang bakas ng giyera. Karamihan ng mga nasakunang gusali ay hindi na naiayos at iniwan na lang doon. Butas-butas ng mga bala ang mga pader at walang natitirang hindi sira. Nakakatakot isipin kung nandoon ka sa mismong pangyayari ng gulo. Gayunpaman, may mga istrukturang panibago na rin sa paligid. Mapayapa at masaya rin sa labas ng ground zero. Dito mo makikita ang KM 0 ng Mindanao. Pinagpatuloy ko ang aking pagpadyak sa Iligan City at sa kinabukasan ay babalik na ako sa Cagayan de Oro City. May dalawang gabi akong mailalaan para pumasyal.

Sa kasunod na araw, bibiyahe na kami papuntang Marawi City. Talagang konti nga lang ang mga dumadaan doon. May mga maliliit na komunidad ng mga Muslim na madadaanan mo. Napaisip ako na sana ay binisikleta ko na lang iyon dahil napakaganda ng lugar at napakalamig din ng hangin. Habang nagpapatuloy ang aming biyahe, wala ring katapusan ang ahon. Sa dala kong gamit at sa layo ng kailangang ibyahe, hindi ko talaga makakaya ‘yon nang isang araw lang. Marami kaming nadaanang checkpoint ng mga Muslim. Yung iba ay may mga marka ng MILF din. Hindi naman daw delikado ang pagdaan sa mga checkpoint na ito. Nakakapanibago lang sa akin dahil sa mga masamang nakikita natin sa balita. Pero naniniwala akong wala naman silang intensyong masama.

Napakaganda ng Bukidnon at ng mga karatig nitong lugar. Napakarami rin na puwedeng puntahan at iba’t ibang puwedeng gawin. Hinding-hindi ko ito makakalimutan sapagkat ito ang pinakauna kong pagbibisikleta sa Mindanao. Siguradong babalik ako para madagdagan pa ang aking kwento.

Leave a Reply