Holy Week Ride

ni: J.P. Guzman

Sa kanyang paglalakbay gamit ang kanyang bisekleta, nabaybay na ni Jerevi ang iba’t-ibang bahagi ng ‘Land of Promise’ o tinatawag ng iba na Mindanao. Ayon sa kanya, ang lugar na ito ay napakayaman nito sa tanawin, likas, yamang-dagat at kung ano-ano pa. Para sa pagpapatuloy ng kanyang paglalayag sa Mindanao, naisipan niyang tahakin ang “SOCCSKSARGEN at Davao Occidental region”. Dito, tutuklasin niya kung anong magagandang spot na maaaring makita at puntahan. Gagawin din niya ito para libangin ang kanyang sarili, mag-relax sa bawat makitang tanawin, pahirapan ang sarili at malaman ang bawat kultura sa rehiyong ito. Base sa impormasyon na kanyang nakalap, madugong engkwentro ang loop na ito, kaya napagpasyahan niya muna na mag-ensayo sa lupain ng Bukidnon upang mapaghandaan niya ang rutang ito. Sundan natin ang kanyang biyahe na kanyang tinapos noong Holy Week.

March 27 (Wednesday): Public holiday sa lahat ng antas ng opisina, tanghaling tapat pa lang ay nasa terminal na ako ng bus Cotabato to Gensan. Limang oras ang biyahe, ako’y nagpahinga muna sa Gensan para kinabukasan ready na sa aking paglalakbay.

March 28 (Thursday): Unang araw ng aking paglalayag, kagabi pa lang ay inayos ko na ang aking mga gamit para ngayong araw na ito para naman mabawasan ang aberyang magaganap. Maaga rin akong natulog para well-rested ako para bukas. Saktong alas-singko ng umaga ang aking ride-out, mula dito sa Gensan ay tatahakin ko ang munisipalidad ng Sarangani patungo sa Balangonan Jose Abad Santos, mula ito sa hangganan ng dalawang rehiyon kung saan ako nagpalipas ng gabi.

Pero bago pa man ito, daanan muna natin ang Gensan at Sarangani. Marami sa mga taga-Sarangani ay nabubuhay sa pangingisda o di kaya ay gumagawa sila ng “uling” galing sa niyog. Dito ay maraming magagandang tanawin kaagad ang bubunggad sayo. Maraming bukirin at masasabi kong napakaganda ng kanilang kalsada. Sementado na ang kanilang daan, mayroong 4 lanes at 2 lanes at karamihan sa mga ito ay patag lang. May mangilan-ngilan din mga ahon, pero swabe lamang ang mga ito, kumbaga. Padyak pa more at nasulyapan ko rin ang malawak na dagat na talaga namang mapapamangha ka sa linis at mala-kristal nitong linaw. Nakakawala rin ng pagod ang amoy ng sariwang hangin na nanggagaling sa baybay. Mula Gensan to Glan (proper) tanaw na tanaw rito ang Mt. Matutum na makikita sa view deck ng arko ng Tour Glan)

Mga 5 am ako nagsimulang pumadyak at nakarating ako ng Glan ng 9 ng umaga kung saan ako ay nagpahinga, kumain ng agahan at uminom ng buko juice sa daan. Nagbaon din ako ng kaunting pagkain dahil mahirap ang pagkain sa probinsyang ito. May mga tindihan, ngunit walang mga karinderya. Pagkatapos ng Glan proper ay dumeretso na ako patungong Big Margus. Ito ay parte pa rin ng Glan, dito na magsisimula ang mga pahirap at parusang matagal ng hinintay. Kumukunat na ang daan, at dahan-dahan na itong tumataas, may mga matatarik at mahahaba na kalsada na naglalaro sa 15–20% gradient.

Salamat sa mga punong nagbibigay ng lilim dahil kung wala ito dito ay tiyak uubusin ng daan nito ang aking lakas. Pagkatapos ng matitinding ahunan sa Big Margus ay may mahahabang lusong ito bago ka naman makarating sa boundary ng Sarangani at Jose Abad Santos sa Balangonan. Ang kanilang palatandaan dito ay ang police station (na kung makikita ay ibig sabihin nasa boundary ka na). Naisipan ko na dito na matulog, pero dahil maaga pa ang oras, pumadyak pa ako nang kaunti para masulit ko na rin ang araw na ito. Pagdating ko sa boundary ay wala na masyong matitinding ahon, nagtanong-tanong ako sa mga taga doon kung saan meron beach resort. Sinabi nila na meron daw, pero nasa unahan pa ang mga ito bago mag-Barangay Bukid, JAS.

Bago pa man kumagat ang dilim ay nakarating na ako sa Leone Beach House Resort, dahil okupado na ang lahat ng kwarto, naisipan kong matulog na lang sa cottage gamit ang dala-dala kong hammock. Mga alas-kwatro ng hapon ako ng makarating roon, may mga tao maliban sakin sa resort. Bago ako makarating ay binati ako ng may ari. Pinagluto rin niya ako ng hapunan, kaunting pag-uusap at nakipahalubilo na rin sa kanila. Pagkatapos noon ay nagpahinga na ako at inayos ko na rin ang aking mga gamit para sa kinabukasan na bakbakan.

March 29 (Friday): Sa pangalawang araw, maaga akong nagising dahil sa matinding hampas ng alon at lakas ng hangin. Medyo maulan din noong oras na iyon kaya nagligpit muna ako ng aking mga gamit at kumain ng kaunti (dahil ahon na naman) na inihanda naman ng may-ari ng resort. 6:00 ng umaga, noong ako’y nag-ride out. Unang kilometro pa lang sa aking pagpadyak ay talagang makakati at matatarik na ahon agad ang sumalubong sa akin sa Brgy. Bukid, JAS. Sa totoo lang, marami pa ito sa unang bahagi ng ruta ngunit mayroon din namang matatarik na lusong. Dahil dito, nagpasiya akong makinig sa musika habang ako ay pumapadyak para naman maging ganado ako sa pagpadyak.

May habang 63 kilometro mula sa aking tinulugan patungo sa munisipyo ng JAS, ngunit pupuntiryahin ko ngayon na makarating sa Don Marcelino. Ngunit dahil na rin sa napakaraming ahon at lusong, hindi ako siguradong makakarating ng Don Marcelino bago dumilim. Pumadyak at nilampasan ko ang mga ahon at lusong at swerte namang umabot ako sa aking destinasyon bago pa man dumilim sa lugar.

Natulog ako sa JAS Traveller Inn, pero bago pa ’yan, may mga bata na sinamahan ako sa bike shop para ipaayos ang kaunting problema ng aking bike. Nagpalinis na rin ako ng bike at pagkatapos, hinatid nila ako sa inn kung saan ako magpapalipas ng gabi.

Nung pumunta ako sa munisipyo nila para kumain. Walang katao tao sa munisipyo sa kadahilanang “Good Friday” ito. Napaka-relaxing tumambay sa kanilang plaza dahil malapit ito sa dagat, malinis, at libre na maligo. Habang nagre-relax ako sa dalampasigan at iniisip ang mga nadaanan, natutulala na lang ako at natatawa sa sarili sa kawalan, 63km lang yun, pero mag hapon kong pinadyak. Dito sa lugar na ito ay walang maayos na kainan. May mga tindahan naman kahit papano at mga ilang kabahayan na handa kang bigyan ng tubig na pwede mong inumin o i-panligo. Mababait ang mga tao dito kahit iba-iba silang tribo. Grabe lang ang experience, talagang hinding hindi ko ito malilimutan, salamat sa Diyos ngayong araw na ito.

March 30 (Saturday): Maaga akong nagising para sa ikatlong-araw na pagpadyak. Medyo may kadiliman pa nang konti, kalmado ang dagat, payapa ang paligid. Excited na ulit akong mapagod sa daan para sa pangatlong araw. Niligpit ko ang aking mga gamit, inayos ang bike at sarili ko, tapos umalis na ako ng inn around 5:30AM. Dahil sobrang aga ko sa daan, sarado pa ang mga tindahan sa JAS. Napagpasyahan ko na lang na kumain sa Don Marcelino dahil hindi naman ito kalayuan mula sa aking tinuluyan. Katulad ng dinanas ko sa pangalawang araw, ganoon din sa pangatlong araw. Sa unang kilometro ay banayad pa at pagkatapos ng ilang minuto naging rolling na ang daan.Nang makarating ako sa Brgy. Kiobog, nakita ko ang estasyon ng pulis na nagsisilbing hangganan ng dalawang barangay. Mayroon din akong nakitang tulay na nagsisilbing daanan kung pupunta ka sa kabilang bayan. Napakaganda ng lugar na iyon, nakaka-relax mag-bike at napaka-scenic ng spot. Pagkarating ko sa Brgy. Kiobog, agad akong kumain at nagpahinga saglit, dahil sa Don Mar, maraming “Surprise Ahon” na tinatawag. Base ito sa Komoot app na aking naging gabay para sa trip na ito.

Pagkatapos kumain ay simula na ulit ang kalbaryo. Ang susunod ko namang tatahakin ay ang munisipyo ng Malita. 80 kilometro ito mula sa munisipyo ng JAS at maghapon na padyakan ito, sigurado. Sa pangatlong araw ng pagbibisikleta, talagang hindi ako binigo ng Don Mar. Hingal, iyak, tawa, kinakausap ko nga ang sarili ko sa tuwing may matatarik na ahon. Walang masyadong kabahayan na makikita sa area na ito, pero mapapamangha ka sa ganda ng mga tanawin dito kapag ikaw ay nasa tuktuk na. Nandito rin ang binansagang the killer road, ang “Winston Road” nung una, rough road pa ito, at ngayon ay sementado na. Talaga naman mapapatulak ka sa tarik dahil umaabot ng 30 to 35 ang gradient nito. Pero the best ang view dito dahil mahangin, rinig ang mga huni ng ibon at kalampas ng bawat puno. Isa sa mga highlight ng Don Mar ito, kaya talagang hinding-hindi ko ito makakalimutan.

Pagkatapos ng mga matitinding ahunan, makakabawi naman ako sa matatarik na lusong. Wala pa rin tindahan sa mga daan, kaya naman sa munisipyo ng Don Mar na lang ako nagtanghalian. Nang makarating ako bandang alas-tres ng hapon, kumain lang ako ng tinapay, saglit nagpahinga, at umalis na rin. Meron pang natitirang 30KM patungong Malita, dito maayos na ang kalasada. May 4 lanes at iba naman ay 2 lanes ngunit wala pa ring patawad ang daan dahil sa mga ahon. Bago mag-Malita proper, may madadaanan kang isang napakahabang seashore at makikita mo rin ang kanilang malapalasyong munisipyo.

Nang makita ko na ang welcome signage nila talaga namang napangiti na lang ako sa sarili ko, kinaya at kinakaya ko ang lahat ng mga parusa. Alas-siete na ng gabi noong nakarating sa mismong bayan ng Malita. Nagtanong-tanong sa mga lokal kung saan merong inn, swerte at may malapit lang na pwedeng tuluyan. Nagpahinga ako saglit at bumili ng aking hapunan sa labas. Nag-ikot-ikot din ako para makita din ang ganda ng lugar. Para sa akin, napaka-memorable ng biyaheng ito at kahit na may mga nangyaring aberya o may mga pagsubok na dumaan. Masaya ako dahil hindi ako sumuko at natapos ko ang aking goal. Tiyak na masusundan ulit ito ng panibagong biyahe, ngunit kailan kaya?

Leave a Reply