Kung Saan Abutan

ni: M. Angulo

Sabi nga ng iba, ‘bahala na si batman’. Ito marahil ay isa sa mga kaugalian o ekspresyon ng iba nating kababayan sa tuwing hindi sila makapag-isip ng plano kaagad-agad. Kulang sa oras, biglaang pangyayari at lakad na siningit lamang sa schedule ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit natin binabanggit ang pariralang ito. Ito rin ang naging ideya ni Michael noong naisip niyang magbisikleta papunta sa kawalan. Gusto lamang niyang pumadyak mag-isa at mag-camp kung saan abutan ng pagod. Overnighter lamang ito at walang maiging preparasyon ang nangyari. Ang goal lang niya ay ang makalabas at i-spend ang kanyang ekstrang oras na matagal na niyang hinintay. Di nagtagal ay bigla niyang naisip na tanungin ang iba pa niyang kaibigan kung gusto nilang sumama sa kanyang pagliliwaliw. Sinang-ayunan naman ito ng tatlo pa niyang kaibigan para damayan siya sa kanyang pagpadyak. Ipinahiram din niya ang kanyang mga ekstrang gear sa kanila para mas lalong ma-feel nila ang pag-camp sa kawalan. Tara’t basahin natin ang kanilang masaya at hindi makakalimutang ugnayan sa mga lokal.

Matagal-tagal din akong naging busy sa trabaho pati na rin sa bahay kaya medyo stressed na at di na relaxed. Nagdesisyon ako na mag-bike camp ngayong paparating na weekend. Noong una ay wala talaga akong balak mag-aya kasi kadalasan wala rin namang sumasama lalo na kapag overnighter sa kung saan-saan lang (raw camp). Napili ko yung San Ildefonso na area kasi madalang akong magawi dun at naiisip ko na malapit lang ito at hindi ganoong kalayuan. Ngunit wala pa akong eksaktong location kung saan, since hindi ko naman kabisado ang lugar, umaasa lang ako sa Google Maps. Sabi ko na lang sa sarili ko, bahala na kung saang lugar, kahit di siya established campsite, okay lang. Nag-check ako sa map at pinili ko yung lugar na may malapit na ilog, para may source ng liguan. Pero ganun pa din, wala akong idea sa lugar, pili lang sa map, then, bahala na kung saan abutan. 

Noong lumalapit na ang weekend nag try ako mag-aya ng kasama baka sakaling mayroong interesado at libre. Pinalad naman ako at may sumama na isa, ang sabi ko, kung may maaaya pa siya okay lang dahil may mga extra pa naman akong gamit. At pagkatapos ng tanungan at yayaan, nagkaroon din ako ng mga kasama.

Apat kaming siklista na hindi talaga alam yung lugar. Naka-pin lang sa map at bahala na kung ano ang meron sa lugar na iyon. Habang nasa daan, may mga pagkakataon na namamali kami ng liko at mga kanto na pinapasukan. Hindi pa fully developed ang mga kalsada, may mga rough roads pa at sira sira ito. Inuna naming mamili ng mga pagkain sa gawing San Rafael dahil di namin alam yung lugar kung may source ba ng talipapa or tindanhan. Sikad pa ng mga ilang kilometro at papalapit na kami sa pinned location namin (tabing-ilog). May mga kaunting bahayan at may maliit na tindahan din na makikita dito, kaya sakto lang yung spot.

Nung nasa area na kami, wala pa rin kaming idea kung saan kami magpapalipas ng gabi. Inikot pa namin nang kaunti ang area ng ilog hanggang sa may nakita akong manggahan. Ayon sa mga lokal, wala ang may-ari ng lupa, pero sa kanila iyon at kamag-anak nila ang may-ari. Maayos kaming nagpaalam kung maaari ba kaming magpalipas ng gabi. Mababait ang mga tao sa lugar at hindi mo mararamdaman na taga-ibang lugar ka, maayos nila kami tinanggap at doon na kami nagpalipas ng gabi sa malawak na manggahan.

During that night, nag-chill lang kami at uminom ng binili naming alak. Kwentuhan magdamag at sharing lang ng mga plano para sa susunod na camp. After that ride, na-build yung trust ko sa mga lokal ng Akle, San Ildefonso. Sobrang stranger namin sa lugar, pero tinanggap nila kami nang buo kahit na maliit lamang ang kanilang lugar. Ngayon pag naaalala ko yung camp na yun may halong lungkot din kasi, yung isang kasama namin last camp ko na pala yun kasama siya (naiisip ko tuloy yung mga planong lakad namin). This year lang kasi ay naaksidente siya at alam naming masaya na siya ngayon na pumapadyak sa taas nang walang iniisip na oras. Kung libre kayo, ito ang link ng kanilang maikling video papunta sa Akle, Bulacan (https://www.facebook.com/share/v/z4MFXGttaxaxREov/?mibextid=oFDknk).

Leave a Reply