ni: R. Gersava
Flexibility, oras para sa sarili at paglalakbay sa sarili mong bilis, ito marahil ang ilan sa mga dahilan kung bakit ang iba sa atin ay prefer na pumadyak o mag-adventure mag-isa. May pagkakataon din na ang iba sa atin ay pipili lamang ng isang partner/kasama (na maaaring ambivert) sa biyahe para mas planado o walang masyadong iniisip pagdating sa paggawa o gagawing itinerary. Isa si Rommel sa mga siklistang sumubok na bumiyahe nang solo. Maraming mga tao ang pumansin sa kanya noong siya’y bumaybay mag-isa. Marami ring mga suhestiyon at mga tanong ang kanyang sinagot sa mga hindi masyadong pabor sa kanyang ginawa dahil sa pagpadyak niya mula QC hanggang Pagudpod. Halina’t sundan natin ang kanyang lakbay-buhay at ang kanyang naging karanasan sa pag-pedal niya papuntang Norte.
Ako si Rommel, 29 taong gulang. Isang akong siklistang mahilig bumiyaheng mag-isa lalo na sa malalayong lugar. Halos 3 taon na akong nakahiligan sa pagbibisikleta at masaya akong nakakarating sa mga malalayong lugar ng Luzon gamit ang aking bisikleta. Marami ang nagsasabi sa akin na nakakatakot, nakakalungkot at boring ang bumiyaheng mag-isa. Oo nga, tama sila. Pero sa kabila ng mga sinabi nila, ito rin ang nagpalakas sa akin na magkaroon ng malaking tiwala sa Diyos at kabutihan ng taong aking nakakasalamuha sa daan. Ito rin ang isa sa mga masayang parte ng buhay ko: ang magbisikleta at matuto sa mga karanasan ng mga taong aking nakakasalamuha.
Paano kung isang gabi nanaginip ka na bumibiyahe ka sa isang malayong lugar na tahimik at payapa? Ito ang nangyari sa kwento ko: makulayan ang isang panaginip. January 31, 2023, halos isang taon na ang nakaraan ng bumiyahe ako mula Quezon City hanggang Pagudpod, Ilocos Norte gamit ang aking simpleng bisikleta.


Sa unang araw ko, umalis ako ng Payatas, Quezon City, ng alas 6:00 AM dala ang isang malaking bag na may 20 kgs ang bigat. Dahil walang sumama na kahit isa sa mga niyaya ko, pinili kong bumiyaheng mag-isa. Dala ang pangamba at takot kung ano ang mangyayari sa akin sa kalsada. Bumiyahe ako, dala ang malakas na dasal at tiwala sa kabutihan ng mga tao na aking makakasalamuha. Hindi ako pamilyar sa daanan ng aking mapupuntahan, kaya ginamit ko ang “magtanong” style sa mga taong nadadaan ko. Sa rutang ito, dumaan ako sa Fairview at lumusot sa Bulacan. Binaybay ko ang Marcos Highway hanggang sa makarating ako sa Arayat, Pampanga kung saan naabutan na ako ng tanghalian. Minabuti kong kumain sa karinderya para makabawi ng lakas. Nang dahil sa pagod, nakatulog ako sa mesa ng aking kinainan na tumagal ng 30 mins. Salamat sa mabait na nagbabantay sa tindahan, binigyan niya ako ng kape pampagising sa biyahe. Masarap ang naging kwentuhan namin tungkol sa kaniyang buhay. Dala ang ngiti sa aking mukha, nagpatuloy ako sa aking biyahe.
Dahil sa sobrang init, mas lalong bumabagal yung bawat padyak ko sa kahabaan ng Tarlac hanggang Pangasinan. Buti na lang may mga taong nakakasalubong ko na nagche-cheer up sa akin at sinabing, ‘sige lang kuya, tuloy mo lang ‘yan makakarating ka rin!’ Mag-aalas 9 na ng gabi nung marating ko ang Urdaneta, Pangasinan, at doon na ako nagpasyang maghanap ng matutulugan para makapagpahinga matapos ang 197 km na biyahe. Salamat sa Diyos at ligtas akong nakapagpahinga sa isang INN na 600 pesos lang ang bayad.


Kinabukasan, alas-singko na ng umaga noong ako ay nagpatuloy sa aking biyahe at hindi ko alam kung saan na naman ako aabutan ng gabi. Basta, isa lang ang goal ko ang marating ang Pagudpod. Sa araw na ito, binaybay ko ang kahabaan ng Pangasinan, La Union, hanggang sa makarating ko ang Vigan City sa Ilocus Sur. Sa biyahe na ito, mas lalong bumagal ang padyak ko dahil sa sakit ng binti ko. Marahil nabigla ang katawan ko sa mahabang biyahe kahapon. Ito ang kauna-unahang biyahe ko na napakahaba gamit ang aking pinakamamahal na bisikleta. After 223 km, 11:30 PM na nang marating ko ang Vigan City at doon na ako naghanap ng murang matutulugan. Buti na lang meron akong nakita na 500 pesos na transient house. Sa kabila ng pagod, may malaking ligaya sa aking puso dahil sa mga taong nagpakain, naka-kwentuhan at syempre first time kong marating ang lugar na ito.


Kinabukasan, 10:30AM na ako nagising, dala ng pagod. Ramdam ko pa rin ang sakit ng katawan ko at parang gusto ko nang itigil ang biyahe. Pero sa isip-isip ko, malayo na ako sa biyahe at siguradong mawawala rin ang sakit ng aking katawan. Nagpasya ako na mamasyal muna at tuklasin ang nakatagong ganda ng Vigan City. Mamangha ako sa ganda ng Spanish Era na makasaysayang gusali ng lungsod at kultura, makatikim ng napaksasarap na Vigan bagnet at longganisa, makakita ng buhay na leon, usa, camel, giraffe at iba pang wild animals sa Baluarte Zoo ni Chavit Singson. Napawi ang lahat ng pagod at sakit sa katawan ko dahil sa napakasaya at hindi malilimutang karanasang ito.


Alas-tres na ng hapon ng lisanin ko ang Vigan City para magpatuloy sa aking biyahe. Marami ang nagpapicture sa akin dahil akala nila vlogger ako pero sinabi kong na hindi ako vlogger at isa lang akong simpleng manlalakbay sa buhay. After 66km, 8:30pm na ng marating ko ang Paoay, Ilocos, Norte doon na ako nagpalipas ng gabi. Salamat kay Nanay Telma na nagpakain at nagpatulog sa akin sa kaniyang karinderya nang libre. Hindi ko inaasahan ang kanyang kabutihan sa akin, pero sila ang mga tinuturing kong mga “Angels of God along the way” sila at patunay na mahal ako at hindi ako pinababayaan ng Diyos.




Alas-otso na ng umaga kinabukasan nang lisanin ko ang lugar at magpatuloy sa aking paglalakbay para sa aking mga final day/s sa rides. Naging masaya ang takbo ng aking biyahe dahil sa mga magagandang tanawin na aking nasaksihan tulad ng Malacañang of the North, Kapurpurawan Rock Formation, Bangui Windmill Farm, at Saud Pagudpod Beach. After 97 km, 4:30 pm na nang marating ko ang Pagudpod.
Salamat sa mga siklistang nakasabayan ko na nagbigay ng motibasyon para makarating ako dito. Gusto ko ring ibahagi ang mga natutunan ko sa buong biyahe ko. Ito ay ang ride safe always dahil nag-iisa lang ang buhay, rest when needed but never quit, focus lang sa goal, makakarating ka rin at tiwala lang sa pagmamahal ng Diyos at kabutihan ng kapwa. Salamat sa biyaya ng buhay and makahulugang paglalakbay. Hindi na ulit ako makapaghintay sa susunod na pagpadyak.


Leave a Reply