Maling Pagkalkula

ni: B. Javier

Sabik, atat at hindi na makapaghintay, ito ang aking naramdaman simula noong naisipan kong mag-long ride dito sa ‘Down Under’ gamit ang aking biskleta na bigay ng aking katrabaho. Dalawang taon din akong nahinto sa paglo-long ride simula noong nilisan ko ang Pilipinas (2014). Nakakapag-bisikleta naman ako dito, ngunit bahay at trabaho lamang ang ruta. Nagbibisikleta rin ako sa mga cycleway at National Park kung may libreng oras tuwing weekend. Kaya pagkatapos ng 2 taong paghihintay, naisip kong panahon na siguro para naman bigyan ang aking sarili ng pahinga (ngunit hindi) at muling maranasan ang malayuang pagbiyahe gamit ang aking bisikleta.

Gamit ang aking nabiling pannier bag/tools sa Ebay; na-score na mapa sa ‘thrift shop’; hiniram na kamera/tripod at binigay na mga camping gear, dali-dali akong nagdesisyon na mamasyal sa NSW gamit ang aking bisikleta. Sampung araw lamang ang nilaan kong araw sa ride na ito dahil sa kakulangan sa budget at oras. ‘Fully-loaded’ ang aking set-up at halos 40 kilos ang bigat ng aking dala-dala (kasama na pati bisikleta). Hindi ako masyadong nag-alala dahil batak na ang aking katawan sa trabaho at sa mabibigat na bagay. Target ko ay magawa ang century ride (160 kms) kada araw para masunod ang aking ‘bahala na’ na plano.

Maaga pa lang ay umalis na ako na ako ng aming bahay dahil ang target kong distansya ngayon ay halos 160 kms na may 2395 metrong elevation. Swabe naman ang naging biyahe ko sa daan, nakakatakot nga lang kung minsan kapag may nag oo-overtake sa akin na mga sasakyan. Nagpatuloy ako sa aking biyahe hanggang sa narating ko ang isang scenic spot na nakita ko sa Google Maps. Dala ang tinapay at peanut butter na palaman, nagpalipas ako ng ilang minuto dito para kumain at namnamin ang ganda ng aking pinaghintuan.

Pagkaraan kong magtanghalian, mga bandang alas-dos ay pumadyak na ulit ako patungong Bathurst (last 65 kms). Nitong mga oras na ito, alam ko na hindi na ako aabot sa susunod kong destinasyon, kaya nagpasya na lang ako na pumadyak pa hanggang dumilim at mag-stealth camp na lang sa tabi ng daan. Habang pumipedal, may maliit na ‘free camping’ sign akong nakita sa gilid ng kalsada. Nagmasid-masid ako at nakita kong maayos ang spot, ngunit medyo kinabahan dahil may mga tao sa kabilang side ng lugar. Nagpapatugtog sila ng malakas sa kanilang DIY caravan at nag-iinuman. Dahil talagang pagod na ang aking katawan, nagdesisyon na akong dito magpalipas ng gabi.

Habang inaayos ko ang aking tent, lumapit sa akin ang isang lalaki na galing sa kabilang side ng campground. Tinanong niya ako kung saan ako galing at saan ako pupunta. Maayos naman silang kausap, cool (dahil mga hippie) ngunit hindi pa din mawala sa isip ko ang takot dahil na din sa mga balitang napapanood ko tungkol sa mga nawawalang mga tourist/campers sa state. Pagkatapos noon ay nagpaalam na ako sa kanya at sinabing ako’y magpapahinga na dahil maaga pa akong aalis kinabukasan. Habang dama ko ang himbing ng aking tulog, nagising ako sa kalagitnaan ng gabi. Nakarinig kasi ako ng ingay na nagmumula sa pwesto kung saan ko nilagay ang aking bisikleta. Mabilis akong bumangon mula sa aking kinahihigaan upang matiyak na hindi sinusubukang nakawin ng mga tao sa kabilang side ng campsite ang aking bisikleta. Sa kabutihang palad, mga kangaroo lamang pala ang naghahanap ng pagkain noong gabing iyon.

Kinabukasan, late na akong nagising dahil sa sakit ng katawan at likod (manipis na sleeping pad) na naramdaman ko, ngunit kailangan kong bumangon para makadami ng kilometro. Mainit at mahirap, ito ang masasabi ko papunta sa susunod kong destinasyon. Habang nakikita ko ang mga ‘distance sign’ habang binabagtas ang Great Western Highway ay tinatanong ko sa sarili ko na malayo pa ba? O di kaya may tindahan ba? May makakasalubong ba ako sa daan na siklista o wala? Na-i-imagine ko rin na para akong nagbibisikleta sa Kennon Road na may apat na malalawak na lane na parang expressway habang nilalagpasan ng mga mabibilis na sasakyan. Dagdag pa nito ang init ng daan at bigat ng aking mga dala (na sana pala binawasan ko).

Habang umaahon ako sa Mt. Lambie, may isang matandang siklista akong nakasabay at tinanong ako kung saan ako papunta. Sinabi ko sa kanya na patungo ako sa Bathurst at bababa papuntang Blue Mountains. Sinabi niya sa akin na konting ahon pa at pagkatapos noon ay 25-kilometrong lusong na papunta sa aking destinasyon. Bigla akong ginanahan dahil kung mapapaaga ang dating ko sa Bathurst at puwede pa akong magpatuloy ng ilang kilometro para sa susunod kong stop. Pagkatapos ng tanungan namin ay dali-dali na niya akong nilisan sa notoryus na daan. Makalipas din ang dalawang oras, nakarating din ako sa Bathurst. Mga aalas-onse pa lang ng umaga noon at may walong oras pa akong liwanag (Daylight Saving Time) upang baybayin ang Blue Mountains.

Maganda pa ang panahon noong umagang iyon, ngunit pagdating ko sa boundary ng Blue Mountains ay biglang lumamig at umulan. Basang-basa at lamig na lamig ako habang umaahon noong hapong iyon. May rain jacket naman akong dala, ngunit ito’y mumurahin lang at hindi ko masasabing 100% waterproof ito. Hindi ko talaga akalain na mag-iiba kaagad ang panahon dahil ang forecast sa lugar ay maaraw at hindi uulan. Sabi nga ng iba, forecast lang iyan at pwedeng mabago kahit ilang minuto lamang. Umulan din ng kaunting niyebe na first time kong ma-experience sa ride na iyon.

Hapon na noong nakarating ako sa Jenolan Caves, huminto na rin ang ulan ngunit napakalamig sa lugar. Dahil may budget naman ako, hindi ako nagdalawang-isip na mag-stay na lamang sa isang hotel dito para makaligo ng hot water, makakain ng pizza at maka-recover ng ayos. Nakapag-video din ako sa lugar at nakapaglakad-lakad sa malapit na walking track bago ako nagpahinga.

Umaga na ngunit maulan pa rin. Ito ang pinaka-ayaw ko sa lahat sa tuwing mag-uumpisa ng biyahe. Desidido pa rin akong lumarga, dahil kailangan kong makarating nang maaga sa campground na aking pina-reserve. May layo lamang itong 104 km, kaya kampante akong makakarating dito. Limang oras na ang nakalipas at nasa daan pa rin ako na aking inumpisahan. Kahit malamig, ang pawis ng aking katawan ay di mawari dahil sa tarik ng mga ahon dito. May mga panahong din na kailangan kong itulak ang aking biskleta dahil na din sa kawalan ng grip ng aking gulong.

Isa sa mga natutunan ko sa mga daan dito ay kapag may marker ka nang nakita at sinasabi nitong limang kilometro, huwag basta-bastang iisipin na madali at mabilis dahil maaaring ang limang kilometrong ito ay paakyat. Sa loob ng apat na oras, solo at wala akong nakasalubong sa daan. Dumaan din ako sa isang seksyon ng National Trail (trekking route) na pinagmamalaki ng mga taga-AU.

Hapon na noong nakalahati ko ang ruta at syempre… pa-ambon-ambon… nanaman! Pagod na ako at gusto ko na lamang makarating sa tuyo sa campsite na aking pinare-reserve. Pumadyak pa ako ng ilang oras at nagdesisyon na akong sumakay ng tren sa Mt. Victoria. Pero bago ako makarating sa estasyon, kailangan ko munang tiisin ang mga ahon. Masasabi ko na sobrang tarik ang daan na ito dahil ultimong bicycle computer ko ay nag e-error. Wala ring signal ang aking telepono para malaman kung anong oras ang biyahe ng tren papunta sa aking destinasyon. Kailangan ko ring laktawan at hindi puntahan ang mga scenic spot na nakalista sa aking mga plano. Minsan, kailangan mo talaga gumawa/mag-isip ng ibang option para mapagpatuloy ang flow ng iyong biyahe. Ilang oras ng paghihintay at nakasakay na rin ako sa tren.

Nakarating ako ng walang kahirap-hirap sa aking campground, nagset-up ako ng tent at nag-isip kung anong plano ko para kinabukasan. Isa sa aking mga plano ay umuwi muna sa bahay at magbawas ng gamit at magre-supply (para hindi na bumili). Ang pangalawa naman ay ituloy na papuntang South ang aking pagbibisikleta. May ilang araw pa ako para tapusin ang loop na ito, kaya nagpasya na akong ituloy ang biyahe ko papuntang South Coast, NSW.

Medyo maaraw na noong nagising ako kinabukasan, dali-dali akong kumain ng aking agahan (malamig na spam) at nag prepara na para ngayong araw. Balik sa sibilisasyon na din ako matapos ang ilang araw sa kabundukan. Madali lang ngayong araw na ito, mga pamilyar na lugar at halos pinagdugtong-dugtong lang na ruta gamit ang cycleway na dadaanan ko. Pinaggagastusan at pinag-aaralan nang maagi ng lokal na gobyerno ang mga bikelane/cycleway dito sa AU. Maaari kang makapunta nang ligtas (minsan) sa kung saan-saang lugar dahil sa mga lane na ito.

Binagtas ko ang cycleway ng ilang oras at hindi kalayuan sa aking tutuluyan (stealth camp), may nakita akong tatlong lalaki na nagbabasag ng bote sa daan. Malayo pa lang ay nakita ko nang pagewang-gewang ang lakad at lahat ng nakasalubong nila ay binabati. Napaisip tuloy ako kung sa cycleway ba ako dapat mag-camp dahil feeling ko babalik sila sa pinanggalingan nila at baka pagtripan nila ako kapag nakita nila akong nagca-camp sa cycleway. Iyon na ang last option ko ngayong gabi at wala na rin akong tutuluyan. Ayaw ko namang i-diretso ang ruta kahit gabi dahil tiyak masisira na naman ang plano na aking ginawa. No choice talaga ako at umuwi na lamang ako sa bahay. Dahil sa aking pag-uwi hindi ako napagastos ng malaki, nakatulog ako ng walang iniisip at nakapagbawas ng gamit.

Umalis kaagad ako nang maaga sa bahay kinabukasan para balikan kung saan ako nahinto kahapon at doon ulit magsisimula papuntang South at syempre… makulimlim! Suot agad ang aking hiram na rain jacket, pumadyak na ako papunta sa aking destinasyon. Ang destinasyon ko ngayon ay sa Bonnie Vale campground sa Royal National Park, bago ako makapunta dito ay kailangan ko muna tawrin ang isang National park at saka babagtasin ang daan na nasa gilid ng Pacific Ocean (Sea Cliff Bridge).

Pagdating ko sa campground, jam-packed ito. Hindi ko inakala na ganito karami ang nagca-camp dito. Dahil nasanay na ako sa solo noong nakalipas na araw, medyo hindi ko na-feel ang pagiging safe at ang katahimikan dito. Well, wala naman akong magagawa dahil ito ay isa sa mga pinakamalapit na campground sa Sydney kung kaya tinayo ko na din ang aking tent sa site. Na-meet ko rin ang isang retired Navy na magbibisikleta gamit ang kanyang recumbent bike mula Sydney hanggang Western Australia (4ooo kms). Nagkuwentuhan lang kami tungkol sa aming mga biyahe at sa kanya ko rin nalaman ang pagkain ng dehydrated food na hindi pa kaya ng aking budget noong mga panahong iyon. Kumuha rin ako ng konting video clips para sa aking gagawing video. Pagkatapos noon ay bumalik na ako sa aking tent at naligo. Maaga rin akong nagpahinga (kahit maingay) dahil kailangan kong abutan ang unang trip ng ferry na papunta sa kabilang ‘suburb’.

Bundeena (Royal National Park) to The Basin Campground: Mula sa second/third oldest National Park sa buong mundo, nagpatuloy akong pumadyak hanggang makarating naman ako sa second oldest National Park sa Australia (Ku-ring-gai Chase National Park). Maganda at tahimik ang daan papunta dito rolling hills at may scenic views, may mangilan-ngilan din akong nakitang turista na bumisita sa park. Wala ring naging aberya sa daan at taang pasyal lamang ang aking pagpadyak. Pasado alas-dos ng hapon nang makarating ako sa campground, maaga at tirik pa ang araw, kaya nagpalipas muna ako ng oras para kumuha ng litrato at video. Nag ikot-ikot din ako upang makahanap ng magandang spot para i-pitch ang aking tent.

Nagpatuloy akong maglakbay papuntang Central Coast at Hawkesbury Region na tumagal pa ng ilang araw. Sa biyahe kong ito, nakalabing-pitong mountain passes ako at pitong National Park. Sobrang dami ko ring natutunan mula unang araw hanggang sa matapos ko ang ride na ito. Ilan sa mga ito ay;

– kung hindi ka naman magtatagal ng ilang buwan sa daan ay magbawas ng gamit at dalin lamang ang mga importanteng bagay;

– hangga’t maari ay magdala ng extra (pera, tube, pads, tubig, pagkain etc.), magpalugay ka din ng ekstrang araw sa ride para hindi ma-stress kung may aberyang mangyayari;

– kung may ekstrang pera or ipon mag-invest ng ayos na camping gear o accessories;

– pasasalamatan mo ang tripod kapag ikaw ay mahilig mag-video; huwag din palalampasin kuhaan ng litrato kung makakita ka ng scenic spot;

– mag-ingat pero minsan hindi mo kailangan sundin ang kasabihang “Don’t judge the book by its cover”;

– daanan/puntahan ang mga daang kaunti lamang ang nakakalam/dumadaan;

– hindi masamang tumuloy sa inn/hotel kung no choice ka or kung kailangan mo talaga (biyahe mo ito at hindi nila);

– alamin ang kultura o history ng pupuntang lugar para kung may kasalubong ka sa daan malalaman nila na alam mo ang lugar at hindi ka taga-malayong lugar;

– huwag basta-basta magtiwala sa weather forecast at Google distance/time at ang panghuli ay

– i-enjoy lamang ang ride

Natapos ko rin ang paglalakbay na ito makalipas ang labing-isang araw. Dahil bago pa lang ako sa paglilibot/mahabang rides sa ibang bansa, patuloy akong magsasaliksik ng mga lugar at pinakamagandang scenic spot para balang araw ay maibahagi at maikwento ko ito sa iba.

Leave a Reply