Manila to Bicol 3-Day Ride

Ni: M. Mamba

Padyak papuntang Bicol? Kapag kinuwento mo ito sa isang tao na hindi hilig ang pagbi-bisikleta o sabihin natin na pumapadyak lang sa malapit o palibot ng siyudad, ay mapapasabi talaga na “baliw lang ang gagawa nun!”. Pero hindi lang naman isa o dalawa ang nakagawa nito. Marami na rin, bago o pagkatapos ng pandemia, may kanya-kanyang kwento ang mga siklista patungkol sa pagpayak mula Maynila papuntang Bicol. Sa malamang ay naging inspirasyon din ng karamihan ang mga kababayan natin na nagtatrabaho dito sa Maynila at umuuwi sa Bikol gamit ang bisikleta. Iba ang dulot na saya at pagkakumpleto ng isang siklista kapag nakakapadyak ng ganitong kalayo. Isa si Meng ang nangarap pumadyak papunta sa rehiyong ito dahil na rin sa inspirasyon ng iba. Halina’t subaybayan natin ang kanyang kwento tungkol sa ride niya papuntang Bicol.

Ako nga pala si Meng, ang chubby rider ng aming grupo, ipapakilala ko isa-isa ang mga makakasama ko mamaya sa mga susunod na parte ng istorya na ito. Nangarap lang kami ng aming grupo noon. Mula sa kakapanood ng mga bike rides ng mga sinusundan nating Vloggers – Ian How (Team Apol), Pampanga Bikepacking Community, Mark Arthur at iba pa, hanggang sa tuluyan na naming sinubukan ang pumadyak ng malayuan kada linggo, hanggang sa sumapat ang ensayo, at amin nang binuo ang plano.

December 2022, nagkaroon na kami ng interes na subukin ang ganitong klase ng bike ride – may halong duda pa ang pagsabi naming ng “oo” sa isa’t-isa pero ika nga, “Let’s cross the bridge when we get there” daw. Kanya-kanyang hanap ng mga gamit na pwede bilhin at dalhin – damit, ilaw, bags at marami pang iba. Nakapagpaalam na rin sa kanya-kanya naming trabaho dahil mahabang panahon kaming mawawala. At dahil nga nakabili na ng gamit ang lahat, mas lalong naging seryoso ang plano na ito, nagkakaroon na ng liwanag ang plano naming pumadyak papuntang Bicol na dati ay amin lang pinangarap. Nabuo nang unti-unti ang ruta, saan titigil para sa kaunting pahinga at saan magpapalipas ng gabi, at kung magkano ang magiging budget ng bawat isa dahil hindi biro ang layo at hirap nito, panigurado ay mapapagastos ka ng malala. Iba ang kilig, saya at kaba na halo-halo mong mararamdaman sa pagpaplano ng ganitong klaseng adventure. Lumipas ang 3 buwan – March 2023 na. Napagkasunduan na ang magiging petsa ng aming pagpadyak ay sa March 12, 2023 ng gabi.

At dumating na nga ang aming pinakahihintay na araw – March 12. Umalis kami ng bahay ng aking labidabs na si CJ – ang katuwang ko sa buhay at sa kwentong-padyak – para kitain sa Shell C5-Tiendesitas ang isa sa aming makakasama – si Boom, ang aming timon, route navigator at isa sa mga kalabaw sa ride na ito dahil sa dami ng kanyang bitbit. At sumunod na kinita namin sa Paseo De Roxas ang pangalawa naming makakasama, ang nag-iisang senpai ng grupo, si Venjie – ang “alas”.. alaskador kapag laspag na kami ni CJ, biro lang. Siya ang hihila at tutulak sa’yo kapag pakiramdam mo na susuko na ang katawan mo. At buo na kami, dito na magsisimula ang kwento ng aming biyahe. Maliwanag na sa aking isip sa mga oras na ito na hindi na isang imahinasyon ang pagpadyak papuntang Bicol dahil heto na, magkakasama na kami at seryoso ang lahat na marating ang rehiyon na iyon.

March 13 – 12:07 AM – unang tigil namin para magpahinga. Tatlong oras na padyak na ang nagawa namin sa mga oras na ito. Sa 7-11 na aming paboritong spot ang aming pinagpahingahan. Hindi ko maalala pero sa Laguna na ito. Kape, pandesal, chichiria o kahit anong pwedeng manguya para lang makapagkarga ulit ng lakas at pagkatapos nito, larga na ulit.

4:12 AM, nakapasok na kami ng Tiaong, Quezon. Dito, sobra na yung adrenaline sa katawan ko dahil ang iniisip ko, itong probinsyang ito na lang ang pumapagitan sa amin sa Bicol matapos naming baybayin ang Laguna at Batangas. Malayo pa, pero malayo na. Sabi nga namin, “Point of no return” na ito. Tuloy lang sa pagpadyak; sinamantala namin dahil malamig pa ang paligid. Nakakaantok ng bahagya, kaunting hilamos lang, gising ka na ulit. At tuluyan na ngang nagpakita si Haring Araw at maliwanag na nang marating namin ang bayan ng Lucena. Dito rin inabot ng sumpa si Boom. Habang nagkukumpuni ng gulong ay sinamantala na rin namin ito para makakaen ng kaunti – pares at kanin, paboritong kombinasyon.

Tuloy-tuloy lang ang padyak, nakaakyat na kami ng old zigzag road sa Atimonan (mga ala-una ng hapon). Kilig syempre, ngpahinga lang kami saglit at kwentuhan habang ninanamnam ko yung paligid at yung fulfillment. Narating naming ang coastal area ng Gumaca, 4:32 na ng hapon at ginabi na kami sa Lopez bandang 8:33 pm. Nakaramdam ako ng kaunting kaba dito dahil hindi namin alam ang paligid at talaga namang madilim. Halos maiyak dito si CJ kaya pinag-gitnaan namin siya. At sa oras na ito, nahiwalay si Boom sa amin. Hindi namin sigurado kung nauna siya o naiwan. Tatlo na lang kaming pumadyak hanggang sa marating namin ang Calauag. At dito na kami nagpalipas ng gabi sa Villa Linel, 9:06 na ng gabi – eksaktong 24 oras nung umalis kami sa Maynila – 235.3 KMS ang kabuuang layo na nakuha namin sa araw na ito. Sa wakas, malambot na kama at malamig na kwarto para sa nakakapagod na araw. Bukas ay panibagong sikad ulit.

Pangalawang araw na, March 14, 7:03 ng umaga. Ayos na ulit kami ng aming mga gamit, kargado na ulit ang mga ilaw at powerbank, almusal at pagkatapos, laban na ulit. Si CJ naman ang kalabaw sa araw na ito. Nakiusap siya na siya naman ang magdadala ng mga gamit na dinala ko nung unang araw mula sa Maynila. Kilala ko naman si CJ, di hamak na talagang malakas at mas mahaba ang endurance niya kesa sa akin. Pasikat na si Haring Araw nung magsimula kaming pumadyak. 11:06 ng umaga nang marating namin ang Gateway to Bicolandia arch! Syempre picture-picture muna. 12:32 nang makapasok na kami sa Tagkawayan.

Fast forward – 4:30 PM, naapasok na kami sa probinsya ng Camarines Sur – officially, nasa Bicol na kami! Buhay na ang mga diwa at dugo namin dahil konting padyak na lang at nasa Legazpi na kami. Nagkita-kita kami ulit 4 sa Del Gallego, alas-5 na ng hapon yun. Nagusap-usap na kami na sa Sipocot na lang magpalipas ng gabi dahil hindi na kakayanin ng oras kung idi-diretso pa namin ang Naga ng madilim buhat na rin ng kundisyon ng kalsadang babaybayin naming kasabay ang mga sasakyang palabas at papasok ng Cam Sur. At di nga kami nagkamali; may mga malalaking truck pa kaming nakakasabay at nakakasalubong.

Alas-6 ng umaga – March 15 – pangatlong araw at huling stretch na ng aming padyak, Sipocot to Legazpi, Albay. Susunod na bayan na ang Naga, 10:06 AM ng makarating kami, kaya talagang alam na namin na tagumpay kami na kami sa aming pangarap na padyakin to. Ganun na lang din ang excitement namin na makita, syempre, si Mayon. Dati na sa libro ko lang nakikita ang mga ito. Oo, perfect shape daw sabi sa mga nababasa ko sa libro, pero syempre, iba pa rin pag ang mata mo na mismo ang nakatingin at nakasulyap sa bulkan na sa libro ko lang nababasa noon. At hindi nga ako nagkamali, dahil pagpasok namin sa probinsya ng Albay bandang 2 PM, eto na, halos hindi na maalis ang mata ko habang pumapadyak. Nakakamangha, tigil ang hininga, tanggal lahat ng pagod. Yung dati, pangarap ko lang, eto na, tinitingnan ko siya habang papalapit na rin kami sa aming destinasyon, ang bayan ng Legazpi, Albay.

7:45 PM, 488.15 KMS from Manila, 3 araw na padyakan sa init at ulan, dilim at liwanag, patag at lubak, liblib at siyudad, eto na, nasa Legazpi, Albay na kami. Pakiramdam ko, kaagad ay taga-dito ako, ang gaan na parang hindi ako mawawala o maliligaw o ma-out of place sa probinsyang ito. Iba talaga ang dating sa akin na isang Manilenyo na lumaki sa ingay ng Maynila. Payak at simpleng mga istruktura at establisyemento. Napaka-welcoming din ng mga tao lalo’t pag nalaman nila na taga-Maynila ka at napunta ka doon gamit lamang ang bisikleta. Na para bang sobrang proud nila dahil madalas dayuhin ang probinsya nila ng mga taong mula pa sa iba’t-ibang lugar sa bansa – naka-kotse man, motor o bisikleta. Nagpalipas na kami ng gabi sa Siville inn at may isang malapit na kaibigan sa aming trabaho ang dumalaw ang nag-bigay ng aming hapunan, Maraming salamat Lester! Lumpiang shanghai, kanin, at syempre dahil nasa Bicol kami, BICOL EXPRESS! Kain, konting kwentuhan tapos borlogs.

March 16 – gala mode na kami! Nanamnamin na namin ang ilang araw na nalalabi bago kami ulit umuwi. Ikot sa sentro ng Legazpi, akyat sa Highlands Park para makakuha ng magandang view ni Mayon. At ayun, dito na rin pala natatapos ang visa ni Senpai Venjie dahil kailangan na niyang umuwi. Kaya naiwan kami ni CJ at tumuloy sa gala. Cagsawa Ruins at Embarcadero de Legazpi ang mga huling pinuntahan namin. Sana ay marami pa kaming araw para makagala, kulang ang 2 araw na natitira sa amin sa para makagala ng husto. Pero ganun talaga, napagbigyan na kami kaya sapat na ito sa ngayon. Kinabukasan, March 17, tumungo na kami sa bayang kinalakihan ni CJ – Bayan ng Donsol sa probinsya ng Sorsogon. Shucks! Hindi lang ang probinsya ng Albay ang narating ko, pati ang Sorsogon, narating ko na rin! Nandito yung kapayapaan na hinahanap ko! Tahimik, payak na pamumuhay, pansamantalang nakapahinga at nakaiwas sa lason at nakakapagod na mundo ng Social Media, at syempre, sa nakakapagod na reyalidad ng buhay sa Maynila. Lahat ng ito, pansamantala kong nakalimutan. Lalo na’t sobrang galak ng pagtanggap sa akin ng mga kamag-anak ni CJ, kaya hindi ko naramdaman na out of place ako. Hindi ko naramdaman na iba ako sa kanila at sa lugar na iyon. Tulad nga ng sabi ko, parang taga-doon na ako.

At dumating na ang araw ng aming pag-uwi, March 18. Oo, nangilid ang luha ko dito dahil pansamantala kaming magpapaalam ulit sa lugar na nagbigay sa amin ng saglit na kapayapaan at pahinga. Sinabi ko talaga na dapat makauwi kami sa Bicol kahit isang beses kada taon. Ang laki ng binago sa akin ng Bicol. Parang isang bisyo na hahanap-hanapin ko at hindi na mawawala sa akin (at talagang ito yung bisyo na hindi ko na gugustuhing mawala sa akin). Pangako namin na babalik kami ulit dito sa rehiyong ito, bus man o bisikleta.

Isang bagay lang ang siguro’y aking pinanghinayangan – ’yun ay hindi kami kumpletong 4 ang nakarating sa Legazpi. Pero malay natin, mauulit ito soon at still, grateful kami dahil nakarating kaming lahat ng safe papunta at pauwi. Sa ngayon, ang susunod naming plano ni CJ ay ang tuparin ang isang pangarap naming loop – ang Mayon 360. Isang kwento na habambuhay naming maitatago at sasariwain kapag dumating ang araw na kami ay magre-retiro na sa pagpadyak.

At ayun na nga..`

Sampung buwan mula nang gawin namin ang Manila-Bicol – NATUPAD NA NAMIN ANG MAYON 360! Abangan sa susunod na kwento. Maaari niyo rin panoorin muna pansamantala sa aming YouTube Channel ang short compilation ng aming Manila-Bicol Ride (Magayon! Manila-Bicol 2023 | Budol Bikeventures) at Mayon 360 (Mayon 360 | Bicol Tour 2024 | Budol Bikeventures). Ito po ang link ng video namin, https://youtu.be/49sOpc_fsC0?si=l3bk1Ekdv0nf3A5d .Salamat!

Leave a Reply