Mapita Munggo Ride

ni: R. Rante

Isa sa mga scenic road ngayon na makikita sa Rehiyon 1 ay ang Daang Katutubo. Ang daan na ito ay naging tulong upang mapabilis ang pag-biyahe ng mga kapatid nating katutubo na naninirahan sa lugar papunta sa kalapit barangay o kabayanan. Hindi rin siyempre papahuli ang mga kapatid nating mga siklista na puntahan at bigyang-tanaw ang napakagandang bahagi ng rehiyon. Pinagi-gitnaan ng Cordillera Central at Zambales Range, makikita ang maliit na munisipalidad ng Aguilar sa Pangasinan. Kailan ko lamang ito nakita sa internet at ako’y nabigla na may daan pala na ginagawa mula Pangasinan papuntang Zambales. Na-excite ako at nagsaliksik din ng mga litrato at drone shot tungkol sa ginagawang daan. Napakaganda nga talaga ng lugar ito marahil ito ay isang dahilan kung bakit pinupuntahan ito ng mga siklista. Bukod sa pag-ahon o simpleng loop (Daang Kalikasan-Katutubo), matatanaw mo rin dito halos ang buong Pangasinan at mga burol at bundok na nakapaligid sa daan. Isa si Ranz at Jay ang sumubok ng daang ito noong nagkaroon sila ng ekstrang oras upang maipagmalaki nila ang kanilang kinagisnang lugar. Halina at basahin natin ang kanyang istorya tungkol sa pagbibisikleta nila papuntang Mapita.

Isa sa mga tumatak na bike camping trip namin ni Kuya Jay ay yung ride namin sa Mapita sa Aguilar, Pangasinan. Hanggang ngayon, napag-uusapan pa rin namin ung experience namin sa ride na iyon dahil sa hirap (lalo na at di na gaanong nag-eensayo si Kuya Jay sa bisikleta), pangamba at sakit sa katawan na dinulot namin sa ride na iyon.

Mula Urdaneta City, lagpas 75KM yung spot ng campsite namin around Mapita. Malapit lang para sa ibang siklista ito, pero para sa amin ay parang na itong isang linggo pagpadyak nang walang katapusan. Mula doon sa viewdeck, bababa ka ng bundok papunta sa ginagawang part ng daang katutubo kung saan may mababaw na ilog. Paakyat pa lang ng Mapita viewdeck eh sumuko na si kuya Jay dahil sa pagod at tarik ng daan kaya napagpasyahan naming mag-hitch nalang sa dumaraang sasakyan A.K.A – “Ipinagbabawal na teknik!”, sa ibang biker. Laking pasasalamat namin dahil mayroong mabait na nagsakay sa amin na nagtatrabaho sa isang construction site sa taas ng bundok.

Pagbaba, eh agad din kaming nag-ride papunta sa site. Sobrang relax na ang riding dahil pababa na ito ng bundok. Ito na ung part na kung saan maiisip mo kung bakit ka nagba-bike dahil sa sobrang ganda ng view! Kitang-kita mo rin ang berdeng mga bundok/burol na walang kabahay-bahay at sa likod naman nun eh ang malawak na kapatagan. Habang palusong kami sa daan ay nagawa naming magtawanan at magsigawan dahil na rin sa excitement. Nang makarating kami sa ilog, naghanap kaagad kami ng mapagpupwestuhan. Naglakad-lakad pa kami at may ilan pa kaming nakitang naliligo at yung iba naman ay pauwi na. Habang naglalakad, eh may napansin kaming malinis na sapa na karugtong ng ilog kaya sinundan namin ito hanggang nahanap na namin ang tamang lugar para sa gabi.

Mga 3pm na ata noon nung makahanap kami ng spot. Nag-ayos na agad kami ng gamit at nagplano na magluto ng hapunan. Kaso noong magsasaing na, hindi mahanap ni Kuya Jay yung lighter niya. Patay! Handa na ang panggatong at hugas na ang bigas, pero walang pansindi. Noong mga oras na iyon pagod narin talaga kami, nag-iisip kung saan kukuha ng pang-sindi. May time na naisip namin na papakin na lamang yung noodles na nabili namin sa palengke para maibsan ang aming gutom at bukas na lang bumawi ng kain pag pauwi na.

Pero naalala ko, may nagko-construction nga pala sa ilog, kaya naisip kong manghiram ng lighter o posporo kasi baka yung iba naman sa kanila eh nagyoyosi. Kaya lumakad ako palabas sa ilog at may napansin akong parang shed o bahay ng mga nag-tratrabaho doon, tinanong ko kung pwede bang bilhin yung posporo na kanilang ginagamit at pinaliwanag na din sa kanila aming sitwasyon. Sakto namang nagluluto na rin sila, kaya ang sabi na lang nila eh kumuha na lang daw ako ng kahoy na may baga at iyon na lang ang dalhin ko sa spot namin.

Habang naglalakad ako pabalik sa spot, eh nai-imagine ko ung mga sinaunang tao, para akong nanghingi ng apoy galing sa kabilang tribo. Nakabalik muli ako sa aming spot at sa wakas ay nakapag- umpisa na rin kami magpaapoy. Habang inaantay naming maluto ang pagkain, nagbabad na rin kami sa sapa at ni-relax ang katawan. Mabilis dumilim sa spot namin dahil napapaligiran kami ng puno at nasa gitna pa ng mga bundok. Pagdating ng gabi, konting kwentuhan at laro sa cellphone lang ang ginawa namin pampaantok dahil walang signal sa lugar. Tanging kaluskos lang ng mga puno at daloy ng sapa ang maririnig mo. Sa sobrang tahimik ng lugar, akala ko noon hatinggabi na, pero pagtingin ko sa oras ay mag-aalas-otso pa lang ng gabi. May mga oras din na bigla akong nagigising dahil may naririnig akong gumagalaw sa paligid. Pagtingin ko, si Kuya Jay pala, inaayos lang yung bonfire. Iniingatan niyang huwag maubusan ng gatong dahil baka wala kaming mapaglutuan ng almusal kinabusakan.

5am ata nung gumising kami, kinaumagahan at nagsimula na rin kaming mag-prepare ng almusal. Ang plano namin ay mag-ride out para malamig pa at di kami mahirapan sa ahunan, pero nag-enjoy kami sa pag-iikot sa lugar, kaya late na noong pumadyak kami papuntang view deck. Sa pag-akyat namin sa Mapita viewdeck, eh ilang beses din kaming huminto gawa ng init at pagod. May iniinda na rin si Kuya Jay, at ito ay ang masakit niyang tuhod, kaya naman doble pahirap talaga sa kanya itong araw na ito. Ngunit hindi naman ito karera at pagkatapos ng ilang minuto, nakarating din kami sa viewdeck. Pagdating namin sa taas, tumambay muna kami saglit, konting video at picture para naman may remembrance.

Sobrang ganda talaga ng view sa taas. (highly recommended ko itong mapuntahan ninyo pag dadaanan kayo sa Aguilar.). Mabilis na lang ang pababa ng viewdeck papuntang main road. Sa biyahe pauw,i eh nakarami pa kami ng hinto dahil sa sumasakit na tuhod ni Kuya Jay. May mga oras na kailangan ko na siya itulak dahil sa maliliit na ahon sa daan namin pauwi. Hapon na noong nakarating kami sa aming mga bahay noong araw na iyon, pasalamat kami na ligtas at kahit may aberya, nagawan namin ito ng paraan. Gamit ang aming surplus na bisikleta, nakarating kami sa lugar na pinapangarap lang naming puntahan noon. Nagustuhan ko rin iyong ideya na parang survival mode kami bigla dahil wala kaming pansindi. Kaya sa susunod na padyak namin sa malayo, titiyakin na namin na kumpleto ang aming gamit bago sumabak sa ride at magdadala na rin ng ekstrang lighter kung sakali. Kung interisado kayo sa simpleng bike trip namin sa Pangasinan, maari ninyo panuorin ang aming video sa link na ito: https://www.youtube.com/watch?v=wUfZ8iQMEVE

Leave a Reply