ni: R. “Delo Lang” Ramos
Sino nga ba ang hindi magiging excited sa una mong long ride, lalo na kung papunta ito sa Marinduque Island? Si R. Ramos at kanyang mga kaibigan ay sinubukang maglakbay papunta sa tinaguriang ‘Puso ng Pilipinas’. Mula sa pagsakay nila sa bus at roro, makipagkita sa kaibigan at kung anu-ano pa, tunay nga na ang pagbibisikleta ay isang aktibidad kung saan masusubok ang iyong pisikal at mental na kakayahan. Halina at sundan natin ang kaniyang maikling kwento tungkol sa kanilang pagbibisikleta papuntang Marinduque.
Ito ang first long ride ko kasama ang aking bisikleta papuntang Marinduque, ‘Ang Puso ng Pilipinas’ via Tayabas Bay. Limang kaming riders pumunta dito, si Kuya Marjun, Kuya Tolits, si Owen, ako at si Sir Botong.
Unang araw: Simula sa Pasig, pumadyak kami papuntang Pasay para sumakay ng bus papuntang Dalahican Port sa Lucena. Dito sasakay kami ng roro papunta sa Marinduque, in short, pinagbabawal na teknik HAHAHA at walang problema dun. Isinakay namin ang aming mga bisikleta sa bus (nakakatuwa kasi pwede pala yun haha). Pagdating namin sa pier ay may unang aberya na agad at yun ay nawala ang bolt ng skewer ni Owen hindi na namen napansin kung saan ito napunta siguro sa pag- tangal ng gulong niya, ayun nahulog sa compartment ng bus (tip dala na din kayo extra bolt).


Pagkatapos noon, inayos na namin ang aming mga gamit at bisikleta at sumakay na kami ng roro pa Marinduque. Grabe ang saya ko! First time ko kasi makasakay sa roro haha. Hindi din ako makatulog sa biyahe dahil pilit kong pinagmamasdan ang kapaligiran (dagat/look), yun nga lang gabi kami bumiyahe kaya wala ako gaanong makitang view sayang. Medyo madilim pa nung dumating kami sa Marinduque, kaya sa pier kami muna nagpalipas ng oras habang hinihintay na mag-umaga. Iba ang pagkaka-welcome sa amin ng mga tao dito, akala mo turistang-turista kami lalo na si Sir Botong, na akala mo ay G.I. Joe sa set-up ng bike at si Kuya Tolits na gamit ang kanyang fatty haha. Nang lumiwanag na, bumiyahe na kami. Grabe ang view ng Marinduque! Bumungad na agad sa amin yung ganda ng karagatan. Bawat stop over namin ay napapa-thank you na lang ako talaga at na-experience ko ang mga ganitong bagay.
Sinimulan na namin ang biyahe papuntang Mogpog, iba talaga ang pag-welcome ng mga taga-probinsya sa amin sa daan. Mga batang nakikipag-apiran at mga lokal na manghang-mangha sa ginagawa namin, kalokohan hahahaha. Ito rin ang unang pagkakataon kong makakita ng Moriones. Potchaa pare, sa totoo lang natakot ako sa itsura nila hehehe sa mga post card ko lang kasi ito noon nakikita pero ngayon nakikita ko na sila ng personal. Para silang papasok sa panaginip mo (sa tuwing maaalala ko ang kanilang mukha) hahaha. Binaybay na namin ang kahabaan ng Marinduque, grabe din ang kalsada nila na akala mo walang mga sasakyan dumadaan. Pwede ka kasi gumitna/humiga nang walang pag-aalinlangan hahaha (first time ko kasi to kaya tuwang-tuwa ako sa lapad ng kalsada). Bawat bayan may mga Moriones kaming nakikita, naglalakad sila at panata daw ng mga lokal yun habang tinatakot mga bata hehe.


Dito ko rin naranasan iyong pagkaantok sa biyahe, as in, makakatulog talaga ako habang pumapadyak dahil sa puyat at pagod. Siguro hindi pa talaga sanay ang katawan ko sa ganitong aktibidad kaya ganun na lamang ang aking naramdaman. Habang bumi-biyahe kami, naghanap na rin kami ng matutuluyan na pwede naming pagtayuan ng tent o hammock. Ang plano ay sa mga gilid-gilid lang sana kami tutuloy para talagang adventure, pero may mga siklista kaming napag-tanungan na may alam kung saan pwede tumuloy ngayong gabi (syempre hindi libre). Dahil sa pagod namin, napagdesisyunan na namin na dun na lamang tumuloy sa lugar na inalok sa amin. Dumiretso kami sa lugar at po*aaaa buong resort pala ang inarkila namen hahahaha…


Doon na nga kami nagpahinga at nagpalipas ng buong gabi. May naganap din na kaunting inuman at foodtripan. (BUENAVIZTA ang lugar hindi ko na maalala anong resort)
Pangalawang araw ng aming Marinduque Loop: Chill ride lang ito at nakapag-recharge na ang lahat. Papunta na kami sa Poctoy beach, Torrijos Marinduque. Mala Boracay na buhanginan daw ito ng Marinduque. Ang sarap ng rides namin dito, napaka-ganda ng isla hindi ko din na alam k-ng hihinto ba ako para mag picture or magpapatuloy dahil na din sa view (sa kaliwa ay kabundukan sa kanan naman ay karag at ang simoy ng hangin dito. Sa kaliwa mo kabundukan). Grabe talaga yung view dito, nagpapasalamat ako palagi dahil naranasan ko yung ganitong aktibidad, yung tipong makakapunta kahit sa ang lugar ng naka-bisikleta. Doon na kami nag-stay sa Poctoy at nagtayo na rin kami ng tent habang ninamnam ang magandang karagatan. Siyempre, may kaunting inuman ulet hahaha.




Pangatlong araw:Â Tinuloy na ulit namin ang loop, papunta naman kami ngayon sa bayan ng Sta. Cruz at ini-e-enjoy ang kagandahan ng Marinduque. Sa totoo lang, napakapayapa talaga ng lugar kaya siguro tinawag itong ‘Puso ng Pilipinas’ at ‘zero crime’ ang lugar na ito. May mga iilan din kaming nakitang Moriones sa daan na namamanata. Nakakatuwa rin yung mga kasuotan nila, kala mo mga Hudyo talaga sila. Ang destinasyon namin ngayon ay sa simbahan ng Sta. Cruz, doon na rin kami magpapahinga ng hapon at pagkatapos direcho kami sa bayan ng Mogpog.


Kila Tol Joram kami tutuloy isa sa mga tropa/punk sa Marinduque Facebook friend ko siya at never ko pa siya nakikita ng personal kaya nung nalaman niya na nasa Marinduque ako, kinontak niya kaagad ako. Nagkita kami at nagkamustahan, naki-tuloy na din kami sa kanilang bahay para makatipid. Grabe iba din ang nagagawa ng punk rock music, marami kang nakikilala, nagiging kaibigan at higit sa lahat ay pag-welcome nila sayo ay buo. Doon na kami nagpalipas ng gabi, at syempre may kaunting…


Paggising ng umaga, may hangover pa, pagisaw muna kami at muling tutuloy sa pagpadyak. Diretso kami ngayon sa Boac para manood ng prusisyon ng Moriones. Paglabas pa lang ng bahay nila Joram ay bumungad sa amin ang isang pamilyang Moriones. Ang gaganda ng mga costume nila, akala mo mga Marvel character sila hehehe. Nagpa-picture din kami sa kanila bago ipagpatuloy ang aming paglalakbay.


Hindi pa kami nakakalayo at si Sir Botong ay may iniinda na sa kanyang katawan. Nagpasya siya na bumaba (iwan na lamang siya) at ituloy na namin ang aming plano. Dahil magkakasama kame sa biyahe, hindi namin pinabayaan si Sir Botong. Sinundan namin siya pababa kung saan sa isang lilim ng puno siya nagpahinga. Pagkatapos noon ay nagpahatid na rin si Sir Botong sa Marinduque Provincial Hospital. Hindi na rin namin tinuloy ang natitirang kilometro ng ride dahil kailangan namin din magpahinga at bantayan si Sir Botong. Pagkatapos noon ay bumalik na kami sa bahay ng aking tropa/punk at nagpahinga.
Habang nagpapahinga, nakatanggap kami ng masamang balita tungkol kay Sir Botong. Nakakabulabog ito, hindi kaaya-aya (sa iba). Ang aming G.I. Joe na si Sir Botong ay pumanaw na dahil sa atake sa puso. Nakakalungkot isipin na sa kabila ng masasayang rides namin ay nauwi ito sa hindi inaasahang pangyayari. Sa edad na 62 si Sir Botong ay pumanaw sa MARINDUQUE, ‘ANG PUSO NG PILIPINAS’, maraming salamat sa pagsasama at gabayan mo rin kami sa aming future rides. RIDE SAFE IDOL!!!


Leave a Reply