ni: B. Javier
Katatapos pa lamang naming bumisita sa Cordillera ng aking mga kaibigan ay hindi na agad mawala sa isip ko na balikan at puntahan ang rehiyong ito nang nakabisikleta. Marso ng 2013, may imbitasyon kaming natanggap ng aking EX-GF (asawa na ngayon) mula sa aming mga kaibigan sa Maynila na nag-aaya papuntang Sagada. Ito ay isang tour package na may recreational activities at site seeing. Dahil sa hilig ko sa pagbiyahe, sumang-ayon agad ako kahit na hindi pa ako pinapayagan ng aking boss sa trabaho. Pahirapan ang pagpapaalam dahil ang buwan kung kailan kami aalis ay buwan kung saan maraming gagawain sa eskwela. Pero pagkatapos ng walang katapusan lambing, napapayag ko din ang aking boss. Naging masaya at hindi ko makakalimutan ang mga pangyayari noong kami ay nasa Cordillera. Klima, bundok, mga tao at kung anu-ano pa; lahat ng ito ay sulit at kailangan talagang balikan (pabulong kong sinabi sa asawa ko) ng naka-bike!


Abril 2013, bakasyon na ng mga bata, ilang linggo din matapos kaming pumunta sa Sagada. Sariwa pa sa isip ko ang daan at mga lugar na pwedeng hintuan upang magpahinga o kaya naman mag-picture ng epic na mga litrato. Nagpaalam din ako sa aking asawa na baka anim hanggang pitong araw akong magbibisikleta papuntang Cordillera. Umalis ako ng aming bahay sa Bulacan ng madaling araw at tinahak ang MacArthur Highway na nagsisilbing daan ng mga turista patungong Hilaga. Malamig pa noong umagang iyon kaya hindi ko pa ramdam ang init ng daan. Nagpatuloy akong pumadyak hanggang makarating ako sa Nueva Ecija. Patanghali na at unti-unti ko na ring naramdaman ang pag-init ng daan at kapaligiran. Wala namang naging aberya sa daan maliban sa mga sasakyan at bus na nag-uunahan upang makuha ng pasahero. Hindi rin mawawala ang mga tanong ng mga nagtitinda kung saan ako pupunta sa tuwing may bibilhin ako sa kanilang tindahan.
Pumadyak pa ako ng ilang oras at narating ko ang boundary ng Nueva Ecija at Nueva Viscaya. Dito na ako kinabahan nang makita ko ang mga bundok na aahunin ko papunta sa aking destinasyon. Ilang oras na rin akong umaahon sa highway na ito at tila bang walang katapusan papunta sa aking tutuluyan. Medyo makulimlim din noong hapon na iyon, kaya dasal ko na sana ay huwag umulan (umambon lamang). Ilang minuto lang ang nakalipas at nakarating na rin ako sa Sta. Fe, Nueva Ecija. Laspag at gutom, dito na ako magpapalipas ng gabi para sa kinabukasang hamon.


Kinaumagahan, medyo late na ako nagsimula. Ngayong araw na ito ay may 50 kilometrong lusong lamang at 5 km na ahoon ang aking gagawin upang makarating sa bahay ng aking estudyante malapit sa Mt. Palali. May mangilan-ngilan na rin na sasakyan ang dumadaan sa daan, hudyat na malapit na ako sa kapital ng probinsya. Pasado tanghali na nang narating ko ang ‘turn-off’ point ko. Mula dito, limang kilometrong ahon ang aking babagtasin. Medyo gutom na rin ako at hindi na makapaghintay mag-lunch at makita ang aking mga estudyante na naghihintay sa taas ng burol. Late na ako nung marating ko ang bahay ng aking estudyante sa Bayombong. Nakakain na rin sila ng tanghalian at nagliligo na sa maliit na talon malapit sa kanilang bahay.


Napakaganda ng tanawin at sobrang tahimik sa kanilang lugar, tanaw mo din ang Mt. Pulag at iba pang mga bundok na makikita sa Cordillera. Nagpahinga lamang ako nung kinahapunan at nag ikot-ikot sa lugar habang tine-text ko ang aking asawa. Natapos ang araw ko nang tawanan, kwentuhan at lokohan; dahilan upang maka-recover ako ng mabilis para sa aking sususunod na destinasyon.


Ikatlong araw at umpisa na ang tunay na ahunan! Maaga pa lang at nilisan ko na ang Bayombong dahil ang layunin ko ngayon ay makarating sa Banaue. Nag-message din ako sa aking asawa na paakyat na ako ng Cordillera. Mabilis akong nakarating sa boundary ng N. Viscaya at Ifugao at simula dito ay masasabi kong pahirapan na talaga. Umahon ako hanggang Kiangan at ito na ata ang ahon na walang katapusan. Tahimik at walang masyadong sasakyan ang dumadaan dito. Wala pa rin ang mga scenic views na maaari mong kunan ng litrato.
Padyak, hinto, hingal at pahinga; ito ang naging routine ko habang paakyat ng Banaue. Mga ilang oras pa ng pagpadyak at unti-unti ko nang nakikita ang naglalakihang mga bundok sa Cordillera. Hindi ko ma-explain pero iba talaga ang pakiramdam ko sa tuwing nakakakita ako ng bundok/burol, nakakawala talaga ito ng pagod. May mga ilan din akong lokal na nakausap at nakabatian habang inaahon ko ang aking bisikleta sa kanilang lugar.
Gabi na nang makarating ako sa Banaue, habang naghahanap ng matutuluyan, biglang bumigay ang aking kadena. Naghanap ako ng shop, ngunit sarado na lahat. Dumaan din sa isip ko na hindi ko na maitutuloy ang aking pagpunta sa Sagada dahil sa aberyang ito. Nagtanong-tanong pa ako kung may bukas pa na bike shop, wala! Habang umiikot-ikot ako, may nakakita sa akin na isang mekaniko/siklista at tinanong kung anong problema ng aking bisikleta. Sinabi ko sa kanya na naputulan ako ng kadena, sinabi ko din sa kanya na first time ko pa lang naputulan at hindi ko pa na-experience magbaklas ng kadena gamit ang aking dalang chain breaker tool (China made). Sinabi ko rin sa kanya na hindi ko alam kung mailalagay ko nang maayos ang missing link at pins dahil na rin sa pagod at sa pagiging first-timer ko sa paggamit nito. Salamat na lang kay manong at tinulungan niya ako ayusin ang aking kadena, tinuruan niya rin ako kung panu gamitin ang tool at link na aking dala.
Ilang minuto lang ang nakalipas ay napadyakan ko ulit ang aking bisikleta at nakahanap din ako ng murang matutuluyan. Naghihina at wasak na mga binti, tinapos ko ang araw na iyon ng isang bote ng beer at sinigang habang ninanamnam ang nalalapit kong destinasyon at mga aral na natutunan habang ako’y naglalakbay gamit ang aking bisikleta.




Animnapu’t-walo, ito ang kilometrong babagtasin ko ngayon. Handa na rin ako sa mga aberya na mangyayari sa daan (kung maputulan ulit ng kadena haha). Dahan-dahan kong sinimulan umahon papunta sa arko ng Mt. Polis. Banayad lamang ang ahon dito, pero medyo mahaba. Pagkatapos ng ilang oras na pagpadyak, DH na! Ito ang pinaka-aabangan ko, halos 30 km na lusong papuntang Dantay. May pagkakataon din na humihinto ako upang kumuha ng litrato at tanawin ang ganda ng lugar. Mga katanghalian tapat, may nakasalubong akong grupo ng siklista galing Maynila. Nagbatian lang kami at nagtanungan kung saan ang ruta na aming tatahakin. Pagkatapos noon ay pinagpatuloy ko na ang aking pagpadyak hanggang makarating sa Staunton Road. Bago ang saya, pinahirapan muna ako ni Staunton Road. Umahon ako bandang ala-una ng tanghaling tapat at masasabi ko lang na ubos na ang aking natitirang lakas. Kada sampung minuto ay humihinto ako para magpahinga, ilang kilometro lamang ang aking babagtasin pero tila hindi ko mararating ang arko ng tamang oras. May mga bata rin akong nakita na nagte-training paahon sa Staunton gamit ang kanilang hardtail, kaya naman nakadagdag ito ng pressure (haha) sa akin.


Makalipas ang ilang oras, narating ko rin ang arko ng Sagada! Ang sarap ng feeling na nakarating ako dito gamit ang aking bisikleta. Nag-text agad ako sa aking asawa na nakarating ako nang safe sa Sagada at mag-iikot-ikot muna bago magpahinga. Sinulit ko ang araw na iyon habang hinihintay ko ang paglubog ng araw. Malamig at sakto lang ang turista noon, kaya pakiramdam ko ay taga-doon ako. Habang kumukuha ng litrato, may lumapit sa aking mga turista para magpa-group picture. Galing sila sa Baguio (Cordillera), pero ang pakiramdam daw nila sa Sagada ay para kang nasa Nepal/Himalayas (na walang yelo). Binaggit ko rin sa kanila na ganun din ang aking naramdaman, kaya kung mag-aaya sa akin papunta dito, hinding-hindi ko ito tatanggihan.
Naging masaya ang aking paglalakbay dahil sa mga aral na napulot ko at siguradong marami akong kwento na maibabahagi sa aking mga kaibigan sa hinaharap. Nagpatuloy ang aking pag-pedal patungong Abatan kinabukasan at dito na rin ako sasakay ng sasakyan papuntang Baguio at pauwi ng Bulacan. Naka-receive na rin ako sa wakas ng text message galing sa aking asawa pagkatapos ng ilang araw na paglalakbay sa Cordillera. Handa na rin akong bumalik sa lugar na ito (iba’t ibang ruta) sa susunod na taon para maibsan ang stress at para na rin palakasin ang aking sarili sa paglalakbay nang mag-isa. Hanggang sa muli, Cordillera!


Leave a Reply