ni: B. Javier
Tapos na naman ang nakakapagod na buwan. Nagpasiya ako na saliksikin muli ang mga hindi ko pa napupuntahang lugar dito sa island state. Ang rutang ito ay may halos dalawang taon ko din pinag-aralan at hinintay ang tamang araw (base sa sched. at weather) upang mapuntahan at ma-enjoy ko ulit ang outdoors. Target ko itong matapos sa loob ng isang linggo (500+ km/11,000+ elev.) at hopefully maka-record ng ayos na video. Ang mga susunod ay ang aking maikling multi-day ride dito sa Tasmania (ulit).
PUNO NG SORPRESA
Inaantok at pagod pa rin ako sa trabaho kahapon, ngunit pinili kong magplano ng isang buong linggong paglalakbay sa ilang hindi pamilyar na lugar dito sa Tasmania (para bigyan ko ng pahinga ang aking sarili at maibsan ang pressure sa trabaho). Mag-iisang taon na rin ang nakalipas mula noong huli akong nakipagsapalaran sa mga lugar na hindi exposed sa nakararami dito sa AU. Umaasa ako na ang aking body clock at mga kalamnan ay madaling mag-reacclimate sa natural na mundo. Nai-DL ko na rin ang aking itinerary at ruta sa aking mga devices at naayos na ang lahat ng mahahalagang bagay para sa biyaheng ito.
Madaling-araw na nang magsimula akong pumedal sa unang bahagi ng ruta. Sinisimulan ko ang aking nakagawiang gawain (umalis ng madaling araw) sa pamamagitan ng pagpadyak sa unang bahagi ng ruta, ang cycle path. Tahimik pa rin ang daan, walang sagabal at solo mo ang kalsada. Ilang oras din ako pumadyak sa dilim nang nagsimulang magpakita si haring araw. Nakarating na rin ako sa panimulang yugto ng ruta na inilagay ko sa aking device. Hindi na rin ako makapaghintay na makita ang kagandahan ng lugar. Naglakbay pa ako ng kaunti sa kahabaan ng isang backcountry road hanggang sa dumating ako sa una kong hamon, isang kaakit-akit na kalsadang na hindi mo basta-basta mapagkakatiwalaan.


Ayon sa aking outdated map, dalawang taon na ang nakakaraan noong itinalaga ito bilang isang pribadong kalsada (ngunit sa Google ay maaari kang dumaan), kaya dapat akong maingat. Bagama’t nababahala at medyo natakot, gumawa ako ng paraan at lakas-loob akong nagbisikleta papasok sa nakasarang gate. Habang nasa burol, nagpakita na ang mga katakut-takot na highlight ng daan. Nakita ko ang mga sunog na sasakyan, isang bahay na may mga basag na bintana, at mga basyo ng bala na nakakalat sa lupa. Napagtanto ko na mas maiging huminto muna ako sa pagre-record at pumadyak nang mas malayo sa area dahil naramdaman ko na may nagmamasid sa akin mula sa malayo at maaaring pagtripan nila ako habang binabagtas ang daang ito. Pagkatapos ng dalawang oras ng pagsisikap sa nakalantad na lokasyong ito, nakatakas na ako at hindi na makapaghintay na magtungo sa kabundukan kung saan ako magtatayo ng tent para sa gabi.
OPTIMISTIKONG DISKARTE
Kinaumagahan, gumising ako nang maaga para bumili ng mga karagdagang supply sa kalapit na bayan pagkatapos baguhin ang orihinal na plano kahapon. Muli, walang kasing-sarap mag-bike ng madaling araw, pure raw kumbaga.
Habang nagpe-pedal, lumilipad na sa isip ko kumain ng napakasarap na pagkain (burger o mainit na fries) para sa agahan. Naisip ko rin na sana makabili ako ng ekstrang snacks (junk food) na magpapanatili sa aking lakas sa araw na ito. Maaga pa noong nakarating ako sa bayan, nag-ikot-ikot ako at may napansin akong maliit na tindahan. Dali-dali kong tiningnan kung bukas ito, ngunit sa kasamaang-palad, naka-lock ito. Umaasa na masiyahan ang aking pananabik, gumugol ako ng isa pang kalahating oras sa paghahanap ng bukas na tindahan ngunit dumating ito sa wala. Sa pag-ubos ng oras, bumalik ako sa aking orihinal na ruta nang bigo at walang dala.


Patuloy akong nagbisikleta at nagnanais na makakuha ng tubig (dahil paubos na ang aking dala). Di kalayuan, nakita ko ang isang kotse na papalapit at naisip ko na ito na ang pagkakataon para humingi ng tubig. Noong malapit na kami sa isa’t-isa ay nagbatian kami at tinanong ako kung okay ba ang pakiramdam ko (kahit nahihiya akong magsalita at manghingi) at kung may kailangan ako. Bigla kong sinabi sa kanila: water! With a look of full desperation, inalok nila ako ng tubig. That time, I felt an overwhelming happiness because I didn’t think na may dadaan sa kalsadang iyon para magbigay ng tubig. Ngayon, sigurado akong tatagal ang supply ko (tubig lang) sa araw na iyon.
ISANG KALMADONG SENARYO
Pumasok ako sa ikatlong araw ng aking pakikipagsapalaran at talagang tuwang-tuwa ako sa mga magagandang tanawin sa rehiyon. Papasok na ako ngayon sa Styx Valley, na kilala sa malalaking puno nito na makikita sa Southern Hemisphere. Ang paikot-ikot na daan sa bundok na ito ay umaabot lamang ng ilang kilometro, ngunit para sa akin, ito ay umaabot na nang walang katapusan. Walang alinlangan, kung wala ang mga punong ito at ang matatayog na tanawin, ang aking mental at pisikal na kapasidad ay siguradong mauubos.


Tanghali na nung nakarating ako sa kabilang bahagi ng lambak. Mula sa malayo, natanaw ko ang katimugang kagubatan, na minarkahan ang huling bahagi ng aking paglalakbay. Nagpatuloy ako sa pag-pedal para marating ang site kung saan ako mag-camp. Dahil maaga pa at mataas pa ang araw, nag-extend pa ako ng ilang kilometro (4 na oras) para matapos nang masaya ang araw.
Pagdating sa campground, namangha ako sa dami ng tao sa site. Maraming pamilya ang nagtipon para samantalahin ang huling linggo ng bakasyon ng mga bata sa paaralan. Habang hindi ako kumpiyansa na makakatulog ako nang maayos dahil sa ingay, mabilis na bumigay ang walang kuwentang katawan ko, at hindi nagtagal ay nakatulog na ako pagkatapos kong ma-set up ang aking tent.


HINDI NATAPOS NA ADVENTURE
Maaga akong nagising habang tulog pa ang ibang mga campers. Masakit pa rin ang aking katawan, lalo na ang aking likod at kamay (kakatulak kahapon). Nagtagal pa ako ng isang oras para mamahinga, ngunit hindi pa rin nawala ang sakit. Sinusubukan kong intindihin ang mga pangyayari kahapon. At ayun, wasted talaga ako kahapon (malamang dahil sa dinagdag kong kilometro noong hapon) at naalala ko na hindi rin ako nakakain ng lunch at dinner kahapon. Sa puntong iyon, naging malinaw na hindi ko matatapos ang buong paglalakbay.
Ang orihinal kong plano ay basagin ang natitirang mga kilometro na maaaring gawin sa loob ng dalawang araw, ngunit sa kalagayan ko ngayon, alam kong hindi ito mangyayari. Nag-impake na ako ng aking mga gamit, kumain ng almusal, at uminom na ng pain reliever, umalis ako bandang 7 am.
Ang pagtatapos ng rutang ito ay 70 kilometro mula sa kung saan ako nakatira, at ang distansya na iyon ay tila makatwiran para sa akin ngayon. Mabilis akong dumerecho sa trail at kinailangan kong mag-pedal nang husto habang umaakyat (dahil tumataas na ang araw), sa huli ay itinulak ko rin ang aking bisikleta ng ilang kilometro. Huminto ako saglit para kainin ang natirang Doritos para makakuha ng kaunting lakas habang nakikinig sa malalakas na ingay (mga ahas na naman) sa paligid ko.


Medyo pagabi na nang marating ko ang masayang bahagi ng biyahe. Mula sa puntong ito, unti-unting bababa ang trail para sa isang malaking distansya sa kahabaan ng Wellington Range. Ito ay easy DH lang sa iba, ngunit para sa akin, ito ay isang slow-or-die na sitwasyon dahil ang aking likurang brake pad ay manipis na. Nagpatuloy ako sa solid trail na ito habang ang araw ay nagsisimula nang mawala ang liwanag. Madilim na nang makarating ako sa junction at sa sakit ng aking kamay at likod, nagpasya akong manatili ng isa pang araw sa kakahuyan. Bagama’t may ilang maliliit na isyu at hindi pa pagtapos sa ruta, na enjoy ko pa rin ang kapayapaan at nagpapasalamat ako na naglaan ako ng oras sa outdoor.
Pagkatapos ng isa pang gabi sa paanan ng bundok, ligtas akong nakabalik sa aming bahay na ramdam ko ang sakit ng mga pantal na natamo ko sa biyahe na kalaunan ay naging mga shingles. Nakapag-record din ako ng video na makikita sa link na ito https://youtu.be/wPIMtg4gNpU?si=qoFSLSZFCMAt2Dkl at hindi na makapaghintay sa susunod kong ruta/adventure dito sa Tassie.


Leave a Reply