Ni: J. Dolot
Ang pariralang “hindi mo kailangang maging mabilis; hangga’t umuurong/umuusad ka, makakarating ka sa iyong patutunguhan” ay nakakuha ng isang makabuluhang aral sa buhay tungkol sa kahalagahan ng pagtitiyaga at pasensya. Ito ang naging karanasan ng dalawang siklistang (hindi talagang magkakilala) na nagkayaan lamang na pumadyak patungong Cordillera. At dahil sa hirap ng rutang ito, ang iba’t-ibang bagay maaaring humantong sa isang ‘the best’ na karanasan. At dahil din sa mahabang pagtitiyaga at pasensya (tungkol sa ruta), natapos nila ang kanilang solid na tour mula NCR/Region 3 papuntang CAR. Ang mga susunod ay ang kanilang istorya tungkol sa pag-pedal nila papuntang new highest point sa Atok.
Day 1 (Bocaue – Baguio City)
Unang araw ng paglalakbay, Disyembre 24, 2023, nagkita kami ng kasama ko sa ride na si Paul sa 7/11 Bocaue, Bulacan. Dito na namin sinimulan ang aming ride sa ganap na alas dose ng madaling araw. Binaybay namin ang mga bayan ng Bulacan at Pampanga, pumadyak nang diretso habang kinikilala ang isat-isa. Unang beses ko pa lang makakasama si Paul sa ride, ngunit kagaya ng karamihan, matagal na pangarap ni Paul ang makarating sa Baguio nang naka-bisikleta kagaya ng una kong itong mapuntahan (excited na may halong kaba samantalang ako naman ay pang-limang balik ko na sa Baguio na dati ko ring pangarap na ruta). Unang pahinga namin ay sa Angeles, Pampanga, mga ika-3 ng umaga. Kami ay nag kape upang mapawi ang aming antok, ika-5 na ng umaga naman ng marating namin ang Bamban Tarlac. Alas-siete ng umaga, nag almusal kami sa Tarlac City at pagkatapos ay nagpatuloy kami sa pagpadyak hanggang marating ang Gerona, dito namin nakilala si tatay na miyembro ng Hataw Padyak. Umuwi siya ng kanilang probinsya dahil sa kanyang kapatid, sinabayan namin siya hanggang sa marating niya ang kanilang lugar at kami naman ay dumerecho na papuntang Paniqui sa Tarlac. Dito naman namin nakilala si Kuya Jo na taga-Batangas. Isinabay na namin si Kuya Jo sa aming biyahe dahil sa Baguio rin ang punta niya.
Bandang ika-10 ng umaga, sinalubong naman kami ni Kai, kaibigan ko na taga-Rosales, Pangasinan. Nag kape at kwentuhan lang saglit sa bahay nila at sinamahan na rin niya kami papuntang arko ng Benguet, ika-3 na ng hapon nang makarating kami ng arko konting picture lang at nag-ride out na kami ulit patungo sa Kennon road na binuksan na pagkatapos ng matagal na panahon.
Masaya at excited ang lahat ng bigla kaming harangin ng mga pulis sapagkat bawal daw dumaan ang bisikleta, sa kabila ng pagtataka na halos lahat ng sasakyan ay nkadadaan wala kaming nagawa kundi bumalik at sa Marcos Highway nalang dumaan, 4:47 ng hapon ng magsimula kaming umahon sa Marcos Highway ramdam na ang puyat at pagod ngunit nagpatuloy pa din kami kahit mabagal ang aming pag-padyak. Hapon na nang dumating kami sa Rotary Club sign, pumadyak pa nang kaunti hanggang maka-feel na kami ng gutom. Dito na rin nag-umpisang sumakit ang tuhod ni Paul. Pagkatapos kumain ay nagpatuloy na kami sa pag-padyak, madilim at matatarik na ahon ang tinatahak naming ruta kasabay ng pagod puyat at masakit na tuhod ni Paul, bandang ika-9 ng gabi ay nagpasya kaming mag kape at magpahinga habang nakikipagkwentuhan sa mga lokal doon. Ika-10:26 na ng gabi nang makadaan kami sa tunnel at 11:18 ng gabi naman nang marating namin ang bungad ng Baguio. Disyember 25 ng makahanap kami ng Inn na tutulugan, nag-cup noodles lang kami at natulog na rin upang makabawi sa aming pagod sapagkat mahaba-haba pa ang ruta na aming tatahakin.


DAY 2 (Baguio City)
Ikalawang araw ng paglalakbay, Dec.25, 2023, nagising kami ng maaga sapagkat kailangan ng umuwi ni Kuya Jo sa Batangas, bagama’t pagod, puyat at masakit ang mga katawan namin, pinilit namin bumangon upang ipagpatuloy ang paglalakbay. Alas-otso ng umaga ng ihatid namin si Kuya Jo sa kanto na kanyang dadaanan. Nag kape at tinapay lamang kami bago tuluyang umuwi si Kuya Jo sapagkat ang goal lamang niya ay marating ang tuktok ng Baguio. Pagkatapos noon ay bumalik na kami ni Paul sa inn na tinuluyan namin upang ayusin ang mga gamit namin at makapagpahinga pa kahit kaunti.
Alas-dose na rin noong kami ay mag-ride out patungo sa Burnham Park sapagkat napagdesisyunan namin kagabi na sa Baguio City na lamang muna gumala sapagkat masakit pa ang tulod ni Paul. Sa Burnham na rin kami kumain, gumala at nagpahinga. Ala-una ng hapon ng umalis kami para pumasyal sa Igorot Stone Kingdom sapagkat unang beses palang ni Paul makagala sa Baguio, pagdating doon ay manghang-mangha si Paul sa ganda ng lugar at mga tanawin, sinulit namin ang mga picture at video sa lugar na yun. Lagpas 4:00 pm na ng kami ay mag-ride out patungo sa strawberry farm, at diretso sa sa Latrinidad, Benguet. Nag-picture lang kami saglit at bumalik din kami kaagad sa Burnham Park upang humanap ng matutulugan.


Isang ka-grupo naman ni Paul ang komontak sa amin sapagkat nauna siya sa mga kasamahan niya dahil sumakay siya ng bus, ang ruta nila ay sa Atok, Benguet. Na-meet at nakilala ko si Ronald at nagpasya akong isama na muna siya sa tutuluyan namin sapagkat napaka-lamig noong mga sa oras na iyon. Pagkatapos ng konting kwentuhan tumuloy na kami sa inn na aming tutulugan, iniwan lang namin ang mga gamit upang makabili ng pagkain namin pagkatapos ay bumalik na din kami sa inn para makapagpahinga.
Day 3 (Baguio City – Atok)
Ikatlong araw ng aming paglalakbay, ang aming plano ay makarating sa Buguias upang doon humanap ng matutulugan bago magpatuloy sa Tinoc o sa new highest point road system sa bansa (dahil ang unang plano talaga namin ay maabot ito at pagkatapos ay tumuloy ng Sagada kapag may sapat pa na oras at budget). Alas-otso na ng umaga noong kami ay makaalis, sinalubong kaagad kami ng matatarik na ahon at malalalim na lusong kasabay ng payapang panahon, malamig na klima at magagandang tanawin. Habang lumulusong ay nakilala namin si Kuya Froilan sa daan, isa ring siklista na taga-Nueva Ecija. Nakipagkwentuhan siya sa amin at nagbigay ng maraming ideya sa mga daan at nagpaalala na mag-ingat sa mga truck ng gulay lalo na sa Halsema Highway.
Nagpatuloy kami sa mahahabang ahon ng Benguet, 10:30 na ng umaga ng marating namin ang bungad ng Atok, dito na rin nagkaroon ng mahahabang lusong. Bago kami umahon uli ay nagmiryenda lang kami sandali at nagpatuloy kami sa pag-ahon. Ganap na ika-12:30 ng hapon, huminto ulit kami dahil pinupulikat uli ang paa ni Paul, kasabay ng masakit niyang tuhod. Nang maka-recover, nagpatuloy na kami sa pagpadyak at habang papalapit na sa Halsema Highway ay mas lalo pang gumaganda ang mga tanawin. Ngunit bago magpatuloy sa mata-tatarik na ahon, ay nagpasya muna kaming mag kape ulit sa gedli ng napakagandang tanawin. Matapos makapagpahinga ay tinahak na namin muli ang matarik na ruta, matataas na bundok, at mga malalalim na bangin na ang aming nadaanan.


Pitong kilometro bago marating ang tuktok ng Atok, ang old highest point ay mas lalo pa namin na enjoy sa kadahilanang kapantay na ng mga ulap at mga bundok and aming dinadaanan. Sa kabila ng pagod ay nagpatuloy pa rin kami sa pagpadyak kasabay ng excitement na marating ang isa sa aming pangarap na ruta. Habang lumalapit ay palamig narin ng palamig ang temperatura. Padyak pa more at ayun! Narating namin ang tuktok ng Atok na may taas na 7,400 masl. Sinulit namin ang mga tanawin, kumuha ng mga larawan, at nagkape na naman kami sa Atok View Deck, at dito na rin kami naabutan ng grupo ni Ronald na nakasama namin sa Baguio.
Ganap na alas 5:00 ng hapon nang magpasya na kaming humanap ng matutuluyan sa Atok sapagkat sobrang lamig na ng mga oras na yun at ang bayan ng Bugias naman ay may layo pang 32 km. Ika-7 na ng gabi nang makahanap kami ng transient house. Ngayong araw na ito ay may layong 55 km at 1,863 na elevation gain ang aming nagawa, wasak pero solid!
Day 4 (Atok – New highest Point Tinoc)
Ika-apat na araw ng aming pagbibisikleta, nagising kami ng alas-sais ng umaga para gumayak at magpatuloy sa aming pagpadyak. Bumungad sa amin ang ganda ng lugar na aming tinuluyan, kasabay ng sobrang lamig na klima, nag-almusal at nag-ayos na kami ng aming mga gamit. Ganap na 8:45 a.m. na nang kami ay makaalis dahil na-flat pa ang aking gulong. Dahil sa taas ng aming pinagmulan, puro lusong at magagandang tanawin ang sumalubong sa amin, patuloy kami sa pag-padyak hanggang marating namin ang bayan ng Bugias. Nagmiryenda lang kami sandali bago magpatuloy at mag-umpisa muli sa pag-ahon.


Makulimlim at pabugso-bugso na rin ang ulan, kasabay pa ang malamig na klima at pag-angat ng ulap sa mga bundok. Sinulit talaga namin ang ganda ng mga tanawin sa lugar na iyon. Nagulat at namangha talaga kami sa ganda ng Bugias, Benguet, bagama’t bihira lamang marinig ang lugar na iyon, isa malamang ang Bugias sa mga pinakamagandang tanawin na aming nadaanan. Naglalakihang bundok, malalim na mga bangin, mga hagdan (palayan) ng gulay ang nagpamangha sa amin. Nagpatuloy kami hanggang marating ang signage ng Sebang, ibig sabihin, dito na mag-uumpisa ang 10.7 km na matatarik na ahon patungo sa new highest point.
Bumungad kaagad sa amin ang napakatarik na ahon na talagang sumubok sa tatag at kakayahan namin. Habang lumalapit ay lalo namang tumatarik ang mga ahon, ganun pa man ay lalo namang gumaganda ang mga tanawin, marami na ring parte ng lugar ang halos mabalutan na ng ulap, subalit habang lumalapit kami ay ramdam narin namin ang matinding pagod dala narin ng puyat at ilang araw na pagod sa pag ahon sa mga bundok. Isa pang dahilan na malamang na nagpabagal sa amin ay ang masakit na tuhod ni Paul na ilang araw na rin niyang iniinda. Ganap na alas singko ng hapon ng sa wakas ay narating na namin ang pinakamataas na road system ng Pilipinas na matatagpuan sa Tinoc, Ifugao na my taas na 7,968 ft.or 2,428 masl. Nag-picture lang kami sandali at lumusong na rin kami para makahanap ng matutuluyan. Ganap na alas-otso na ng gabi nang makarating kami sa Abatan. Dito na rin kami naghanap ng matututuluyan para sa gabi.




Day 5 (Abatan – Sagada)
Ikalimang araw na ng paglalakbay, kagaya ng mga nakaraang araw, eh halos tanghali na kami nagising, dala ng sobrang lamig na panahon at pagod. Halos alas 9:00 na kami nakaalis at nag-umpisa ang biyaheng banayad na mga ahon patungo sa Sagada. Nag kape at tinapay lang kami sa daan at nagpatuloy na rin sa pag-ahon sa mga bundok. Malamig at payapang panahon ang bumungad sa amin, muli ay namangha ako sa magagandang pine tree na aming nadaanan. Alas-diyes ng umaga nang marating namin ang arko ng Mountain Province, dito ay patuloy pa rin ang mga banayad na ahon at dito ko na rin kinausap si Paul sa aking plano na gawing loop ang aking ride at dumiretso pa sa Banaue bago umuwi sa Bulacan, (sapagkat ang plano lamang talaga namin ay hanggang Sagada). Subalit sinabi ko kay Paul na ayaw ko magkaroon na pagsisisi kung hindi ko mapuntahan ang Banaue sapagkat malapit na lamang ito sa Sagada, agad namang tumugon si Paul at sinabing sasamahan niya ako hanggang makauwi, bagama’t alam ko na hirap na si Paul sa kanyang masakit na tuhod ay pinayagan ko pa rin siya na sumama sa akin subalit sinabi ko na kapag kailangan na talaga niyang umuwi ay sasakay na lang siya ng bus.


Nagpatuloy kami hanggang sa mag-umpisa na ang mahahaba at malalalim na lusong. Bago makarating sa ibaba ay nakilala naman namin si Claudin na isang foreigner na siklista at patungo sa Baguio, isa sa mga bagay na nagustuhan ko sa pagbi-bike touring ay ang makakilala ng mga bagong kaibigan. Nakipag-kwentuhan at nagpatuloy na rin kami hanggang mag umpisa ang ahon patungo sa Sagada, mahaba at banayad lang naman ang mga ahon. Ganap na 4:30 ng hapon nang marating namin ang signage ng Sagada at doon na kami nakahanap ng matutuluyan.


Day 6 (Sagada – Banaue)
Simula Sagada, papadyak uli kami patungong Banaue, kagaya ng mga naunang araw, late nanaman kami nagising dala na rin ng pagod at sa klima na sobrang lamig. Ganap na alas 9:00 ng umaga na kami nakaalis at ang plano ay umikot-ikot muna sa Sagada bago magpatuloy patungo sa Banaue. Excited kami na makita ang mga lugar sa Sagada na karaniwan lamang naming napapanuod sa mga vlog at naririnig sa mga kwento. Isang bagay na dati ay pangarap lamang namin marating at ngayon ay napuntahan na namin na gamit lamang ang aming mga bisikleta. Ilang kilometro pa lamang ang aming natatahak ay sobrang mangha at galak na ang aming nararamdaman, lalo na nang magsimula na kaming pumadyak sa gilid ng mga bundok na may maraming mga pine tree kasabay pa ng magandang panahon at malamig na klima.


Nagpatuloy kami sa aming ruta at mga alas-dose na ng tanghali nang marating namin ang bayan ng Bontoc. Dito ay kumain na rin kami ng tanghalian bago magsimula ulit sa pag-pedal. Patuloy naming tinahak ang mahahaba, subalit banayad na mga ahon kasabay pa ng matinding init ng panahon, kagaya ng mga naunang bayan sulit at napakaganda rin ang mga tanawin dito sa Bontoc. Marami din kaming nadaanan na mga waterfalls na halos sa tabi lamang ng kalsada, ganap na ika-tatlo ng hapon ng marating namin ang Ifugao at dito ay sinalubong naman kami ng makakapal na hamog na halos wala na kaming makita sa daan. Matapos ang mga ahon ay isang mahabang lusong naman ang aming tinahak hanggang sa marating ang Banaue View Point. Ganap ang aming kasiyahan ng sa wakas ay makikita na namin nang personal ang hagdang-hagdang palayan. Sa kabila ng maulap na panahon ay kita pa rin namin ang kagandahan ng lugar na iyon, pagkatapos namin makakuha ng ilang picture ay naghanap na rin kami kaagad ng matutuluyan. Ika-anim na ng gabi nang makahanap kami ng transient house at doon na rin kami nag hapunan.




Day 7 and 8 (Banaue – Bulacan)
Ika-pito at ika-walong araw ng biyahe sa aming ruta na tinawag naming Sagada Loop. Bago pa lamang kami matulog kagabi ay napagdesisyunan namin ni Paul na pumadyakin ang Banaue hanggang Bulacan sapagkat kailangang makaabot sa New Year si Paul dahil may family reunion na magaganap sa kanila. Bagama’t malayo pa ang ruta, ay tiwala kami na matatapos at makararating kami bago ang bagong taon.
Gumising kami nang maaga para gumayak at simulan ang natitirang araw sa aming paglalakbay. Paglabas pa lamang ng aming tinuluyan ay bumungad na sa amin ang nagagandahang mga rice terraces. Ang unang bahagi ng mga kalsada ay mga banayad na ahon lamang. Padyak pa more at nakarating na kami sa arko ng Banaue (kabilang side). Nag-picture lang kami saglit at nagpatuloy na sa aming paglalakbay. Isang mahabang lusong na naman ang tinahak namin papasok sa bayan ng Lagawe. Matapos ang napakahabang lusong ay kumain na kami ng tanghalian sa bayan ng Bagabag, Nueva Viscaya. Dito na rin nag-umpisa ang mahabang ahon bago makarating sa kapatagan na Solano.


Patuloy naming tinahak ang mga bayan ng Bayombong, Bambang, Aritao at Santa Fe. Mga alas-singko na ng hapon, nang narating namin ang arko ng Santa Fe, dito na rin kami kumain bago mag-umpisa muli sa mga huling ahon na tatahakin. Ganap na 6:30 p.m. naman nang marating namin ang arko ng Nueva Ecija, dito na rin nag-umpisa ang napakahabang lusong patungo sa bayan ng San Jose. Nakailang pahinga at kape rin kami bago makarating sa arko ng Cabanatuan (bago mag-ala-una ng umaga). Dito ay ramdam na ramdam na namin ang matinding antok at pagod sa pagpadyak.
Ika-3 ng umaga ay nagpasya kami na matulog muna ng sandali sa isang waiting shed sapagkat hindi na namin makayanan ang antok, makalipas ang dalawang oras ay nagpasya na kaming mag patuloy sa pag-pedal. Ganap na 6:00 ng umaga nang marating namin ang arko ng San Miguel, Bulacan, at dito naman ay nag-almusal na rin kami. Makalipas ang ilang oras (10 a.m.), naghiwalay na kami ni Paul sa bayan ng Balagtas, sapagkat ako ay papuntang Sta.Maria, Bulacan, at si Paul naman ay sa Marikina pa.
Alas-diyes pasado na ng umaga ng makauwi na ako sa amin, masaya na natapos ang isang pangarap na adventure, narating ang mga pangarap na ruta at nakita ang mga lugar na dati ay napapanuod at naririnig lamang sa mga iba. Dala ang mga alaala, mga larawan, video at dokumentaryo ng ginawang paglalakbay, kasama pa ng mga bagong kaibigan na nakilala sa daan, ay tiyak na patuloy akong tutuklas ng mga bagong ruta at patuloy na gagawa ng iba pang adventure gamit ang aking bisikleta.


Leave a Reply