ni: K. Burgos
Nagsimula ang ilan sa atin na maging aktibo noong panahon ng pandemya. Karamihan sa mga negosyo ay sarado at yung iba naman ay bilang lang ang oras ng operasyon. Mahigpit din ang mga awtoridad sa tuwing may mga bumibiyahe o dumadalaw sa mga lugar pasyalan o libangan. Pahirapan din ang makakuha ng ‘quarantine pass’ kung walang kang katanggap-tanggap na rason na maipapakita sa mga naka-toka sa boundary ng isang lugar . Kaya’t noong lumuwag-luwag na ang ilan sa mga “safety protocol”, marami sa atin ang hayok lumabas at lumanghap ng sariwang hangin. Isa na dito si Kim at ang kanyang mga kaibigan na nagplanong pumunta sa pinakamalapit na lugar panlibangan at para maranasan na rin nila ang kanilang unang bike camping trip.
Mapanuepe Lake na sumikat sa gitna ng pandemic. Maganda yung lugar at hindi mo iisipin na may ganitong lugar sa Pilipinas. Dahil sa mga vlogs na napapanuod namin sa social media site/s, naisipan namin at ang tropa na dito pumunta para sa unang bike camping namin.
Alas-tres na ng hapon kami umalis sa Malolos para maiwasan namin yung init sa daan. Unang stopover namin ay sa San Fernando, Pampanga para kumain at hintayin na rin yung iba namin kasama. Sumunod na pahinga namin ay sa Dinalupihan, Bataan, dahil alam namin na may madadaanan kaming mga ahon at para na rin may lakas kami papunta sa aming destinasyon. Masaya yung mga ahon papuntang Olongapo, medyo nagkahiwahiwalay pa nga ang grup0 dahil na rin sa mga ahon at yung mga nauna sa paglusong. Nakakatakot din ang daan dahil sa zigzag at madilim dito, kaya hindi ka basta-basta makatingin sa gilid ng daan.


Alas-singko na ng umaga noong makarating kami sa San Marcelino, Zambales. Sarado pa yung palengke, kaya naghanap muna kami ng lugar kung saan pwedeng magpahinga at kumuha ng konting tulog. Mga ilang oras ng paghihintay, nagbukas na rin ang palengke. Namili na kami ng kailangan naming pagkain at tumuloy na papuntang Mapanuepe Lake. Mainit yung daan papunta sa lawa, ngunit hindi ito naging antala dahil maaga pa, hindi pa namin masyadong ramdam yung init ng araw. Sakto lang din dahil may mga hinto para kumuha ng picture at video.




Nung malapit na kami sa lake dun lang namin napansin na wala pala yung isa naming kasama,
yun pala dun na siya nakarating sa bundok. Pero sa huli, nagkita rin kami sa campsite.
Pagdating namin sa Mapanuepe nag setup kaagad kami ng mga hammock namin, dun kami pumuwesto sa mapuno para magkaka-dikit kami. Swerte rin namin kasi may lamesa at upuan sa aming napiling pwesto. Yung iba pagka-set-up natulog na, yung iba naman nag-iikot at mayroon din na tumawid ng lake para bumili ng yelo at alak. Inuman at kwentuhan syempre ang mga naging aktibidades noong gabing iyon. Kinaumagahan, naghanda na kami para umalis at pumunta sa San Felipe, Zambales para doon tapusin ang tatlong araw na biyahe namin.


Maayos at maganda yung experience namin sa ride na ito at kahit unang beses lang mag-camp ng iba sa amin. Madami rin kaming natutunan na mga bagay pag dating sa bike camp/bike touring at kung paano namin i-seset-up ang aming mga gamit sa mga susunod pang mga ride.


Leave a Reply