ni: K. Roque
Tumutok naman tayo sa ating mga kapwa siklista sa Singapore na patuloy sa paghikayat sa mga babaeng siklista na lumabas at bigyan ng kapangyarihan ang isa’t-isa anumang lahi o kasarian nila. Walang tent at mga gamit pang-long tour kagaya ng iba, ang grupong ito ay hindi basta-basta matitinag at mawawala sa eksena ng pagbibisikleta sa Singapore. Hangga’t may ruta/lugar na maaaring nilang puntahan, patuloy pa rin ang kanilang pagpadyak upang makatakas sa realidad at magbigay ng inspirasyon sa iba. Ang mga susunod ay ang maikling istorya/artikulo ni K. Roque tungkol sa kanyang grupong Pedal Bellas.
Bakit nga ba nakakahumaling magbisikleta?
Yung sa mga araw na nagpapakitang gilas ang langit sa mga bukang liway way at mga dapit hapon nito, ikaw na nasa kalsada, “front row seat”.
Yung nakakarating ka sa mga bagong lugar at nakakakilala ng mga bagong tao na may katulad mo ring hilig sa bisikleta. “I belong.”
Yung mga ruta na akala mo hindi mo kayang tapusin pero natapos mo ng may ngiti, “Ngiting tagumpay.
Yung pagkatapos ng araw, makakarating ka sa bahay ng walang galos, ligtas at may bagong mga karanasan, Solb.
Na sa bawat paguwi ay may mga bago kang masasayang alaala na maidadagdag sa baul ng iyong karanasan, tsaka mo masasabing buhay ka nga.
Dati na akong nagbibisikleta sa Pilipinas pero hindi naman ako yung “hardcore” talaga. Pagkalipas ng mahigit sampung taon; lumipat ng bansa, bumuo ng pamilya at naka anak, nagdesisyon akong panahon na para bumalik sa pagpadyak. Mula mountain bike naging road bike; mula sa pagakyat at pagbaba sa mga “dirt road” na ang iniiwasan ay mga ugat; ito ay naging mga paved roads na sumasabay sa mga peloton na mabibilis. Taong 2020, pagkatapos kong makatanggap ng bisikleta mula sa aking asawa, ako ay sumali sa una kong duathlon (run-bike-run). Nag aral akong gumamit ng sapatos na may cleats, nag ensayo ng run off bike. Lingid sa kaalaman ko na iyon na pala ang huling karera sa loob ng dalawang taon.
Nangyari ang pandemya. Akala ko masasayang ang bisikleta ko.
Lahat ng bansa ay nagpatupad ng lockdown, kami sa Singapore ay hindi pinayagang lumabas sa loob ng dalawang buwan kaya naman nasulit namin ang indoor trainer. Gamit ang app na Zwift, kunwari ay umaakyat kami sa mga bundok sa Europe, sumisikad sa mga kalsada ng New York, o sa mga lava formation sa Hawaii. Natutong umayon ang mga tao sa tawag ng panahon. Hindi makalabas, tayo na at gamitin ang “Virtual reality”.
Sayang walang mga ruta na hango sa Pilipinas.
Makalaunan, napayagan na kaming lumabas, pero may mga limitasyon parin sa bilang ng mga taong puwedeng magsama sama sa pagbibisikleta. Kasagsagan ng pandemya ng nabuo ang Pedal Bellas. Ito ay isang grupo ng mga babaeng siklista sa Singapore na nag lalayon na bumuo ng isang komunidad na sumusuporta sa mga kababaihan na gustong lumago ang kaalaman sa road cycling. Naging daan ang Pedal Bellas para lumalim pa ang pagkahilig ko sa bisikleta at sila rin ang naging kasama ko sa mga kompetisyon, sa mga paglalakbay at sa mga öff the bike kuwentuhan.





Noong sara pa ang mga borders, naging ruta namin ang mga akyat sa mga viaducts at highways, mga pagbisita sa mga parks, mga pag-akyat, baba sa mga hills. Maliit lamang na bansa ang Singapore kaya naman makalaunan, ibat ibang “challenge” na din ang sinasalihan namin para malibang. Isang beses may mga ka grupo akong gumawa ng 10k elevation challenge na pinauso ng Everesting. Kinumpleto nila ang 10,000m elevation gain sa isang ride na walang limitasyon sa oras at distansya nang walang tulog. Nakapag Audax 200km din kami na lahat ng mga nasa peloton ay babae.
Nang nag 2022, nagsimula kaming lumabas ng Singapore at naging paboritong puntahan ay ang bansang Malaysia. Magsisimula kaming sumikad ng 4:00am ng umaga para bago dumating ang ala sais ng umaga nakatawid na kami ng immigration ng Singapore. Bandang mga ala una nang hapon kami ay nakabalik na ng Singapore. Ang mga karaniwan na ruta sa Malaysia ay Kota Tinggi, Kulai, Desaru, Kukup, Kong Kong at Pontian.





Isa pang popular na destinasyon ay ang Indonesia. Makailan lamang ay pumunta kami sa Barelang para gawin ang ruta na Barelang 6 Bridges. Nakuha ko rin sumali sa kauna unahan kong road race sa Desaru Malaysia noong 2022.
Ang totoo, hindi ko alam kung bakit nga ba ako naimbitang magbigay ng artikulo dito samantalang hindi ko pa talaga naranasan na maglakbay ng ilang araw gamit ang bisikleta. Wala akong mailalahad na istorya ng pag “cacamping” o mga litrato ng bisikleta ko na may maraming karga na gamit. Ang pinakamalapit na siguro dito sa multi-day ride ay yung pumunta kami ng Johor Bahru Malaysia at nagbisikleta kami ng dalawang sunod na araw at umupa ng Airbnb sa siyudad.
Kaya siguro ang tanging maiiwan ko lang ay, malayo man o malapit, maikli man o mahaba, kargado man ng tent o hindi, ang bawat pagpasyal sakay ng iyong bisikleta ay ispesyal at kada pagpasyal ay hindi basta pasyal lamang. Ang kakayahan na pumadyak ay regalo na hindi matatawaran. Ang oportunidad na makakita ng maraming mga lugar na hindi nakakadagdag sa polusyon; ang pagkakataon na lumaya ang isip sa lahat ng mga aalalahanin at mabuhay sa mismong panahon na iyon lamang; ang sandali na lasapin ang bawat hinga, namnamin ang bawat nakikita ng mata.


Leave a Reply