Napasubo Sa Maling Akala

ni: R. Zach

Old highest point o yung pinaka-bagong highest point? Sino naman bang hindi ma-e-excite sa mga ganyang lugar? Kahit saan mang sulok ng Cordillera ka pumunta, e siguradong magiging sulit ang biyahe mo lalo na kung makakapunta ka at magpapalitrato sa mga ganitong lugar/landmark. Isa si Meo ang nagplanong bagtasin ang old highest point kasama ang kanyang tropa. Matagal na niyang plinano ito at naisakatuparan din niya gamit ang kanyang foldy. Ang mga susunod ay ang kanilang maikling istorya tungkol sa pag-ahon nila papuntang Atok sa Benguet.

Isa sa mga dream ride ko at iba pang mga siklista ang umahon sa old highest point dito sa Atok, Beguet. Ang planning nito siguro ay 1 month ago pa bago ito mag-long weekend. Actually, hindi ganuong ka seryoso kung itutuloy ba namin ito ng tropa dahil may iba na hindi makakasama sa ride. At ako naman ay nagdadalawang-isip pa. Dahil nasa isip ko na once in a lifetime lang ito at baka hindi na ito maulit next time, e nag-decide na akong sumama.

First day ng November 1, kinasa na namin ang dream ride na ito. Ang meet-up place namin ng tropa ay sa Cubao station, tapos mag-bus kami papuntang Baguio. Around 3 am dumating na kami sa Baguio na walang magandang tulog, gawa ng puro kalog sa bus. Pero okay lang kasi sobrang excited na kami, then nag-prepara na kami bago mag-ride out papuntang atok.

Una pa lang ng ahon at lusong na sinagupa namin ay talagang nakakapagod na talaga. Kahit nakakain na kami at malamig, e tila hinihila ka pa rin pabalik sa istasyon ng bus. Madilim pa nung mga oras na yun kaya medyo nahirapan ako sa pagtingin sa kalsada. Nakalimutan ko kasi i-charge ang aking ilaw na dapat sana gagamitin ko sa ride na ito. Buti na lang at may ilaw sa kalsada na gumagana dahil sa naipong solar energy. Bumanat kami ng 15 kilometro bago magpahinga sa susunod naming hinto. Ahon at talagang dahan-dahan kang pinapahirapan ng daan na ito. Alalay din kami sa isa naming kasama dahil hindi maganda ang kanyang pakiramdam dahil siguro sa kawalan ng tulog sa bus. Makalipas ang ilang oras, nakarating kami sa aming stopover at unti-unti na ring nagpakita si haring araw. Napakaganda ng tanawin sa Benguet at wala talaga akong masabi.

Nagpatuloy kami sa pagpadyak, at ang buong akala ko e kami lang ang nagbibisikleta papuntang Atok. Maya-maya pa ay may nakasabay na kaming isang siklista sa daan. Napatambay kame sa “D Ridge” isang tindahan at kapehan. May mga dumating din na iba pang siklista, kwentuhan lang habang nagpapahinga. Pagkatapos mag kape at magpahinga, nagpatuloy na kaming umahon kasabay ang iba pang siklista. Dahil sa gamit naming bisikleta at tinatantsa pa ang daan, nagdesisyon na kaming paunahin na lamang ang mga nakasalubong naming mga siklista. Dahil dito, mas nai-enjoy pa namin nang lubusan ang tanawin at syempre picture-picture din kung may time.

Habang umaahon kami sa ruta namin wala kaming nakitang tindahan na bukas. Kailangan na kasi namin bumili ng makakain. Sinunog na kasi ng katawan namin yung kanin at ulam na kinain namin malapit sa bus station. Kaya maganda talaga bago sumalang sa biyahe e magbaon ng ekstrang pagkain ng tubig para in case mangailangan ka, meron kang madudukot. Mga ilang kilometro pa ay nakakita na kami ng kakainan (sa wakas). Kain muna ulit at kape, nakitulog din kami ng saglit para may lakas ulit sa pag padyak. After ng kaunting tulog pumadyak na ulit kami. Hindi pa rin nauubos ang ahon at hindi pa din kami nakakarating sa old highest point, nagtaka kami na napakatagal naman bago ito marating. Buong akala namin ay 7km na lang e matatapos na namin yung ruta, mali pala!. Iyon pa lang 47km mula sa Baguio ang Atok na na-pin namin is yung bayan palang nang Atok at hindi pa yung highest point. Paktay!

Kaya yung narating namin ang 47 km nagtanong na ako sa lokal kung saan ba banda ang old highest point sign at ito ang sabi ni Manong, ” tatawirin ninyo pa yung siko ng dalawang bundok”. Approximately, mga nasa 15k pa siguro ang layo kung hindi ako nagkakamali (kaya lawit na ang dila). Padyak pa more at ang huling 15 kilometrong ito ang nagpalaspag sa akin. Matarik na daan, may mga nag-o-overtake na sasakyan at naglalakihang mga trak ito ang mga aming sinusubaybayan habang papanik ng highest point. Pagkatapos ng sampung kilometro, nagpahinga ulit kami sa may paanan ng kalye. Wasted na talaga kami noong mga oras na iyon, pero 5 kilometro na lang at mararating na namin ang aming destinasyon. Konting tiis pa at narating na namin ang highest point, dahil sa kalaspagan ko ay lumagpas pa ako sa sign ng old highest point na ito haha.

Napakasaya namin nung narating namin yun tuktok ng Halsema, nawala iyong pagod namin at lahat ng hirap, antok at kung anu-ano pa ay napalitan ng sigla. Nagpalipas din kami ng ilang oras sa tuktok. Picturan, uminom ng kape at kwentuhan tungkol sa mga hirap na dinanas namin papanik sa Old Highest Point. Ang original na ruta ng ride na ito ay hanggang Tinoc, Ifugao, pero di na rin kaya ng mga schedule namin, kaya nagdesisyon na lamang kami na sa susunod na ride na lang yun Tinoc i-set. Dahil sa mga pagsubok na naranasan namin pa ahon ng Atok, marami kaming natutunan sa ride na ito at ang pinaka-importante ay nabuo ang pagiging siklista namin.

Leave a Reply