ni: R. Owen
‘lto yung unang araw, kung isasama ba natin sa bilang ng kilometro ang ride na ito dahil dumaan muna ako sa bahay ng aking kapatid sa Pasig’. Ito ang simpleng pag-aalinlangan ni R. Owen noong plinano niyang mag-North Luzon Loop. Nag-umpisa siya sa isang marker sa Luneta. Ito ang tradisyon ng mga siklista na kung saan nagpapalitrato sa Km 0 bago sila dumirecho sa kanilang biyahe papuntang North o South. Dito rin nilang sinisimulan buksan ang kanilang odometer na patunay na magsisismula sila sa zero kilometer sa Maynila. Halina at basahin natin ang mga pagsubok na ni R. Owen habang binabagtas niya ang North Luzon Loop.



First day of my North Luzon Loop: Picture muna sa km.0 marker at pumadyak na ako pa North. Monumento, Valenzuela, Bulacan, hanggang sa Pampanga ang ‘napaka-habang patag’ sumabay pa ang init ng araw, andami kong naging hinto lakas kasi makalaspag ng init. Medyo natagalan din ako mag- decide kung isasama ko pa ba ang Bataan-Zambales o diretso na ako sa Tarlac-Pangasinan pero naisip ko minsan lang ito at baka di ko na maulit, kaya stick ako sa original plan ko na isama na ang Bataan – Zambales. Kaya from Pampanga, lumiko ako papuntang Bataan at doon na nga ako inabutan ng gabi. Isa sa mga rules ko na as much as possible, hindi ako mag-night ride para may sapat akong recovery dahil malayo-layo ang rutang ito at hindi naman ako nagmamadali. Basta mag-average ako ng 150km per day ayos na, huwag lang bababa ng 100km goods na yun. Ang goal ko ay ma-enjoy ko ang mga lugar at tanawin kada araw.
Sa Bataan, naghanap ako ng murang transient at swerte naman at nakakita ako kahit gabi na. Mabait ang may-ari ng transient house na natuluyan ko. Binigyan pa nga nila ako ng discount at mga relihiyoso din, pinasyal pa nga ako sa library ni tatay pinakita sa akin ang mga koleksyon nya ng bibiya.


Kinabukasan, ride-out na ako from Bataan going to Mariveles, napadaan ako sa isang lugar kung saan naganap ang Death March, na imagine ko ang hirap na dinanas ng mga Pilipino noon sa kamay ng mga hapon. May mga nakilala rin akong mga tao at napagtanungan ko rin sila kung saan ang tamang daan. Namangha din ako sa Ganda ng Mt. Mariveles na nabubulol pa nga ako noong una, ang sabi ko ay Mt. Marvelous. Dito rin pala ako nagka-problema sa puwet ko dahil lumala na yung blisters ko sa mismong sit bone ko, dalawa pa sila, at may tubig na, kaya hirap na hirap na ako sa pag-upo. Padyak pa rin at inabot na ako ng dilim sa Olongapo, kaya doon na ako naghanap ng matutuluyan.




Noong nasa room nako sinilip ko yung pwet ko at nag-alala na ako. Hindi dahil sa blisters, kundi baka hindi ko na mai-tuloy ang biyahe ko, kaya nag-search ako sa net kung ano pwede kong gawin, at yun na nga, pinutok ko yung blisters at pinalabas ko yung tubig pero hindi ko sya binalatan. Sabi ko, next day, bibili na lang ako ng bagong saddle na mas malambot para kahit paano hindi ako mahirapan. Okay na sana ang lahat ng maisipan kong mag-withdraw sa ATM ng pera dahil halos wala na akong cash na hawak at para makabili na rin ng pagkain. Sa hindi ko maipaliwanag na pagkakataon at sa kung anong kamalasan, kinain ng (na-stock) machine yung card ko! Walangh*ya talaga hahahahahaha! Namroblema talaga ako at lalo akong na-stress dahil sa mga bugaw sa gapo haha. Kaya nanghingi ako ng saklolo sa nanay ko na pahiramin muna ako ng pambudget dahil itutuloy ko pa rin ang biyahe ko dahil malayo-layo na ang aking inabot. Sayang naman kasi kung mag-abort ako, titiisin ko na lang din ang pwet ko, mas importante para sa akin yung loop dahil sa tagal ko ng plinano at pinaghandaan iyan.


Next day, kinontak ko yung kaibigan kong taga-Gapo, nagpatulong ako na masamahan ako sa bangko ko, hoping na makapag-withdraw ako ng pera over the counter tapos siya na lang din mag-claim nung ATM card ko na na-capture pero sa kinasamaang-palad hindi din ako nakapag-withdraw dahil hindi daw kasi yun ang mother branch ko kaya nagpadala ng pera ang nanay ko sa akin at bumili ako ng bagong saddle para sa pwet ko. Madami ang naaksayang oras na nakain sa pag-aasikaso ko sa bangko, kaya tinanghali nako nakapadjak paalis ng Gapo. Di pa nga ako nalalayo ng Olongapo, isa nanamang aberya ang nangyari, at ito ay na flat ang gulong. Mabuti at may nakasabay akong batang siklista na tinulungan akong magkumpuni ng gulong. Medyo nakaka-relate ako sa kanila dahil teacher ako sa senior high at para sa mga estudyante ko rin lang sila. Ang gaganda ng view sa Zambales, naaliw talaga ako.
Sa Iba, Zambales, nako nagpalipas ng gabi. Hindi naman naulan at malamig ang simoy ng hangin, kaya nag-hammock lang ako sa mga gas station na madaanan ko. Nagpapaalam lang ako sa mga gasoline boy para alam nila na nandoon ako at para tingnan-tingnan din nila ang mga gamit ko. Syempre may dala pa rin akong lock para secured pa rin yung bike ko baka kasi makursunadahan ng iba at mapilitan akong maglakad pauwi.




First time ko rin duman sa side ng Zambales kaya panay ang tingin ko sa paligid. Hanggang marating ko ang unang bayan ng Pangasinan kung galing kang Zambales. Ang bayan ng Infanta, Pangasinan. Sa aking paglalakbay, may nakainan pa nga akong masarap na pares doon bicolano din ang may-ari sarap na sarap ako kasi litson ang laman nito. Then napadaan ako sa Alaminos , Sual, at inabot nako ng dilim sa Dagupan City at doon na nagpalipas ng gabi at, in fairness malilinis ang mga gas station sa North.
Mula Dagupan, binagtas ko ang mga bayan ng La Union, Agoo, Bauang, San Fernando, San Juan, Bangar, Sudipen, then papasok na sa Ilocos Sur. Sa San Fernando, La Union, medyo nakaramdam ako ng kalaspagan dahil na rin siguro sa sakit ng pwet ko na inda-inda ko mula pa sa Bataan. Namahinga at naki-silong muna ako sa police outpost sa Pagdalagan. Mababait ang mga kaibigan nating pulis doon, inalok pa nga nila ako ng pagkain at naki-charge din ako ng cellphone. Maraming salamat po sa inyong hospitality! Pagkatapos noon, binisita ko yung kaibigan ko sa Bangar, sila yung nag-ayos ng sasakyan namin noon nung mag road trip kami ng family ko sa Ilocos Norte. At yun na nga, nung nasa welcome arc na ako ng Ilocos Sur, ay nabuhayan na naman ako bigla dahil nasa Ilocandia na ako, yehey! Nagpalipas na ako ng gabi sa Candon. Presko at malamig ang simoy ng hangin sa Ilocos sa western side ng North Luzon at walang ulan, kaya okay lang na mag-hammock. Dahil sa pagha-hammock medyo malaki rin ang natitipid ko for accomodations.





From Candon, tuloy ulit ang pag-pedal at sa tuwing may makikita akong pagkain na gawang Ilocano ay sinusubukan ko ito. Natuwa nga ako sa Sinanglao, kung may Kinalas sa Bicol sa Ilocos naman ay Sinanglao. Hindi natin pwedeng palampasin ang Vigan kapag tayo ay pupuntang norte. Isa yan sa mga sikat at historical places dito sa Pilipinas. Ewan ko pero gumana talaga imagination ko sa lugar na yan na-imagine ko mga kastila noon mga prayle at El filibusterismo at Noli Me Tangere hehehe at syempre kapag nasa Ilocos Norte, ang Paoay Church ay dapat hindi rin kalimutang bisitahin, syempre picture picture din. By the way, naging habit ko na tuwing December ay nagyi-year-ender ride talaga ako at pangatlong year-ender ko na ito na magpapasko sa daang ito. Ito rin ang unang beses ko na mag- bagong taon na wala sa bahay at kundi nasa daan.




Sa Laoag nako inabot ng gabi, may pulis na nag-suggest sa akin na may isang gas station doon sa unahan ng lugar. Wala daw kasama yung gasoline boy samahan ko na lang daw at nung makarating ako doon, ini-offer sa akin nung bantay yung parang stock room nila para matulog. Resulta? Sarap ng tulog!



The next day, ang sarap ng gising ko, malamig kasi parang nasa Baguio ka lang. Tuloy ang aking biyahe at napansin ko na wala na yung sakit ng pwet ko. Mukha yatang gumaling na lang ito ng kusa haha. Dito sa part na ito, ini-enjoy ko ang lamig ng simoy ng hangin at mga tanawin ng Ilocos Norte, kaya naman pala pagkalakas ng hangin at ang ginaw pa, eh; pagkalaki-laki pala ng mga electric fan na nakatayo sa Bangui hahahaha syempre picture picture din pag may time. Nung marating ko ang Pagudpud, dito naman bumuhos ang ulan. Dito na magsisimula ang challenge sa biyaheng ito dahil sa kabilang side or Eastern side ng Luzon ay maulan pala. Pagtawid ko ng Patapat Viaduct hanggang sa border ng Ilocos Norte at Cagayan Province ay maulan at malamig. At iyan na ang simula ng wet ride ko. Yung first half ay dry itong second half ay wet all the way! Malamig maulan sa Sta. Praxedes hanggang Claveria, Cagayan, doon may nakita akong murang inn at doon na ako nagpalipas ng gabi dahil basang-basa na ang mga suot ko at kailangan ko nang maglaba.




Kinabukasan, sobrang ginaw sa Claveria na para bang nasa Baguio lang ako sa lamig, sabay umuulan pa kaya basa talaga. Maganda ang mga view sa Claveria kaya di ko pinalagpas mag-picture-picture kahit maulan, tapos may naalala akong kalsadang mahaba na flat hanggang marating ko ang bayan ng Sanchez, Mira. May nakakwentuhan pa nga akong mga bata at nagulat sila nung malaman nilang galing pa ako sa Bicol at nagbisikleta lang ako hehehe. Pagdating ko sa bandang Pamplona, may nakasabay akong isang looper din si Romeo taga Alabat island sya sa Atimonan, Quezon. Sa unang tingin mo pa lang, malalaman mong bikepacker o bike tourer din dahil sa set-up ng bike nya nagkasabay kami dahil pareho lang din ang ruta naming dalawa. Kaya may nakakuwentuhan ako habang ako ay naglalakbay. Pero para sa akin, mas preferred ko ang mag-solo lalo na pag nag-tour ako dahil ayokong makaabala o ayokong maabala. Mas gusto ko rin na wala akong masyadong iniisip, ewan ko, pero yun ang style ko kasi. Ok naman si Romeo, kasabay ko sya pa Appari, tapos nagpalipas kami ng gabi sa may Magapit. Napag-usapan namin na dumaan din sa Sta. Ana Cagayan, since nandoon na din naman na kami, dulo din kasi ng North yun. Hindi ko rin malimutan ang kanyang sinabi na ‘minsan lang ang mga pagkakataon, gawin mo na habang nandyan ka’ dahil baka pagsisihan mo ito pagdating ng araw dahil pinalampas mo lang.
Padyak pa uli ng konti at nakakita kami ng gas station. Nakiusap kami maki-sampay ng hammock at magpalipas ng gabi, mabait naman yung mga bantay kaya nakapag set-up kami ng mga gamit namin. Next day, dumiretso kami papuntang Sta. Ana, Cagayan. Sobrang gaganda ng mga tanawin along the way at since dulo rin ang Sta.Ana eh, wala kaming choice kundi bumalik sa Magapit then dumiretso kami hanggang Alcala, Cagayan. Inabot na kami ng hatinggabi kaka-padyak. Medyo bothered ako dahil hindi ako nakapag-charge ng mga gadgets ko at low na rin ang power bank ko, kaya hindi na ako gaanong nakapag-picture. Naalala ko lang bigla, may konting aberya pa nga nang sumemplang ako dahil hindi ko nakita yung gutter sa gilid ng kalsada dahil sobrang dilim na at hindi ko na nga alam kung bundok o ahon lamang ang tinatahak namin. Basta bigla na lang kumukunat ang pagpadyak ko. Nang marating namin ang Alcala, naghanap kami ng pwedeng masilungan at sinabi ko kay Romeo na magpahinga na kami dahil mahina na ang paningin ko kapag madilim na. Hindi rin ’yon ang game plan ko, kaya kailangan din ng recovery. Nakakita kami ng police station sa bayan ng Alcala, at sinubukan naming kumatok kaso hating-gabi na yun at nauunawaan ko kung bakit nag-aalangan yung mga pulis na patuluyin kami kaya nag-suggest sila na doon na lamang kami sa ibaba may parang outpost doon na pwede kami magsabit ng hammock namin kaya nakapagpahinga din kami.
Sunod na araw, binagtas na namin ang daan hanggang Tuguegarao at Isabela. Sa Tuguegarao, nakalasap kami nang sikat ng araw (sa wakas) dahil ilang araw na rin kaming basa sa ulan hanggang sa inabot na kami ng gabi sa Ilagan, Isabela, at doon na kami naghiwalay ni Romeo dahil meron akong dadaanang kakilala sa Santiago, baka maabala ko ang takbo niya kaya sinabi ko sa kanya na maaari na siyang mauna. Sabi nya pupunta rin daw siya ng Baler, so sabi ko, baka magkita ulit kami doon.



Next day, akala ko tuloy-tuloy na ang magandang panahon dahil mainit na sa Tuguegarao hanggang Ilagan, Isabela, kaso bumuhos na naman ang ulan kaya babad na naman ako sa ulan. Sa may gawing Cauayan, Isabela, nasalubong ko isang grupo ng mga cyclist, mga folding bikers, at papunta daw sila sa Appari year-end ride din nila ito, at masasabi ko na madami talagang may long ride tuwing December. Nung nasa Santiago na ako, nagkita kami ng pamilya ng isa kong Godbrother, nagka-kwentuhan at kumustahan; pinakain din nila ako. Matagal-tagal din kaming hindi nagkita, nasa Laguna pa ako noon nung huli kami magkita. Parang ayoko na nga sana umalis, kaso may sinusunod akong schedule kaya kailangan ko nang ipagpatuloy ang aking paglalakbay. Tinuruan niya ako ng magandang daan pa Saguday, para mabilis ako makarating sa Aglipay at diretso papuntang Baler (nasa plano ko talagang puntahan yun para sulit ang North Luzon Loop ko). Sa Aglipay, may nakita akong laundry mat at nakiusap akong magpa-wash and dry ng mga jersey ko dahil basa na at madudumi na lahat. Mabait naman sila nanay at pumayag na express nila labahan ito kaya hinintay ko na lang hanggang matapos. Inabot ako ng dilim sa bandang Maddela at nagdesisyon na akong humanap na ng matutuluyan dahil walang humpay ang ulan at kailangan ko nang maglinis at mag-charge ng mga gadgets. Yun din advice sa akin nung bike mechanic na nagtono ng bike ko sa may Saguday, sabi nya, paghandaan ko daw pagdating ko ng Nagtipunan dahil matitinding mga ahon ang babagtasin ko doon at medyo kinabahan tuloy ako.
Sumunod na araw, hindi nga nagkamali si kuya, dahil pambihira ang mga ahon at lusong doon sa Nagtipunan. Mapapamura ka talaga kahit nagbagong buhay ka na, sabayan pa ng ulan na walang humpay may times pa nga na di makita ang daan dahil sa fog tapos pudpud na din palan yung brake pads ko walangh*ya; muntikan na ako sa mga lusong dun grabe! Isa yan sa mga lesson ko na natutunan, dapat magbaon ng extra brake pads lalo kung malayo ang pupuntahan. Kung gaano nakakatakot ay ganon din naman kaganda ang mga view sa lugar na yan lalo na pagnating mo na ang Dipaculao. Wow talaga sa ganda! ; partida maulan pa! Pano pa kaya kung maganda ang panahon?




Sobrang lakas ng ulan sa ride ko na ‘yan. Basang-basa talaga ako. Nang marating ko ang Baler at original plan ko pa sana ay mag-stay ako diyan para mamasyal, kaso naisip ko badtrip yung ulan kaya itinuloy ko na lang ang biyahe ko. Sa Baler na ako magpalipas ng gabi. The next day, medyo tumila na ang ulan kaya sabi ko hindi man ako makapamasyal sa Baler, at least magpa-picture man lang ako sa plaza nila hehehe. Habang nagaalmusal ako, pinag-iisipan ko kung saan ba ako dadaan palabas ng Baler papuntang Manila at yun na nga sa Bongabon ako dumaan at akalain mo di pa pala ako nakapag-palit ng brake pads kaya mahina ang preno ko. Mabuti na lang at hindi na maulan nung araw na yun kaso, katakot lumusong sa mga sa mga bundok ng Bongabon. Kaya may mga lakad moments ako kesa maaksidente.
Ang ganda ng Labi River! At parang ang sarap maligo dito, kaso di ko na nagawa, kaya picture na lang. Walang ulan noong araw na iyon. Matingkad din ang sikat ng araw, kaya nagdesisyon akong magpahinga sa Palayan, Nueva Ecija. Nakilala ko si Nanay na nagtitinda ng BJ (buko juice) at banana cue. Naikuwento niya sa akin na ang Palayan City, Nueva Ecija lang daw ang siyudad na walang mga shopping mall o kahit Seven Eleven. Sabi ko naman kay nanay, eh ok lang kasi hindi din naman ako mahilig magpunta sa mga lugar na yun, mas gusto ko pa nga dumami nagtitinda ng buko juice at banana cue tulad niya para mas-healthy mga tao. Habang nakikipag-chikahan kay Nanay naisip ko na kailangan ko ng makapagpalit ng brake pads, kaya hahanap ako ng bike shop sa Cabanatuan at doon na rin ako nagpalipas ng gabi. Hanap ulit ako ng pwedeng paglipasan ng gabi. Nakita ko yung police station ng Cabanatuan at sa tapat ng istasyon ay may parke. Nagpaalam ako sa pulis na kung pwede ba akong mag-hammock sa park at pumayag naman siya. Shout-out nga pala sa kanila, pinag-kape at pinakain pa ako ng nilagang saba pagkagising ko.




The next day, pagkagising ko ng umaga, bisperas na ng bagong taon, naisip ko dapat makarating ako sa Pasig sa kapatid para doon mag-celebrate ng bagong taon, kaya mula sa Cabanatuan Police Station, nagpaalam na ako sa mga kaibigan nating pulis doon at nagpasalamat sa pag-accommodate sa akin. Napakaganda ng araw noon, maaliwalas ang kalangitan at ang sarap pumadjak. Dumaan ako saglit sa Tagpuan Sa Lumang Gapan para makita yung mga old houses nila doon tamang Vigan feels din ang bagsakan, nakakatuwa dahil kino-contemplate ko yung mga ilang araw na nakalipas na pinadjak at heto na malapit ko na mabuo yung loop. Bigla ko rin naalala yung nabili kong brake pads sa Cabanatuan. Hindi ko pa pala napapa-install, kaya naghanap ako ng bike shop at nakarating ako sa Bisikleta.com bike shop sa San Rafael, Bulacan. Shoutout nga pala sa kanila sa napakainit na hospitality, pinakain pa ako at nilinis yung bike ko na sobrang dumi na dahil sa ilang araw na biyahe; ‘Sala sa init, Sala sa lamig’ hehe. Para akong bagong tao nung malakas na ulit ang preno ko hahaha. Dumaan ulit ako sa Luneta para mag picture-picture sa km. 0 landmark bilang tradisyon na kung saan ka nagsimula ng loop, doon ka rin magtatapos, kaso di pala doon magtatapos ang biyahe ko dahil wala pa akong ticket sa bus pabalik ng Bicol, pero hindi ko na muna inisip yun masyado dahil mag-celebrate na muna ako ng bagong taon sa bahay ng kapatid ko sa Pasig.




The next morning, unang araw ng bagong taon, di ako gaano nakatulog dahil sa ingay ng putukan sa pagsapit ng bagong taon, na-realize ko na nasa Maynila na nga talaga ako. Ang ingay eh haha, naisip ko na magbakasakali na lang ako ng chance passenger sa mga bus na madaanan ko na biyaheng Bicol kahit cutting trip na lang para makapagpahinga na din ako kaya pinadjak ko na lang at dumaan ako sa backdoor via Taytay, Morong, Pililia, Mabitac. Tapos na flatan ako sa bandang Famy, kaya doon na ako nananghalian then pajak ulit pa Cavinti, Louisiana hanggang Lucban, Tayabas, at inabutan nako ng dilim sa Pagbilao, kaya naisipan ko na doon na lang magpalipas ng gabi at kinabukasan ako maghahanap ng bus pa Bicol.


Sunod na araw, paggising ko ay medyo hindi ako nasiyahan dahil malakas talaga ang ulan at mukha yatang masama ang panahon. No choice naman ako kasi kailangan ko na rin umuwi dahil may pasok na ako sa trabaho, teacher kasi ako sa DEPED high school at mga senior high ang tinuturuan ko. Pasukan na naman kasi kaya kailangan kong makabalik sa amin bago mag pasukan. Sa di inaasahang pagkakataon hindi talaga tumigil ang ulan mukhang may paparating na bagyo o low pressure kaya buong biyahe ko mula Pagbilao basang basa talaga ako. Bawat bus station na madaanan ko, e, lahat walang bus, puro puno o fully-booked, tapos napakadami ng pasahero na nagbabakasakali din makakuha ng upuan, kaya napaisip ako na pag hindi pa rin ako makakuha ng bus sa Tagkawayan, Quezon kaya itutuloy ko na hanggang Bicol ang pag-pedal ko. Nang makarating ako ng Tagkawayan bandang hapon, basang-basa ako dahil sa lakas ng ulan at wala pa ring bus na makuha, kaya nag desisyon na ako na doon na muna magpalipas ng gabi, tutal masyadong malakas ang ulan, mahirap na makipagsapalaran sa kalsada, at giniginaw na din ako nung mga oras na iyon.
The next day, mula Tagkawayan, wala pa rin humpay ang buhos ng ulan, pero dahil kailangan ko na makabalik sa Bicol, pinadjak ko na ito. Umabot din ako sa Naga City at nabalitaan ko na magsu-suspinde (may bagyong paparating) daw ng klase ang mayor namin, kaya nag desisyon na akong magpalipas ng gabi sa Naga dahil giniginaw na rin ako. Kinaumagahan, tinuloy ko pa rin pumadjak kahit umuulan para makauwi na ako sa aming bahay. Nakarating naman ako ng safe ngunit basang-basa sa ulan. Ito na rin ang finale ng aking North Luzon Loop.


Leave a Reply